Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 3/8 p. 14-19
  • Mga Museo—Bakit Sulit na Pasyalan ang mga Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Museo—Bakit Sulit na Pasyalan ang mga Ito?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Museo ng mga Museo
  • Naaakit Ka ba sa Salapi?
  • Isang Museo na Inialay sa Lansakang Pagpatay at Pagkaligtas
  • Ang Pinaka-Amerikano sa Lahat ng mga Museo
  • Mga Sining Noong Nakalipas na mga Siglo
  • Isang Museo Tungkol sa Pagkatupok at ang mga Saksi ni Jehova
    Gumising!—1993
  • Nakikitang Katibayan ng Holocaust
    Gumising!—1993
  • Ang Bagong Hitsura ng British Museum
    Gumising!—2001
  • Paninindigang Matatag sa Ilalim ng Pananakop ng Nazi sa Netherlands
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 3/8 p. 14-19

Mga Museo​—Bakit Sulit na Pasyalan ang mga Ito?

ANG kabiserang lunsod ng Estados Unidos, ang Washington, D.C., ay umaakit ng maraming turista.a Bakit naaakit silang pumunta rito? Ang isa sa pangunahing pang-akit nito ay ang White House, ang opisyal na tirahan ng pangulo na nasa 1600 Pennsylvania Avenue. Ang bantog na gusaling ito ay umaakit ng mahigit sa isa at kalahating milyong turista taun-taon. Pinahihintulutan silang gumala-gala sa ilang silid na pinalamutian ng mga bagay na kumakatawan sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan. May mahahalagang antigong muwebles ang mga silid bukod pa sa antigong mga kagamitang porselana at mga kubyertos.

Ang isa pang kahanga-hangang gusali ay ang Capitol, ang sentro ng pamahalaan ng bansang ito na halos 300 milyon ang mamamayan. Kapag naglakad ka sa mga bulwagan at mga pasilyo nito, makikita mo ang mga estatuwa ng tanyag na mga lider noon. Kung magiging alisto ka, masusulyapan mo rin ang ilang tanyag na senador o konggresista. Ngunit hindi lahat ng turista ay naaakit sa mga gusaling ito. Marami ang naaakit sa mga sentro ng kultura na matatagpuan sa lunsod na ito​—ang mga museo at mga galerya ng sining.

Napakaraming museo at galerya sa Washington, D.C., anupat imposibleng talakayin ang lahat ng ito, at kakailanganin ang mahabang pamamalagi sa Washington upang mapuntahan ang mga ito. Tingnan natin kung gaano karami ang ating magagalugad sa ilang araw na pamamasyal.

Isang Museo ng mga Museo

Walang alinlangan, ang pinakapangunahing nakaaakit sa mga turista ay ang Smithsonian Institution. Bakit? Dahil hindi lamang ito museo​—ito ay kalipunan ng mga museo at sentro ng kaalaman. Madaling makita ang Smithsonian Castle sa National Mall​—ang luntiang damuhan na 1.5 kilometro ang haba anupat ang Capitol ay nasa isang dulo nito at ang Washington Monument naman ang nasa kabila. Ang kastilyo ay ang gusaling may makulay na pulang batong-buhangin na kitang-kita sa kaliwa ng tanyag na abenida habang nakaharap ka sa obelisko ng Washington Monument.

Alin ang pinakapopular sa mga pasilidad ng Smithsonian? Dahil panahon ngayon ng siyensiya, ang pinakapopular ay ang National Air and Space Museum​—ayon sa isang aklat sa pamamasyal, ito “ang museo na may pinakamaraming dumadalaw na turista sa buong daigdig.” Bakit napakapopular nito? Mayroon itong 23 pagkalalaking galerya, at inilalarawan ng mga eksibit nito, na ang marami ay nakabitin sa kisame, ang kapana-panabik na kasaysayan ng paglipad. Nakadispley pa nga sa napakalaking galerya ng Milestones of Flight ang Flyer, ang mismong eroplano na ginamit ni Orville Wright para sa makasaysayang paglipad sa Kitty Hawk, North Carolina, noong 1903. Katabi nito ang ginawa ni Charles Lindbergh na Spirit of St. Louis, ang eroplanong pantanging ipinagawa niya upang mapanalunan ang premyo sa kauna-unahang paglipad nang nag-iisa para tawirin ang Atlantiko noong 1927. At siyempre pa, may modernong mga eksibit ng makasaysayang mga sasakyang pangkalawakan at ng iniuwing mga bato galing sa buwan.

