Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 4/1 p. 4-7
  • Kung Paano Natin Makikilala ang Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Natin Makikilala ang Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bibliya​—Aklat ng Diyos
  • Ang Matalik na Pagkakilala sa Diyos
  • Ang Pagbabasa ng Bibliya ay Naglalapit sa Atin sa Diyos
  • Mga Dakilang Pakinabang sa Pagkakilala sa Diyos
  • Paano Ka Magiging Kaibigan ng Diyos?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Sino ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Talaga Bang ‘Makalalapit Ka sa Diyos’?
    Maging Malapít kay Jehova
  • Pahalagahan ang Walang-Kapantay na mga Katangian ng Diyos
    Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 4/1 p. 4-7

Kung Paano Natin Makikilala ang Diyos

ANG ibang mga tao ay naniniwala na ang Diyos ay nasa lahat ng dako, naroon sa mga bituin at mga planeta, sa bahaghari, sa pakpak ng isang ibon, sa dahon ng damo. Subalit, ang Bibliya ay nagtuturo na ang Diyos, bilang isang Persona, ay may tiyak na dakong kinaroroonan. Ang pantas na si Haring Solomon ay nagsabi sa isang panalangin sa Diyos: “Dinggin mo rin nga buhat sa langit, ang matatag na dakong tirahan mo.” At sa Bibliya sa aklat ng Isaias, ang Diyos mismo ay sinisipi na nagsasabi: “Ang langit ang aking trono.”​—1 Hari 8:49; Isaias 66:1.

Bagama’t ang Diyos mismo ay wala roon sa kaniyang paglalang, ang kaniyang mga katangian bilang persona ay mababanaag doon. Ang sabi ni apostol Pablo sa Roma 1:20: “Ang kaniyang di nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat ang mga ito ay nakikita sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Ang salmistang si David ay sumulat din ng ganiyan: “Nagsisiwalat ang mga langit ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay ibinabadya ng kalawakan. Sa araw-araw umaawas ang pangungusap, at gabi-gabi’y nagtatanghal ng karunungan.”​—Awit 19:1, 2.

Oo, magmasid ka sa itaas kung gabing mabituin at bulaybulayin mo sumandali ang pagkalaki-laking karunungan at kapangyarihan na kailangan upang malikha at mapanatiling umaandar ang ating uniberso! (Ihambing ang Isaias 40:26.) Tunay, ang mga bagay na nilalang ay hindi nauubusang bukal ng kaalaman tungkol sa personalidad ng Diyos. At ang tao ay hindi kailanman lubusang makakaalam ng pagkarami-raming patotoo na ibinibigay nito tungkol sa mga katangian ng Diyos. Ang aklat ng Job ay nagpapagunita sa atin: “Narito! Ang mga ito ay gilid lamang ng kaniyang mga daan, at anong pagkarahan-rahan ng bulong na naririnig sa kaniya!” (Job 26:14) Mayroong isang matandang kasabihan sa Sweden na: ‘Ang panginoon ay lalong dakila kaysa kaniyang mga gawa.’ Kaya naman, kung ang paglalang ay dakila, tiyak na ang Diyos ay lalong dakila; kung sa paglalang ay nakikita ang karunungan, ang Diyos ay tiyak na lalong marunong; kung sa paglalang ay makikita ang kapangyarihan, tiyak na ang Diyos ay lalong makapangyarihan!

Ang Bibliya​—Aklat ng Diyos

Ang paglalang kung gayon ay nagbibigay ng maraming impormasyon tungkol sa Diyos. Subalit, ang pag-aaral ba ng paglalang ay magsasabi sa iyo kung ano ang pangalan ng Diyos? Isisiwalat ba nito kung ano ang layunin sa paglalang o kung bakit kaniyang pinahintulutang umiral ang kasamaan? Ang mga sagot sa ganiyang mga tanong ay nangangailangan ng higit kaysa pag-aaral ng materyal na mga gawa ng Diyos. Mapalad naman tayo, minabuti ng Diyos na ang ganiyang impormasyon tungkol sa kaniya ay mapasulat sa Bibliya.

