Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 2/22 p. 14-17
  • Kung Saan Nagtatagpo ang Anim na Kontinente

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Saan Nagtatagpo ang Anim na Kontinente
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Hayop Mula sa Anim na Kontinente
  • Pangangalaga sa Likas na Reserbasyong Ito
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Brolga, Cassowary, Emu, at Jabiru—Ilang Kahanga-hangang Ibon ng Australia
    Gumising!—1996
  • Nairobi National Park—Kung Saan Malayang Gumagala-gala ang mga Hayop
    Gumising!—2003
  • Isang Naiibang Uri ng Paraiso
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 2/22 p. 14-17

Kung Saan Nagtatagpo ang Anim na Kontinente

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Ukraine

NASISIYAHAN ka bang masdan ang mga hayop sa kanilang likas na tirahan? Kung gayon, malulugod kang dumalaw sa Aprika, Asia, Australia, Europa, Hilagang Amerika, at Timog Amerika na pawang nasa iisang lugar. Paano magiging posible ang gayong pagdalaw? Sa pamamagitan ng paglalakbay sa Askaniya-Nova Biosphere Reserve sa gawing timog ng Ukraine. Dito, ang mga kawan ng maiilap na hayop mula sa anim na kontinenteng ito ay gumagala-gala sa kapatagan at namumuhay sa kapayapaan at pagkakaisa.

Ang kasaysayan ng reserbasyon ay mula pa noong 1883. Nang taóng iyon, isang naninirahang Aleman na nagngangalang Friedrich Pfalz-Pfein ang nagbukod ng isang basal na kapatagan at ginawa itong isang reserbasyon. Mayroon na siyang isang pribadong zoo roon na may mahigit na 50 uri ng mga ibon at mamalya. Nang maglaon, noong 1887, idinagdag ang isang harding botanikal. Sa kasalukuyan, ang Askaniya-Nova Biosphere Reserve ay may isang parkeng botanikal, isang patag na reserbasyon na mahigit 11,000 ektarya ng basal na kaparangang may mangilan-ngilang punungkahoy, at isang zoo.

Sa daang patungo sa reserbasyon, unang makikita ang parkeng botanikal. Sa paglipas ng mga taon, iba’t ibang punungkahoy mula sa maraming bahagi ng daigdig ang dinala rito ng mga siyentipiko. Nakakalat ang mga punungkahoy sa mga 200 ektaryang parke. Yamang nasa tigang na rehiyon ng bansa ang reserbasyon, humukay ng mga poso na may mga kanal ng irigasyon upang madiligan ang mga punungkahoy at palumpong. Ang orihinal na tanawin at sistema ng irigasyon ay ginawaran ng gintong medalya sa Paris World’s Fair noong 1889.

Mga Hayop Mula sa Anim na Kontinente

Mula sa malilim na parke, maglakbay tayo sa maaraw na kapatagan, kung saan gumagala-gala ang mga kawan ng 50 iba’t ibang uri ng maiilap na hayop sa halos 2,500 ektarya ng nababakurang kaparangan na may mangilan-ngilang punungkahoy. Masdan muna natin ang ilang hayop mula sa Aprika.

Ang Cape buffalo ay isa sa pinakakilala at pinakamapanganib na uri ng malalaking hayop na hinuhuli sa pangangaso. Kahanga-hanga ito hindi lamang dahil sa laki nito​—mga 1.7 metro mula sa balikat ang taas nito​—kundi dahil din sa napakalalaking sungay nito na isang metro ang haba. Yamang ang mga barako ay bigla-bigla na lamang sumasalakay, hindi iminumungkahi ang lumapit nang husto sa mga ito.

Ang isa pang hayop na kumuha ng ating pansin ay ang eland, isang antilope ng timog-silangang Aprika. Dahil ipinagbabawal ang pangangaso sa reserbasyon, tiwasay na namuhay rito ang mga eland mula pa nang una silang dalhin sa dakong ito noong 1892. Nanginginain sila ng damo habang nanonood ang mga bisita, anupat hindi nila kinatatakutan ang mga ito. Napaaamo pa nga ang ilang eland at maaaring gatasan na gaya ng isang ordinaryong baka na ginagatasan. Ang kanilang masustansiyang gatas, na mayaman sa taba, ay ginagamit para sa mga layuning pangmedisina, gaya ng paggamot sa mga ulser sa sikmura.

