Ang Pananamit at Pag-aayos ang Naging Katitisuran Ko
AYON SA SALAYSAY NI EILEEN BRUMBAUGH
PINALAKI ako sa relihiyong Old Order German Baptist Brethren, na kahawig ng mga relihiyong Amish at Mennonita. Ang kilusang Brethren ay nagsimula sa Alemanya noong 1708 bilang bahagi ng espirituwal na pasimula ng tinatawag na Pietismo. Sinasabi ng The Encyclopedia of Religion na ang Pietismo ay kilala bilang isang “ideya tungkol sa sangkatauhan na nangangailangan ng ebanghelyo ni Kristo.” Ang paniniwalang iyan ang umakay sa kilusan na maglunsad ng matagumpay na mga kampanyang pagmimisyonero sa iba’t ibang lupain.
Noong 1719, dumating ang isang maliit na grupong pinangunahan ni Alexander Mack sa tinatawag ngayong Pennsylvania, sa Estados Unidos. Mula noon, karagdagan pang mga grupo ang naitatag at naghiwa-hiwalay. Ang bawat grupo ay nanghawakan sa sariling interpretasyon nito sa mga turo ni Alexander Mack. Ang aming maliit na simbahan ay may mga 50 miyembro. Idiniin sa amin ang pagbabasa ng Bibliya at mahigpit na pagsunod sa opisyal na mga desisyon ng mga miyembro ng simbahan.
Sa loob ng di-kukulanging tatlong salinlahi, nanghawakan ang aming pamilya sa relihiyon at paraang ito ng pamumuhay. Sumama ako sa relihiyong ito at nabinyagan noong ako’y 13 anyos. Pinalaki ako sa paniniwala na mali ang magkaroon o gumamit ng isang kotse, traktora, telepono, o kahit isang radyo o anumang naimbento na pinaaandar ng kuryente. Simple lamang manamit ang aming kababaihan, at hindi kami nagpapagupit ng buhok at laging may takip ang aming ulo. Ang aming kalalakihan ay may balbas. Sa aming kaisipan, kasali sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ang hindi pagsusuot ng makabagong pananamit, pagme-makeup, o alahas, na inaakala naming mga kapahayagan ng makasalanang pagmamapuri.
Tinuruan kaming magkaroon ng matinding paggalang sa Bibliya, na itinuturing naming espirituwal na pagkain. Tuwing umaga bago mag-almusal, nagtitipon kami sa sala at nakikinig sa pagbasa ni Itay ng isang kabanata mula sa Bibliya at sa mga komento sa kaniyang binasa. Saka kaming lahat ay luluhod habang nananalangin si Itay. Pagkatapos, uulitin naman ni Inay ang Panalangin ng Panginoon. Lagi kong inaasam-asam ang aming pang-umagang pagsamba, sapagkat magkakasama ang aming buong pamilya at nagtutuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay.
Nakatira kami sa isang bukid na malapit sa Delphi, Indiana, kung saan nagtanim kami ng sari-saring pananim. Dinadala namin ito sa bayan sakay ng karuwaheng hinihila ng kabayo, at pagkatapos ay ipinagbibili namin ito sa lansangan o sa bahay-bahay. Naniniwala kaming bahagi ng aming paglilingkod sa Diyos ang pagbabanat ng buto. Kaya nagtuon kami ng pansin dito, maliban kung Linggo, kung kailan hindi kami gumagawa ng “gawang paglilingkod.” Subalit kung minsan, lubhang nagiging abala ang aming pamilya sa bukid namin anupat isang hamon ang magtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay.
Pag-aasawa at Pamilya
Noong 1963, nang ako’y 17 anyos, napangasawa ko si James, isa ring miyembro ng Old Brethren. Ang kaniyang mga ninuno ay kabilang din sa relihiyon ng Old Brethren. Pareho kaming may masidhing pagnanais na maglingkod sa Diyos at naniniwala kaming ang aming relihiyon ang tanging tunay na relihiyon.
Nagkaroon kami ng anim na anak noong 1975, at ang aming ikapito at bunsong anak ay isinilang noong 1983. Si Rebecca, ang sumunod sa panganay, ang aming kaisa-isang anak na babae. Nagtrabaho kami nang puspusan, nagtipid, at namuhay nang simple. Sinikap naming ikintal sa aming mga anak ang gayunding mga simulain sa Bibliya na natutuhan namin mula sa aming mga magulang at sa iba pa mula sa Old Brethren.
