Mga Rabit at Palaka—Mananalakay ng Isang Kontinente
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
NAGAGANAP ang labanan sa isang nasira at tigang na lupain. Ang dating mayabong na kaparangan ay punô na ngayon ng malalalim na butas. Nagkalat ang bangkay ng mga kasali sa labanan. Ang mga kawal na ito ay hindi nakapatíg, walang bota at bayoneta ngunit may malalambot na balahibo at matatalim na ngipin. Ang mga ito ay ligáw na mga rabit na naging salot sa Australia.
May Rabit Kahit Saan
Noong 1859, sinimulang salakayin ng mga European rabbit ang timog-silangang hanggahan ng Australia. Inangkat talaga ang mga ito upang hulihin ng naglilibang na mga mangangaso, subalit nang maglaon, hinuhuli na ito, hindi dahil sa isport, kundi dahil sa desperadong pagsisikap na kontrolin ang kanilang pagdami.
Bagaman 900 taon muna ang lumipas bago kumalat sa buong Britanya ang mga European rabbit, sa loob lamang ng 50 taon ay nangalat na ang mga ito sa isang lugar sa Australia na mahigit sa kalahati ng laki ng Europa. Ang nasa hustong gulang na mga babaing rabit ay nagsisilang ng 40 anak sa loob ng isang taon, kaya umaabante ang pagsalakay ng mga rabit sa kontinente sa bilis na 100 kilometro bawat taon. Sinabi ng isang ulat mula sa Bureau of Rural Sciences (BRS): “Ito ang pinakamabilis na pagkalat ng alinmang mamalya sa buong lupa.” Mapangwasak ang mga resulta.
Inaagaw ng mga rabit ang pagkain at mga lungga ng katutubong mga hayop; isinisisi sa mga ito ang pagkalipol ng napakaraming uri ng hayop sa lugar na iyon. Sila pa nga raw ang may pananagutan sa pagkakalbo ng kagubatan. Ipinaliwanag ng isang mananaliksik na “kinakain ng mga ito ang bagong-sibol na mga punungkahoy kaya’t wala nang pumapalit sa matatanda at namamatay na mga punungkahoy.” Kapag sumalakay ang mga ito sa isang maliit na isla, kapaha-pahamak ang mga resulta. “Noong 1903, dinala sa Isla ng Laysan ang mga rabit, at pagsapit ng 1936, nalipol na ng mga ito ang tatlong uri ng ibon at ang 22 sa 26 na uri ng halaman sa lugar na iyon. . . . Noong 1923, ang isla ay isa nang tiwangwang na disyerto na natatamnan ng iilang bansot na punungkahoy na lamang,” ang sabi ng ulat ng BRS.
Paggamit ng mga Sandata Para sa Lansakang Paglipol
Sa Australia, ang mga rabit ay binabaril, binibitag, at nilalason. Itinayo ang bantog na Rabbit Proof Fence—may habang 1,830 kilometro at bumabagtas sa estado ng Kanlurang Australia— upang pigilin ang pagkalat ng mga ito.a Subalit waring walang makapigil sa sumasalakay na hukbong ito.
Pagkatapos, noong 1950, gumawa ng ganting pagsalakay gamit ang isang biyolohikal na sandata—ang virus na myxomatosis. Dahil sa virus na ito, nabawasan nang malaki ang populasyon ng mga rabit, na tinatayang umaabot noon sa 600 milyon. Mga lamok at pulgas ang tagapagdala ng myxomatosis, na nakaaapekto lamang sa mga rabit, at kumitil ito ng 500 milyong mananalakay sa loob lamang ng dalawang taon. Gayunman, pagkaraan ng maikling panahon, hindi na tinatablan ng sakit na ito ang mga rabit at mabilis na nagparami ang mga nakaligtas. Kaya naman pagsapit ng dekada ng 1990, umabot na ang bilang nila sa 300 milyon. Kailangang-kailangan ang iba pang pandepensa.
Masamang Balita—Mabuting Balita
Noong 1995, ginamit sa Australia ang ikalawang biyolohikal na sandata, ang rabbit hemorrhagic disease (RHD). Unang lumitaw ang RHD sa Tsina noong 1984. Pagsapit ng 1998, kumalat na ito sa Europa at di-nagtagal ay kumitil ng 30 milyong inaalagaang rabit sa Italya. Masamang balita ang RHD para sa mga nagnenegosyo ng European rabbit subalit mabuting balita naman ito para sa mga magsasaka ng Australia, sapagkat sampung milyong rabit ang nalipol sa unang dalawang buwan pa lamang mula nang gamitin ito. Ang naaapektuhan ng virus na ito ay waring mga rabit lamang, na namamatay sa loob ng 30 hanggang 40 oras matapos itong mahawahan, nang walang anumang nakikitang sintomas ng paghihirap. Pagsapit ng 2003, umunti nang 85 porsiyento o higit pa ang dami ng mga rabit sa maraming mas tuyong mga bahagi ng Australia dahil sa RHD.