Naaakit Ka ba sa Salapi?

Nasa timog ng abenida, na maaaring lakarin mula sa Washington Memorial, ang isang gusali na nakaaakit sa libu-libong mausisang mamamayan, na marahil ay may dala-dala pang sampol ng mga produktong galing sa lugar na ito​—ang mga salaping papel! Ito ang Bureau of Engraving and Printing. Ipinakikita ng 40-minutong paglilibot ang proseso ng pag-ukit at pag-iimprenta na kinakailangan upang makagawa ng mga papel na dolyar na ginagamit ng mga tao sa kanilang araw-araw na transaksiyon. Mahigit sa $140 bilyong halaga ng salapi ang iniimprenta rito taun-taon! Inililihim ba ng Estado ang pantanging papel na ginagamit? Gaano katagal mananatili sa sirkulasyon ang isang dolyar na papel? Anong mga hakbang ang ginawa upang hadlangan ang mga nanghuhuwad? Ito at ang iba pang mga tanong ay sinasagot sa paglilibot na ito.

Katabi ng Bureau ang isang natatanging gusali, na binuksan noong 1993 at umaakit ng mga turista sa buong daigdig. Ito ang nakapupukaw-kaisipan na U.S. Holocaust Memorial Museum.

Isang Museo na Inialay sa Lansakang Pagpatay at Pagkaligtas

Ang pangalang Holocaust ay galing sa salitang Griego na ginamit sa Bibliya na nangangahulugang isang kumpletong handog na sinusunog. (Hebreo 10:6) Gayunman, may kaugnayan sa museong ito, “ang Holocaust ay ang sistematikong pag-uusig at paglipol sa mga Judio sa Europa na itinaguyod ng estado at isinagawa ng Alemanya sa ilalim ng Nazi at ng mga kasabuwat nito noong 1933 hanggang 1945.” Pangunahing mga biktima ang mga Judio, ngunit ang patakaran ng Estado ay humiling din na lipulin ang mga Roma at Sinti (dalawang tribong hitano), ang mga may kapansanan, mga Polako, mga Sobyet na bilanggo sa digmaan, mga homoseksuwal, mga Saksi ni Jehova, at mga kalaban sa pulitika.

Hindi ka malulugod sa una mong pagpasok sa gusali. Ang mga kampong piitan ng mga Nazi ay dinisenyo upang magdulot ng takot. Ipinadarama ng museo ang damdaming iyan. Ang makikita mo sa palibot ay ang napakataas, nakatatakot, at di-kaayaayang istrakturang pang-industriya na yari sa asero at laryo. Mula sa Hall of Witness sa unang palapag, makikita mo kapag tumingala ka ang bubong na yari sa asero at salamin na nasa ibabaw pa ng ikatlong palapag. Ang tanawing nalilikha ng liwanag na ito mula sa kalangitan “ay hindi maganda, dispormado, at kakatwa,” gaya ng paglalarawan ng isang opisyal na brosyur. Sinadyang likhain ng arkitekto ang ganitong kapaligiran na doo’y madarama ng mga turista na “parang may kulang.”

May limang palapag ang museo, ngunit ang pangunahing dako na maaaring libutin ng publiko ay mula sa ikaapat na palapag pababa sa ikalawang palapag, at iminumungkahi na simulan sa ikaapat na palapag ang paglilibot. Walang taong gigiya sa iyo sa paglilibot at maaari itong tumagal nang dalawa hanggang tatlong oras. Dahil sa detalyadong paglalarawan sa pag-uusig at pagpatay sa mga biktima, inirerekomenda na huwag payagang lumibot sa Permanent Exhibition ang mga batang wala pang 11 taóng gulang. Sa unang palapag, may nakahiwalay na eksibit para sa mga bata, na tinatawag na Daniel’s Story. Isinasalaysay nito ang kasaysayan ng Holocaust salig sa pananaw ng isang bata sa Alemanya na nasa ilalim ng Nazi.

Ang mga elebeytor sa ikaapat na palapag ay parang malalamig at nakatatakot na mga kulungang asero. Nagsisimula ang pagsasalaysay mula sa palapag na ito at tinatalakay nito ang “Pagsalakay ng mga Nazi”​—1933-39. Makikita mo rito kung paano nakontrol ng propagandang Nazi ang populasyon ng Alemanya at naihasik ang takot at sindak, lalo na sa puso ng milyun-milyong Judio sa Alemanya. Ano naman ang makikita mo sa ikatlong palapag?

