Maililigtas ang Planetang Lupa!
NILIWANAG sa naunang mga artikulo na hindi maaaring ipagpatuloy ng tao ang labis na paggamit sa yaman ng lupa. Totoo, kapuri-puri ang nagawang mga pagsisikap ng mga pinuno sa daigdig upang bawasan ang polusyon, pagkalbo sa kagubatan, at ang iba pang problema sa kapaligiran. Pasimula sa UN Conference on Human Environment noong 1972, at sinundan ng iba pang regular na mga komperensiya, umabot na sa 163 bansa ang nagpulong upang magpahayag ng suporta sa mga kampanya. Ngunit ano ba ang naging resulta? “Nakalulungkot, ang napakaraming kalipunang ito ng mga kasunduan, mga kampanya, at iba pang mga dokumento ay hindi nakapigil sa pagkasira ng pangglobong kapaligiran,” ang sabi ni David Hunter, tagapagpatupad na direktor ng Center for International Environmental Law. Sa katunayan, sinabi pa ni Hunter, “halos lahat ng pangunahing palatandaan sa kalagayan ng kapaligiran ay nagpapakitang mas malala ito ngayon kaysa noong panahon ng 1992 UN Conference.”
Bakit napakaliit lamang ng pagsulong pagkalipas ng mahigit na 30-taong pagharap sa mga usapin tungkol sa kapaligiran? Ang isang dahilan ay ang pangangailangang lumago ang ekonomiya. Ang ekonomiya ng mga bansa ay nakasalalay sa paggasta ng mga mamimili. Dahil dito, kailangang gumawa ng mga produkto ang mga negosyo, at ito naman ay nangangailangan ng likas na mga materyales. Ito ay isang napakasamang siklo na sa bandang huli ay pumipinsala sa kapaligiran. Kung gayon, ano ba ang solusyon?
Maling mga Hakbang
Ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit lubhang bigo ang mga pagsisikap ng tao na pamahalaan ang kaniyang sarili. Sinabi ni propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Napatunayan namang totoo ang mga salitang ito!
Nakapamasyal ka na ba sa isang hardin o isang parke? Tuwang-tuwa tayong pagmasdan ang magagandang hanay ng mga punungkahoy, palumpong, at mga bulaklak! Subalit hindi basta na lamang lumitaw ang isang napakaayos na hardin. Gumugol ng maraming oras ang ekspertong mga hardinero sa pagpungos sa mga punungkahoy, pag-aayos sa mga damuhan, at pag-aalaga sa nakatanim na mga bulaklak upang maging kaakit-akit ang mga ito. Isip-isipin kung ano ang magiging hitsura ng ating makalupang tahanan kung ang buong globo ay maibigin ding aalagaan katulad sa isang hardin.
Ang totoo, ganiyan ding uri ng pangangalaga ang nilayon ng ating Maylalang para sa ating planeta. Ayon sa ulat ng paglalang sa kinasihang Salita ng Diyos, “kinuha ng Diyos na Jehova ang tao at inilagay siya sa hardin ng Eden upang iyon ay sakahin at ingatan.” (Genesis 2:15) Bukod dito, ang pamilya ng tao ay binigyan ng atas hindi lamang upang alagaan ang Eden kundi palawakin pa ang orihinal na Paraiso hanggang sa masaklaw nito ang buong lupa.—Genesis 1:28.
Nakalulungkot, naiwala nina Adan at Eva ang kanilang kasakdalan at ang pagkakataong alagaan at palawakin ang mga hangganan ng Paraiso dahil sa kanilang pagsuway. (Genesis 3:1-6, 23) Bilang mga supling ng unang mag-asawang iyon, minana natin ang kanilang kasalanan at di-kasakdalan. (Roma 5:12) Ang masamang pangangasiwa sa mga likas-yaman ng lupa ay isa lamang halimbawa ng maling mga pagsisikap ng tao na pamahalaan ang sarili. Maliwanag, hindi kayang lutasin ng tao ang kaniyang mga suliranin. Kailangan niya ang tulong ng isang nakahihigit sa kaniya.
Ang Landas Patungo sa Paggaling
Samantalang nasa lupa, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Itinuturo ng Bibliya na sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos, gagawing paraiso ang lupa. (Awit 37:10, 11) Sa panahong iyon, ang mga punungkahoy at mga halaman ay mamumunga nang husto sa isang malinis na kapaligiran. (Awit 72:16) Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, ang lupa ay lilinisin din mula sa polusyon, at matututo ang tao na mamuhay nang ganap na kaagapay ng kaniyang kapaligiran. Paano natin ito matitiyak?
Sinasabi ng Bibliya na ang lupa ay ‘hindi makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.’ (Awit 104:5) Sa panahong itinakda ng Diyos, ang lahat ng nabubuhay ay magtatamasa ng walang-hanggang mga pagpapala, kalakip na ang mabuting kalusugan, saganang pagkain, at mahusay na pabahay. Nais mo bang matuto pa nang higit tungkol sa mga layunin ng Diyos? Makipag-usap ka sa isang Saksi ni Jehova. Magagalak silang tulungan kang maunawaan mula sa Bibliya kung paano maililigtas—at ililigtas—ang planetang Lupa!
[Mga larawan sa pahina 10]
Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, mamumuhay ang tao na kaagapay ng kaniyang kapaligiran
[Credit Line]
Batang babae at magsasaka: © Jeremy Horner/Panos Pictures