Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 6/1 p. 13-18
  • Pananagutan ang Kasama ng Pagkaalam sa Tamang Relihiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pananagutan ang Kasama ng Pagkaalam sa Tamang Relihiyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Papaano Ka Tumutugon sa Salita ng Diyos?
  • Buo ba ang Iyong Debosyon kay Jehova?
  • Gaano Kalalim ang Epekto sa Iyo ng Pag-ibig ni Kristo?
  • Humiwalay sa Sanlibutan​—Hanggang Saan Dapat?
  • Hanggang Saan Nakararating ang Iyong Pag-ibig?
  • Pagpapatotoo sa Kaharian​—Gaano Bang Kahalaga sa Iyo?
  • Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Relihiyon
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Ang Mensahe na Dapat Nating Ipahayag
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 6/1 p. 13-18

Pananagutan ang Kasama ng Pagkaalam sa Tamang Relihiyon

“Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad dito!”​—LUCAS 11:28.

1. Minsang makilala nila ang tamang relihiyon, anong uri ng mga tao ang nakasentro roon ang mga buhay?

HINDI sapat ang makilala lamang ang tamang relihiyon. Kung iniibig natin ang tama at totoo, minsang masumpungan natin iyon, magiging sentro na iyon ng ating buhay. Ang tunay na relihiyon ay hindi lamang pilosopiya ng isip; iyon ay isang paraan ng pamumuhay.​—Awit 119:105; Isaias 2:3; ihambing ang Gawa 9:2.

2, 3. (a) Papaano idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng paggawa ng kalooban ng Diyos? (b) Anong pananagutan ang nakaatang sa bawat isa na nakaáalam ng tamang relihiyon?

2 Idiniin ni Jesu-Kristo ang kahalagahan ng paggawa ng isiniwalat ng Diyos na Kaniyang kalooban. Sa pagtatapos ng nakilala bilang ang Sermon sa Bundok, ipinahayag ni Jesus na hindi lahat ng tumatawag sa kaniya ng Panginoon (sa gayo’y nag-aangking mga Kristiyano) ay papasok sa Kaharian; yaon lamang gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Ang iba, aniya, ay tatanggihan bilang “mga manggagawa ng katampalasanan.” Bakit katampalasanan? Sapagkat gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang hindi paggawa ng kalooban ng Diyos ay kasalanan, at ang lahat ng kasalanan ay katampalasanan. (Mateo 7:21-23; 1 Juan 3:4; ihambing ang Roma 10:2, 3.) Maaaring alam ng isang tao ang tamang relihiyon, maaaring pinupuri niya yaong mga nagtuturo niyaon, at maaaring pinapupurihan yaong mga nagsasagawa niyaon, subalit may pananagutan din siya na ikapit iyon sa kaniyang sariling buhay. (Santiago 4:17) Kung tinatanggap niya ang pananagutang iyon, masusumpungan niya na ang kaniyang buhay ay magiging sagana, at mararanasan niya ang kagalakang hindi makakamit sa ibang paraan.

3 Sa naunang artikulo, isinaalang-alang natin ang anim sa pagkakakilanlang mga tanda ng tunay na relihiyon. Bawat isa nito ay hindi lamang tumutulong sa atin na makilala ang tamang relihiyon kundi personal na naghaharap din sa atin ng mga hamon at mga pagkakataon. Papaano?

Papaano Ka Tumutugon sa Salita ng Diyos?

4. (a) Habang ang mga baguhan ay nagsisimulang makisama sa mga Saksi ni Jehova, ano ang di-nagtatagal at napapansin nila tungkol sa paggamit ng mga Saksi sa Bibliya? (b) Papaano nakaaapekto sa mga lingkod ni Jehova ang saganang pagkaing espirituwal?

