Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 1/8 p. 20-22
  • Ang Lupain ng Malaking Pera

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Lupain ng Malaking Pera
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahirap Makuha
  • Gaano Kalaki ang Halaga Nito?
  • Hindi Laging Mas Mataas ang Halaga ng Mas Malaking Pera
  • Kung Bakit Bumabagsak ang mga Bangko
    Gumising!—1987
  • Hiyas at Mahahalagang Bato
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Balanseng Pananaw sa Pera
    Gumising!—2015
  • Mga Bató sa Bató—Paggamot sa Isang Sinaunang Sakit
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 1/8 p. 20-22

Ang Lupain ng Malaking Pera

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Guam

MATATAGPUAN ang Yap sa malawak na Karagatang Pasipiko. Dahil sa ganda at kaayaayang klima ng magkakalapit na islang ito sa tropiko, nasisiyahang dumaong dito ang mga manlalakbay na gustong mapag-isa. Subalit madalas na nagugulat ang mga panauhin dito dahil iniiwan lamang ng mga tao sa lansangan ang kanilang pera. At malalaking pera ito!

Sa buong isla, mapapansin mo ang mga batong barya sa harap ng mga gusali at sa kahabaan ng mga daan. Ang mga baryang ito, na tinatawag na rai sa wika ng mga tagaroon, ang salaping ginagamit sa Yap. Bagaman sa bahay itinatago ng ilang tao ang kanilang perang gawa sa bato, idinedeposito naman ito ng karamihan sa mga “bangko” sa nayon. Sa mga institusyong ito, walang mga guwardiyang nagbabantay at walang mga teller na nag-aasikaso sa mga kostumer. Baka wala ka pa ngang makitang gusali. Sa halip na ingatan ang pera sa mga kaha-de-yero, iniiwan lamang sa labas ng mga “bangkong” ito ang perang nakadeposito sa kanila. Hayun, makikita mong nakasandig sa mga puno ng niyog at pader ang mas marami pang mga batong barya na bawat isa ay may butas sa gitna. Ang mga baryang ito ay may diyametro na umaabot nang hanggang apat na metro at maaaring tumimbang nang mahigit sa limang tonelada.

Sa lugar na tinitirhan mo, maibubulsa mo ang iyong mga barya, pero dito, napakalaki ng mga barya anupat hindi ito kasya sa isang kotse. Itinigil na ang paggawa ng batong baryang ito mula noong 1931. Gayunman, ginagamit pa rin ang salaping ito sa mga isla. Paano umiral ang di-pangkaraniwang salaping ito?

Mahirap Makuha

Ayon sa alamat, matagal nang panahon ang nakalilipas, isang grupo ng mga manlalakbay na taga-Yap ang dumaong sa isla ng Palau at kumuha ng ilang magagandang bato. Iniuwi nila ito sa Yap, at ipinasiya ng mga tagaroon na gawing pera ang mga ito. Pinasimulan nilang ukitin ang mga bato upang gawing mga baryang may butas sa gitna at kahugis ng buwang nasa kabilugan.

Hindi basta-basta ang mga materyales na ginagamit ng mga taga-Yap. Mas gusto nila ang mga mineral na kilala natin ngayon bilang aragonite at calcite. Ang aragonite, na masusumpungan sa ilalim ng lupa, ay isang mineral na masusumpungan din sa mga perlas, at ang calcite naman ang pangunahing sangkap ng marmol. Parehong kaakit-akit ang mga ito kapag mahusay ang pagkakaukit, subalit walang isa man sa mga ito ang masusumpungan sa Yap. Kaya patuloy na nagpunta sa Palau ang mga taga-Yap para manguha ng mga bato. Masusumpungan ang Palau mga 400 kilometro ang layo mula sa timog-kanluran ng Yap, at limang araw ang kakailanganin upang lakbayin ang mapanganib na karagatang ito sa pamamagitan ng makikitid na bangkang may katig.

Palibhasa’y nakakuha ng pahintulot mula sa pinuno ng Palau, pinasimulan ng mga taga-Yap ang pagtitibag ng solidong bato. Gamit ang manu-mano at sinaunang mga kagamitan, kumuha sila ng makakapal at malalapad na tipak ng bato mula sa mga kuweba na nasa ilalim ng lupa at tinabas ang mga ito upang maging hugis-barya. Upang makatabas ng kahit isa lamang piraso ng salapi, ang pagpukpok at paglililok ay tumatagal nang maraming buwan, at kung minsan ay maraming taon pa nga!

Binubutasan ang mga batong ito upang maipasok sa mga pingga at mabuhat pababa sa dalampasigan. Doon, isinasakay ang bagong-ukit na mga pera sa makikitid na bangka o sa mga balsang gawa sa kawayan. Upang maibiyahe ang isang malaking piraso, ipupuwesto ito ng mga manggagawa nang patayo sa tubig at saka gagawa ng malaking balsa sa palibot nito. Naglalayag sila sa tulong ng hangin at puspusang nagsasagwan upang hilahin ang balsa na kinalalagyan ng bagong-ukit na salapi pabalik sa Yap.