Ang palapag na ito ay may nakababagabag na tema “Pangwakas na Solusyon”​—1940-45. “Inilalarawan [nito] ang mga ghetto, pagpapatapon, pagtatrabaho bilang mga alipin, at mga kampong piitan, at ang pagpapatupad sa ‘Pangwakas na Solusyon’ [paglipol sa mga Judio at sa mga iba pa] sa pamamagitan ng mga ahensiya sa pagpuksa tulad ng palipat-lipat na pangkat ng mga mamamaslang at ng mga kampong bitayan,” ayon sa giya ng mga turista.

Mas positibo naman ang tema ng ikalawang palapag, “Huling Kabanata.” Ipinaliliwanag nito ang “mga pagsagip, paglaban, pagpapalaya, at mga pagsisikap ng mga nakaligtas upang muling makapagpasimula sa kanilang buhay.” Naroroon sa isang panig ng palapag na ito ang Wexner Learning Center, na may kalakip na lubhang kawili-wiling bagay para sa maraming Saksi ni Jehova. Sa mga computer na naroroon, maaaring malaman ng bisita ang mga kasaysayan ng ilang Saksi na nagdusa at sa ilang kaso ay namatay pa nga.

Halimbawa, maaari mong malaman ang salaysay ng kabayanihan ni Helene Gotthold, mula sa Dortmund, Alemanya. Bagaman may dalawang anak, nagpatuloy siya sa pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong sa kabila ng pagbabawal ng Nazi. Pinatay siya sa pamamagitan ng gilotina noong Disyembre 1944. Maaari ring malaman ang marami pang kasaysayan ng mga biktima at mga martir sa kampong piitan.

Nasa palapag ding ito ang kahanga-hangang Tower of Life (kilala rin bilang Tower of Faces), na umaabot nang tatlong palapag ang taas. Koleksiyon ito ng mga larawan ng daan-daang Judio na nanirahan sa Eishyshok, na kilala ngayon bilang Eisiskes, isang maliit na bayan sa tinatawag ngayong Lithuania. Ang mga larawang ito ay mga kuha noong 1890 hanggang 1941. Isa itong pamayanan ng mga Judio na naging maunlad sa loob ng 900 taon. Pagkatapos noong 1941, lansakang pinagpapatay ng palipat-lipat na pangkat ng mga mamamaslang na SS (Einsatzkommando) ang buong populasyon ng mga Judio sa loob lamang ng dalawang araw! Ayon sa opisyal na rekord ng mga Nazi, 3,446 na Judio ang pinatay​—989 na lalaki, 1,636 na babae, at 821 bata. Talagang lubus-lubusan noon ang ginagawa ng organisasyong Nazi.

Nasa ikalawang palapag din ang Hall of Remembrance, na may mga teksto sa Bibliya, tulad ng Deuteronomio 30:19 at Genesis 4:9, 10, na nakaukit sa marmol na mga pader. Kabilang dito ang ilang katibayan ng pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova, tulad ng lilang tatsulok na kailangan nilang isuot bilang pagkakakilanlang insigniya. Talasan mo ang iyong mga mata upang makita mo ang mga ito habang naglilibot ka. Marami pang bahagi ang museo na karapat-dapat suriin, lakip na ang malaking pasilidad nito sa pananaliksik sa ikalimang palapag.

Kapag nakalabas ka na sa museo at nasa lansangan ka na, makahihinga ka na nang maluwag. Ngunit puntahan pa natin ang pinakabago sa mga museo ng Washington, isa na tumatalakay sa ibang uri ng kasaysayan na may kalakip ding pagtatangka na lipulin ang isang grupo ng mga tao.

Ang Pinaka-Amerikano sa Lahat ng mga Museo

Ginugunita ng pinakabagong museo na ito sa kalipunan ng mga museo ng Smithsonian ang unang mga nanirahan sa Amerika​—ang mahigit na 500 tribo ng mga Katutubong Amerikano na tumira sa lupaing ito bago nagpunta rito ang mga Europeo o mga Aprikano. Ito ang National Museum of the American Indian (NMAI), na matatagpuan sa National Mall, katabi ng Air and Space Museum. Pinasinayaan ito noong Setyembre 21, 2004. Ang museo ay madaling makilala dahil sa natatanging disenyo nito na pakurbang mga guhit. Ang gusaling ito na 23,000 metro kuwadrado ang laki ay may panlabas na disenyo ng batong-apog na Kasota mula sa Minnesota. Para itong “susun-suson na malalaking bato na hinubog ng hangin at tubig.”