4 Samantalang nakikipag-aral ng Bibliya ang mga Saksi ni Jehova sa mga bagong interesado, marami sa mga baguhang ito ang agad nakatatalos na ang itinuturo ay buhat sa Bibliya. Bilang sagot sa kanilang mga tanong, sila’y hindi ibinabaling sa mga turo ng iglesya, sa mga tradisyon ng tao, o sa mga opinyon ng prominenteng mga tao. Ang sariling Salita ng Diyos ang awtoridad. Kapag pumaparoon sila sa Kingdom Hall, napapansin nila na doon man ang Bibliya ang pangunahing aklat-aralin. Hindi nagtatagal at natatalos ng taimtim na mga humahanap ng katotohanan na ang isang pangunahing dahilan ng kagalakan na nakikita nila sa mga Saksi ni Jehova ay ang bagay na sila’y sagana sa espirituwal na pagkain buhat sa Salita ng Diyos.​—Isaias 65:13, 14.

5. (a) Anong hamon ang inihaharap sa mga nagmamasid sa mga Saksi ni Jehova? (b) Papaano sila makababahagi sa kagalakan ng mga Saksi?

5 Kung kinikilala mo ito, papaano ka tumutugon dito? Kung nasakyan mo ang kahulugan nito, hindi maaaring ikaw ay isa lamang walang-kibong tagapagmasid, ni iibigin mo mang maging gayon ka. Ipinakikita ng Bibliya na yaong “mga tagapakinig lamang” ngunit hindi “mga tagatupad ng salita” ay ‘nililinlang ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.’ (Santiago 1:22) Nililinlang nila ang kanilang sarili sapagkat hindi nila nakikilala na anuman ang sabihin nila, ang hindi nila pagsunod sa Diyos ay nagpapakita na hindi nila talagang iniibig siya. Ang pag-aangkin na ang isa’y may pananampalataya na hindi naman sinusuhayan ng gawa ay isang patay na pananampalataya. (Santiago 2:18-26; 1 Juan 5:3) Bilang kabaligtaran, ang isa na pinakikilos ng pag-ibig kay Jehova na maging “isang tagatupad ng gawain” ay magiging “maligaya sa paggawa niya nito.” Oo, gaya ng ipinaliwanag ni Jesu-Kristo, “maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad dito!”​—Santiago 1:25; Lucas 11:28; Juan 13:17.

6. Kung talagang pinahahalagahan natin ang Salita ng Diyos, anong mga pagkakataon ang personal na sisikapin nating samantalahin?

6 Ang kagalakang iyan ay lálaki habang sumusulong ang iyong kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos at ikinakapit ang higit pang mga bagay na iyong natutuhan. Gaano ang pagsisikap na gagawin mo upang pag-aralan ang Salita ng Diyos? Libu-libong taong hindi marunong bumasa ang puspusang nagpagal upang matutong bumasa, na ginagawa ito lalo na upang sila’y makabasa ng Kasulatan at ituro ito sa ibang mga tao. Ang iba ay maagang gumigising tuwing umaga upang sila’y makagugol ng kaunting panahon bawat araw sa pagbabasa ng Bibliya at ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, tulad ng Ang Bantayan. Habang personal na nagbabasa ka ng Bibliya o tinitingnan ang mga tekstong binanggit sa ibang materyal na pinag-aaralan, pansining mabuti ang mga batas at kautusan ni Jehova, at sikaping maunawaan ang maraming simulain na naroon para pumatnubay sa atin. Bulay-bulayin ang isinisiwalat ng bawat bahagi tungkol sa Diyos, sa kaniyang layunin, at sa kaniyang mga pakikitungo sa sangkatauhan. Maglaan ng panahon upang hubugin nito ang iyong puso. Isaalang-alang kung may mga paraan upang lubusang maikakapit mo sa iyong buhay ang payo ng Bibliya.​—Awit 1:1, 2; 19:7-11; 1 Tesalonica 4:1.

Buo ba ang Iyong Debosyon kay Jehova?

7. (a) Papaano nakaimpluwensiya ang doktrina ng Trinidad sa pagsisikap ng mga tao na sumamba sa Diyos? (b) Ano ang maaaring mangyari kapag natuto ang isang tao ng katotohanan tungkol kay Jehova?

