Tunay na Persona ba ang Diyos?
Karaniwang sagot:
◼ “Siya ay nasa lahat ng dako, nasa lahat ng bagay. Para siyang hangin.”
◼ “Hindi siya isang persona kundi isang matalino o makapangyarihang puwersa.”
Ano ang sinabi ni Jesus?
◼ “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan.” (Juan 14:2) Sa makasagisag na paraan, binanggit ni Jesus na ang Diyos ay may tirahang dako.
◼ “Ako ay nanggaling sa Ama at dumating sa sanlibutan. Bukod pa rito, iiwan ko ang sanlibutan at paroroon ako sa Ama.” (Juan 16:28) Naniniwala si Jesus na ang Diyos ay isang totoong Persona na nakatira sa isang tiyak na dako.
HINDI kailanman tinukoy ni Jesus ang Diyos bilang isang puwersa na mahirap mailarawan. Sa halip, nakipag-usap siya sa Diyos at nanalangin sa Kaniya. Madalas niyang tawagin si Jehova na kaniyang makalangit na Ama, isang termino na nagpapakita ng malapít na kaugnayan niya sa Diyos.—Juan 8:19, 38, 54.
Totoong “walang taong nakakita sa Diyos kailanman” at “ang Diyos ay Espiritu.” (Juan 1:18; 4:24) Pero hindi ito nangangahulugan na wala siyang anumang uri ng katawan o anyo. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Kung may katawang pisikal, mayroon ding espirituwal.” (1 Corinto 15:44) Kung gayon, may espirituwal na katawan ba si Jehova?
Mayroon. Nang buhaying muli si Jesus, siya ay “pumasok . . . sa langit mismo, upang ngayon ay humarap sa mismong persona ng Diyos para sa atin.” (Hebreo 9:24) Itinuturo nito sa atin ang dalawang mahahalagang katotohanan tungkol sa Diyos. Una, mayroon siyang tahanang dako. Pangalawa, siya ay isang Persona, hindi lamang basta isang puwersa na mahirap maunawaan at na nasa lahat ng dako.
Kung gayon, paano nakokontrol ng Diyos ang lahat ng bagay sa lahat ng dako? Ipinadadala ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, o ang kaniyang kumikilos na kapangyarihan, saanman sa uniberso. Halimbawa, ang isang planta ng kuryente ay nasa isang espesipikong dako pero kaya nitong maglaan ng kuryente sa maraming lugar. Sa katulad na paraan, ang Diyos ay nasa langit pero ginagamit niya ang kaniyang banal na espiritu para isakatuparan ang kaniyang layunin.—Awit 104:30; 139:7.
Dahil ang Diyos ay isang Persona, mayroon siyang personalidad, at may mga bagay siyang gusto at hindi gusto—may damdamin pa nga siya. Sinasabi sa atin ng Bibliya na siya ay nasisiyahan sa kaniyang mga gawa, napopoot sa idolatriya, nalulungkot sa kasamaan, at iniibig niya ang kaniyang bayan. (Genesis 6:6; Deuteronomio 16:22; 1 Hari 10:9; Awit 104:31) Sa 1 Timoteo 1:11, tinatawag siyang “maligayang Diyos.” Hindi nga kataka-takang sabihin ni Jesus na matututuhan nating ibigin ang Diyos nang ating buong puso!—Marcos 12:30.a
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa paksang ito, tingnan ang kabanata 1 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.