Doon ang Diyos ay hindi kailanman ipinakikila na isang malabo, di-mailarawan na kaisipan o isang lakas o kapangyarihan na nasa lahat ng dako. Sa Gawa 3:19 ay mababasa natin ang tungkol sa “persona ni Jehova.” Nang ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay ibangon buhat sa mga patay, sinasabi ng Bibliya na siya’y pumasok sa langit mismo upang humarap sa “persona [sa literal, “mukha”] ng Diyos.” (Hebreo 9:24, Kingdom Interlinear) Tunay, hindi tinawag ni Jesus ang Diyos na isang Dakilang Lakas, Walang-hanggang Katalinuhan, o anupamang ibang terminong malabo nang siya’y mangusap tungkol sa Diyos o manalangin sa kaniya. Sa kabaligtaran, kalimitan ay tinatawag niya ito na makalangit na Ama, isang termino na nagsisiwalat ng kaniyang matalik na kaugnayan sa Diyos.​—Mateo 5:48; 6:14, 26, 32.

Samakatuwid ang Diyos ay hindi isang walang pangalang “Bagay” kundi isang Persona na may pangalan. Sinasabi ng Awit 83:18: “Upang maalaman ng mga tao na ikaw, ikaw na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Totoo, ginagamit din ng Bibliya ang mga titulo o mga terminong naglalarawan sa Diyos: “Makapangyarihan-sa-lahat,” “Haring walang-hanggan,” “tagapagligtas,” “Pastol,” “Matanda sa mga Araw,” “tagapangasiwa,” “Dakilang Instruktor,” “Dakilang Maylikha,” “Bato.” (Ruth 1:20; 1 Timoteo 1:17; Isaias 43:11; Awit 23:1; Daniel 7:9, 13, 22; 1 Pedro 2:25; Isaias 30:20; 54:5; Deuteronomio 32:4) Datapuwat, ang ganiyang mga termino ay nagsisiwalat ng higit pang mga katangian ng personalidad ng Diyos, tulad baga ng kaniyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang kaniyang mapagmahal na pagmamalasakit sa kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang walang-hanggang karunungan.

Dahilan sa ang Diyos ay isang Persona, siya rin naman ay may mga gusto at di-gusto​—at mga damdamin pa nga. Binabanggit ng Bibliya na kaniyang iniibig ang kaniyang mga lingkod (1 Hari 10:9), siya’y nagagalak sa kaniyang mga gawa (Awit 104:31), napopoot sa idolatriya (Deuteronomio 16:22), at nasasaktan dahilan sa kabalakyutan na umiiral. (Genesis 6:6) Sa 1 Timoteo 1:11 siya man din ay tinatawag na “ang maligayang Diyos.”

Ang Matalik na Pagkakilala sa Diyos

Totoo, na walang isip ng tao na may sapat na laki upang kalagyan ng buong isiniwalat na personalidad ng Diyos. “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Di-malirip ang kaniyang mga hatol at hindi kayang sukatin ang kaniyang mga lakad! Sapagkat ‘sino ang nakaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang kasangguni?’ ” (Roma 11:33, 34) Gayunman, para sa isang taong may pananampalataya, ang Diyos ay maaaring maging kasintunay ng sinumang ibang persona. Ang Bibliya ay bumabanggit sa atin na “si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos,” na para bagang si Jehova ay nandoon sa kaniya mismong tabi. (Genesis 6:9) Ang Diyos ay tunay na tunay rin naman kay Moises na anupa’t para bagang kaniyang “nakikita ang Isang di-nakikita.” (Hebreo 11:27) At tungkol kay Abraham ay nasasabi na siya ay “kaibigan ni Jehova.”​—Santiago 2:23.

