Upang Makausap ang Aking Anak, Nag-aral Ako ng Ibang Wika
ANG pagsilang ng aming anak na lalaki, si Spencer, noong Agosto 1982 ay isa sa pinakamaligayang sandali sa aming buhay. Isa siyang malusog na sanggol! Kaming mag-asawa ay nagplano na maghintay muna ng limang-taon bago mag-anak. Habang lumilipas ang mga buwan pagkasilang sa kaniya, anong laking kagalakan ang nadama namin habang pinagmamasdan ang kaniyang paglaki! Ang buwanang rutin na pagpapatingin sa doktor ay laging mabuti. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa gayong kahanga-hangang pagpapala.
Gayunman, nang si Spencer ay siyam na buwang gulang na, nagsuspetsa ako na may problema. Hindi siya tumutugon sa mga tinig o sa ilang tunog. Upang subukin ang kaniyang pandinig, pumupuwesto ako sa lugar na hindi niya nakikita at pagkatapos ay kakalampagin ko ang mga kaldero o ibang bagay. Kung minsan siya ay lumilingon, subalit hindi laging gayon. Sa kaniyang ikasiyam na buwang pagpapatingin, ipinakipag-usap ko sa kaniyang doktor ang aking pagkabahala, subalit tiniyak niya sa akin na ang aking anak ay malusog at na wala akong dapat alalahanin. Gayunman, habang lumilipas ang mga buwan, hindi pa rin siya tumutugon o nagsasalita.
Sa kaniyang isang-taóng pagpapatingin, muli kong ipinahayag ang aking mga pag-aalala sa doktor. Minsan pa, wala siyang nasumpungang diperensiya, subalit iminungkahi niya sa amin ang isang audiologist (espesyalista sa pandinig). Dinala ko roon si Spencer para sa pagsubok, subalit ang mga resulta ay pabagu-bago. Nagbalik ako sa ikalawa at ikatlong pagkakataon, upang sabihan lamang na ang mga resulta ay pabagu-bago pa rin. Inakala ng doktor na habang lumalaki si Spencer, makakakuha siya ng mas mabubuting resulta ng pagsubok. Ang unang tatlong taon sa buhay ng bata ay napakahalaga para sa pagpapaunlad ng wika. Ako’y lubhang nababahala. Patuloy akong nagtatanong sa audiologist tungkol sa pagsubok na makapagbibigay ng kapani-paniwalang mga resulta. Sa wakas, sinabi niya sa akin ang tungkol sa isang auditory brain-stem test na isinasagawa sa Massachusetts Eye and Ear Infirmary.
Nakadama Ako ng Matinding Dagok
Nang sumunod na linggo kami’y nagpunta sa ospital sa Boston. Nanalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng lakas upang makayanan ko ang mga resulta, anuman ito. Sa loob ko’y inakala kong mahina ang pandinig ni Spencer at na kailangan lamang niya ng isang hearing aid. Maling-mali ako! Kasunod ng ginawang pagsubok, tinawag kami ng teknisyan sa kaniyang tanggapan. Ang mga resulta ay kapani-paniwala: Si Spencer ay may napakatinding pagkabingi. Nang tanungin ko kung ano bang talaga ang ibig sabihin nito, ipinaliwanag niya na ang aking anak ay hindi makarinig ng mga sinasabi at ng karamihan ng iba pang tunog. Hindi ito ang inaasahan kong marinig; nakadama ako ng matinding dagok.
Karaka-raka, naitanong ko, ‘Paano nangyari ito? Ano ang naging sanhi nito?’ Ginunita ko ang aking pagdadalang-tao at pagsisilang. Naging mabuti naman ang lahat ng bagay. Si Spencer ay hindi kailanman nagkaroon ng impeksiyon sa tainga o anumang matinding sipon. Nalipos ako ng emosyon! Ano ang gagawin ko ngayon? Tinawagan ko sa telepono ang aking pamilya at ilang kaibigan at sinabi ko sa kanila ang mga resulta ng pagsubok. Isang kaibigang Saksi ang nagpalakas ng loob ko na malasin ito bilang isang hamon; kailangang turuan ko si Spencer sa ibang paraan. Ako’y nagpasalamat kay Jehova para sa kinakailangang lakas.
Ano ba ang Pinakamabuti Para kay Spencer?
Wala akong kaalam-alam tungkol sa pagpapalaki ng isang anak na bingi o kung paano ang maging bingi. Paano ko kaya mapalalaki ang aking anak at lubusan siyang makakausap? Napakaraming pag-iintindi at mga pag-aalalá ang gumugulo sa isip ko.
