Brolga, Cassowary, Emu, at Jabiru—Ilang Kahanga-hangang Ibon ng Australia
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
NAGTATAGLAY ng nakatatakot na mga kuko, ang hindi makalipad na ibong cassowary, na sinasabing ang pinakamapanganib na ibon sa daigdig, ay maaaring lumukso, sumikad, at gumutay, na gayon na lamang kalakas. May katulad na katangian, at may kaparis na panlaban, ang kamag-anak nitong ibong emu ay hindi nangangailangan ng mga pakpak—kasimbilis ito ng hangin kung tumakbo. Kung sayaw naman ang pag-uusapan, ipinakikilala naman ng brolga ang kagalingan ng Maylalang at Koreograpo nito. At ang jabiru naman na mayumi kung lumakad, matangkad at balingkinitan, ay huwaran sa paglipad na may dignidad at tikas. Ito man ay lumilipad o nag-aabang ng masisila, pinaglalaruan naman ng agilang may hugis sinsel na buntot, ang mga tira ng isang bihasang mangangasong namamaril sa himpapawid. Oo, ang bawat isa sa kahanga-hangang mga ibong ito ay tunay na isang kamangha-manghang paglalang. Kaya, ikinagagalak naming ipakilala . . .
Ang Makulay na Cassowary—Kaibigan ng Masinsing Kagubatan
Tumitimbang sa pagitan ng 30 at 60 kilo, ang taga-timog, o may dobleng lambi, na cassowary na masusumpungan sa masisinsing kagubatan ng hilagang-silangang Australia at ng New Guinea ay isang maganda subalit mapag-isang ibon. May taas na halos dalawang metro, ang babae ay mas malaki kaysa lalaki at—anupat hindi pangkaraniwan sa isang ibon—ay bahagyang mas makulay kaysa lalaki, na maliban sa panahon ng pagpaparami ay may katalinuhang malayo sa babae. Pagkatapos na magtalik ng mga ito, mangingitlog ang babae ng isang kumpol ng matingkad na berdeng itlog, subalit pagkatapos ay gagala ito, iiwan ang lalaki upang siyang lumimlim sa mga ito at mangangalaga sa mga inakay. Pagkatapos ang babae ay mag-aasawa sa ibang mga lalaking ibon at iiwan ang bawat isa sa mga ito na may pagkarami-raming kumpol ng itlog na pangangalagaan!
Gayunman, ang pagkalbo sa kagubatan ang nagsasapanganib sa mga ibong cassowary. Sa pagsisikap na maparami ang bilang ng mga ito, ang Billabong Sanctuary na malapit sa Townsville, Queensland, ay nagpasimuno ng isang programa na nagpalahi sa kulungan na may layong palayain ang mga ibon upang makabalik sa iláng kapag ang mga ito’y nasa hustong gulang na. Bagaman kumakain ng karne at halaman, ang mga ibong cassowary ay pangunahin nang kumakain ng prutas, na nilululon ang mga ito nang buo. Kaya, ang mga binhi ng mahigit na daan-daang uri ng halaman ay naglalakbay nang hindi tunaw sa tiyan ng ibon at naikakalat nang husto sa buong kagubatan sa isang protektado at nagpapatabang abono ng dumi ng ibon. Ito, sabi ng mga eksperto sa santuwaryo, ay maaaring magpangyari sa cassowary na pinakahaliging uri ng hayop, anupat ang malaking pangalawahing pagkalipol ay susunod sa pagkalipol nito. Subalit ang ibon ba’y mapanganib sa mga tao?
Para lamang sa mga taong hangal na lumalapit nang husto. Ang totoo, mas malaking panganib ang tao sa cassowary kaysa sa mga ito. Sa madilim na masinsing kagubatan, ang ibon ay huhuni ng napakababang gumagaralgal na tinig upang babalaan ka na ito’y nasa malapit. Makinig ka sa pahiwatig; huwag ka nang lumapit pa. Tiyak, magsusumiksik ito sa palumpungan, na ginagamit ang matigas na bungo nito, o pinakahelmet, upang maingatan ang ulo nito. Subalit kapag ito’y nasukol o nasugatan o nag-iingat sa mga inakay nito, maaari itong sumalakay kung lalapit ka nang husto.
Ang Emu—Lagalag at Pambansang Sagisag
Halos may malapit na kaugnayan at bahagyang mas mataas kaysa cassowary, ang emu ay masusumpungan sa kalakhang bahagi sa liblib ng Australia. Sa mga ibon, tanging ang ostrich ang mas malaki kaysa rito. Ang matatakuting emu ay may mahahaba, malalakas na binti na kumakaripas ng tulin na halos 50 kilometro bawat oras, at tulad ng cassowary, ang bawat paa nito ay may tatlong nakamamatay na kuko. Gayunman, hindi gaya ng kamag-anak nito na nasa teritoryo lamang nito, ang emu ay lagalag at bihirang maging mabalasik. Lahat halos ay kinakain nito—mga uod, repolyo, maging lumang mga bota! Minsang maipangitlog ng babaing emu ang maitim na berdeng itlog nito—karaniwan na sa pagitan ng 7 at 10, subalit kung minsan ay hanggang 20—ipamamahala nito, tulad ng cassowary, ang paglilimlim at pangangalaga sa lalaking ibon.