Mahalaga sa Old Brethren ang panlabas na anyo. Naniniwala kami na yamang walang sinuman ang nakababasa ng puso, isinisiwalat ng paraan ng pananamit ng isang tao kung ano siya sa loob. Kaya, kapag labis ang pagkakaistilo sa buhok ng isang miyembro, itinuturing ito na isang indikasyon ng pagmamapuri. Kapag napakalaki ng disenyo sa aming simpleng damit, iyan ay isa pang indikasyon ng pagmamapuri. Kung minsan, nahihigitan pa ng mga isyung ito ang sinasabi mismo ng Kasulatan.
Pagkabilanggo
Noong mga huling taon ng dekada ng 1960, ang bayaw kong si Jesse, na pinalaki rin sa relihiyong Old Brethren, ay nabilanggo dahil sa kaniyang pagtangging maglingkod sa militar. Samantalang naroon, nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova, na naniniwala ring ang pakikilahok sa digmaan ay hindi kasuwato ng mga simulain sa Bibliya. (Isaias 2:4; Mateo 26:52) Nagkaroon ng maraming pakikipagtalakayan sa Bibliya si Jesse sa mga Saksi at napansin niya mismo ang kanilang mga katangian. Pagkatapos ng maraming pag-aaral sa Bibliya, nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova—na labis naming ikinainis.
Ipinakipag-usap ni Jesse sa aking asawa ang tungkol sa mga bagay na natutuhan niya. Isinaayos din niya na regular na tumanggap si James ng mga magasing Bantayan at Gumising! Ang pagbabasa nito ay nagpasidhi sa interes ni James sa Bibliya. Yamang si James ay laging may pagnanais na maglingkod sa Diyos subalit madalas na nakadaramang malayo siya sa Kaniya, interesadung-interesado siya sa anumang bagay na makatutulong sa kaniya upang mapalapít sa Diyos.
Pinasigla kami ng aming mga elder sa Old Brethren na magbasa ng relihiyosong mga magasin ng mga Amish, Mennonita, at ng iba pang relihiyon ng Old Brethren, kahit na itinuturing namin ang mga relihiyong iyon na bahagi ng sanlibutan. Subalit, kontrang-kontra ang tatay ko sa mga Saksi. Inaakala niyang hinding-hindi namin dapat basahin Ang Bantayan at Gumising! Kaya nadismaya ako nang makita ko si James na nagbabasa nito. Natatakot ako na makakuha siya ng maling mga turo.
Gayunman, malaon nang kinukuwestiyon ni James ang ilang paniniwala ng Old Brethren na inaakala niyang salungat sa Bibliya—lalo na ang turo na isang kasalanan ang gumawa ng anumang “gawang paglilingkod” kung Linggo. Halimbawa, itinuturo ng Old Brethren na maaari mong painumin ng tubig ang iyong mga hayop kung Linggo subalit hindi puwedeng bunutin ang isang panirang-damo. Hindi siya mabigyan ng mga elder ng isang maka-Kasulatang dahilan para sa alituntuning ito. Unti-unti, ako man ay nag-alinlangan tungkol sa mga turong iyon.
Dahil sa malaon na kaming naniniwala na ang aming relihiyon ang simbahan ng Diyos at batid namin kung ano ang mararanasan namin kung aalis kami rito, nahirapan kaming kumalas sa Old Brethren. Gayunman, hindi na kami pinapayagan ng aming mga budhi na manatili sa isang relihiyon na inaakala naming hindi lubusang sumusunod sa Bibliya. Kaya noong 1983, sumulat kami ng isang liham na nagpapaliwanag ng aming mga dahilan sa pag-alis at hiniling namin na basahin ang sulat sa kongregasyon. Kami ay itiniwalag sa grupo.
Paghahanap sa Tunay na Relihiyon
Mula noon, sinimulan namin ang paghahanap sa tunay na relihiyon. Hinahanap namin ang isang relihiyon na may pagkakasuwato, isang relihiyon na ang mga tagasunod ay aktuwal na gumagawa ng itinuturo nila sa iba. Una sa lahat, ipinuwera namin ang anumang relihiyon na nakikibahagi sa digmaan. Naaakit pa rin kami sa mga relihiyon na kilala sa kanilang simpleng pamumuhay, sapagkat naniniwala kaming ang simpleng paraan ng pamumuhay at pananamit ay mga indikasyon na ang isang relihiyon ay hindi bahagi ng sanlibutan. Mula noong 1983 hanggang 1985, naglaan kami ng panahon upang maglakbay sa Estados Unidos, na sinusuri ang iba’t ibang relihiyon—ang mga Mennonita, Quakers, at iba pang mga grupo na nagtataguyod ng simpleng pamumuhay.
