Mga Serbisyong Inilalaan ng Kagubatan—Gaano ba Kahalaga ang mga Ito?
SINASAKLAW pa rin ng mga kagubatan ang halos sangkatlo ng lupa ng daigdig, ngunit patuloy na bumababa ang bilang na iyan. Ang Choices—The Human Development Magazine, inilathala ng United Nations Development Programme, ay nagsabi noong 1998 na sa papaunlad na mga bansa pa lamang, “sindami ng 4 na milyong ektarya [10 milyong akre] ng lupa—na kasinlaki ng Switzerland—ang kinakalbo taun-taon.”
Kung Bakit Kakatwang Bagay ang Pagkalbo sa Kagubatan
Sinasabi ng ilang eksperto na kakatwang bagay ang patuloy na pagkalbo sa kagubatan. Ang dahilan nito ay ginagawa ang pagsusunog at pagtotroso sa kagubatan upang kumita ng salapi. Gayunman, gaya ng sinabi ng isang awtoridad, ang kagubatan “ay di-hamak na mas mahalaga kung hindi puputulin ang mga punungkahoy nito kaysa sa kung ito ay kakalbuhin at susunugin.” Paano?
Ang mga mananaliksik ng National Institute for Research in the Amazon, sa Manaus, Brazil, na sina Dr. Philip M. Fearnside at Dr. Flávio J. Luizão, ay nagsabi sa Gumising! na ang mga di-naputol na maulang kagubatan ay naglalaan ng, gaya ng sabi nila, “mga serbisyo sa daigdig.” Kalakip sa mga serbisyong ito ang pagkuha at pag-iimbak ng carbon dioxide (isang gas na nagdudulot ng greenhouse effect), pagpigil sa pagkawala ng lupa at sa pagbaha, pagreresiklo sa mga sustansiya, pagkontrol sa ulan, at paglalaan ng tahanan sa mga hayop na nanganganib malipol at isang tirahan para sa mga ligáw na pananim. Naglalaan din ang mga kagubatan ng kawili-wiling tanawin at lugar ng paglilibang. Ang lahat ng pangkapaligirang serbisyong ito, ang sabi ng mga mananaliksik, ay may halaga sa ekonomiya.
Bilang halimbawa, isaalang-alang ang kakayahan ng gubat na mag-imbak ng karbon. Kapag pinutol ang mga punungkahoy sa gubat, ang karbon na inilalabas ng mga puno pagkatapos na ito’y sunugin ay nagiging carbon dioxide sa atmospera at nagiging isang salik sa pag-init ng globo. Kaya, ang halaga sa ekonomiya ng “serbisyo[ng ito] sa daigdig” na inilalaan ng kagubatan, samakatuwid nga, ang pag-iimbak ng karbon, ay makakalkula sa pamamagitan ng pag-alam sa gagastusin upang mabawasan ang ibinubugang karbon sa pamamagitan ng mga gawang-taong kasangkapan.
Ayon kay Marc J. Dourojeanni, isang tagapayo hinggil sa kapaligiran sa Inter-American Development Bank sa tanggapan nito sa Brazil, ang gayong mga kalkulasyon ay nagpapakita na “mas malaki ang kahalagahan ng kagubatan bilang mga carbon sink [lugar ng imbakan] kaysa sa salaping kikitain mula sa pagtotroso at pagkakaingin.” Magkagayunman, marami pa ring kagubatan ang kinakalbo. Bakit?
Insentibo Para Ingatan Ito
Isipin ang paghahambing na ito: Isang grupo ng mga tao ang nagmamay-ari ng isang planta ng kuryente. Naghahatid ng kuryente ang planta sa nakapalibot na mga bayan, ngunit kahit isang sentimo ay hindi nagbabayad ang mga gumagamit ng kuryente. Pagkalipas ng ilang panahon ay nangatuwiran ang mga may-ari, ‘Mas malaki ang kikitain kung isasara ang planta, aalisin ang lahat ng kagamitan nito, at ibebenta ang lahat ng bagay na bumubuo sa planta kaysa sa ingatan ang plantang hindi kumikita.’ Waring ganiyan din ang iniisip ng ilang opisyal ng mga bansang maraming kagubatan. Yamang ang mga serbisyong inilalaan ng kagubatan ay hindi naman binabayaran ng mga gumagamit sa daigdig, mas malaki ang kikitain kung puputulin ang mga puno sa kagubatan (baklasin ang planta, wika nga) at ipagbili ang mga puno (ipagbili ang mga kagamitan ng planta) upang kumita nang mabilis at malaki—ang katuwiran nila.