Mangyari pa, ang Diyos mismo ay nagpakilala ng kaniyang sarili kay Noe, Abraham, at Moises. ‘Bueno, kung ang Diyos ay mismong magpapakilala ng kaniyang sarili sa akin,’ baka sabihin ng iba, ‘siya’y magiging tunay rin naman sa akin.’ Subalit, tandaan na si Noe, Abraham, at Moises ay walang Bibliya. Wala silang alam tungkol kay Jesu-Kristo ni sa lahat ng maraming mga hula na kaniyang tinupad. Kaya naman, lahat ng isiniwalat ni Jesu-Kristo tungkol sa Diyos ay hindi nila alam. Sa ilalim ng ganiyang mga kalagayan, kinakailangan at angkop para sa Diyos na gumawa ng gayong tuwirang pagsisiwalat ng kaniyang sarili.

Datapuwat, sa ngayon ay taglay natin kapuwa ang Bibliya at ang nalakarang daan-daang taon ng katuparan ng mga hula sa Bibliya. Narito rin sa atin ang pag-uulat ng Ebanghelyo ng buhay, gawa, at mga sinalita ni Jesu-Kristo. At ang sabi ni Pablo: “Sa kaniya [kay Kristo] nananahan nang siya’y maging tao ang buong kapuspusan ng kalikasan ng Diyos.” (Colosas 2:9) Oo, tayo’y nasa katayuan na makilala ang Diyos ng hindi gayong katalik na gaya noong mga kaarawan ng mga patriarka. Hindi baga ito ay katumbas na rin nang kung siya’y hindi tuwirang nagpakilala sa atin ng kaniyang sarili?

Ang Pagbabasa ng Bibliya ay Naglalapit sa Atin sa Diyos

Mababasa natin sa Santiago 4:8: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.” Sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya, tayo ay makalalapit sa Diyos. Subalit paano? Unang-una, sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya araw-araw, nakikilala mo ang mga bagong katangian at atributo ng kaniyang personalidad. Samantalang ikaw ay nagbabasa, paulit-ulit na huminto at tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ba ang aking natutuhan tungkol sa Diyos sa talatang ito o bahaging ito?’ Bukod diyan, maaari kang manalangin at hilingin na ang espiritu ng Diyos ay magsilbing isang “katulong” sa pagpapaunawa sa iyo at sa iyong paglapit sa Diyos.​—Juan 14:26.

“Aking naunawaan na kailangang magkaroon ng lalong higit na unawa kay Jehova bilang isang persona,” ang sabi ng isang babaing Kristiyano na nagbabasa ng Bibliya mula sa pasimula hanggang sa katapusan. Siya’y naging isang mag-aaral sa Watchtower Bible School of Gilead, na nagsasanay sa mga misyonero na idinidestino sa buong daigdig. Anong sistema ng pag-aaral ng Bibliya ang ginagamit sa paaralang ito? Ganito ang paliwanag ng isa sa mga instruktor: “Kami’y nagsisimula sa isang proyekto ng pag-aaral ng buong Bibliya bilang isang grupo. Kami’y bumabasa ng 10 hanggang 15 pahina isang araw, at lahat . . . na mga mag-aaral ay nagsasaliksik at nagkakaroon ng bahagi sa aming talakayan. Pagka kami’y napaharap sa isang mahirap na talata, aming pinag-aaralan (1) ang konteksto, (2) ang mga kalagayan noong panahon na isulat ito, at (3) ang kahulugan ng pinaka-susing mga salita sa teksto. Lagi kaming nagtatanong: ‘Ano ba ang sinasabi nito sa atin tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga katangian?’ Natuklasan namin na palaging may sinasabi ito sa amin tungkol sa kaniya.”