Nang panahong iyon, dinadalaw kami ng mga Saksi ni Jehova sa aming bukid, malapit sa Camden, Indiana. Nakikinig kami at hinihiling namin sa kanila na gamitin lamang ang salin ng Bibliya na King James. Iginalang ko ang paninindigan ng mga Saksi tungkol sa pakikidigma. Subalit mahirap para sa akin na makinig sa kanila dahil kung hindi nila nakikita ang pangangailangang maging hiwalay sa sanlibutan sa pamamagitan ng pananamit nang simple, inaakala kong hindi sila maaaring maging ang tunay na relihiyon. Inaakala kong ang pagmamapuri ang nagpapangyari sa mga tao na manamit nang naiiba sa paraan ng aming pananamit. Naniniwala ako na ang mga bagay, o pag-aari, ang nagpapangyari sa isa na magmapuri.
Nagsimulang magtungo si James sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, na isinasama ang aming mga anak na lalaki. Galít na galít ako. Hinimok ako ng aking asawa na sumama sa kaniya, ngunit tumanggi ako. Pagkatapos, sinabi niya isang araw, “Kahit na hindi ka sang-ayon sa lahat ng kanilang mga turo, sumama ka lang at tingnan mo mismo kung paano nila pinakikitunguhan ang isa’t isa.” Talagang hinangaan niya ito.
Sa wakas, nagpasiya akong sumama subalit naging napakaingat ko. Pumasok ako sa Kingdom Hall na suot ang aking simpleng damit at bonet. Ang ilan sa aming mga anak na lalaki ay nakatapák, at simple rin ang pananamit. Gayunman, nilapitan kami ng mga Saksi at maibigin kaming pinakitunguhan. Naisip ko, ‘Naiiba kami, gayunpama’y tinatanggap nila kami.’
Humanga ako sa kanilang maibiging pakikitungo, subalit determinado pa rin akong magmasid lamang. Hindi ako tumatayo sa panahong sila ay kumakanta ni umaawit man ng kanilang mga awit. Pagkatapos ng pulong ay tinanong ko sila nang tinanong tungkol sa mga bagay na inaakala kong hindi nila ginagawa nang tama o tungkol sa kahulugan ng isang kasulatan. Bagaman hindi ako masyadong mataktika, ang bawat taong tinanong ko ay nagpakita ng tunay na interes sa akin. Humanga rin ako dahil bagaman iyo’t iyon din ang mga tanong ko sa iba’t ibang Saksi, magkakasuwato pa rin ang kanilang mga sagot sa akin. Kung minsan, isusulat nila ang sagot na lubhang nakatutulong, yamang mapag-aaralan ko mismo ang materyal sa dakong huli.
Noong tag-araw ng 1985, ang aming pamilya ay dumalo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Memphis, Tennessee—upang magmasid lamang. May balbas pa rin si James, at suot pa rin namin ang aming simpleng pananamit. Sa pagitan ng mga sesyon, bihira ang sandaling walang lumalapit sa amin. Naakit kami sa pag-ibig, atensiyon, at pagtanggap na ipinakita sa amin. Humanga rin kami sa pagkakaisa, sapagkat saanman kami dumalo ng pulong, pareho ang mga turo.
Palibhasa’y naantig sa personal na interes na ipinakita ng mga Saksi, tinanggap ni James ang isang pag-aaral sa Bibliya. Maingat niyang sinuri ang lahat ng bagay, sa pagnanais niyang matiyak ang kaniyang natututuhan. (Gawa 17:11; 1 Tesalonica 5:21) Nang maglaon, nadama ni James na nasumpungan na niya ang katotohanan. Gayunman, naguguluhan ako. Gusto kong gawin ang tama, subalit hindi ko gustong “maging moderno” at ituring na “makasanlibutan.” Nang una akong sumang-ayon na sumama sa pag-aaral sa Bibliya, nasa isang tuhod ko ang King James Version at ang mas modernong Bagong Sanlibutang Salin sa kabilang tuhod. Sinusuri ko ang bawat talata sa dalawang salin ng Bibliya upang matiyak ko na hindi ako naililigaw.