7 Para sa angaw-angaw na tao, naging kaginhawahan na malaman na ang tunay na Diyos ay hindi isang Trinidad. Sila’y hindi kailanman nasiyahan sa paliwanag na “iyon ay isang misteryo.” Papaano sila makalalapit sa isang Diyos na hindi maunawaan? Bilang resulta ng turong iyan, sila’y napahilig na ipagwalang-bahala ang Ama (na ang pangalan ay hindi nila kailanman narinig sa simbahan) at sambahin si Jesus bilang Diyos o iukol ang kanilang pagsamba kay Maria (na itinuro sa kanila bilang ang “Ina ng Diyos”). Subalit ang kanilang puso ay malugod na tumugon nang isa sa mga Saksi ni Jehova ay nagbuklat ng Bibliya at ipinakita sa kanila ang personal na pangalan ng Diyos, na Jehova. (Awit 83:18) Isang babaing taga-Venezuela ang labis na natuwa nang ipakita sa kaniya ang banal na pangalan anupat talagang niyakap niya ang kabataang Saksi na nagbahagi sa kaniya ng mahalagang katotohanang iyon at pumayag na magkaroon ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kapag nalalaman ng gayong mga tao na binanggit ni Jesus ang kaniyang Ama bilang “aking Diyos at inyong Diyos” at tinukoy ni Jesus ang kaniyang Ama bilang “ang tanging Diyos na totoo,” natatalos nila na ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos ay hindi mahirap unawain. (Juan 17:3; 20:17) Samantalang natututuhan nila ang mga katangian ni Jehova, sila’y napapalapit sa kaniya, nagsisimulang manalangin sa kaniya, at nagnanais na palugdan siya. Ano kaya ang resulta?

8. (a) Dahilan sa kanilang pag-ibig kay Jehova at sa kanilang pagnanais na mapalugdan siya, ano ang ginawa ng milyun-milyong tao? (b) Bakit lubhang mahalaga ang bautismong Kristiyano?

8 Noong nakalipas na sampung taon, 2,528,524 katao sa anim na kontinente at sa maraming isla ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at pagkatapos ay sinagisagan ang pag-aalay na ito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Ikaw ba ay isa sa kanila, o ikaw ngayon ay naghahanda upang pabautismo? Ang bautismo ay isang mahalagang hakbang sa buhay ng bawat tunay na Kristiyano. Isinugo ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod upang gumawa ng mga alagad sa mga tao sa lahat ng bansa at bautismuhan sila. (Mateo 28:19, 20) Kapuna-puna rin na karaka-raka pagkatapos ng sariling bautismo ni Jesus, si Jehova mismo ay nagsalita buhat sa langit, na ang sabi: “Ikaw ang aking Anak, ang iniibig; ikaw ay aking sinang-ayunan.”​—Lucas 3:21, 22.

9. Upang mapanatili ang isang sinang-ayunang kaugnayan kay Jehova, ano ang kahilingan sa atin?

9 Ang isang sinang-ayunang kaugnayan kay Jehova ay isang bagay na dapat pakamahalin. Kung ikaw ay pumasok sa gayong kaugnayan sa pamamagitan ng pag-aalay at bautismo, iwasan ang anuman na makasisira niyaon. Huwag payagang mapalagay iyon sa pangalawahang dako dahil sa mga kabalisahan sa buhay at sa pagkabahala tungkol sa materyal na mga bagay. (1 Timoteo 6:8-12) Tunay na mamuhay ka na kasuwato ng payo ng Kawikaan 3:6: “Kilalanin mo [si Jehova] sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

Gaano Kalalim ang Epekto sa Iyo ng Pag-ibig ni Kristo?

10. Bakit ang ating pagsamba kay Jehova ay hindi dahilan upang ating ipagwalang-bahala si Jesus?

10 Mangyari pa, ang nararapat na pagpapahalaga kay Jehova bilang ang tanging tunay na Diyos ay hindi nagiging dahilan upang ipagwalang-bahala ng isang tao si Jesu-Kristo. Sa kabaligtaran pa nga, ang Apocalipsis 19:10 ay nagsasabi: “Ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.” Mula sa Genesis hanggang Apocalipsis, ang kinasihang mga hula ay nagbibigay ng mga detalye tungkol sa papel na ginagampanan ni Jesu-Kristo sa layunin ni Jehova. Habang nalalaman ng isang tao ang mga detalyeng ito, lumilitaw ang isang kawili-wiling larawan na walang pagpilipit at maling kuru-kuro na resulta ng huwad na mga turo ng Sangkakristiyanuhan.

