Ang Kuweba ng mga Holen
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
HABANG nakatayo siya sa nagkalat na milyun-milyong “holen” sa sahig ng kuweba, hindi mapigilan ng isang Amerikanong speleologist, o manggagalugad ng kuweba, na mapabulalas, “Salamat po Diyos ko, sa pagbibigay sa akin ng buhay upang makita ko ang kamangha-manghang bagay na ito!” Ginagalugad niya ang Kuweba ng mga Holen, dugtung-dugtong na mga kuweba sa timog-silangang Mexico na 529 na metro ang haba at 17 metro ang lalim. Sa loob, makikita ng isa ang kagila-gilalas na namuong mga bato. Palibhasa’y nabalitaan namin ang tungkol sa kuwebang ito, gusto namin itong makita.
Matatagpuan ang kuweba sa isang pribadong rantso, kaya mabuti na lamang at nakilala namin ang asawang babae ng may-ari ng rantso. Habang dumaraan kami sa isang pasukan patungo sa pasilyo na kinaroroonan ng mga holen, nakakita kami ng mga 200 milyong maliliit na bolang calcite (isang uri ng mineral sa lupa), o perlas ng kuweba. Nakalatag ang mga ito sa halos 50 metro ng sahig sa lalim na hanggang 12 sentimetro. Hindi mapipigilan ng sinuman ang kaniyang sarili na dumakot ng mga perlas at hayaang lumusot ang pinakamaliliit sa mga ito—kasinliit ng buto ng lentehas—sa kaniyang mga daliri. Ang pinakamalalaki ay kasukat ng maliliit na kahel. Kapag hinawi ang mga holen upang makita ang solidong sahig, makikita ng isang mausisa na ang sahig ay binubuo ng pantay-pantay na nanigas na mga perlas.
Paano nabubuo ang mga perlas ng kuweba? Tumutulo nang malakas ang tubig tungo sa mga tipunang-tubig. Dahil sa pagtulo na ito ay natatangay ang calcite anupat pumapatak ito at bumabalot sa isang piraso ng anumang bagay, tulad ng buhangin, pira-pirasong buto, o kahit na istro ng softdrink. Sa ganitong paraan, habang dumarami ang pumapatak na calcite, nabubuo ang isang perlas.
Bagaman matagal nang alam ng mga tagaroon ang kuwebang ito, kamakailan lamang ito pinuntahan ng mga espesyalista mula sa ibang bansa, palibhasa’y nabighani sila sa napakaraming perlas na taglay nito. Sa kasalukuyan, gumagawa na ng mga pagsisikap upang suriin at ingatan ang pambihirang kuweba na ito.
Ang mga lugar na gaya ng Kuweba ng mga Holen ay nagpapaalaala sa atin sa mga salita sa Awit 111:2: “Ang mga gawa ni Jehova ay dakila, sinasaliksik ng lahat ng nalulugod sa mga iyon.”