Isang Bato na Lumutas sa Misteryo
Sa British Museum, sa London, kadalasang makikita mo ang mga tao sa Galeryang Ehipsiyo, nakatitig sa itim na basaltong tipak ng bato. Bakit ba ito nakatawag ng pansin sa marami? Sa loob ng mga dantaon, ang mga eksperto ay nalito sa masalimuot na sulat larawan (hiroglipiko) na natagpuan nila sa mga libingan at monumento sa Ehipto. Ang malaking tipak ng bato na iyon ay naging susi sa pag-unawa sa mga sulat at mga inskripsiyong iyon. Ito ay nakilala bilang ang Rosetta Stone (buhat sa Rashid sa Ehipto, isinaling Rosetta).
Ang bato ay may katulad na teksto sa tatlong magkakaibang sulat-kamay. Ang isa rito ay Griego at maaaring isalin. Ang isa pa ay sinaunang hiroglipikong Ehipsiyo, at ang ikatlo, isang sulat-kamay na anyo hiroglipikong Ehipsiyo. Ang Pranses na si Jean François Champollion ay gumugol ng 23 taon upang maintindihan ang mga inskripsiyong ito. At ano ba ang sinasabi ng bato?
Ito’y may petsa na noon pang ikasiyam na taon ni Ptolemy V (mga 196 B.C.E.), isa pa itong inskripsiyon na lumuluwalhati sa pinuno. Kabilang pa sa ibang bagay, ipinahahayag nito ang debosyon ni Ptolemy V sa mga diyos, pinupuri siya sa pagsasauli sa “mga templo ni Apis at ng mga Torong Mnevis, at ng iba pang sagradong hayop,” at inilalarawan siya bilang “si Ptolemy, ang kailanma’y nabubuhay na diyos.”—The Rosetta Stone, Mga Katiwala ng British Museum.
Ang pagkaunawa sa sinaunang hiroglipiko, “kasulatan ng mga pahayag ng diyos,” ay nakatulong upang ilantad nang lubusan ang pagsamba sa hayop na palasak sa Ehipto. Gaya ng sinasabi ng katalogo ng British Museum: “Halos lahat ng eskultura ay ginawa ukol sa relihiyosong mga layunin, upang itaguyod ang pagsamba sa mga diyos, upang luwalhatiin ang kapangyarihan ng espisipikong mga hari,” gayundin para sa mga layunin sa libing. At ang karamihan ng mga eskultura at mga monumento ay may mga sulat hiroglipiko, na, dahil sa Rosetta Stone, ay maaari na ngayong unawain.
[Mga larawan sa pahina 31]
Itaas: Halimbawa ng hiroglipikong pagsulat
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum
Kanan: Si Horus, Ehipsiyanong diyos ng liwanag
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Sa kagandahang-loob ng British Museum