Ang pagdating ng mga Europeo ay nagpahirap sa emu. Mabilis na pinalis ng mga naninirahan ang mga ito mula sa Tasmania. At sa kontinente ito’y tinaguriang isang peste dahil sa hilig nitong kumain ng trigo at nagpangyari rito na maging biktima ng mangangasong ginagantimpalaan. Subalit, sa kabila ng walang-lubay na pagpatay, kapansin-pansin ang pagbawi sa bilang ng emu, nang gayon na lamang anupat isinagawa sa Kanlurang Australia ang tuwirang pakikidigma sa ibon noong 1932. Literal na nanawagan ang pamahalaan sa hukbo at para sa dalawang Lewis machine gun! Bagaman hindi kilala dahil sa talino nito, nanalo ang emu sa labanang ito. Ang “digmaan” ay naging isang kakutyaan sa publiko at kahihiyan sa pulitika; diumano’y napaputukan nila ang sampung libo, subalit, sa pinakamarami, ay iilang daan lamang ibon. Subalit nang sumunod na tugisan—ang emu laban sa pagsalakay ng mga mangangaso ng mga ibon na ginagantimpalaan na may dalang baril na may dalawang kanyon at ang itinaguyod ng pamahalaan na libreng amunisyon para sa mga magsasaka—hindi na nakayanan ng mga emu ang pagsalakay.
Gayunman, sa ngayon ang emu ang pambansang sagisag. Ito’y may pagmamalaking nakaharap sa isang kangaroo sa eskudo (coat of arms) ng Australia at nagpapagala-gala sa ilang nang ligtas. Ang tagtuyo ang pinakamasamang kaaway nito. Ang emu ay pinalalahian at inaalagaan pa nga sa eksperimentong paraan para sa maraming mapagpipiliang produkto: lubusang walang taba na karne; matibay, nagtatagal na balat; balahibo; at langis na nakukuha mula sa taba sa dibdib ng ibon. Ang limitadong pinagkukunan ng taba ang dahilan na ang laman ay lubusang walang taba.
Ibig Mo Bang Sumayaw?
Marahil ay hindi, subalit tiyak na ibig ito ng mga brolga. Sa kanilang “ballroom” sa tabi ng tubig, “ang anumang dami [ng abuhing mga tagak na ito], mula sa magkapareha hanggang sa isang dosena o mas marami pang ibon,” sabi ng aklat na The Waterbirds of Australia, “ay halos hihilera nang magkakaharap at magsasayaw. Ito’y lumulundag nang pasulong sa kanilang tulad-tiyakad na mga binti na bahagyang nakabuka at ipinapaspas ang mga pakpak nito. Sa pagyuko at pagtangu-tango ng ulo ng mga ito, ang mga ito’y nagpapaurong-sulong, parang lumalaguklok at nagpaplawta nang marahan. Paminsan-minsan ay humihinto ang ibon at, itinitingala ang ulo, na nagtutrumpeta nang napakaingay. Ang mga ibon ay maaaring lumukso rin nang ilang talampakan sa hangin at bumababa sa lupa na bukang-buka ang mga pakpak na itim at abuhin. Ang mga piraso ng sanga o damo ay inihahagis nito at tinatangkang saluhin ang mga pirasong ito ng Brolga o iniipit ang mga ito ng kanilang mga tuka habang ito’y nahuhulog.” Ito’y isang kahanga-hangang pagtatanghal, lalo na kung isasaalang-alang ang laki ng mga ibon, na may taas na halos isang metro at halos may dalawang metrong dipa ng mga pakpak!
Bagaman maraming uri ng ibon ang nagsasagawa ng masalimuot na paraan ng panliligaw sa panahon ng pagpapalahi, ang brolga, na isa sa pinakamalaki sa lahat ng mga tagak, ay isang sabik na mananayaw sa buong taon. Sa katunayan, nagmula ang pangalan nito sa alamat ng Aborigine tungkol sa isang kilalang babaing mananayaw na ang pangalan ay Buralga. Hindi niya pinag-ukulan ng pansin ang isang masamang salamangkero. Bilang ganti, ginawa niya siyang isang tagak na magandang sumayaw.
Ang Jabiru—Ang Tanging Siguana ng Australia
Isang ibon sa latian, ang jabiru, o ang itim ang leeg na siguana, ay madalas sa mainit na baybayin sa hilaga at silangan ng Australia. (Ang jabiru sa Timog Amerika ay ibang uri ng siguana.) Balingkinitan, na sandaan at tatlumpung centimetro ang haba, at may matingkad na kulay, ang jabiru ay kitang-kita sa gitna ng laksa-laksang iba pang mga ibon sa latian. Habang palihim na nanunubok sa mababaw na lugar ng tubig, biglang itutusok nito ang mahaba, matibay na tuka nito sa tubig nang gayon na lamang kalakas anupat bahagyang ikakampay nito ang nakabukang mga pakpak nito upang labanan ang puwersa.