Ang emu, isang malaking ibon na hindi nakalilipad, ay galing sa Australia. Ito ang ikalawa sa pinakamalaking ibon​—ang tanging mas malaki rito ay ang avestruz. Ang ilang emu ay umaabot sa taas na 1.8 metro at tumitimbang ng mga 59 na kilo. Bagaman inihihiwalay ng tila lambat na bakod ang mga ibong ito mula sa iba pang hayop, sapat na ang laki ng kanilang lugar para malaya silang makatakbo.

Ang isang kaakit-akit na katangian ng emu ay na tumutugon ang di-pa-napipisang inakay kapag narinig nila ang huni ng lalaking emu. Halimbawa, sinasabi na nang patugtugin ang nakarekord na huni ng lalaking emu noong malapit nang mapisa ang mga itlog, umuguy-ugoy ang mga itlog dahil sa pagkilos ng mga inakay sa loob. Subalit walang reaksiyon sa huni ng babaing emu ang mga inakay na nasa loob pa ng itlog. Bakit?

Bagaman ang babae ang nangingitlog, ang lalaking emu ang naglilimlim sa mga ito. Inaalagaan niya ang mga ito sa loob ng halos 50 araw hanggang sa mapisa ang mga ito, at pagkatapos ay inaalagaan niya ang mga inakay. Kaya nga kahit na nasa loob pa ng itlog, alam na ng di-pa-napipisang mga inakay kung sino ang nag-aalaga sa kanila. Siyanga pala, hindi ito pangkaraniwang mga itlog​—matitingkad na berde at napakalalaki ng mga ito​—tumitimbang ng mga 700 gramo ang bawat isa!

May mga kawan ng kabayong Przewalski sa reserbasyon. Mula sa kaparangan ng Mongolia na may mangilan-ngilang punungkahoy, ang mga ito’y dinala rito noong 1899. Pinaniniwalaan na dahil sa pangangaso at kawalan ng pastulan, ang mga kabayong Przewalski ay nalipol na sa iláng noong mga taon ng 1960.

Sa kasalukuyan, humigit-kumulang sa 1,100 kabayong Przewalski ang nakakulong sa iba’t ibang zoo at parke, kasali na ang mga sandaan dito sa Askaniya-Nova Reserve. Sinisikap ng mga siyentipiko na muling dalhin sa iláng ang mga hayop na ito. Kaya noong 1992/93, ibinalik sa Mongolia sakay ng mga barko ang 21 kabayong Przewalski.

Ang pinakamarami sa mga uri ng hayop sa reserbasyong ito ay ang batik-batik na usa mula sa Tsina at Hapon. Dahil sa batik-batik na likod nito, ang magandang nilalang na ito ay tinatawag ding usang bulaklak. Magandang hayop ito, yamang mayroon itong balingkinitang pangangatawan at mariringal na sungay, na buong-pagmamalaking nakadispley sa maliit na ulo nito.

Makikita rin ang mga gayal, malalaki at medyo maaamong barakong baka ng India, na mapayapang nanginginain ng damo sa kapatagan. Sa India, ang mga hayop na ito ay gumagala sa kagubatan sa araw, at nagbabalik sa nayon sa gabi. Bagaman walang kagubatan o nayon sa Askaniya-Nova, ang mga barakong baka ay komportable sa damuhan doon kasama ng kalapit na mga kawan ng mga hayop.

Ang American bison, o buffalo, ay kahanga-hanga dahil sa lakas at laki nito. Mga 150 taon na ang nakalipas, milyun-milyon sa mga pagkalaki-laking kinapal na ito ang gumagala-gala sa mga parang ng Hilagang Amerika na may mangilan-ngilang punungkahoy, subalit ang mga ito’y pinatay hanggang sa halos malipol na. Ang lokal na kawan na ito ng American bison ang tanging kawan ng ganitong uri na nasa Europa. Ang mga ito ay parang katutubong mga hayop sa mga damuhan sa kapatagan kapuwa sa tag-araw at sa taglamig.

