Pagmamasid sa Daigdig
Toro sa Tindahan ng Porselana
“Naisip mo na ba kung ano ang mangyayari sakaling makapasok nga sa tindahan ng mga porselana ang isang toro? Buweno, iniulat ng BBC News na talagang may nangyaring ganiyan. Nakawala ang isang toro sa subastahan ng mga hayop sa Lancashire, Inglatera, at pagkatapos ay pumasok sa isang tindahan ng mga antigo. “Nagbebenta ang tindahan pangunahin na ng antigong mga porselana at, gaya ng inaasahan, nadurog ang ilang mamahaling kasangkapan,” ang sabi ng isang pahayagan na nag-ulat ng pangyayari. Matapos kausapin ang may-ari ng toro at isaalang-alang ang nasasangkot na panganib kung susubukang hulihin ang hayop, ipinasiya ng mga awtoridad na ang pinakamabuting gawin ay patayin na lamang ang toro. Kaya hinarangan ng mga pulis ang lugar at binaril ang torong nakulong sa tindahan.
Ang Bansang Pinakamadalas Tamaan ng Kidlat
Natuklasan ng mga mananaliksik na nagsusuri sa impormasyong nakukuha sa mga satelayt na “ang Brazil ang may pinakamaraming naitalang insidente ng pagtama ng kidlat sa buong daigdig,” ang ulat ng pahayagang O Globo. “Mula dalawa hanggang tatlong pagsabog ng elektrisidad sa atmospera ang nararanasan [sa Brazil] bawat segundo, na may kabuuang 70 milyon bawat taon.” Ano ang sanhi nito? Ang saganang maulang kagubatan, kasama na ang mainit na klima. Lumilikha ang mga ito ng kalagayang angkop na angkop para sa malimit na pagkakaroon ng makulog na mga bagyo na naglalabas ng elektrisidad. Bukod pa sa kumikitil ito ng buhay ng mga 100 taga-Brazil taun-taon, ang kidlat ay nagdudulot ng tinatayang 200 milyong dolyar na halaga ng pinsala sa mga kable ng telepono at kuryente, gayundin sa mga industriya at iba pang mga pasilidad. At, taliwas sa popular na paniniwala, “maaaring tumama ang kidlat sa iisang lugar nang tatlo, lima, o kahit sampung beses pa,” ang sabi ng siyentipikong si Osmar Pinto, Jr., ng National Institute for Space Research.
Pag-eespiya sa Pamamagitan ng Cell Phone
Nanganganib ang kompidensiyal na mga bagay sa negosyo dahil sa mga cell phone na may mga kamera, ang ulat ng pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung. Bagaman inakala noon na ang mga kamera ay karagdagang gadyet lamang na magpaparami ng benta, ang digital na mga larawan na kuha sa bagong teknolohiyang ito ng mga cell phone ay ginawang lubhang detalyado at malinaw at itinuturing ng mga opisyal sa seguridad ng maraming kompanya na isang lumalaking problema. Bukod sa hindi madaling makita ang mga kamera, nagagawa rin nitong agad-agad na ipasa ang larawan di-tulad ng pangkaraniwang mga kamera, anupat nagiging mahusay na kasangkapan ang mga ito sa pang-industriyang pag-eespiya. Kahit na mahuli pa ang tiktik, nakagawa na ito ng pinsala. Dahil dito, marami nang kompanya ang nagbawal sa paggamit ng mga cell phone na may mga kamera sa mga lugar na mahigpit ang seguridad, gaya ng mga departamento ng disenyo at mga lugar kung saan sinusubukan ang bagong mga modelo ng mga produkto.
Kalunus-lunos na Bilang ng mga Biktima sa mga Aksidente sa Sasakyan
“Kumikitil ng mas maraming libu-libong buhay taun-taon ang mga aksidente sa sasakyan kaysa sa marahas na krimen,” ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Ang kabuuang bilang ng mga taong namamatay sa Europa dahil sa mga aksidente sa daan taun-taon ay umaabot ng 55,000 at ang mga taong napipinsala naman ay 3.5 milyon. Sa Espanya, ang mga taong nasa edad 15 hanggang 29 ang bumubuo sa 35 porsiyento ng lahat ng namamatay dahil sa mga aksidente sa daan, anupat siyang nagiging pangunahing dahilan ng kamatayan sa grupong ito. “Ito ang pinakamalubha sa lahat ng problema sa kalusugan ng publiko,” ang sabi ni Jeanne Picard Mahaut, tagapagsalita ng La Ligue, isang organisasyong hindi ahensiya ng pamahalaan na ang tunguhin ay gawing mas ligtas ang daan. “Kung ayaw mo akong paniwalaan,” ang dagdag pa niya, “sabihin mo iyan sa mga doktor na humahawak sa biglaang mga kaso ng mga aksidente sa sasakyan tuwing dulo ng sanlinggo.” Kabilang sa mga hakbangin na hinihiling ng La Ligue at ng dalawa pang grupo sa Europa ay ang pagkakabit sa mga sasakyan ng mga pabrika ng mga instrumentong nagtatakda ng bilis at ang paglalagay sa mga kotse ng ‘black box’ na magbubunyag kung ano ang posibleng dahilan ng isang aksidente.
