Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 1/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Matagal Mag-ayos ang mga Lalaki sa Europa
  • Masyadong Maraming Propesyonal
  • Mga Sasakyan at Bisikleta sa Tsina
  • Nakabubuti ang Pagbabasa sa Bagong-Silang na mga Sanggol
  • Naglalaho ang Di-naipagsasanggalang na mga Uri
  • Mag-ingat sa mga Inuming Hinaluan ng Alak o Droga
  • Pag-asa Para sa Ozone Layer ng Lupa?
  • Kapag Nasira ang Ating Atmospera
    Gumising!—1994
  • Naglalahong Ozone—Sinisira ba Natin ang Atin Mismong Panangga?
    Gumising!—1989
  • Ang Pakikihamok Upang Iligtas ang Ating Planeta
    Gumising!—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 1/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mas Matagal Mag-ayos ang mga Lalaki sa Europa

“Sa nakalipas na limang taon, lumaki ang panahong ginugugol ng mga lalaki sa pag-aayos sa katamtamang 3.1 oras sa isang linggo​—kung ihahambing sa katamtamang 2.5 oras na ginugugol ng mga babae,” ang ulat ng pahayagang The Daily Telegraph ng London. Masasabing tumitindi nga ang pagkabahala sa personal na hitsura dahil nagiging mabili ang mga produkto para sa pangangalaga sa balat at buhok at sa pagpapanatili ng personal na kalinisan, gayundin ang mga pabangong panlalaki, na nagkakahalaga ng “£13.6 bilyon [US $25 bilyon] noong nakaraang taon at inaasahang tataas tungo sa £16.1 bilyon [US $29 bilyon] sa 2008.” Ganito ang sinabi sa pahayagan ng isang manedyer ng isang parlor para sa mga kalalakihan: “Lumalakas ang negosyong ito palibhasa’y maraming kostumer ang gumagasta nang hanggang £200 [US $360] para sa mga facial, manikyur, at pedikyur.” Bukod diyan, sinabi ng pahayagan na “60 porsiyento ng mga pabangong panlalaki ang tuwiran nang ipinagbibili sa mga lalaki, sa halip na sa mga kasintahang babae o sa mga asawang babae.”

Masyadong Maraming Propesyonal

“Ang pagkakaroon ng titulo sa unibersidad ay hindi na isang garantiya ngayon sa pagkakaroon ng trabaho,” ang sabi ng pahayagang El Universal sa Mexico City. Isiniwalat ng isang pag-aaral kamakailan sa Mexico na sa “pagitan ng 1991 at 2000, 40 porsiyento ng mga propesyonal ang tumanggap ng mga trabahong walang kaugnayan sa kurso na kanilang pinag-aralan.” Nangangahulugan ito na mga 750,000 nagsipagtapos sa unibersidad ang pumapasok sa mga trabahong hindi nangangailangan ng titulo sa unibersidad, gaya ng pagiging “opereytor ng telepono, drayber, madyikero, payaso, [at] tagapagsilbi ng inumin sa mga bar.” Tinataya ng ulat na pagsapit ng 2006 sa Mexico, 131,000 administrador, 100,000 akawntant, 92,000 inhinyero ng computer, 92,000 gurong pang-elementarya, at 87,000 abogado ang mahihirapang makakita ng trabaho dahil sa kakaunti lamang ang mga trabahong mapapasukan sa mga propesyong ito.

Mga Sasakyan at Bisikleta sa Tsina

Habang lumalago ang ekonomiya ng Tsina, mas pinipili na ng mga tao ang magmaneho kaysa magbisikleta. Halimbawa, 25 porsiyento na lamang ng mga residente ng Beijing sa ngayon ang pangunahing gumagamit ng mga bisikleta sa paglalakbay, kung ihahambing sa 60 porsiyento sampung taon pa lamang ang nakalilipas. “Sa Beijing lamang,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star ng Canada, “ang bilang ng mga sasakyan sa daan ay dumarami nang mahigit sa 400,000 taun-taon.” Dahil dito, “ang katamtamang bilis ng daloy ng mga sasakyan sa ngayon ay 12 kilometro na lamang bawat oras” sa lunsod na iyon. Iniuulat ng National Geographic na noong 2003 sa Tsina, “buong-pananabik na bumili ng mahigit sa dalawang milyong sasakyan ang mga baguhan at mayayamang propesyonal​—na 70 porsiyento ang kahigitan kaysa noong 2002.” Idinagdag pa nito na dahil mas dumarami ang mga taong sumasakay sa kotse kaysa sa nagbibisikleta, “malamang na nalampasan na ng Tsina ang Hapon sa pagiging ikalawa sa pinakamalakas gumamit ng langis sa buong daigdig.” Gayunpaman, may tinataya pa ring 470 milyong bisikleta sa Tsina.