Kung Paano Ako Nakumbinsi
Habang nakikipag-aral kami sa mga Saksi, natutuhan namin na ang ating makalangit na Ama ay iisang Diyos, hindi isang Trinidad, at na tayo mismo ang mga kaluluwa at hindi tayo nagtataglay ng isang imortal na kaluluwa. (Genesis 2:7; Deuteronomio 6:4; Ezekiel 18:4; 1 Corinto 8:5, 6) Natutuhan din namin na ang impiyerno ay isang karaniwang libingan ng lahat ng sangkatauhan, hindi isang dako ng maapoy na pagpapahirap. (Job 14:13; Awit 16:10; Eclesiastes 9:5, 10; Gawa 2:31) Napakalaking bagay ang natutuhan namin tungkol sa impiyerno, yamang hindi magkaisa ang Old Brethren sa kahulugan nito.
Gayunman, nag-iisip pa rin ako kung paanong magiging tunay na relihiyon ang mga Saksi gayong, sa aking isipan, bahagi pa rin sila ng sanlibutan. Hindi sila nagtataguyod ng “simpleng” pamumuhay, na inaakala kong napakahalaga. Subalit kasabay nito, batid ko na tinutupad nila ang utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng tao. Litung-lito ako!—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Noong kritikal na panahong ito, ang pag-ibig ng mga Saksi ay nakatulong sa akin na magpatuloy sa aking pagsusuri. Nagpakita ng interes sa aming pamilya ang buong kongregasyon. Habang iba’t ibang miyembro ng kongregasyon ang dumadalaw sa amin—kung minsan ay idinadahilan nila na dumadalaw sila upang bumili ng aming gatas at mga itlog—nakikita namin sila bilang napakababait na mga tao. Bagaman may nakikipag-aral na sa aming Saksi, pumupunta pa rin sila sa bahay namin. Kaya, kailanma’t malapit sa aming tahanan ang mga kapatid sa kongregasyon, dumadalaw sila. Kailangang-kailangan namin ang pagkakataong ito upang makilala ang mga Saksi, at napahalagahan namin ang kanilang tunay na interes at pag-ibig.
Ang personal na interes na ito ay hindi lamang sa mga Saksi sa kongregasyon na malapit sa amin. Habang nakikipagpunyagi ako sa isyu tungkol sa wastong pananamit at pag-aayos, dumalaw sa akin si Kay Briggs, isang Saksi mula sa kalapit na kongregasyon, na mas gusto ring manamit nang simple at hindi nagme-makeup. Palagay ang loob ko sa kaniya at mas malaya akong nakikipag-usap. Pagkatapos, isang araw ay dumalaw rin sa akin si Lewis Flora, na dati ring pinalaki sa isang relihiyong nagtataguyod ng “simpleng” pamumuhay. Nakikita niya sa aking mukha na nagugulumihanan ako at nagpadala siya sa akin ng sampung-pahinang sulat, anupat sinisikap na paginhawahin ang nababagabag kong isip. Napaiyak ako sa kaniyang kabaitan, at maraming ulit kong binasa ang sulat niya.
Hiniling ko sa isang naglalakbay na tagapangasiwa, si Brother O’Dell, na ipaliwanag sa akin ang Isaias 3:18-23 at 1 Pedro 3:3, 4. “Hindi ba’t ipinakikita ng mga talatang ito na mahalaga ang simpleng pananamit upang mapalugdan ang Diyos?” ang tanong ko. Siya ay nangatuwiran: “Masama bang magsuot ng bonet? Masama ba ang pagtitirintas ng buhok?” Sa Old Brethren, tinitirintas namin ang buhok ng mumunting batang babae, at ang mga babae ay nagsusuot ng mga kap o bonet. Nakita ko ang di-pagkakasuwato, at humanga ako sa pagtitiis at kabaitan ng naglalakbay na tagapangasiwa.
Unti-unti, nakukumbinsi na ako, subalit may isa pang isyu na lubhang nakagagambala sa akin—nagpapagupit ng buhok ang kababaihan. Ikinatuwiran sa akin ng Kristiyanong matatanda na may ilang babae na may partikular na haba lamang ng buhok ang naaabot, samantalang ang buhok naman ng iba ay humahaba nang husto. Dahil dito, mas mabuti ba ang buhok ng isang babae kaysa sa iba? Tinulungan din nila akong maunawaan ang papel na ginagampanan ng budhi sa pananamit at pag-aayos at binigyan nila ako ng nasusulat na impormasyon upang iuwi ko at basahin.
