Ang Bagong Hitsura ng British Museum
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
Ang British Museum ng London ay tumatanggap ng halos anim na milyong panauhin taun-taon. Mga isang taon ang nakalipas, nakakuha ito ng 40 porsiyentong karagdagang espasyo upang mabigyang-lugar ang mga pulutong na ito. Paano ito naging posible?
Ang aklatan ng British Museum at ang British Museum ay binuksan sa publiko noong 1759. Ang kasalukuyang gusali na kinalalagyan ng mga ito ay natapos noong 1852. Ngunit noong 1997, ang aklatan, na kilala bilang ang British Library, ay inilipat sa bagong kalapít na gusali, kalakip ang 12 milyong inilimbag na aklat at sampu-sampung libong manuskrito at pantatak. Ang paglipat na ito ang nagpangyari na mapalawak ang British Museum sa pamamagitan ng pagbubukas sa gitnang looban—na hindi napapasok ng publiko sa loob ng halos 150 taon!
Ang pinakatampok na bahagi ngayon ng binakanteng looban, na tinatawag na Great Court, ay ang Reading Room na may bubong na simburyo. Mula nang gawin ito noong 1857, ang Reading Room na ito ay kaayaayang lugar para sa mga mananaliksik mula sa buong daigdig. Sina Mohandas Gandhi, Charles Darwin, at Karl Marx ang ilan lamang sa kilaláng mga tao na nagsaliksik sa tahimik at pribadong lugar ng bantog na aklatang ito. Binuksan ang silid na ito sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon. Dito ngayon iniingatan ang sariling koleksiyon ng museo na 25,000 tomo.
Ang simburyo ng makasaysayang silid na ito ay ibinalik sa orihinal na hitsura nito. Ang Great Court, kasama ang Reading Room, ay natatakpan ngayon ng isang marilag na kisame na may bigat na 800 tonelada. Ito’y isang balangkas na gawa sa asero na napapalamutian ng 3,312 tatsulok na gawa sa salamin, na ang sukat ng bawat piraso ay maingat na kinalkula at inayos ng computer.
Sa Reading Room, iniaalok ngayon ng British Museum ang pagkakamit ng impormasyon hinggil sa libu-libo nitong walang-kasinghalagang koleksiyon sa pamamagitan ng computer. Tinawag ng The Times ng London ang muling-kinumpuning mga pasilidad bilang isang obra maestra. Masiglang sumasang-ayon ang mga panauhin!
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
Gitnang itaas at ibaba: Copyright The British Museum; lahat ng iba pa: Copyright Nigel Young/The British Museum