Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 2/22 p. 12-13
  • Katolisismo na May Katangiang Aprikano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Katolisismo na May Katangiang Aprikano
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Pampasigla sa Tunay na Pananampalataya’
  • Mga “Santo” o mga Orixá?
  • Ano Kaya ang Sasabihin ni Jesus?
  • Ang Iglesya Katolika sa Aprika
    Gumising!—1994
  • Mga Santo
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Isang Relihiyosong Problema sa Kolonyang Brazil
    Gumising!—2002
  • Kasunduan ba sa Pagitan ng “Templo ng Diyos” at ng mga Idolo sa Gresya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 2/22 p. 12-13

Katolisismo na May Katangiang Aprikano

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Brazil

SA Salvador, ang kabisera ng Estado ng Bahia, Brazil, napakalaking kapistahan ang ginaganap kapag bagong taon. Daan-daang kababaihan ang nangunguna sa prusisyon hanggang sa simbahang Katoliko ng Bonfim, kung saan nililinis nila ng tubig na may pabango ang mga baytang ng simbahan. Pinararangalan ng ritwal na ito si Oxalá, ang diyos ng paglalang ng mga Aprikano.

Mga isang milyon ang nanonood sa seremonyang ito. Sa indayog ng pinupukpok na mga instrumento ng mga Aprikano, sumasama sila sa maingay na kasayahan sa lansangan na kasunod nito.

Ang ritwal na ito na 250 taon nang idinaraos ay isang kitang-kitang halimbawa ng pinagsama-samang relihiyosong mga paniniwala, isang katangian ng Katolisismo sa Brazil. Mahigit sa 70 milyong Braziliano ang sinasabing tuwiran o di-tuwirang kabilang sa Candomblé, Umbanda, Xangô, at iba pang relihiyong Aprikano-Braziliano. Subalit kasabay nito, inaangkin ng karamihan na sila’y Katoliko.

Paano nangyari ang pagsasamang ito? Paano ito minamalas ng Simbahang Katoliko? At dapat bang purihin o iwasan ang pagsasama-sama ng relihiyosong mga paniniwala?

‘Pampasigla sa Tunay na Pananampalataya’

Iba-iba ang mga kalkulasyon, subalit malamang na mahigit sa anim na milyong Aprikano mula sa Yoruba, Bantu, at sa iba pang mga tribo ang dinala sa Brazil bilang mga alipin noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo hanggang noong 1888, nang alisin sa wakas ang pang-aalipin. Kaya, pamana ng dating mga alipin ang pinagsama-samang tradisyonal na mga paniniwalang Aprikano at Katolisismo sa Brazil.

Bagaman iginigiit ang pagkumberte sa lahat ng mga alipin, sinang-ayunan naman ng Simbahang Katoliko ang pagsasama ng Katolisismo at ng mga katangian ng relihiyong Aprikano. Ayon sa istoryador na si Roger Bastide, naniniwala ang mga misyonerong Jesuita na ang mga katutubong Aprikano, gaya ng mga bata, ay dapat maakit sa relihiyong Katoliko sa pamamagitan ng musika at sayaw gayundin ng kanilang hilig sa mga titulo at mga posisyong pandangal. “Hindi sila dapat pilitin na lubusang iwasan ang kanilang tradisyonal na mga kaugalian,” ang sulat ni Bastide, “kundi ang mga ito ay dapat suriin at ang mga kanais-nais ay gamitin bilang pampasigla upang tulungan silang makamit ang tunay na pananampalataya.”

Sa iba’t ibang relihiyosong kapatiran na pawang Aprikano, gaya ng mga nakatalaga sa Katolikong si “San” Benedicto at sa Birhen ng Rosaryo, nagmistulang “maka-Kristiyano” ang maraming tradisyong Aprikano. Minsan sa isang taon, sa araw ng kapistahan ni “San” Benedicto, ang gayong mga kapatiran ang pumipili ng isang hari at isang reyna mula sa kanilang mga miyembro, isang kaugaliang mula sa sunud-sunod na mga hari sa mga tribo sa Aprika.

Mga “Santo” o mga Orixá?

Ang paniniwala sa maraming tagapamagitan sa Diyos at sa tao ay karaniwan sa Katolisismo at sa mga relihiyong Aprikano. Halimbawa, naniniwala ang mga Yoruba sa mga orixá. Ang mga ito’y inaakalang mga mandirigma at mga hari na ginawang diyos na kumokontrol sa likas na mga puwersa at nagsisilbing mga tagapamagitan sa tao at sa kanilang kataas-taasang diyos, si Olorun. Sa katulad na paraan, naniniwala ang mga Romano Katoliko na ang mga “santo” ang namamagitan sa Diyos para sa tao. At tinatawagan nila ang espesipikong mga “santo” para sa proteksiyon may kaugnayan sa partikular na mga gawain.