Nakabubuti ang Pagbabasa sa Bagong-Silang na mga Sanggol

“Ang pagbabasa sa maliliit na bata ay may napakatinding epekto sa nalalabing bahagi ng kanilang buhay anupat inirerekomenda ngayon ng mga dalubhasa na pasimulan ito ng mga magulang kahit ilang oras pa lamang ang edad ng kanilang mga sanggol,” ang sabi ng The Toronto Star. Si Dr. Richard Goldbloom, na nangasiwa sa kauna-unahang programa ng pagtuturo sa mga sanggol sa Canada dalawang taon na ang nakalilipas, ay nagsabi ng ganito: “Ang isa sa mga bagay na natuklasan at naobserbahan namin ay na kapag binabasahan mo ang sanggol, talagang nagbibigay-pansin sila bagaman napakabata pa nila. Nakikinig sila.” Ipinakikita ng mga pananaliksik na ang pagbibigay pa lamang ng mga aklat sa mga bata sa napakamurang edad ay nagpapasulong na ng kanilang bokabularyo at kakayahang bumasa. Ayon sa pahayagan, “hindi nito layunin na pilitin ang maliliit na bata na matutong bumasa, kundi sa halip ay ihantad sila sa pagkakasari-sari at sapat na dami ng mga salita upang matuto sila ng bokabularyo at makilala nila ang mga titik at ang tamang bigkas sa mga ito​—at sa dakong huli ay aktuwal na matutong bumasa.”

Naglalaho ang Di-naipagsasanggalang na mga Uri

Nitong nakaraang mga taon, nagtagumpay ang mga tagapangalaga sa kapaligiran sa pagsasanggalang sa mahigit 10 porsiyento ng lupa, ang sabi ng pahayagang El Comercio ng Peru. Sa kabila ng kapuri-puring pagsisikap na ito, “di-kukulangin sa 300 uri ng mga ibon, mamalya, pagong, at ampibyan, na sinasabing nanganganib malipol” ang lubusang di-naipagsasanggalang ng kasalukuyang sistema ng mga reserbasyong pangkalikasan. Ang problema kasi, sabi ni Gustavo Fonseca, executive vice president para sa mga programa at siyensiya ng Conservation International, ay maaaring “kaakit-akit sa pulitikal na paraan” ang kasalukuyang mga tunguhin sa pangangalaga sa kapaligiran subalit hindi naman ito sapat. “Dapat tayong magtuon ng pansin sa pangangalaga sa mga lugar kung saan nanganganib malipol ang pinakamaraming katutubong uri,” ang sabi niya. Sa pagtatampok ng isa pang banta sa papaubos na mga uri, iniulat ng pahayagan na ang pagbebenta ng papaubos nang mga uri ang isa sa pinakamalaking ipinagbabawal na negosyo sa daigdig, kasunod ng ilegal na kalakalan ng droga at sandata. Ang halos kalahati ng lahat ng uri ng hayop na ipinagbibili sa ilegal na mga kalakalan sa daigdig ay nagmumula sa kagubatan ng Timog Amerika.

Mag-ingat sa mga Inuming Hinaluan ng Alak o Droga

Sa Australia, “umaabot sa lima katao bawat araw ang hinahalay pagkatapos haluan ng alak o droga ang kanilang inumin sa mga bar, club, at pribadong mga parti,” ang babala ng pahayagang The Australian. Ang mga inumin ay palihim na hinahaluan ng alak o droga. Ang ilang drogang ginagamit ay walang kulay, lasa, o amoy. Ang mga biktima ay maaaring mawala sa sarili, hindi makakilos, o mawalan ng malay. Ang ilan sa kanila ay namatay. Isiniwalat ng isang pambansang pag-aaral ng Institute of Criminology ng Australia na “bawat taon, tinatayang 4500 katao ang pinaiinom ng mga inuming hinaluan ng alak o droga, at hanggang 40 porsiyento sa kanila ang hinahalay,” ang sabi ng pahayagan. Kapag humupa na ang mga epekto ng mga inuming hinaluan ng droga o alak, maaaring hindi pa nga maalaala ng mga indibiduwal ang nangyari sa kanila.

Pag-asa Para sa Ozone Layer ng Lupa?

“Sa wakas, bumababa na ang antas ng mga chlorofluorocarbon (CFC) sa atmospera,” ang ulat ng magasing ECOS, na inilathala ng Commonwealth Scientific and Industrial Research Organization (CSIRO) ng Australia. Dahil sa mga CFC sa atmospera, napinsala ang ozone layer na nagsasanggalang sa lupa. Sa mahigit na 50 taon, patuloy na tumaas ang antas ng CFC sa atmospera hanggang noong taóng 2000. Mula noon, ang mataas na antas ng CFC ay “bumababa na nang halos isang porsiyento bawat taon,” ang sabi ng ECOS. Ayon sa ulat, ang pagbabang ito ay “nagpapahiwatig na maaaring magsara na ang butas ng ozone sa bandang kalagitnaan ng siglong ito.” Subalit nagdudulot pa rin ng pinsala ang mga kemikal na ito. Ganito ang sabi ng ulat: “Sa kabila ng pagbabang ito, ang butas ng ozone layer sa ibabaw ng Antartiko . . . ay umabot sa lawak na halos 29 na milyong kilometro kuwadrado, na mahigit tatlong ulit ang laki kaysa sa lupaing saklaw ng Australia.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share