11. Papaano nakaapekto sa isang babae sa Polandya ang pagkaalam ng talagang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Anak ng Diyos?

11 Ang pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa Anak ng Diyos ay maaaring magkaroon ng isang napakatinding epekto sa isang tao. Ganiyan ang nangyari kay Danuta, isang babae sa Polandya. Nakipag-ugnayan siya sa mga Saksi ni Jehova sa loob ng walong taon, nasiyahan sa kanilang itinuro, subalit hindi ginawang paraan ng kaniyang buhay ang tunay na pagsamba. Pagkatapos ay tumanggap siya ng isang sipi ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, na naghaharap sa buhay ni Kristo sa isang paraang madaling maunawaan.a Samantalang lumalalim ang gabi, binuklat niya ang aklat, sa layuning basahin ang isa lamang kabanata. Gayunman, magbubukang-liwayway na nang matapos niyang basahin ang aklat, at kaniyang inilapag iyon. Siya’y nag-iiyak. “Jehova, patawarin mo ako,” ang kaniyang pagsusumamo. Bilang resulta ng kaniyang nabasa, nakita niya nang mas malinaw kaysa noong nakaraan ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ng kaniyang Anak. Natalos niya na sa loob ng walong taon siya’y naging walang utang na loob sa pagtalikod sa tulong na buong-tiyagang iniaalok sa kaniya ng Diyos. Noong 1993 siya’y nabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova salig sa pananampalataya kay Jesu-Kristo.

12. Papaano nakaaapekto sa ating buhay ang tumpak na kaalaman kay Jesu-Kristo?

12 Ang “tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo” ay kaugnay ng pagiging isang aktibo at mabungang Kristiyano. (2 Pedro 1:8) Gaano kalawak ang magiging bahagi mo sa gayong gawain, na ibinabahagi sa iba ang mensahe ng Kaharian? Ang laki ng magagawa ng sinuman ay apektado ng maraming kalagayan. (Mateo 13:18-23) Hindi natin maaaring baguhin ang ilang kalagayan; ang iba naman ay maaari. Ano ba ang mag-uudyok sa atin upang kilalanin at gawin ang mga pagbabago na maaaring gawin? Si apostol Pablo ay sumulat: “Sapagkat ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin”; sa ibang pananalita, ang pag-ibig na kaniyang ipinakita sa paghahandog ng kaniyang buhay alang-alang sa atin ay katangi-tangi anupat lumalaki ang ating pagpapahalaga roon, lubhang mapakikilos ang ating puso. Kaya naman, natatanto natin na di-nararapat sa atin ang patuloy na magtaguyod ng mapag-imbot na mga tunguhin at mamuhay na ang kalakhang bahagi ay ginagamit sa pagbibigay-kasiyahan sa sarili. Sa halip, isinasaayos natin ang ating pamumuhay upang bigyan ng unang dako ang gawain na itinuro ni Kristo sa kaniyang mga alagad na gawin.​—2 Corinto 5:14, 15.

Humiwalay sa Sanlibutan​—Hanggang Saan Dapat?

13. Bakit hindi natin nais maging bahagi ng isang relihiyon na ginawa ang kaniyang sarili na bahagi ng sanlibutan?

13 Hindi mahirap makita ang rekord na ginawa ng Sangkakristiyanuhan at ng iba pang mga relihiyon sapagkat nais nilang maging bahagi ng sanlibutan. Ginamit ang pondo ng simbahan upang tumustos sa rebolusyon. Ang mga pari ay naging mga kawal na gerilya. Sa araw-araw, nag-uulat ang mga pahayagan tungkol sa naglalabanang mga pangkat na relihiyoso sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ang kanilang mga kamay ay tigmak ng dugo. (Isaias 1:15) At sa buong daigdig ang klero ay nagsisikap na impluwensiyahan ang larangan ng pulitika. Ang tunay na mga mananamba ay walang bahagi rito.​—Santiago 4:1-4.