Sa halip na talikuran ang kanilang mga orixá, basta ikinukubli ng maraming alipin ang kanilang debosyon sa mga orixá sa pamamagitan ng pagpipitagan sa mga “santo” na may katulad na mga katangian. Kaya, ang diyos sa pakikidigma ng mga Yoruba, si Ogun, ay naging katumbas ng mga “santo” ng Katoliko na sina Anthony o George, kapuwa mga sundalo at mga bayani ng Sangkakristiyanuhan.

Sa katulad na paraan, si Yemanjá, ang ina ng lahat ng mga orixá at diyosa ng karagatan, ay naging katumbas ng iba’t ibang “aparisyon” ni Birheng Maria. Ang Panginoon ng Bonfim, ang pinakapopular na “santo” sa Salvador, ay itinutulad naman kay Oxalá, ang kataas-taasang orixá sa kalipunan ng mga diyos ng Yoruba. Ang kaugnayang ito ay ipinagdiriwang pa rin sa taunang ritwal ng paglilinis ng mga baytang ng simbahan.a

“Ang mga tao rito ay taimtim na naniniwala at pare-parehong may pananalig kay Jesus, sa mga santong Katoliko, at sa mga orixá,” ang komento ng isang lider na Katoliko mula sa lunsod ng Salvador. “Marami ang mabilis na nagpapalipat-lipat ng relihiyon,” ang sabi pa ng antropologong taga-Brazil. “Pagkatapos dumalo ng Misa sa simbahang Katoliko, nagtutungo naman sila sa isang sentrong candomblé [ng mga Aprikano].”

Ang pagsasamang ito ng Katolisismo at ng mga paniniwalang Aprikano ay isang sensitibong isyu. Sinabi ni Lucas Moreira, dating presidente ng Brazilian Catholic Episcopal Conference: “Dapat sundin ng bawat isa ang kaniyang sariling relihiyon, nang walang pagsasama-sama ng mga paniniwala.” Ganito pa ang sinabi ng isang obispong Katoliko: “Ang pagsasama-sama ng mga paniniwala ay isang katunayan ng pagsalansang sa pagkilos ng simbahan.”

May dalawang magkaibang opinyon. Nilalabanan ng konserbatibong mga lider ng simbahan ang ipinalalagay nilang pagano at makademonyo, samantalang pinipilit naman ng iba na isama ang Aprikanong mga simbolo at sayaw sa mga ritwal ng Simbahang Katoliko.

Ano Kaya ang Sasabihin ni Jesus?

Si Jesus-Kristo, ang Tagapagtatag ng Kristiyanismo, ay nangaral sa iba’t ibang relihiyoso at etnikong grupo. Ngunit may-katatagan niyang sinabi: “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Bukod diyan, ipinaliwanag ni Jesus na isinisiwalat ng Ama, ang Diyos na Jehova, ang katotohanan sa pamamagitan ng Kaniyang Salita, ang Bibliya.​—Juan 17:17.

Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ituro ‘sa mga tao ng lahat ng mga bansa na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos niya.’ (Mateo 28:19, 20) Hindi niya kailanman iminungkahi na baguhin nila ang kaniyang mga turo upang maakit ang mga tao na may pinanghahawakang ibang mga tradisyon at paniniwala. Noong panahon ng mga apostol, sinikap ng ilang tao na ipakilala ang mga ideya at mga kaugaliang hinango sa ibang relihiyon. Gayunman, tinuligsa ang gayong mga pagsisikap. “Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,” ang sulat ni apostol Pablo, ‘at tatanggapin kayo ng Diyos.’​—2 Corinto 6:17.

[Talababa]

a Ayon sa Dicionário de Cultos Afro-Brasileiros (Diksyunaryo ng mga Relihiyong Aprikano-Braziliano), ang paglilinis ng mga baytang sa Bonfim ay may malapit na kaugnayan sa seremonya ng mga Yoruba na tinatawag na tubig ni Oxalá, ang ritwal ng paglilinis ng mga otá (sagradong mga bato) ni Oxalá.

[Mga larawan sa pahina 12]

Mga babaing saserdote na Aprikano-Braziliano na naglilinis ng mga baytang ng simbahan

Mga pulutong sa mga baytang ng simbahan ng Bonfim, sa Brazil

[Credit Lines]

Itaas: De: A Tarde​—Wilson da Rocha Besnosik; ibaba: De: A Tarde​—Antônio Queirós

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share