Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 4/15 p. 30-31
  • Ang Batong Moabita—Napinsala Ngunit Hindi Nawala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Batong Moabita—Napinsala Ngunit Hindi Nawala
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Intriga at Kawalang-Pagtitiwala
  • Ang Kasaysayan sa Bibliya ay Nabuhay
  • Mesa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kemos
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang “Bahay ni David”—Katotohanan o Kathang-Isip?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Bet-diblataim
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 4/15 p. 30-31

Ang Batong Moabita​—Napinsala Ngunit Hindi Nawala

ANG Batong Moabita, o Mesha, ay sadyang pinagdurug-durog hindi lumampas ang isang taon pagkatapos na iyon ay matuklasan noong 1868. Iyon ay halos 3,000 taon ang edad. Isang piraso iyon ng pinakintab na itim na basalto na may binilog na taluktok, at humigit-kumulang uno punto dos metro ang taas, mahigit na punto seis metro lamang ang luwang, at punto seis metro ang kapal. Pagkatapos na ito’y magkapira-piraso, 2 malalaki at 18 maliliit na piraso ang nakuha, ngunit isang-katlo ng bato ang nawala at hindi na nakuha.

Papaanong ang gayong pambihirang bagay ay halos nawala magpakailanman? At gaanong kahalaga iyon sa mga estudyante ng Bibliya?

Intriga at Kawalang-Pagtitiwala

Si F. A. Klein ang siyang una at huling taga-Europa na nakakita sa bato nang ito’y hindi pa nasisira. Nakasama iyon sa mga kaguhuan ng Dibon sa hilagang-silangan ng Dagat na Patay. Siya’y gumuhit ng mga ilang bahagi ng 35-linyang sulat sa loob ng nakaangat na tabi niyaon at, pagbabalik sa Jerusalem, kaniyang iniulat ang natuklasang iyon sa kaniyang hepeng taga-Prusya. Ang sulat ay kaagad namang nakilala bilang sa taga-Fenicia at kinilala ang kahalagahan nito. Ang Royal Museum ng Berlin ay lumikom ng salapi upang mabili ang bato, ngunit hindi nagtagal at mga iba pang interesadong partido ang nakikipag-agawang mabili iyon. Palibhasa’y nagising sila sa halagang magiging kapalit niyaon, itinago iyon ng mga sheikh at itinaas ang presyo ng napakataas.

Isang arkeologong Pranses ang nagtagumpay na kumuha ng isang papel upang ang sulat ay kunan ng impresyon, ngunit dahil sa kailangang agawin iyon bago matuyo, halos hindi mabasa ang impresyon. Samantala, ang iba ay nanggaling pa sa Damasco upang isuko ng Bedouin ang kanilang bato sa mga opisyales ng pamahalaan. Imbis na sumunod, minabuti ng Bedouin na wasakin iyon. Kaya sila’y nagsindi ng apoy sa palibot ng mahalagang relikyang iyon at paulit-ulit na sinabuyan iyon ng tubig. Nang magkabiyak-biyak ang bato, ang pira-piraso niyaon ay agad ipinamahagi sa lokal na mga pami-pamilya upang ilagay sa kani-kanilang mga kamalig, marahil para masiguro nila na magiging mahusay ang kanilang mga ani. Iyon din ang pinakamagaling na paraan ng personal na negosasyon ng mga indibiduwal para sa pagbibili ng kumalat na mga piraso.

Ang Kasaysayan sa Bibliya ay Nabuhay

Sa tulong ng mga pangmoldeng plaster at mga pandagan sa papel upang ihalili sa mga pirasong ipinagbili, sa wakas ay nabuo rin ang sulat-sulat na nasa bato. Nang mabuo ang buong teksto, ganiyan na lamang ang panggigilalas ng mga iskolar. Ang sinaunang stela ay tinukoy ng panahong iyon bilang “ang pinakapambihirang kaisa-isang bato na nadiskubre kailanman.”

Si Haring Mesha ng Moab ang nagtayo sa Batong Moabita sa kaniyang diyos na si Chemosh upang isaalaala ang pagsira ni Mesha sa dominasyon ng Israel, na, ayon sa kaniyang sabi, tumagal ng 40 taon at pinayagan naman ni Chemosh dahilan sa siya ay “nagagalit sa kaniyang lupain.” Ang paghihimagsik na ito sa Moab ay karaniwan nang itinuturing na may kaugnayan sa pangyayaring nakaulat sa ikatlong kabanata ng 2 Hari. Sa monumento, ipinangangalandakan ni Mesha ang kaniyang pagiging lubhang relihiyoso, pagtatayo ng mga lunsod at isang malaking daan, at pagtatagumpay laban sa Israel. Dito, ibinigay niya sa kaniyang diyos na si Chemos ang lahat ng kabutihan. Ang pagkatalo ni Mesha at ang paghahain sa kaniyang sariling anak​—iniulat ng Bibliya​—​ay, gaya ng aasahan ninuman, inalis sa dumadakila-sa-sariling pangungusap na ito.

Maraming lugar na itinala ni Mesha bilang mga lugar na kaniyang nabihag ang binanggit sa Bibliya, kasali sa mga ito ang Medeba, Ataroth, Nebo, at Jahaz. Samakatuwid, ang bato ay umaalalay sa kawastuan ng iniulat ng Bibliya. Gayunman, kapuna-puna ang paggamit ni Mesha ng tetragrammaton, YHWH, ang pangalan ng Diyos ng Israel, sa ika-18 linya ng pag-uulat. Doon ay ipinangangalandakan ni Mesha: “Kinuha ko mula roon [sa Nebo] ang [mga sisidlan] ni Yahweh, kinaladkad ko ang mga ito sa harap ni Chemosh.” Maliban sa nasa Bibliya, ito marahil ang pinakamaagang rekord ng paggamit sa banal na pangalan.

Noong 1873 ang Batong Moabita ay naisauli, taglay ang moldeng plaster ng idinagdag na kulang na teksto, at inilagay na eksibisyon sa Louvre museum, Paris, na kung saan nanatili na iyon doon. Isang facsimile o eksaktong kopya ang makikita sa British Museum, London.

[Mga larawan sa pahina 31]

(Itaas) Ang lupain ng Moab

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

(Kaliwa) Ang muling-binuong Batong Moabita

[Credit Line]

Musée du Louvre, Paris

(Kanan) Ang Tetragrammaton na makikita sa nasabing bato

[Credit Line]

Ang Bibliya sa British Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share