Ang Timog Amerika ay kinakatawan ng rhea (o nandu), isang malaking ibon na hindi nakalilipad. Kahawig ito ng emu ng Australia, na umaabot sa taas na isa at kalahating metro at tumitimbang ng 50 kilo. Tulad ng emu, ang lalaking rhea ang naglilimlim sa mga itlog. Ang isang pagkakaiba nila ay na iisa lamang ang asawa ng mga emu, samantalang ang mga rhea ay maraming asawa. Kaya naman tatlo hanggang limang babaing rhea ang maaaring mangitlog sa iisang pugad.

Ang red deer at ang roe deer ay galing sa Europa. Gustung-gusto ng matitibay na hayop na ito ang damo sa kapatagan at kaya nila ang lamig at init. Ginagamit ang mga usang ito upang paramihin ang ganitong mga uri sa iba’t ibang bahagi ng Europa at sa mga lugar na pinahihintulutan ang pangangaso. Ang mga Shetland pony ay dumating dito sa Askaniya-Nova Reserve mula sa Hilagang Europa noong 1960. Mula noon, lubhang dumami ang kanilang bilang.

Ang reserbasyon ay tahanan din ng mga kawan ng mga sebra, blue wildebeest (malalaking antilope ng Aprika), Asian wild ass, at mga saiga (antilope sa Eurasia), gayundin ng iba’t ibang uri ng mga ibon. Ang ilang hayop ay nananatili sa kapatagan sa buong taon, samantalang ang iba naman ay dinadala sa mga gusali sa bukid, kung saan sila isinisilong kung taglamig.

Pangangalaga sa Likas na Reserbasyong Ito

Ang Askaniya-Nova sa ngayon ay isang sentro ng pag-aaral para sa institusyon ng makasiyensiyang pananaliksik sa Ukraine. Maraming ginagawa ang mga tauhan ng institusyon upang mapanatili ang kapatagan sa likas na kalagayan nito at matulungan ang mga hayop na masanay sa kanilang bagong kapaligiran. Sinisikap din ng mga siyentipiko na mapasulong ang kalidad ng umiiral na koleksiyon ng eksotiko at pambihirang mga hayop.

Masusumpungan ang likas na mga reserbasyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Maaari mong masumpungan ang mga ito sa mga parang na may mangilan-ngilang punungkahoy at damuhan sa Hilaga at Timog Amerika, sa mga sabana sa Aprika, sa mga damuhan sa Australia, at sa mga kapatagan sa Asia at Europa. Ang bawat isa ay may kani-kaniyang sariling pambihirang mga katangian at uri ng mga halaman at hayop. Ipinakikita ng internasyonal na katangian ng Askaniya-Nova Reserve na ang mga hayop mula sa iba’t ibang sulok ng daigdig ay maaaring makibagay sa kanilang mga kapaligiran at magkakasamang mamuhay nang mapayapa.

Taglay ang malaking pananabik, hinihintay ng maraming tao ang panahong inihula sa Bibliya na doo’y magdudulot ng kapayapaan ang Kaharian ng Diyos hindi lamang sa mga tao kundi maging sa iba’t ibang mga hayop sa lupa.​—Isaias 11:6-9; Oseas 2:18; Gawa 10:34-35.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Askaniya-Nova Biosphere Reserve

[Larawan sa pahina 15]

“Eland”

[Larawan sa pahina 15]

Cape buffalo

[Larawan sa pahina 15]

“Emu”

[Larawan sa pahina 16]

Batik-batik na usa

[Larawan sa pahina 16]

Kabayong “Przewalski”

[Larawan sa pahina 16]

American bison

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang reserbasyon ay tahanan din ng iba’t ibang uri ng ibon

[Larawan sa pahina 17]

Rhea

[Larawan sa pahina 17]

Roe deer

[Larawan sa pahina 17]

Red deer

[Larawan sa pahina 17]

Parkeng botanikal

[Picture Credit Lines sa pahina 15]

Eland at emu: Biosphere Reserve “Askaniya-Nova,” Ukraine; mga globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Usa: Biosphere Reserve “Askaniya-Nova,” Ukraine; mga globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Mga ibon: Biosphere Reserve “Askaniya-Nova,” Ukraine; mga bulaklak at parke: Olha Dvorna/ Biosphere Reserve “Askaniya-Nova,” Ukraine; mga globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share