Manu-mano ang lahat ng trabahong ito, at mapanganib ang proseso. Sa katunayan, marami ang nasugatan o namatay samantalang tinatabas at inililipat ang pagkalalaking tipak ng bato patungo sa tuyong lupa. At mapanganib din ang paglalakbay pabalik sa Yap. Makikita sa pinakasahig ng dagat sa palibot ng Yap at Palau ang mga perang gawa sa bato, patunay na hindi lahat ng pera ni lahat man ng manggagawang naghakot nito ay nakabalik nang ligtas sa Yap. Gayunman, ang perang iyon na lumubog sa tubig ay pag-aari ng isang taga-Yap. May halaga rin ito na gaya ng mga batong barya sa tuyong lupa.

Gaano Kalaki ang Halaga Nito?

Pagkatapos ng isang transaksiyon sa negosyo at napunta na sa bagong may-ari ang rai, karaniwan nang hindi niya aalisin ang bato sa dati nitong kinalalagyan. Marami ang nasa kasalukuyang lokasyon ng mga ito sa loob ng marami nang dekada at napakalayo mula sa tahanan ng kasalukuyang mga may-ari nito. Hindi ito mananakaw ninuman.

Kung gustong kunin ng magnanakaw ang isang batong barya, kailangan muna niyang mag-ipon ng lakas para mabuhat ito at kailangan din niyang magpakatibay-loob upang gawin ito. Mas mahirap gawin ang huling nabanggit, dahil alam ng magkakapitbahay kung sino ang nagmamay-ari ng bawat batong barya, at malaki ang kanilang paggalang sa mga karapatan sa ari-arian.

Paano mo malalaman ang halaga ang isang piraso ng perang gawa sa bato? Una, pansinin mo ang laki nito, ang likas na kagandahan nito, at ang kalidad ng pagkalilok nito. Pagkatapos, isaalang-alang mo ang kasaysayan nito. Ilang taon na ba ito? Naging napakahirap ba ang pagtibag at pag-ukit dito? May nanganib bang mga buhay o may namatay ba nang dalhin ito ng mga kalalakihan pabalik sa Yap? Bilang panghuli, ano ang katayuan sa lipunan ng mga kasangkot sa transaksiyon? Mas malaki ang halaga ng perang gawa sa bato na pag-aari ng isang pinuno kaysa sa isa na pag-aari ng karaniwang mamamayan.

Noong 1960, nang bilhin ng isang bangko sa ibang bansa ang isang piraso ng perang gawa sa bato na 152.4 sentimetro ang diyametro, napabantog sa ibang lupain ang kasaysayan ng baryang iyon. Lumilitaw na ginagamit na ang baryang iyon noon pa mang dekada ng 1880. Minsan na itong ginamit na pasuweldo sa mga manggagawa ng isang itinatayong bahay. Sa isa namang pagkakataon, ipinagkaloob ito ng mga mamamayan ng isang nayon para sa mga taga-kabilang nayon na nagtanghal ng isang pantanging sayaw. At nang maglaon, ipinambili ito ng isang may-bahay ng yerong pambubong. Isinagawa ang lahat ng transaksiyong ito nang hindi inaalis ang bato sa orihinal na lokasyon nito, at walang anumang nasusulat na rekord ang iningatan. Alam ng nakararami sa Yap kung sino ang nagmamay-ari at kung ano ang kasaysayan ng baryang iyon.

Hindi Laging Mas Mataas ang Halaga ng Mas Malaking Pera

Nang pasimulang gamitin ang rai daan-daang taon na ang nakalilipas, napakakaunti at napakamahal ng mga batong barya anupat mga pinuno lamang ang may kakayahang magmay-ari ng mga ito. Pagkatapos, noong huling mga taon ng ika-19 na siglo, dahil sa mga kasangkapang yari sa bakal at mga barkong pangkargamento, posible nang makapag-ukit at makapagbiyahe ng mas marami pang mga barya, pati na ng malalaking barya. Bagaman mas malalaki ang bago kung ihahambing sa mas matatagal nang barya, mas maliit naman ang halaga ng mga ito, yamang hindi ito ginawa sa tradisyonal at mas mahirap na paraan.

Noong 1929, isiniwalat ng isang opisyal na pagbilang na may 13,281 batong barya​—mas marami pa sa mga taong naninirahan sa isla! Nagbago ito noong Digmaang Pandaigdig II. Kinumpiska ng mga sundalo ang mga pera na gawa sa bato at binasag ang ilan sa mga ito upang magamit sa pagtatayo ng mga paliparan at kuta. Kalahati na lamang ng mga batong barya ang natira. Pagkatapos, ninakaw ng mga naghahanap ng subenir at ng mga taong mahilig sa pagkokolekta ang marami sa mga baryang ito. Sa ngayon, ang mga perang ito na gawa sa bato ay itinuturing ng pamahalaan na yaman ng kanilang kultura at gumawa sila ng mga batas upang maingatan ang mga ito.

Sa Yap, ang pera ay hindi napipitas sa mga punungkahoy, ni nalalatagan man ng ginto ang mga kalsada. Ngunit iniiwan pa rin ng mga tao sa lansangan ang kanilang kayamanan upang makita ng lahat!

[Mga larawan sa pahina 20]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Hapon

KARAGATANG PASIPIKO

Pilipinas

Saipan

Guam

Yap

Palau

[Credit Line]

Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 21]

“Bangko” ng perang gawa sa bato

[Larawan sa pahina 22]

Ang ilang barya sa Yap ay maaaring tumimbang nang mahigit sa limang tonelada

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share