Ang tanging paraan upang baligtarin ang kalakarang ito, ang sabi ni Dourojeanni, ay gawing isang bagay na pagkakakitaan ang pag-iingat ng kagubatan. Ang isang ideya, na ipinanukala ni Propesor Dr. José Goldemberg, isang pisiko sa nuklear na taga-Brazil at dating kansilyer ng University of São Paulo, ay magpataw ng “pandaigdig na buwis sa karbon” sa mga gumagamit ng karaniwan nang tinatawag na fossil fuel.
Ayon sa mga tagapagtaguyod nito, ang laki ng buwis na ipapataw ay nakadepende sa dami ng panggatong na ginagamit ng isang bansa o estado, gayundin sa dami ng inilalabas nilang mga gas na nagdudulot ng greenhouse effect. Halimbawa, ang Estados Unidos, na kumakatawan sa humigit-kumulang 5 porsiyento ng populasyon ng daigdig, ay nagbubuga ng halos 24 na porsiyento ng mga gas na nagdudulot ng greenhouse effect. Ikinakatuwiran ng mga gumagawa ng patakaran na ang buwis na ibinayad ng gayong bansa ay gagamitin namang pambayad sa mga bansang umiiwas sa mabilisang kita na makukuha sa pagtotroso upang maingatan ang kanilang kagubatan. Iminumungkahi na sa ganitong paraan, ang mga gumagamit ay, sa diwa, nagbabayad ng kanilang ‘kuryente’ at ang sinasabing mga may-ari ay magkakaroon ng pinansiyal na insentibo upang ingatan ang kanilang ‘planta.’
Gayunman, sino ang magtatakda ng mga presyo para sa mga serbisyong pangkapaligiran? At sino ang mangongolekta at mamamahagi ng mga bayarin?
Kailangan ang Pagbabago sa Paggawi
“Ang mga isyung ito,” ang sabi ni Dourojeanni, “ay maaaring pag-usapan sa isang pandaigdig na kombensiyon hinggil sa kagubatan.” Ang gayong kombensiyon ang maaaring magpasiya ng halaga ng mga serbisyong inilalaan ng kagubatan. Pagkatapos, “isang pandaigdig na organisasyon hinggil sa kagubatan ang maaaring buuin upang mangasiwa sa internasyonal na proyektong ito.”
Bagaman ang paggamit ng isang internasyonal na institusyon upang kontrolin ang isang internasyonal na problema ay waring makatuwiran naman, inamin ni Dourojeanni: “Hindi nakatutulong ang maraming institusyon at komisyon na binuo upang harapin ang mga usapin hinggil sa kagubatan.” Ang talagang kailangan, dagdag niya, ay ang “malalaking pagbabago sa panlipunan at pang-ekonomiyang paggawi.” Tunay nga, ang pag-iingat sa kagubatan ay humihiling hindi lamang ng pagbabago ng batas—humihiling ito ng pagbabago ng saloobin.
Malulutas pa kaya ang gayong mga problema? Malulutas ito, ang pangako ng Maylalang ng lupa, ang Diyos na Jehova. Ipinakikita ng Bibliya na siya ay nagtatag ng isang pamahalaan na malapit nang mamahala sa buong daigdig at lumutas sa mga problema ng lupa. Ang pamahalaang iyon ay “hindi magigiba kailanman.” (Daniel 2:44) Karagdagan pa, pangangasiwaan nito ang tamang paggamit ng mga ekosistema ng lupa habang patuloy na natututo ang mga naninirahan sa lupa hinggil sa kanilang Maylalang, ang isa na ipinakikilala ng Bibliya sa pangalang Jehova. (Isaias 54:13) Ang lahat ng tao na mabubuhay roon ay lubos na magpapahalaga sa lupa, kasama na ang kagubatan nito.
[Picture Credit Lines sa pahina 26]
Ricardo Beliel/SocialPhotos
© Michael Harvey/Panos Pictures