14. (a) Ano ang personal na iiwasan natin kung nais nating manatiling hiwalay sa sanlibutan? (b) Ano ang makatutulong sa atin upang iwasang masilo ng makasanlibutang mga saloobin at mga kaugalian?

14 Subalit higit pa riyan ang kasangkot sa pagiging hiwalay sa sanlibutan. Ang sanlibutan ay kilalá dahil sa pag-ibig sa salapi at sa mabibili ng salapi, sa paghahangad na maging prominente, at sa walang-sawang paghahangad ng kalayawan, kasama na ang mga bagay na gaya ng kawalan ng pagmamalasakit sa iba, pagsisinungaling at mapang-abusong pananalita, paghihimagsik laban sa awtoridad, at pagkabigong pigilin ang sarili. (2 Timoteo 3:2-5; 1 Juan 2:15, 16) Dahilan sa ating sariling di-kasakdalan, maaaring kung minsan sa isang paraan ay nakikitaan tayo ng ilan sa mga kaugaliang ito. Ano ang makatutulong sa atin sa ating pagpupunyagi na maiwasan ang gayong mga silo? Kailangang paalalahanan natin ang ating sarili kung sino ang nasa likod ng lahat ng ito. “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Gaano man kaakit-akit ang tingin sa isang landasin, gaano mang karami ang mga taong namumuhay sa ganoong paraan, kapag nakikita natin na ang pangunahing kaaway ni Jehova, si Satanas na Diyablo, ang nasa likod niyaon, natatalos natin kung gaano talaga kapangit iyon.​—Awit 97:10.

Hanggang Saan Nakararating ang Iyong Pag-ibig?

15. Papaano ka natulungan ng nakita mong walang-imbot na pag-ibig upang makilala ang tamang relihiyon?

15 Nang unang makisama ka sa mga Saksi ni Jehova, tiyak na nakaakit sa iyo ang pag-ibig na nakikita sa gitna nila dahilan sa kaibahan nito sa espiritu ng sanlibutan. Ang pagdiriin sa walang-imbot na pag-ibig ang dahilan kung bakit ang dalisay na pagsamba kay Jehova ay naiiba sa lahat ng iba pang anyo ng pagsamba. Maaaring ito ang nakakumbinsi sa iyo na ang mga Saksi ni Jehova ang talagang nagsasagawa ng tunay na relihiyon. Si Jesu-Kristo mismo ay nagsabi: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35.

16. Ano ang mga pagkakataon upang bilang mga indibiduwal ay mapalawak natin ang ating pag-ibig?

16 Ang katangian din bang iyan ang nagpapakilala sa iyo bilang isa sa mga alagad ni Kristo? Mayroon bang mga paraan upang mapalawak mo ang pagpapakita ng pag-ibig? Walang alinlangan lahat tayo ay makagagawa ng gayon. Higit pa ang kasangkot dito kaysa pagiging palakaibigan sa iba sa Kingdom Hall. At kung tayo’y magpapakita ng pag-ibig tangi lamang sa mga umiibig sa atin, may kaibahan pa ba tayo buhat sa sanlibutan? “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa,” ang payo ng Bibliya. (1 Pedro 4:8) Kanino tayo makapagpapakita ng lalong malaking pag-ibig? Iyon ba ay sa isang kapatid na Kristiyano na naiiba ang katayuan sa atin at ang paraan ng paggawa ng ilang bagay ay nakayayamot sa atin? Iyon ba ay isa na, dahilan sa sakit o katandaan, ay hindi regular na nakadadalo sa mga pulong? Iyon ba ay ang ating kabiyak? O marahil, iyon kaya ay ang ating matatanda nang mga magulang? Ang ilan na mahusay naman ang pagpapakita ng mga bunga ng espiritu, kasali na ang pag-ibig, ay nakadarama na para bang sila’y natututo ng mga ito nang paulit-ulit kapag sila’y napapaharap sa napakahirap na mga situwasyon na maaaring bumangon sa pagbibigay ng halos lubusang pangangalaga sa isang miyembro ng pamilya na naging lubhang baldado. Mangyari pa, kahit na kung nakaharap sa ganitong mga kalagayan, ang ating pag-ibig ay dapat ding umabot hanggang sa labas ng ating sariling sambahayan.