Ano ang makikita mo rito? Ang unang limang pangunahing eksibit nito ay “nagtatampok ng halos 7,000 bagay mula sa tanyag-sa-daigdig na koleksiyon ng NMAI na binubuo ng 800,000 bagay na may kinalaman sa etnograpiya at arkeolohiya.” (Insight, ang Smithsonian newsletter) May mga basket, kagamitang luwad, at mga bagay na yari sa abaloryo na kumakatawan sa mga tribong kasinlayo ng Mapuche sa Chile, ng Quechua sa Peru, ng Lakota sa Estados Unidos, at ng Anishinabe sa Canada.

Ayon sa mga salita ni W. Richard West, Jr., na kabilang sa Southern Cheyenne at siyang direktor na nagtatag sa museo, layunin nito na “ituwid ang maling mga akala at tulungan ang lahat ng mga tao, Katutubo man o hindi, na magkaroon ng mas tamang pagkaunawa sa buhay at kultura ng mga Katutubo sa lupaing ito.” Gugugol ka ng mga dalawang oras para malibot ang koleksiyong ito ng mga Amerikanong Indian. Saan pa tayo puwedeng pumunta sa mabilis na pamamasyal natin sa maraming eksibit sa Washington?

Mga Sining Noong Nakalipas na mga Siglo

Tumawid tayo sa abenida tungo sa kahanga-hangang National Gallery of Art. Nabuksan ang galerya noong 1941. Ipababatid sa iyo ng paglilibot mo rito ang sining sa nakalipas na walong siglo. Kung mahilig ka sa sining, mas makabubuti kung kinabukasan mo na simulan ang paglilibot mo rito, yamang gugugol ka rito nang ilang oras na paglalakad, depende sa paborito mong panahon ng sining, upang matitigan at mabulay-bulay ang kahanga-hangang mga koleksiyong ito habang naglilibot ka. Mabuti na lamang, maraming upuan kung gusto mong maupo at pag-aralan ang anumang partikular na likha o kung gusto mong magpahinga.

Yamang ang Simbahang Katoliko ang pangunahing tagapagtaguyod ng sining noong ika-13 siglo hanggang noong ika-15 siglo, ang karamihan sa mga iginuhit na larawan ay may relihiyosong tema. Makikita mo ang “Madonna and Child” ni Giotto, ang “The Alba Madonna” (1508) ni Raphael, at ang mga likha ni Leonardo da Vinci. Hinggil naman sa mga sining noong ika-16 na siglo, nariyan ang mga likha ni Tintoretto, Titian, at ng iba pa. Magiging interesado ang mga estudyante ng Bibliya sa “Christ at the Sea of Galilee” (mga 1575/1580) ni Tintoretto, na naglalarawan sa mga alagad ni Kristo na nakasakay sa bangkang pangisda na sinisiklut-siklot ng unos. Ang isa pang may kaugnayan sa Bibliya ay ang “Christ Cleansing the Temple” ni El Greco. Paghambingin ang iba’t ibang istilo ng mga pintor na ito​—pansinin ang matitingkad na kulay at madulang paglalarawan ni El Greco.

Kasali sa mga koleksiyon noong ika-17 siglo ang mga likha nina Rubens at Rembrandt, bukod sa iba pa. Muli na namang mawiwili ang mga estudyante ng Bibliya sa paglalarawan ni Rubens sa “Daniel in the Lions’ Den,” na iginuhit noong 1615. Pansinin ang kahinahunan ni Daniel habang pinasasalamatan niya ang Diyos sa pagliligtas sa kaniya. Ngayon ay lumipat naman tayo sa ika-19 na siglo at sa panahon ng mga French Impressionist.

Ito ang isa sa pinakamahusay na koleksiyon ng mga Impressionist sa labas ng Paris. Kung ang nakita lamang ng isa ay ang mga kopya ng iginuhit na mga larawan sa loob ng maraming taon, kapana-panabik ngang masilayan ang orihinal na kopya. Pahahangain ka ng tanyag na mga likha nina Cézanne, Manet, Renoir, Degas, at Monet habang pinag-aaralan mo ang kanilang mga istilo at ang kanilang interpretasyon sa liwanag. Itinatanghal din ang ilang natatanging likha ng mga pintor na Amerikano tulad ni Mary Cassatt (“Children Playing on a Beach”), James Abbott McNeill Whistler (“The White Girl”), at ni Winslow Homer (“Breezing Up”).