Dumami nang walong ulit ang bilang ng katutubong mga orkid sa isang pambansang parke sa Timog Australia sa loob ng wala pang limang taon dahil wala na ang mga rabit na kumakain sa dahon ng mga ito. Sa iba pang bahagi ng estadong iyon, “kapansin-pansin ang maagang muling pagsibol ng katutubong mga palumpong . . . sa mga lugar na regular na sinasalanta ng sakit na ito,” ang sabi ng magasing Ecos. Sa ilang lugar, bumaba rin ang bilang ng mga maninilang hayop na nanggaling sa ibang bansa, gaya ng mga sorra at ligáw na pusa, dahil sa pag-unti ng mga rabit. Ikinatuwa ng mga dalubhasa sa ekolohiya at mga magsasaka ang pagkamabisa ng bagong sandatang ito, yamang nalulugi nang $600 milyon taun-taon ang ekonomiya ng Australia dahil sa mga rabit. Gayunman, ang pangmatagalang epekto ng sakit na ito sa populasyon ng matitibay na rabit sa Australia ay malalaman pa sa hinaharap.
Bayani na Naging Kaaway
Bagaman nagtatagumpay ang mga siyentipiko laban sa ligáw na mga rabit, waring hindi naman nila masupil ang mas bagong mananalakay—ang mga palakang-tubó (cane toad). Gaya ng rabit, hindi basta nakapasok nang palihim sa bansa ang kaaway na ito kundi sadya pa nga itong inangkat. Bakit?
Noong unang mga taon ng ika-20 siglo, dalawang uri ng uwang-tubó (sugarcane beetle) ang naging banta sa industriya ng tubó sa Australia, na sa kasalukuyan ay nagpapasok ng dalawang bilyong dolyar taun-taon sa ekonomiya. Noong 1935, inakala na ang Bufo marinus, o palakang-tubó, isang ampibyan na kasinlaki ng kamao at kilalang malakas kumain ng uwang, ang magiging tagapagligtas ng mga magtutubó. Bagaman nag-aalinlangan ang ilang siyentipiko, inangkat pa rin ang palaka mula sa Timog Amerika at idinaan sa Hawaii patungo sa mga tubuhán ng Queensland kung saan pinakawalan ang mga ito.
Matapos pakawalan, nagtraidor ang palakang-tubó anupat hindi man lamang pinansin ang mga uwang-tubó. Nakalalason ang mga nilalang na ito sa anumang yugto ng kanilang paglaki, mula sa pagiging itlog hanggang sa pagiging adulto. Habang nagbabagong-anyo ang mga ito mula sa pagiging butete hanggang sa pagiging palaka, tumutubo sa ilalim ng kanilang balat ang pantanging mga glandula na kapag nagagalit ang mga palaka ay naglalabas ng malagkit, malagatas, at matapang na lason. Kilala rin ang mga palakang-tubó sa pagpatay sa katutubong mga bayawak, ahas, asong gubat, at maging ng mga buwaya na narahuyong kainin ang mga ito. Palibhasa’y mabilis magparami, kumalat na ang mga ito nang mahigit 900 kilometro mula sa lugar kung saan sila unang pinakawalan. Ang populasyon ng mga palakang-tubó ay halos sampung ulit na mas malaki kaysa sa populasyon ng mga ito sa bansang pinagmulan nila, ang Venezuela. Gaya ng salot na iniulat sa Bibliya, sumasalakay ang mga ito sa mga bukirin, pumapasok sa mga bahay, at nagtatago sa mga inodoro. Palibhasa’y kumakalat sa bilis na 30 kilometro bawat taon, nakapasok na ang mga ito sa isang lugar na nagugustuhang panirahan ng mga palaka—ang Kakadu National Park sa Northern Territory na nakatala sa World Heritage List. Bagaman gumugol na ng milyun-milyong dolyar ang gobyerno ng Australia para pondohan ang pananaliksik upang pigilin ang pagdami ng mga palaka, wala pa ring natutuklasang mabisang pamamaraan. Hindi pa tapos ang laban, subalit ang mga palaka ang nananaig sa kasalukuyan.
Bakit May Ganitong Labanan?
Kapag hindi pinakialaman ang ekosistema, may sariling likas na paraan ang mga organismo upang limitahan ang pagdami nila. Gayunman, kapag nakalaya sa mga limitasyon ng kanilang katutubong kapaligiran, ang waring di-nakapipinsalang mga hayop ay maaaring mabilis na dumami at maminsala nang husto.
Hindi napag-isipan noon ng mga Europeo na unang nakipamayan sa Australia ang matinding pinsala na idudulot ng di-mapigil na pagdami ng mga hayop at halaman na galing sa ibang bansa. Totoo, maraming inangkat na mga uri ng halaman at hayop ang napakikinabangan. Sa katunayan, ganap nang nakadepende ang mga Australiano sa mga uri ng halaman at hayop na nagmula sa ibang bansa—tupa, baka, trigo, bigas, at iba pang pangunahing pagkain. Gayunman, ang rabit at ang palakang-tubó ay seryosong mga paalaala na kailangang mag-ingat ang mga tao kapag ipinapasiya nilang manipulahin ang kahanga-hanga at masalimuot na kawing ng buhay.
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising! sa isyu ng Pebrero 8, 2003, pahina 14.
[Larawan sa pahina 26]
Bayaning naging kaaway—nagpapatuloy ang pananalakay ng mga palakang-tubó
[Credit Line]
U.S. Geological Survey/photo by Hardin Waddle
[Larawan sa pahina 26]
Uhaw na mga mananalakay sa isang maliit na lawa sa Isla ng Wardang, Gulpo ng Spencer, sa Timog Australia
[Credit Line]
By courtesy of the CSIRO
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Mga Rabit: Department of Agriculture, Western Australia; palaka: David Hancock/© SkyScans