Pagmamasid sa Daigdig
Pag-unawa sa Wika ng Aso?
Isang pagawaan ng mga laruan sa Hapon ang nakalikha ng isang aparato na nilayong magsalin ng mga kahol ng aso sa wika ng mga tao, ang ulat ng Japan Information Network. Ang gadyet ay binubuo ng walang-kawad na mikroponong nakakabit sa kulyar ng aso at naghahatid ng mga tunog sa isang maliit na receiver. Ipinapalagay na ang receiver ang nag-aanalisa ng kahol ng aso at nag-uuri sa mga ito sa anim na emosyon: pagkabigo, pagkagalit, kaligayahan, pagkalungkot, pagnanais, at paggiit. Ang mga resulta ay ipinakikita sa liquid crystal display ng receiver, at kasama sa mga ito ang mga pariralang gaya ng “Masaya ako!” “Nakaiinis!” at “Halika, maglaro tayo!” Sinabi ng pagawaan na nakapagbenta ito ng 300,000 aparato sa halagang tig-$100 sa Hapon at inaasahang aabot ng mga isang milyong yunit ang maibebenta kapag dinala ito sa Timog Korea at Estados Unidos.
Walang Tiwala sa mga Simbahan
“Labis na nagtitiwala ang mga Aleman sa pulisya at hukbo, pero hindi sila nagtitiwala sa mga simbahan,” ang ulat ng pahayagang Leipziger Volkszeitung. Sa “surbey [nito] hinggil sa pagtitiwala,” natuklasan ng World Economic Forum na sa 17 pangunahing pampublikong institusyon, ang mga simbahan ang huli sa talaan ng pinagkakatiwalaan. Sinabi ng sosyologo na si Armin Nassehi na sa mga panahong ito na lumalaganap ang kawalan ng kapanatagan, mas nagtitiwala ang mga Aleman sa mga organisasyong “nakakakilala ng mabuti at masama,” gaya ng pulisya at hukbong sandatahan. Bakit nawawala ang tiwala sa mga simbahan? Ang sabi ni Nassehi: “Sa kabila ng kanilang panunumbalik sa pagiging relihiyoso, hindi naniniwala ang mga tao na malulutas ng mga simbahan ang kanilang tunay na pangunahing mga suliranin.” Sinabi niya na “puro ritwal lamang ang ibinibigay” ng mga simbahan sa Alemanya.
Pagdidiborsiyo ng mga Nasa Katanghaliang Gulang
Sa Alemanya, “mas maraming mag-asawa higit kailanman ang naghihiwalay pagkatapos ng matagal na pagsasama bilang mag-asawa,” ang ulat ng Berliner Morgenpost. Si Gina Kästele, isang espesyalista sa suliraning pangmag-asawa mula sa Munich, Alemanya, ay nagsabi na ang lumalaganap na pagiging independiyente ng kababaihan, lalo na pagdating sa pananalapi, ang pangunahing salik. “Naiwala na ng lalaki ang dating pagkakakilanlan sa kaniya bilang tagapaghanapbuhay,” ang sabi ni Kästele. Ang karaniwang pangmalas ay na ang pagdidiborsiyo sa katanghaliang gulang ay bunga ng pagpapaliban sa pagdidiborsiyo hanggang sa bumukod ang mga anak. Subalit malimit na ang mga pagdidiborsiyo ng mga nasa katanghaliang gulang ay bunga ng pagtataksil ng asawang lalaki, ang sabi ni Kästele.
Ang Kapangyarihan ng Ngiti
“Hanggang sa 74 na porsiyento ng mga tumugon ang ayaw makipagnegosyo sa malulungkuting tao, at hindi gusto ng 69 na porsiyento ang makipagkaibigan sa kanila.” Gayon ang ulat ng magasing Wprost hinggil sa isang pag-aaral na ginawa ng Institute of Sociology sa Jagiellonian University sa Kraków, Poland. Ang isang binanggit na dahilan ay na kadalasang ipinapalagay na may inililihim na bagay ang malulungkuting tao. Matagal nang alam ito ng mga taong laging nakaharap sa publiko, na siyang nagpapaliwanag kung bakit ang mga “pulitiko, negosyante, sikat na mga artista, tagapagbalita sa TV, at mga nagtatrabaho sa pakikipag-ugnayang pambayan, mga nagbebenta, at ahente ay [napakadalas na] nakangiti,” ang sabi ng Wprost. Natuklasan din ng mga mananaliksik na kapag ngumingiti tayo, mas maraming dugo ang umaakyat sa ating utak, at pinagaganda nito ang ating pakiramdam. Sinabi ng isang negosyanteng babae: “Sinisikap kong ngumiti kahit ayaw kong ngumiti. Kapag ngumiti ako, nagbabago ang saloobin ko, at talagang mas pinagaganda nito ang pakiramdam ko.”
Pag-iingat sa Sigâ sa Kampo
Mahigit na 70 porsiyento ng mga pasò ng mga bata mula sa sigâ sa kampo sa Australia ay “sanhi ng mainit na baga sa halip na apoy,” ang ulat ng Medical Journal of Australia (MJA). Isa pa, ang karamihan sa mga pasò mula sa sigâ sa kampo sa Australia ay nangyayari “sa umaga matapos ipalagay na napatay na ang sigâ sa kampo.” Paano nagkagayon? Natuklasan ng mga mananaliksik na kapag pinatay ng tubig ang mga sigâ sa kampo, ang mga baga at abo ng sigâ ay bumababa nang 16 na digri Celsius pagkalipas ng walong oras. Sa kabaligtaran, ang mga sigâ sa kampo na pinatay ng buhangin ay nananatiling mainit hanggang 91 digri Celsius pagkalipas ng walong oras—sapat na para malubhang makasunog sa katawan pagkalipas ng isang minuto na madaiti ito sa balat. “Yamang natatago ng buhangin ang panganib kapag ipinampatay ito ng apoy,” ang sabi ng MJA, “ang tanging ligtas na paraan para patayin ang sigâ sa kampo ay sa pamamagitan ng tubig.”