Bagama’t marahil ay wala kang pribilehiyong mag-aral ng Bibliya sa paaralang ito, ang iba sa mga pamamaraang ito sa pag-aaral ay mapapakinabangan mo at ng iyong pamilya. Halimbawa, sa mga Saksi ni Jehova ay naging kaugalian na na mag-aral ng mga ilang kabanata ng Bibliya linggu-linggo sa kanilang mga pulong ng kongregasyon. Ang ganitong iskedyul ng pagbabasa ng Bibliya ay bakit hindi mo sundin bilang isang pamilya? Isa pa, ang Samahang Watch Tower ay naglalathala ng mga pantulong sa pananaliksik, tulad halimbawa ng Aid to Bible Understanding at ng New World Translation Reference Bible, na tutulong sa iyo sa mahihirap na mga talata sa Bibliya.a Ang regular na kaayusan ng pagbabasa ng Bibliya ay lubhang magpapalaki ng iyong pagpapahalaga sa personalidad ni Jehova.

Maaari ka ring pumili ng isang bahagi ng Bibliya na lubhang kinagigiliwan mo. Halimbawa, kung ang pag-aaralan mo ay ang 17 talata ng Awit 86:1-17, doo’y masusumpungan mo ang humigit-kumulang 15 katangian ng personalidad ng Diyos: Siya’y mabuti, handang magpatawad, sagana sa kagandahang-loob, sumasagot sa mga panalangin, walang katulad kung ihahambing sa mga diyos, hindi mapapantayan bilang isang manlalalang, isang soberanong hari, isang dakilang manggagawa ng kamangha-manghang mga bagay, isang tagapagligtas sa kamatayan, maawain, mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit, sagana sa katotohanan, isang katulong, at isang mang-aaliw. Mayroon pa bang hihigit na tunguhin kaysa ang pagsumikapan mong magkaroon ng kaalaman tungkol sa iyong Manlalalang?

Mga Dakilang Pakinabang sa Pagkakilala sa Diyos

Ang paghahangad na marating mo ang iyong ultimong tunguhin na buhay na walang-hanggan ang isa lamang sa pakinabang sa pagkakilala sa Diyos. (Juan 17:3) Isa pa, nariyan ang pakinabang ng pagkakaroon ng araw-araw na kasama na nagmamalasakit sa iyo at sintatag ng isang malaking batuhan. (Awit 18:31) Nang si Haring David ay palibutan ng mga kaaway at nang siya’y may pinapasan na mabibigat na problema, nasumpungan niya na ang Diyos ang tanging tunay na makatutulong sa kaniya. Kaya naman sinabi niya: “Ilagak mo kay Jehova ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.”​—Awit 55:22.

Ikaw man ay maaaring magkaroon ng ganiyang kaugnayan sa Diyos, kung gugugol ka lamang ng panahon upang makilala siya. Hindi naman ito totoong mahirap. Magsumikap ka na basahin ang kaniyang Salita. Makisama ka sa mga taong ang mga pamumuhay ay nagpapakilala na nakikilala nila ang Diyos, tulad baga ng mga taong nagdala sa iyo ng magasing ito. Manalangin ka kay Jehova. Sapagkat ang Diyos ay hindi isang basta lakas lamang na hindi dirinig ng iyong mga panalangin. Siya’y isang Diyos na buháy at isang “Dumirinig ng panalangin.” At “kung hahanapin mo siya, kaniyang hahayaang masumpungan mo siya.”​—Awit 65:2; 1 Cronica 28:9.

[Talababa]

a Ang Watch Tower Publications Index 1930-1985 ay tutulong sa iyo upang makita ang mga paliwanag at pagtalakay sa ganiyang mga talata sa mga pantulong na ito sa pagsasaliksik.

[Larawan sa pahina 5]

Ang Diyos mismo ang nagpakilala ng kaniyang sarili kay Noe, Abraham, at Moises

[Larawan sa pahina 7]

Ang paglalang ay isang walang pagkaubos na bukal ng kaalaman tungkol sa personalidad ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share