Pagkilos Batay sa Aming Natutuhan
Hinahanap namin ang mabubuting bunga, at nasumpungan namin ito. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kumbinsido kami na ang mga Saksi ni Jehova ay mga tao na nagpapakita ng tunay na pag-ibig. Magkagayon man, nakalilito ito para sa aming dalawang pinakamatandang mga anak, sina Nathan at Rebecca, yamang tinanggap na nila ang relihiyon ng Old Brethren at nabinyagan na bilang miyembro nito. Nang maglaon, napakilos sila ng mga katotohanan sa Bibliya na ibinahagi namin sa kanila, gayundin ng pag-ibig na ipinakita ng mga Saksi.
Halimbawa, laging inaasam ni Rebecca ang isang magiliw na kaugnayan sa Diyos. Nasumpungan niyang mas madaling manalangin sa Kaniya nang malaman niyang hindi Niya itinadhana kung paano kikilos ang isa o kung ano ang magiging kinabukasan ng isa. Lalo rin siyang naging malapít sa Diyos nang maunawaan niya na sa halip na isang bahagi ng mahiwagang Trinidad, Siya ay isang tunay na persona, isa na maaari niyang tularan. (Efeso 5:1) At natutuwa siya na hindi na niya kailangang tularan ang sinaunang wika na ginagamit sa Bibliya kapag nakipag-usap sa kaniya. Habang natututuhan niya ang mga kahilingan ng Diyos may kinalaman sa panalangin, gayundin ang kaniyang dakilang layunin para sa mga tao na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa, nadama niyang lalo siyang napapalapít sa kaniyang Maylalang.—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
Mga Pribilehiyong Tinatamasa Naming Lahat
Kami ni James at ang aming limang nakatatandang mga anak—sina Nathan, Rebecca, George, Daniel, at John—ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong tag-araw ng 1987. Si Harley ay nabautismuhan noong 1989, at si Simon naman noong 1994. Ang aming buong pamilya ay nananatiling tapat sa gawain na inutos ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na gawin, samakatuwid, ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Ang bawat isa sa aming limang nakatatandang mga anak na lalaki—sina Nathan, George, Daniel, John, at Harley—gayundin ang aming anak na babaing si Rebecca—ay nakapaglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Si George ay naroroon pa rin pagkaraan ng 14 na taon, at si Simon, na nagtapos sa pag-aaral noong 2001, ay naging miyembro rin kamakailan ng mga tauhan sa sangay. Ang lahat ng aming anak na lalaki ay alin sa matatanda o mga ministeryal na lingkod sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang aking asawa ay naglilingkod bilang isang matanda sa Thayer Congregation, sa Missouri, at ako naman ay nananatiling abala sa ministeryo.
Kami ngayon ay mayroon nang tatlong apo—sina Jessica, Latisha, at Caleb—at maligaya kaming nakikitang ikinikintal ng kanilang mga magulang sa mura nilang mga puso ang pag-ibig kay Jehova. Bilang isang pamilya, nagsasaya kami na inilapit kami ni Jehova sa kaniya at tinulungan kami na makilala ang kaniyang bayan na tinawag sa kaniyang pangalan sa pamamagitan ng makadiyos na pag-ibig na kanilang ipinakikita.
May empatiya kami sa iba pa na may masidhing pagnanais na palugdan ang Diyos subalit ang mga budhi ay maaaring sinanay ng kanilang kinalakhan sa halip ng Bibliya mismo. Umaasa kami na sana’y masumpungan din nila ang kagalakang taglay namin ngayon sa pagbabahay-bahay, hindi taglay ang mga pananim, kundi taglay ang isang mensahe hinggil sa Kaharian ng Diyos at ang kamangha-manghang mga bagay na gagawin nito. Napapaluha ako sa pagpapasalamat kapag iniisip ko ang lahat ng pagtitiis at pag-ibig na ipinakita sa amin ng bayan na nagtataglay ng pangalan ni Jehova!
[Mga larawan sa pahina 19]
Nang ako ay mga pitong taóng gulang, at nang maglaon bilang isang adulto
[Larawan sa pahina 20]
Sina James, George, Harley, at Simon, na nakasuot ng simpleng pananamit
[Larawan sa pahina 21]
Ito ang litrato ko na nagdadala ng pananim sa palengke na lumitaw sa isang lokal na pahayagan
[Credit Line]
Journal and Courier, Lafayette, Indiana
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ng aming pamilya ngayon