Pagpapatotoo sa Kaharian​—Gaano Bang Kahalaga sa Iyo?

17. Kung tayo ay nagkamit na ng personal na kapakinabangan buhat sa mga pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova, ano ang nadarama natin ngayon na dapat gawin?

17 Ang isang mahalagang paraan na maipakikita natin ang pag-ibig sa ating kapuwa tao ay sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa kanila tungkol sa Kaharian ng Diyos. Iisa lamang grupo ng mga tao ang gumaganap ng gawaing ito na inihula ni Jesus. (Marcos 13:10) Ang mga ito ay ang mga Saksi ni Jehova. Personal tayong nakinabang dito. Ngayon ay pribilehiyo natin na tulungan ang iba. Kung ang ating pangmalas ay katulad din ng sa Diyos, ang gawaing ito ay magiging litaw sa ating buhay.

18. Papaanong ang ating pagbabasa ng aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos ay maaaring makaimpluwensiya sa ating sariling bahagi sa pagpapatotoo sa Kaharian?

18 Ang nakagagalak na ulat kung papaano nadala ang mensahe ng Kaharian sa pinakamalalayong bahagi ng lupa sa mga huling araw na ito ay nakalahad sa aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Kung ito ay maaaring makuha sa inyong wika, huwag na ito’y hindi basahin. At habang ginagawa ninyo iyon, bigyan ng natatanging pansin ang lahat ng paraan na ginamit ng mga taong nakibahagi sa pagbibigay ng patotoo tungkol sa kaharian. Mayroon bang ilan na ang kanilang halimbawa ay maaari mong tularan? Maraming pagkakataon ang bukás sa ating lahat. Harinawang pakilusin tayo ng ating pag-ibig kay Jehova upang gamitin ang mga ito sa pinakamabuting paraan.

19. Papaano tayo nakikinabang kapag ating tinatanggap ang pananagutan na kasama ng pagkakilala sa tamang relihiyon?

19 Kapag ginamit natin ang ating sarili sa paggawa ng kalooban ni Jehova, nasusumpungan natin ang sagot sa tanong na, Ano ba ang kahulugan ng buhay? (Apocalipsis 4:11) Hindi na tayo nag-aapuhap, na nakadarama na tayo’y walang-kabuluhan. Wala nang ibang karera na mapag-uukulan mo ng iyong sarili na magdadala ng higit na kasiyahan kaysa buong-pusong paggamit ng iyong sarili sa paglilingkuran sa Diyos na Jehova. At anong dakilang kinabukasan ang iniaalok nito! Isang walang-hanggang kasiya-siyang buhay sa kaniyang bagong sanlibutan, na kung saan magagamit nating lubusan ang ating mga kakayahan kasuwato ng maibiging layunin ng pagkalalang ng Diyos sa tao.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Papaano Mo Sasagutin?

□ Bakit mahalaga na tanggapin ng isang relihiyon ang Bibliya bilang Salita ng Diyos at parangalan si Jehova bilang ang tunay na Diyos?

□ Ano ba ang itinuturo ng tunay na relihiyon tungkol sa papel na ginagampanan ni Jesus bilang Manunubos?

□ Bakit ang mga Kristiyano ay dapat manatiling hiwalay sa sanlibutan at magpamalas ng walang-pag-iimbot na pag-ibig?

□ Anong papel ang ginagampanan ng pagpapatotoo sa Kaharian sa tamang relihiyon?

[Mga larawan sa pahina 16]

Ang bautismo ay isang mahalagang hakbang sa pagtanggap ng mga pananagutan sa tunay na pagsamba. Bawat buwan, mga 25,000 sa buong daigdig ang gumagawa ng hakbang na iyan

Russia

Senegal

Papua New Guinea

E.U.A.

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang pamamahagi sa iba ng katotohanan ng Bibliya ay bahagi ng tunay na pagsamba

E.U.A.

Brazil

E.U.A.

Hong Kong

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share