Mula sa Aming mga Mambabasa
Biktima sa Trabaho Hangang-hanga ako sa seryeng “Biktima sa Trabaho—Ano ang Magagawa Mo?” (Mayo 8, 2004) Personal kong naranasan ang lahat ng inilarawan doon. Naranasan ko ang pagtatangi dahil sa relihiyon sa ospital na pinagtatrabahuhan ko, at naapektuhan nito ang aking emosyonal at espirituwal na kalusugan. Nagagalak akong malaman na hindi lamang ako ang dumaranas ng lubhang di-kaayaayang kalagayang ito.
J. C., Puerto Rico
Naranasan ko ang mapagtulungan sa trabaho sa loob ng ilang taon at muntik na akong masiraan ng bait dahil dito. Gagawin ko ang aking buong makakaya upang ikapit ang mga mungkahi ninyo.
C. H., Estados Unidos
Salamat sa pagtulong ninyo sa amin na nagiging mga biktima at sa pagtulong sa amin na maging malapít sa ating mahabaging Diyos, na nakababatid sa aming kalagayan.
L. W., Estados Unidos
Itinampok ng aming lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang isyung ito sa mga lugar ng negosyo at pinasigla ang mga may-ari na itago sa kanilang salansan ang artikulo. Marami ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa materyal.
V. S., Estados Unidos
Napilitan akong magbitiw sa aking trabaho dahil sa berbal na pang-aabuso. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang paglalathala ng mga artikulong nagpapakita sa amin kung paano haharapin ang mga problema.
T. Y., Hapon
Binigyan ko ng isyung ito ang aking doktor, na sinasabi, “Posibleng balang-araw ay may magpatingin sa iyong pasyente na dumaraing na masakit ang kaniyang tiyan dahil sa pinagtulungan siya sa trabaho.” Sinabi niya, “Hindi lamang posible. May pasyente ako ngayon na ganiyan mismo ang problema!” Nangako siyang babasahin niya ang mga artikulo.
E. S., Alemanya
Yamang wala akong sariling apartment, napilitan akong manirahang kasama ng aking ate at pagtiisan ang kaniyang berbal na pang-aabuso. Nanlumo ako dahil dito. Subalit ang isyung ito ng Gumising! ay tamang-tama para sa akin! Talagang inaliw ako ni Jehova.
S. A., Russia
Mga Halamang Pumapatay Salamat sa artikulong “Mag-ingat—Mga Halamang Pumapatay!” (Mayo 8, 2004) Mahigit 12 taon na akong nangongolekta at nag-aalaga ng mga halamang kumakain ng karne. Mahusay ang pagkakasulat ng artikulo ninyo yamang ito ay tumpak sa siyensiya ngunit simple ang presentasyon.
T. K., Alemanya
Ako po ay 11 taóng gulang, at inatasan po kami ng aming guro na magsulat hinggil sa Venus flytrap. Tamang-tama, lumabas ang artikulong ito noon mismong linggong iyon!
R. S., Russia
Dati akong nag-aalaga ng mga halamang kumakain ng karne at nasiyahan ako sa pagbabasa sa artikulo. Gayunman, parang nahirapan akong tanggapin ang pamagat. Ang mga halamang ito ay maaaring mapanganib sa ilang insekto, pero ang mga ito ay malilinis at marurupok na halaman din naman. Nanganganib pa ngang malipol ang ilang uri.
H. K., Hapon
Sagot ng “Gumising!”: Salamat sa paalaala. Bagaman ang layunin ng aming pamagat ay makuha ang pansin ng aming mga mambabasa, itinuro mismo ng artikulo sa mga mambabasa na igalang at alagaan ang mga halamang ito.
Pagsubok sa Pananampalataya Nasiyahan po akong basahin ang artikulong “Nasubok ang Pananampalataya ng Isang Pamilya.” (Mayo 8, 2004) Ako po ay sampung taóng gulang at may Crohn’s disease. Noong nakaraang taglamig, halos labas-masok ako sa ospital hanggang natuklasan sa wakas ang aking problema. Natulungan po talaga ako ng artikulong ito na magkaroon ng higit na kumpiyansa at harapin ang aking karamdaman. Umaasa po akong mabuhay sa Paraiso, kung saan hindi na po natin mararanasan ang ganitong mga problema.
M. H., Estados Unidos