Anong lakas ng mga pakpak na iyon! Kapag ibinuka ang mga pakpak nito na dalawang metro sa magkabilang dulo, na ang pangunahing mga balahibo ay nakabukang gaya ng mga daliri, ang jabiru ay sumasalimbay nang dahan-dahan at paikot hanggang sa ito’y maging maliit na krus na lamang sa kalangitan. Oo, ang lumilipad na jabiru, taglay ang mahahabang pakpak, leeg, at mga binti nito na nagiging guhit-larawan sa malaking pulang bola ng lumulubog na araw sa ekwador, ay isang itinatanging sagisag ng mga latian sa hilaga ng Australia.
Ang Agilang may Hugis Sinsel na Buntot—Ang Hari ng Himpapawid
Malapit-lapit mula sa mabatong taluktok ng isang bundok sa Victoria, at sa harap ng unos ng hangin na makapagtataboy sa lahat ng iba pang ibon sa himpapawid, gayon naman kaganda ang paglipad ng agilang may hugis sinsel na buntot. Nasaksihan ng manunulat na si David Hollands ang pinakanakabibighaning pagtatanghal sa himpapawid: “Naroroon sa itaas ang agila,” ang sulat niya, “halos hindi kumikilos at lubusang kampante sa unos ng hangin . . . Habang pinagmamasdan ko, ito’y nagpatihulog, isinasara nito ang mga pakpak upang bumulusok nang deretso. Ito’y magpapatihulog ng sandaang metro at pagkatapos ay ibubuka ang mga bagwis nito nang bahagyang-bahagya, biglang sisibad nang paitaas upang mabawi ang taas na ibinulusok nito. . . . Lilipad ito nang pantay na pantay at mangangalahati ito sa paikot na paglipad, pagkatapos ay sisibad ito na pataas nang pataas [at] paulit-ulit na sasalimbay, pabigla-bigla itong lalagpak sa pinakaibaba ng lambak at lilipad muli itong paitaas sa matatag at nakatutuwang pagtatanghal.”
Taglay ang dalawa at kalahating metrong lapad ng pakpak nito at ang kakaibang hugis sinsel na buntot, ang maganda at malakas na haring ito ay imposibleng maipagkamali sa anumang iba pang ibon sa himpapawid ng Australia. Ang mga kuko nito ay maaaring umipit na tatlong tonelada ang bigat! Gayunman, sa loob ng isang panahon, ang tanging “angkop” na paraan upang makakita ng agilang may hugis sinsel na buntot ay sa dulo ng kanyon ng baril. Tulad ng kamag-anak nitong American bald eagle, na walang-awang binaril upang maingatan ang negosyo ng salmon at ang balahibo ng hayop, ang agilang ito sa Australia ay pinahirapan dahil sa paminsan-minsang pagpatay sa tupa. “Ang mangilan-ngilang raptor [mga ibong maninila] sa daigdig,” sabi ng aklat na Birds of Prey, “ay pinahirapan nang may kalupitan gaya ng Agilang may hugis sinsel na buntot . . . Sa loob ng halos 100 taon itinuring itong salot . . . , at binabayaran ng salapi upang mapatunayang ito’y napatay.”
Gayunman, sa loob ng mga taon ang mga paratang na ito ay pinawalang-saysay. Napatunayang ang pangunahing pagkain nito ay mailap na mga kuneho at paminsan-minsa’y katutubong mga hayop, kasali na ang mga wallaby na doble ang timbang kaysa rito. Ang pagsisiwalat na ito, sa wakas, ang nagpangyari sa pagkakasundo ng agila sa tao gayundin ang pagkakaroon nito ng legal na proteksiyon.
Oo, nakagugulat ngang kasalimuutan, kagandahan, at mahalagang bahagi ng masalimuot na ekolohiya ng buhay ang mga ibon! Sa kalaunan mauunawaan natin ito, subalit kalimitang huli na kung maunawaan—pagkatapos lamang na makapinsala ang kasakiman at kawalang kaalaman. Subalit nakaaaliw ngang malaman na kung tayo’y magbibigay-pansin, maging sa ngayon ay matutuwa tayong pakinggan ang paggaralgal, pagsiyap, pagsipol, pagkakak, pagpaplawta, at pagputak sa himpapawid, kagubatan, at mga latian sa magandang planetang ito!
[Mga larawan sa pahina 16]
Cassowary
Brolga
[Credit Line]
Kaliwa at ibaba: Australian Tourist Commission (ATC); gitnang itaas at kanan: Billabong Sanctuary, Townsville, Australia
[Mga larawan sa pahina 17]
Agila
Emu
Jabiru
[Credit Line]
Mga inakay ng agila at ulo ng emu: Graham Robertson/NSW National Parks and Wildlife Service, Australia; lumilipad na agila: NSW National Parks and Wildlife Service, Australia; emu na kasama ang inakay at jabiru: Australian Tourist Commission (ATC)
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Kaliwa: Graham Robertson/NSW National Parks and Wildlife Service, Australia; kanan: Australian Tourist Commission (ATC); itaas: Billabong Sanctuary, Townsville, Australia