Nang sumunod na linggo ay nagbalik kami sa ospital, at ipinakipag-usap ng teknisyan ang mga mapagpipilian namin. Ipinaliwanag niya na ang isang paraan, ang oral approach (pakikipag-usap), ay nakatuon sa pagpapaunlad ng mga kasanayan sa pagsasalita at pagbasa sa buka ng bibig. Ang isa pang paraan ay ang paggamit ng sign language (wikang pasenyas), na siyang wika ng mga bingi. May isang programa na magbibigay ng instruksiyon sa sign language at sa dakong huli ay maglalakip ng mga kasanayan sa pagbasa sa buka ng bibig at pagsasalita. Inirekomenda rin ng teknisyan ang paggamit ng mga hearing aid upang palakasin ang anumang naririnig ng aking anak. Saka kami nagtungo sa isang lokal na audiologist, na nagsukat ng mga ear mold at mga hearing aid kay Spencer. Sa aming pagdalaw ipinahiwatig ng audiologist na si Spencer ay magiging isang napakahusay na kandidato para sa pamaraang pakikipag-usap.
Ano nga ba ang pinakamabuti para kay Spencer? Pinag-isipan ko kung ano talaga ang mahalaga. Nais ni Jehova na makipag-usap tayo sa ating mga anak; mahalaga ito kung nais nating magkaroon ng isang matagumpay na buhay pampamilya. Maaaring itaguyod namin ang pamaraang pakikipag-usap at magtuon ng pansin sa pagpapasulong ng mga kasanayan sa pagsasalita at pagbasa sa buka ng bibig. Posible na mapasulong ni Spencer ang kaniyang mga kasanayan sa pagsasalita sa punto na siya’y mauunawaan ng iba. Subalit malalaman pa iyan sa loob ng ilang taon! Ano ang gagawin namin ngayon? Nagpasiya kaming gamitin ang wikang pasenyas.
Nang sumunod na buwan si Spencer ay nagpatala sa noo’y tinatawag na ganap na programa sa komunikasyon. Pinag-aralan namin ni Spencer ang mga pangunahing wikang pasenyas, at si Spencer ay tinuruan din ng pagsasalita sa Ingles at pagbasa sa buka ng bibig. Ipinakita sa akin kung paano ko matuturuan ang aking anak. Lumipas ang mga buwan, at napakahusay ng pagsulong ni Spencer. Subalit, may mga sandali pa rin na ako’y nahihirapan. Ako’y nasisiraan ng loob kapag nakikita ko ang ibang bata na nagsasabing “Mommy” o natututong magsabi ng “Jehova.” Ngunit pagkaraan nito’y tinatanong ko ang aking sarili, ‘Bakit ganito ang nadarama ko? Ang aking anak naman ay maligaya at malusog.’ Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong pahalagahan ang pribilehiyo ng pagkakaroon ng ganitong mahusay na anak.
Nang si Spencer ay dalawang taóng gulang na, nagsaayos kami na dumalo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova kung saan ang programa ay isasalin sa American Sign Language (ASL). Ipinakipag-usap ko ang nadarama kong panghihina ng loob sa isang mag-asawa na kasa-kasama ng mga Saksing bingi sa loob ng maraming taon. Sinabi nila sa akin ang tungkol sa ASL na mga miting ng mga Saksi ni Jehova na idinaraos buwan-buwan sa Massachusetts at hinimok ako na magtungo roon.
Sinunod ko ang kanilang payo, at kami ni Spencer ay nagsimulang dumalo. Nagkaroon kami ng pagkakataon doon na makilala at makihalubilo sa mga may hustong gulang na mga bingi. Sa aming kongregasyong Ingles, kaunti lamang ang napapakinabangan ni Spencer sa mga pulong. Palagi siya sa tabi ko, yamang ako lamang ang nakakausap niya. Ang kabiguan niya sa panahon ng mga pulong na iyon ay lumala habang siya ay lumalaki, at naapektuhan ang kaniyang paggawi. Subalit, nang dumalo kami sa mga pulong na idinaraos sa wikang pasenyas, hindi na ganito ang kalagayan. Malaya siyang nakikihalubilo sa lahat nang hindi na kailangan pang dumaan sa kaniyang ina bilang interprete. Nagkaroon siya ng lubhang kinakailangang ugnayan sa mga tao sa loob ng kongregasyon. Napasulong namin kapuwa ang aming paggamit ng wikang pasenyas, at natutuhan kong maging isang mas mabuting guro sa aming pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Talagang kamangha-mangha ito! Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, kasama ko ang aking anak bilang NANAY niya sa halip na kaniyang interprete!
