Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 3/8 p. 20-21
  • Ang Diyos ba’y Nasa Lahat ng Dako?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Diyos ba’y Nasa Lahat ng Dako?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nasaan ba ang Diyos?
  • Ang Diyos ay Isang Persona
  • Ang Espiritu ng Diyos na Nakaaabot sa Lahat
  • Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos
  • Ang Diyos ba ay Nasa Iisang Lugar?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ang Diyos Ba ay Nasa Lahat ng Lugar, o Omnipresente?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Ang Diyos ba ay Omnipresente?
    Gumising!—2011
  • Tunay na Persona ba ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 3/8 p. 20-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Diyos ba’y Nasa Lahat ng Dako?

ANGKOP na inilalarawan ang Diyos bilang omnipotente at omnisyente​—makapangyarihan-sa-lahat at nakaaalam ng lahat ng bagay. Gayunman, kapag sinisikap na ilarawan pa ang kadakilaan ng Diyos, idinaragdag ng ilan ang ikatlong termino​—omnipresente. Naniniwala sila na ang Diyos ay nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon.

Bagaman wala sa Bibliya ang mga pang-uring ito, ang unang dalawa ay maliwanag na sinusuportahan ng mga turo sa Kasulatan. (Genesis 17:1; Hebreo 4:13; Apocalipsis 11:17) Tunay ngang omnipotente ang Diyos, at omnisyente siya sa diwa na walang maililihim sa kaniya. Ngunit siya ba ay omnipresente? Ang Diyos ba’y nasa lahat ng dako, o siya ba’y isang persona na may espesipikong dakong tinatahanan?

Nasaan ba ang Diyos?

Sa ilang talata sa Bibliya, ang “langit” ay binabanggit bilang ang “tatag na dakong tinatahanan” ng Diyos. (1 Hari 8:39, 43, 49; 2 Cronica 6:33, 39) Gayunman, inilalarawan ng isang ulat sa Bibliya ang kalakihan ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng sumusunod na kataga: “Totoo bang ang Diyos ay mananahanang kasama ng sangkatauhan sa ibabaw ng lupa? Narito! Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya.”​—2 Cronica 6:18.

“Ang Diyos ay Espiritu,” ang sabi ng Bibliya. (Juan 4:24) Samakatuwid, tumatahan siya sa espirituwal na dako na hiwalay sa pisikal na sansinukob. Kapag tinutukoy ng Bibliya ang “langit” bilang dakong tinatahanan ng Diyos, tinutukoy nito ang napakataas na dakong kaniyang tinitirhan kung ihahambing sa pisikal na kapaligirang tinitirhan natin. Higit sa lahat, itinuturo ng Bibliya na ang tirahan ng Diyos ay tunay ngang naiiba mula sa pisikal na sansinukob subalit nasa isang lubhang espesipikong dakong kinaroroonan o lokasyon.​—Job 2:1, 2.

Ang Diyos ay Isang Persona

Binanggit ni Jesus ang tungkol sa dakong tinatahanan ni Jehova nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. . . . Paroroon ako upang maghanda ng dako para sa inyo.” (Juan 14:2) Saan ba nagtungo si Jesus? Nang maglaon, siya ay “pumasok . . . sa langit mismo, upang ngayon ay humarap sa mismong persona ng Diyos para sa atin.” (Hebreo 9:24) Itinuturo ng ulat na ito ang dalawang mahahalagang bagay tungkol sa Diyos na Jehova. Una, mayroon siyang literal na dakong tinatahanan, at ikalawa, siya ay isang persona, hindi basta isang di-mailarawang puwersa na tumatahan sa lahat ng dako.

Iyan ang dahilan kung bakit itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manalangin sa ganitong paraan: “Ama namin na nasa langit,” anupat ipinatutungkol ang kanilang mga panalangin sa isang persona, si Jehova, na nasa isang dako, yaon ay, ang espirituwal na kalangitan. (Mateo 6:9; 12:50) Ang turong ito ay kasuwato ng panalanging itinuro sa bayan ng Diyos sa loob ng mahigit 1,500 taon. Ganitong panalangin ang nilalaman ng pinakamatatandang akda na kinasihan ng Diyos: ‘Dumungaw ka mula sa iyong banal na tahanan, ang langit, at pagpalain mo ang iyong bayan.’​—Deuteronomio 26:15.

Ang Espiritu ng Diyos na Nakaaabot sa Lahat

Bagaman laging tinutukoy ng Bibliya na ang Diyos ay may espesipikong dakong tinatahanan, madalas naman nitong binabanggit ang kaniyang banal na espiritu na nasa lahat ng dako. “Saan ako makaparoroon mula sa iyong espiritu, at saan ako makatatakbo mula sa iyong mukha?” ang tanong ng salmistang si David. (Awit 139:7) Nakalito sa ilan ang gayong mga pagtukoy anupat maaaring naghinuha sila na ang Diyos ay omnipresente. Subalit, kung isasaalang-alang natin ang konteksto nito at ang iba pang teksto, maliwanag na ang banal na espiritu ni Jehova​—o ang kaniyang kumikilos na puwersa​—ang ipinaaabot niya mula sa kaniyang tiyak na kinaroroonan tungo sa alinmang lugar sa pisikal na sansinukob.

Kung paanong iniaabot ng isang ama ang kaniyang kamay upang aliwin at alalayan ang kaniyang mga anak, ang kamay ni Jehova​—o ang banal na espiritu​—ay makaaabot saanmang bahagi ng espirituwal na dako o sa pisikal na sansinukob upang isakatuparan ang layunin ni Jehova. Kaya naman, masasabi ng salmista: “Kung kukunin ko ang mga pakpak ng bukang-liwayway, upang makatahan ako sa kalayu-layuang dagat, doon din ay papatnubayan ako ng iyong kamay at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin.”​—Awit 139:9, 10.

Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos

Mapagpakumbaba at maibiging hinahayaan ng Diyos na Jehova na ilarawan siya at ang kaniyang dakong tinatahanan sa mga terminong mauunawaan ng tao. Sa pamamagitan nito at ng iba pang paraan, para ba siyang “nagpapakababa upang tumingin sa langit at lupa.” (Awit 113:6) Subalit imposible na lubusang maunawaan ng tao ang mga katangian ng Diyos.

Si Jehova ay talagang lubhang kahanga-hanga, lubhang dakila, at lubhang kamangha-mangha upang lubusang mailarawan sa mga termino ng tao. Kaya, bagaman binabanggit ng Kasulatan ang tungkol sa kaniyang makalangit na tirahan bilang isang lugar na may espesipikong lokasyon, imposibleng lubusang maunawaan ng mga tao ang gayong espirituwal na dako.​—Awit 139:6.

Gayunman, may malaking kaaliwan sa pagkakaroon ng makatuwirang pagkaunawa sa tunay na katangian ni Jehova, anupat natatanto nating hindi siya isang di-mailarawan at di-personang puwersa na nasa lahat ng dako sa sansinukob. Sa halip, isa siyang persona na may espesipikong dakong tinatahanan at isang tiyak na personalidad na kakikitaan ng pag-ibig at pagkamagiliw. Ang gayong kaalaman ay nagbubukas ng pinto tungo sa pinakadakilang pagkakataon na maaaring makamit ng sinumang tao​—ang pagkakataong magkaroon ng habang-buhay at personal na pakikipagkaibigan sa Makapangyarihan-sa-lahat na Soberano ng sansinukob.​—Santiago 4:8.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share