Nakakakanser na mga Nunal
Ang karamihan sa mga nunal sa balat ay di-nakapipinsala. Gayunman, makabubuting mag-ingat sa nakakakanser na mga nunal. Ayon sa pahayagang Milenio ng Mexico City, narito ang sumusunod na mga palatandaan ng isang nunal na dapat mong patingnan sa doktor: Hindi kasinlaki ng kalahati ng nunal ang kabilang bahagi, di-pantay-pantay ang gilid nito, may pagbabago sa kulay at laki nito, ang diyametro ay mas malaki nang 0.6 sentimetro [kasinlaki ng pambura ng lapis], o nagdurugo o nangangati ito. Sinabi ni Dr. Nancy Pulido Díaz, mula sa La Raza National Medical Center: “Ang kailangang lalong pag-ingatan ay ang mga nunal na taglay na ng mga tao mula sa pagsilang at yaong tumutubo sa mga palad at talampakan.”
Pagkatuto ng Isang Banyagang Wika
Gusto mo bang matuto ng isang banyagang wika? Ibinigay ng magasing Poradnik Domowy ng Poland ang sumusunod na kapaki-pakinabang na mga mungkahi. “Ang likas na aspekto ng pagkatuto ng isang wika ay ang pagkakamali. Ang pagtanggap sa katotohanang ito ang unang hakbang para magtagumpay.” Karagdagan pa rito ay “ang pagiging handang makipagsapalaran.” Kung hindi natin alam sabihin ang isang bagay, “kailangan nating magtiwala sa ating kutob, o dapat lamang tayong manghula kung minsan,” na mas mabuti kaysa sa hindi magsalita. “Bihira nating matanto na maaaring ang pinagmumulan ng ating mga problema ay pagkatakot o pagkapahiya,” ang sabi ng magasin. “Kung madaraig natin ang mga kahinaang ito, walang-alinlangang bibilis ang ating pagsulong.” Ang isang mabuting guro ay makatutulong din sa isa para madaig ang pagkatakot at upang sumulong nang mas mabilis.
“Pumatay ang Karahasan ng 1.6 Milyon Katao”
“Pumatay ang karahasan ng 1.6 milyon katao noong 2000, katumbas ng namatay sa tuberkulosis at nahigitan ang bilang ng mga namatay sa malarya, ayon sa isang bagong ulat ng World Health Organization na sumubok sa kauna-unahang pagkakataon na tiyakin ang lawak ng napakaraming uri ng kalupitan,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Ang pagtantiya ay nakasalig sa mga tinipong datos mula sa 70 bansa at kasali rito ang digmaan, pagsalakay, pagpapatiwakal, at pamamaril. “Natuklasan ng mga mananaliksik na halos 3% ng lahat ng kamatayan sa daigdig ay kumakatawan sa mga namamatay sa karahasan,” ang sabi pa ng artikulo. “Ang saklaw ng karahasan—laban sa kababaihan, mga bata, may edad na, kabataang mga lalaki at sa mga pamayanan sa pangkalahatan—ay lumalabas na mas malawak pa kaysa sa inaasahan nila. Ang isa sa dahilan niyan, ang sabi ng mga mananaliksik, ay kadalasang hindi napapaulat ang karahasan.” Ang klasipikasyon ng mga kamatayan dahil sa karahasan ay: Pagpapatiwakal—50 porsiyento, pagpatay ng tao—30 porsiyento, at digmaan—20 porsiyento. Ang Silangang Europa ang may pinakamataas na bilang ng pagpapatiwakal, na pinangungunahan ng Russian Federation at Lithuania. Ang Albania ang may pinakamataas na proporsiyon sa mga kamatayang nauugnay sa baril —22 bawat 100,000 katao. Ang Estados Unidos ay may 11.3 bawat 100,000, samantala, ayon sa magkasunod na bilang, ang United Kingdom at Hapon ay may 0.3 at 0.1 sa bawat 100,000.
Paligsahan ng Tunog
Gaano ba kalakas ang tunog ng stereo sa kotse ng isang tao kaysa sa iba? Ang tanong na ito ang lumikha sa isang bagong internasyonal na kompetisyon na kilala bilang dB drag racing, ang ulat ng National Public Radio, sa Estados Unidos. Sa organisadong mga pagtitipon, ang lakas ng mga stereo ng kotse—sinusukat sa decibel, o dB—ay sinusubok sa pamamagitan ng mga instrumentong ikinakabit sa loob ng mga sasakyan. Hindi sinusukat ang tunog na naririnig sa labas ng kotse, kaya inaayos na mabuti ng mga kalahok ang kayarian ng kanilang mga kotse para hindi lumabas ang tunog. “Sa mga sasakyang labis na binago, . . . ang mga bintana ay pito [o] sampung sentimetro ang kapal,” ang sabi ng kalahok sa paligsahan na si Wayne Harris, “at ang mga pinto ay pinatibay ng mga kongkreto at bigkis na bakal.” Hindi nauupo sa loob ng kotse ang mga kalahok habang nakatodo ang kanilang mga stereo—at makatuwiran naman.