May isa pang eksibit na baka gusto mong puntahan, ang East Building, na may koleksiyon ng moderno at kasalukuyang mga sining. Sa looban, kalakip dito ang ilang malalaking eskultura na likha nina Alexander Calder, Henry Moore, at iba pa. Makikita mo rin ang tapestri ng dalubsining na si Joan Miró ng Catalonia.

Gaya ng mauunawaan mo, magiging abala ka sa paglilibot sa National Gallery sa loob ng maraming oras o hangga’t kaya mong maglibot. Siyempre pa, marami pang galerya sa sining na maaari mong pasyalan, tulad ng Corcoran Gallery of Art, na may maiinam na koleksiyon ng mga likha ng mga maestro sa Europa at Amerika, kabilang na ang iginuhit na mga larawan ng Impressionist na sina Monet at Renoir. Naroon din ang pinakamalaking koleksiyon ng mga likha ni Jean-Baptiste Camille Corot sa labas ng Pransiya. Gaano pa karaming panahon at lakas ang taglay mo? Nakadepende riyan kung gaano pa karaming galerya ang mapupuntahan mo.

Ngunit aalis ka sa Washington taglay ang mas higit na pagpapahalaga sa kultura. At marahil ay mas maiintindihan mo ang sinabi ng Pranses na awtor na si Destouches na, “Madaling mamuna, pero mahirap lumikha ng sining.” Baka pasiglahin ka rin ng pamamasyal mo na libutin ang mga museo at galerya na malapit sa iyong tirahan. Puntahan mo ang mga ito, at tingnan mo kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ng relihiyon at Bibliya sa mga ito.

[Talababa]

a Bakit ito tinawag na “D.C.” (District of Columbia)? Dahil ang kabiserang ito ay hindi sakop ng anumang estado kundi okupado nito ang isang pederal na lupain na may lawak na 177 kilometro kuwadrado. Ipinakikita rin ng “D.C.” na naiiba ito sa estado ng Washington, na nasa Kanlurang Baybayin, mga 3,000 kilometro ang layo.

[Larawan sa pahina 14]

Ang Smithsonian Castle

[Credit Line]

Smithsonian photo by Eric Long

[Mga larawan sa pahina 14, 15]

Nasa National Air and Space Museum ang orihinal na “Flyer” mula noong 1903 (nasa kanan) at ang “Spirit of Saint Louis” ni Lindbergh (nasa ibaba)

[Mga larawan sa pahina 15]

Umaakit ng maraming turista ang Bureau of Engraving and Printing

[Larawan sa pahina 16]

Umaabot sa tatlong palapag ang taas ng Tower of Life

[Larawan sa pahina 16]

Isang uniporme sa kampong piitan na isinuot ng isa sa mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 17]

Ang United States Holocaust Memorial Museum

[Larawan sa pahina 17]

Helene Gotthold

[Credit Line]

USHMM, courtesy of Martin Tillmans

[Larawan sa pahina 18]

May natatanging disenyo ng pakurbang mga guhit ang National Museum of the American Indian

[Credit Line]

Photo by Robert C. Lautman

[Larawan sa pahina 18]

Isang plorerang kristal na hinubog sa pamamagitan ng paghihip ng isang makabagong dalubsining na Amerikanong Indian

[Credit Line]

Photo by Ernest Amoroso, © Smithsonian Institution/National Museum of the American Indian

[Larawan sa pahina 18]

Ang likha ni Winslow Homer na “Breezing Up,” sa National Gallery of Art

[Credit Line]

Winslow Homer, Breezing Up (A Fair Wind), Gift of the W. L. and May T. Mellon Foundation, Image © Board of Trustees, National Gallery of Art, Washington

[Picture Credit Lines sa pahina 15]

Itaas: Background: Smithsonian photo by Dane Penland; eroplano: © Mark Polott/Index Stock Imagery; paglilibot: Photo by Carolyn Russo/NASM; tatlong larawan sa ibaba: Courtesy of the Department of the Treasury, Bureau of Engraving and Printing

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share