Isang Malaking Pagbabago Para sa Akin
Taglay ang pagsang-ayon ng aking asawa, nang si Spencer ay tatlong taon na, ipinatala ko siya sa isang programa para sa mga bingi at mapurol-ang-pandinig na mga bata, na nasa isang paaralang bayan. Nagkakaroon ng mga pangkatang miting upang turuan ang mga magulang, at sinamantala ko ang pagkakataong ito upang matuto pang higit. Sa isang miting ay nagpahayag sa grupo ang isang lupon na binubuo ng mga binging nasa hustong gulang na at mga tin-edyer. Ipinaliwanag ng mga kabilang sa lupon na bahagya lamang o hindi nila nakakausap ang kanilang mga magulang o mga pamilya. Nang itanong ko kung bakit, sumagot sila na ang kanilang mga magulang ay hindi kailanman nag-aral ng wikang pasenyas, kaya hindi nila kailanman nakakausap ang kanilang mga magulang tungkol sa buhay, sa kanilang mga damdamin, o sa kanilang mga interes. Para bang nadama nilang hindi sila bahagi ng kani-kanilang pamilya.
Ito ay isang malaking pagbabago para sa akin. Naisip ko ang aking anak. Hindi ko matiis na siya’y lumaki at humiwalay sa amin nang hindi man lamang kailanman nagkaroon ng ugnayan sa kaniyang mga magulang. Higit kailanman ay lalo akong naging determinado na patuloy na pagbutihin ang aking mga kasanayan sa wikang pasenyas. Habang lumilipas ang panahon, higit at higit kong natanto na ang pasiyang gumamit ng wikang pasenyas ang pinakamabuti para sa amin. Ang kaniyang wika ay patuloy na umuunlad, at napag-uusapan namin ang anumang paksa, gaya ng, “Saan namin gustong magbakasyon?” “Ano ang gusto mo paglaki mo?” Natalos ko na marami sana akong sinayang kung sinikap kong umasa lamang sa pagsasalita para sa komunikasyon.
Sa gulang na lima, si Spencer ay isinama sa regular na klase ng mga batang nakaririnig at ng isang guro na nakapagsesenyas. Nanatili siya sa programang ito sa loob ng tatlong mahahabang taon. Ayaw na ayaw niyang pumasok, at hindi madali na makitang nagtitiis siya ng matinding paghihirap. Mabuti na lamang, nakakausap ko siya habang sinusubok namin ang iba’t ibang paraan upang harapin ang kaniyang mga kabiguan. Subalit, sa wakas, nahinuha ko na ang programang ito sa paaralang bayan ay hindi nakabubuti para sa kaniyang paggalang-sa-sarili o sa kaniyang pagsulong sa edukasyon.
Noong 1989 ay nagkahiwalay kaming mag-asawa. Ako ngayon ay nagsosolong magulang na may anim-na-taóng-gulang na anak na ang kakayahan sa wikang pasenyas ay mabilis na sumusulong. Bagaman nakakausap ko siya, batid kong kailangan ko pang pasulungin ang aking mga kasanayan sa ASL upang mapanatili at mapatibay ang komunikasyon sa pagitan namin.
Panahon Na Para Lumipat
Nagtanung-tanong ako tungkol sa maraming programa para sa mga batang bingi sa ilang estado at nasumpungan ko ang isang paaralan sa Massachusetts na doon kapuwa ang ASL at Ingles ay ginagamit sa itinuturing na bilinggwal na pamamaraan. Bukod pa rito, ako’y sinabihan na malapit nang magkaroon ng isang ASL na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa dako ng Boston, at isang kaibigan ang nagmungkahi na lumipat kami roon. Bilang isang nagsosolong magulang, ang kaisipang lumayo sa aming tahanan at pamilya at mga kaibigan sa kabukiran ng New Hampshire tungo sa isang metropolitang dako ay mahirap tanggapin. Si Spencer man ay nasisiyahan sa pamumuhay sa lalawigan. Subalit, may dalawang bagay na kailangan kong isaalang-alang. Si Spencer ay kailangang mag-aral sa isang paaralan kung saan ang mga guro at mga estudyante ay pawang malayang nag-uusap sa sign language, at inaakala ko na mas makabubuting makiugnay sa isang kongregasyon kapiling ng ibang Saksing bingi.
Lumipat kami apat na taon na ang nakalipas, nang si Spencer ay siyam na taóng gulang. Di-nagtagal, ang Sign Language Congregation sa Malden, Massachusetts, ay natatag, at mula noon, si Spencer ay mabilis na sumulong. Malaki rin ang isinulong ng kaniyang paggawi, at nasisiyahan siya habang nasa mga pulong. Nakasumpong ako ng higit na kagalakan na makita siyang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa iba. Ang mga binging kapatid sa kongregasyon ay magandang mga halimbawa sa aking anak, anupat tinutulungan siyang mapagtanto na maaari rin niyang maabot ang espirituwal na mga tunguhin. At nagawa nga niya ito. Siya ngayon ay nagbibigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at naglilingkod bilang isang di-bautisadong mamamahayag. Namamalas sa kaniya ang pagnanais na magpabautismo.
