Ang “Bahay ni David”—Katotohanan o Kathang-Isip?
SI David—ang kabataang pastol na naging manunugtog, makata, kawal, propeta, at isang hari—ay namumukod-tangi sa pagiging prominente sa Bibliya. Ang kaniyang pangalan ay binabanggit nang 1,138 ulit; ang pananalitang “Bahay ni David”—malimit na tumutukoy sa dinastiya ni David—ay ginamit nang 25 ulit. (1 Samuel 20:16) Kathang-isip ba lamang si David at ang kaniyang dinastiya? Ano ang isinisiwalat ng arkeolohiya? Ang isang pambihirang tuklas kamakailan sa isang lugar ng arkeolohikal na paghuhukay sa Tel Dan sa hilagang Galilea ay iniulat na umaalalay sa pagiging makasaysayan ni David at ng kaniyang dinastiya.
Noong tag-araw ng 1993, isang pangkat ng mga arkeologo, na pinangungunahan ni Propesor Avraham Biran, ang naghawan sa isang lugar sa banda pa roon ng pintuan sa labas ng sinaunang Dan. Natuklasan nila ang isang sementadong liwasan. Madaling natanggal ang isang itim na batong basalto na nakausli mula sa lupa. Nang matapat ang bato sa araw nang dakong hapon, maliwanag na nakita ang mga titik. “O, Diyos ko, mayroon tayong inskripsiyon!” ang naibulalas ni Propesor Biran.
Agad na sumulat ng siyentipikong report tungkol sa inskripsiyon si Propesor Biran at ang kaniyang kasamahan, si Propesor Joseph Naveh ng Hebrew University sa Jerusalem. Batay sa report na ito, ganito ang mababasa sa isang artikulo sa magasing Biblical Archaeology Review, na may petsang Marso/Abril 1994: “Bibihira na ang isang tuklas sa arkeolohiya ay mapalagay sa unang pahina ng New York Times (bukod pa sa magasing Time). Subalit ganito ang nangyari noong nakaraang tag-araw sa isang tuklas sa Tel Dan, isang magandang burol sa hilagang Galilea, sa paanan ng Bundok Hermon sa tabi ng isa sa mga pinagmumulan ng tubig ng Ilog Jordan.
“Doon natagpuan ni Avraham Biran at ng kaniyang pangkat ng mga arkeologo ang isang pambihirang inskripsiyon mula sa ikasiyam na siglo B.C.E. na tumutukoy kapuwa sa ‘Bahay ni David’ at sa ‘Hari ng Israel.’ Ito ang unang pagkakataon na ang pangalang David ay nasumpungan sa alinmang sinaunang inskripsiyon maliban sa Bibliya. Ang bagay na tumutukoy ang inskripsiyong iyon hindi lamang sa isang ‘David’ kundi sa Bahay ni David, ang dinastiya ng dakilang Israelitang hari, ay higit pang kapansin-pansin.
“Ang ‘Hari ng Israel’ ay isang terminong madalas masumpungan sa Bibliya, lalo na sa Aklat ng mga Hari. Gayunman, maaaring ito ang pinakamatandang di-Biblikal na reperensiya sa Israel sa Semitikong titik. Kung ang inskripsiyong ito ay may anumang pinatutunayan, ipinakikita nito na kapuwa ang Israel at Juda, salungat sa pag-aangkin ng ilang iskolar na tagapuna sa Bibliya, ay mahahalagang kaharian sa panahong ito.”
Ang petsa ay batay sa hugis ng mga letra, pagsusuri sa mga palayok na nasumpungan malapit sa piraso ng bato, at sa nilalaman ng inskripsiyon. Ang lahat ng tatlong pamamaraan ay nagtuturo sa iisang yugto ng panahon, ang ikasiyam na siglo B.C.E., mga mahigit na isang daang taon mula kay Haring David. Naniniwala ang mga iskolar na ang inskripsiyon ay bahagi ng isang bantayog ng tagumpay na itinayo sa Dan ng isang kaaway na Arameano kapuwa ng “Hari ng Israel” at ng “[Hari ng] Bahay ni David.” Ang mga Arameano, na sumasamba sa isang popular na diyos ng bagyo, si Hadad, ay naninirahan noon sa gawing silangan.