Di-magandang Taon Para sa mga Glacier sa Alps
Para sa mga glacier sa Alps, ang napakainit na tag-araw ng 2003 ang siyang naging “pinakamainit na panahong matatandaan ng sinumang nabubuhay,” ang sabi ng pahayagang Corriere della Sera ng Italya. Habang lalong umiinit ang tag-araw at tumataas ang katamtamang temperatura, natutunaw ang naipong niyebe at yelo sa kabundukan ng hilagang Italya sa “bilis na hindi pa nangyayari kailanman.” Kabilang sa di-inaasahang mga tuklas na lumitaw kamakailan mula sa natutunaw na yelo ay ang kanyong gawa sa Austria na 3,300 kilo ang bigat, na natagpuan sa taas na 3,178 metro mula sa kapantayan ng dagat. Ginamit ang kanyon sa pagsalakay sa mga himpilan ng mga Italyano noong unang digmaang pandaigdig. “Ang mga tuklas na gaya nito ay dumarami at dumadalas sa nakalipas na 20 taon,” ang sabi ng artikulo. “Tinutunaw ng mas maiinit na tag-araw ang ating mga glacier na parang mga freezer na naiwang bukas ang mga pinto.”
Ang Suliranin sa Pagpapatiwakal sa Timog Korea
Patuloy na dumarami bawat taon ang mga nagpapatiwakal sa Timog Korea simula noong 1999, ang ulat ng The Korea Times. “Nitong nakalipas na mga buwan,” ang sabi ng pahayagan, “halos araw-araw ay iniuulat ang kalunus-lunos na mga kuwento ng mga taong nagpapatiwakal, pangunahin nang dahil sa mga suliranin sa ekonomiya, gaya ng mga utang sa credit card, ngunit gayundin dahil sa kawalang-pag-asa ng indibiduwal. Ayon sa mga estadistika ng National Police Agency, may kabuuang bilang na 13,055 tao ang nagpatiwakal [noong 2002], na mas mataas nang 6.3 porsiyento kung ihahambing sa 12,277 noong nagdaang taon. Katumbas ito ng 36 na taong nagpapatiwakal bawat araw at 1.5 tao naman bawat oras.” Ngunit may higit pang nakababahala kaysa rito. Ganito ang sabi ng Times: “Ipinapasiya ng mga magulang na nawawalan ng pag-asa na patayin ang kanilang mga anak at pagkatapos ay magpatiwakal.” Ang isang halimbawa ay ang 37-taóng-gulang na babae na nagpatiwakal nang malaman na nalugi ang kaniyang asawa ng katumbas na $140,000 (U.S.) sa kalakalan ng stock. Ang dalawang anak niya—14-na-taóng-gulang na lalaki at 12-taóng-gulang na babae—ay nasumpungan ding patay. “Sinasabi ng mga sikologo na dumarami ang mga taong nauudyukang magpatiwakal dahil hindi sila nabibigyan ng lipunan ng anumang pag-asa para mapagtagumpayan ang kanilang mga suliranin,” ang konklusyon ng artikulo.
Mga Manlalakbay na Madaling Tablan ng mga Sakit
“Sa buong daigdig, mahigit isa sa siyam na manlalakbay ang nagkakaroon ng mga sakit sa palahingahan,” ang sabi ng The Medical Post ng Canada. Ang konklusyong ito ay batay sa resulta ng isang pag-aaral na ginawa ng GeoSentinel—tambalan ng International Society of Travel Medicine at ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention. Sinusubaybayan nito ang mga impormasyon hinggil sa kalusugan sa pamamagitan ng isang network ng komunikasyon at paglikom ng impormasyon ng 25 klinika para sa mga manlalakbay sa buong daigdig. Mula noong Enero 1997 hanggang Disyembre 2002, may 18,817 manlalakbay na dumalaw sa mga klinika nito, at 2,173 ang nasuring may mga sakit na tulad ng sakit sa lalamunan at impeksiyon sa tainga at sinus at maging ng pulmonya, brongkitis, at impeksiyong dulot ng mga mycobacterium. Pinapayuhan ang mga manlalakbay na dumadalaw sa bansang malaki ang tsansang mapagkunan ng sakit na tiyaking mabisa pa ang kanilang bakuna at pag-isipan ang pagpapabakuna para sa trangkaso anumang panahon iyon ng taon. Ayon kay Dr. Isabelle Nuttall, isang espesyalista sa nakahahawang mga sakit sa World Health Organization, ang mabuting kaugalian sa kalinisan ang pangunahing depensa sa sakit na dulot ng baktirya o virus. Sinabi niya: “Kung may iisang mensahe man na paulit-ulit naming sasabihin, iyon ay, ‘Maghugas ng kamay.’ ”