Anong laking kaluguran mayroon ako sa ministeryo, habang minamasdan siyang nagpapahayag ng kaniyang pananampalataya sa ibang mga bingi, sa wikang pasenyas! Ang kaniyang paggalang-sa-sarili ay sumulong nang husto. Sinabi sa akin ni Spencer kung ano ang nadarama niya tungkol sa kongregasyon. Aniya: “Dito tayo nababagay. Ang mga kapatid ay maaaring makipag-usap sa akin.” Hindi na nagmamakaawa sa akin ang aking anak na agad kaming umuwi pagkatapos ng mga pulong. Ngayon ay kailangan ko pang sabihin sa kaniya na panahon na upang lisanin ang Kingdom Hall!
Sa kaniyang paaralan sa kasalukuyan, si Spencer ay madaling nakikipag-usap sa iba pang batang bingi. Ang pakikipag-usap sa kanila ay nakatulong sa kaniya na makita ang kaibhan sa pagitan ng pangmalas ng daigdig sa mga bata at ng pangmalas ni Jehova sa kanila. Kami ni Spencer ay malayang nag-uusap at malapit kami sa isa’t isa, kasuwato ng mga simulain sa Bibliya. Pagdating niya ng bahay sa hapon, magkasama naming ginagawa ang kaniyang takdang-aralin. Magkasama kaming dumadalo sa aming mga pulong at sa ministeryo sa bahay-bahay. Subalit, nakikita ni Spencer na hindi lahat ng mga bata sa kaniyang paaralan ay may ganitong malapit na ugnayan sa kanilang mga magulang.—Colosas 3:20, 21.
“Napag-uusapan Natin ang Lahat ng Bagay”
Halos isang taon na ang nakalipas, napansin kong nakatitig sa akin si Spencer na para bang may gusto siyang sabihin sa akin. Tinanong ko siya kung may kailangan siya. “Wala po,” ang sagot niya. Tinanong ko siya tungkol sa paaralan at iba pa. Nahahalata kong may gusto siyang sabihin sa akin. Pagkatapos, noong pampamilyang pag-aaral namin sa Bantayan, sabi niya, “Alam po ba ninyo na ang ilang magulang ng mga estudyante sa aking paaralan ay hindi marunong ng wikang pasenyas?” Nagtataka akong napatingin sa kaniya. “Talaga po,” sabi niya. “May mga magulang na hindi makausap ang kanilang mga anak.” Sinabi niya na ang ilang magulang ay dumalaw sa paaralan at nakita niyang paturu-turo at pamuwestra-muwestra ang mga ito sa nais nilang sabihin, sa pagsisikap na makipag-usap sa kanilang mga anak. “Napakapalad ko po at kayo ay nag-aral ng wikang pasenyas. Maaari tayong mag-usap. Hindi lamang kayo paturu-turo; napag-uusapan natin ang lahat ng bagay.”
Naantig ang puso ko nang gayon na lamang! Kapag malalaki na tayo saka lamang napahahalagahan ng marami sa atin ang mga pagsisikap ng ating mga magulang. Subalit narito, sa gulang na 12, ay sinasabi sa akin ng aking anak kung gaano kalaki ang pasasalamat niya na kami’y nagtatamasa ng makabuluhang pag-uusap.
Isa sa mga tunguhin ko bilang isang ina ay magkaroon ng isang mabuting kaugnayan sa aking anak at maging malapit sa kaniya. Malamang na hindi ito nangyari kung hindi ako nag-aral ng wikang pasenyas. Ang pag-aalay ko kay Jehova ang nag-udyok sa akin na dibdibang isaalang-alang ang aking mga pananagutan bilang isang magulang; ginawa nitong mas madali ang mahahalagang desisyon tungkol sa komunikasyon. Kami kapuwa ay nakinabang sa espirituwal na paraan bunga ng mga desisyong ito. Anong pagkahala-halaga nga ng mga salita sa Deuteronomio 6:7, na doon ang mga magulang ay tinagubilinan na ipakipag-usap ang mga kautusan ni Jehova sa kanilang mga anak ‘kapag sila’y nauupo sa kanilang bahay at kapag sila’y naglalakad sa daan at kapag sila’y nahihiga at kapag sila’y bumabangon.’ Ako’y talagang nagpapasalamat na kami ni Spencer ay malayang nag-uusap tungkol sa “mariringal na bagay ng Diyos.” (Gawa 2:11)—Gaya ng inilahad ni Cindy Adams.
[Blurb sa pahina 12]
‘Hindi ko matitiis na siya’y lumaki nang hindi man lamang kailanman nagkaroon ng ugnayan sa kaniyang mga magulang’