Noong tag-araw ng 1994, natagpuan ang dalawa pang piraso ng batong ito. Iniulat ni Propesor Biran: “Nasa dalawang pirasong ito ang pangalan ng Arameanong diyos na si Hadad, gayundin ang pagbanggit sa labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Arameano.”
Ang pinakamalaking piraso na nakuha noong 1993 ay naglalaman ng 13 malalabong talata na isinulat sa lumang Hebreong titik. Nang panahong iyon, ginagamit ang mga tuldok bilang panghati ng mga salita upang ihiwalay ang mga salita sa isang teksto. Subalit, ang “Bahay ni David” ay isinulat bilang isang salita sa mga titik na “bytdwd” (isinalin nang literal sa romanong mga titik) sa halip na “byt” (bahay), isang tuldok, at saka “dwd” (David). Mauunawaan naman, bumangon ang mga tanong tungkol sa pagpapakahulugan sa “bytdwd.”
Ganito ang paliwanag ng eksperto sa wika na si Propesor Anson Rainey: “Hindi ipinaliwanag nang detalyado nina Joseph Naveh at Avraham Biran ang inskripsiyon, marahil dahil sa inakala nila na ang isang panghati ng salita sa pagitan ng dalawang bahagi sa gayong kayarian ay malimit na hindi na isinasama, lalo na kung ang kombinasyon ay isang tatag nang pangalang pantangi. ‘Ang Bahay ni David’ ay tiyak na isa sa gayong angkop na pulitikal at heograpikong pangalan noong kalagitnaan ng ikasiyam na siglo B.C.E.”
Isa Pang Patotoo ng Arkeolohiya
Pagkatapos ng natuklasang iyan, isang eksperto sa batong Mesha (tinatawag ding Batong Moabita), si Propesor André Lemaire, ang nag-ulat na tumutukoy din iyon sa “Bahay ni David.”a Ang batong Mesha, na natuklasan noong 1868, ay may malaking pagkakatulad sa batong Tel Dan. Ang mga ito ay kapuwa may petsang ikasiyam na siglo B.C.E., pareho ang materyal, magkahawig sa sukat, at isinulat sa halos magkaparehong titik Semitiko.
Hinggil sa bagong pagbuong-muli sa isang napinsalang talata sa batong Mesha, ganito ang isinulat ni Propesor Lemaire: “Halos dalawang taon bago matuklasan ang piraso ng bato sa Tel Dan, naisip ko na ang batong Mesha ay naglalaman ng pagbanggit sa ‘Bahay ni David.’ . . . Ang dahilan kung bakit ang pagbanggit na ito sa ‘Bahay ni David’ ay hindi nabigyang pansin noon ay maaaring ang bagay na hindi kailanman nagkaroon ng kaukulang editio princeps [unang edisyon] ang batong Mesha. Iyan ang inihahanda ko, 125 taon pagkatapos na matuklasan ang batong Mesha.”
Kapansin-pansin ang gayong impormasyon sa arkeolohiya sapagkat isang anghel, si Jesus mismo, ang kaniyang mga alagad, at ang mga tao sa pangkalahatan ay nagpatotoo sa pagiging makasaysayan ni David. (Mateo 1:1; 12:3; 21:9; Lucas 1:32; Gawa 2:29) Maliwanag na sumasang-ayon ang mga tuklas sa arkeolohiya na siya at ang kaniyang dinastiya, ang “Bahay ni David,” ay katotohanan, hindi kathang-isip.
[Talababa]
a Ang batong Mesha ay kilala ng mga mambabasa ng mga literatura ng Samahang Watch Tower. (Tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 1990, pahina 30-1.) Matatagpuan iyon sa Louvre Museum, Paris.
[Larawan sa pahina 31]
Ang piraso ng bato sa Tel Dan,* natuklasan noong 1993 sa lunsod ng Dan, hilagang Galilea
* Iginuhit batay sa larawan na nasa Israel Exploration Journal.