Pagmamasid sa Daigdig
Nakaaapekto sa Paglaki ng Halaman ang Init sa Lunsod
Batay sa mga obserbasyon ng mga satelayt sa silangang bahagi ng Hilagang Amerika, waring naaapektuhan ng init na nagmumula sa mga lunsod ang paglaki ng mga pananim, ang sabi ng ulat na inilathala ng Science News. Sinasabi ng ulat na ang mga halaman sa mga lunsod ay mas maagang umuusbong kung tagsibol, at mas matagal na nalalagas ang mga dahon nito kung taglagas kaysa sa mga halaman sa kalapit na mga kabukiran. Ayon sa Science News, ang mga temperatura ng lunsod na sinukat sa loob ng limang buwan ay “sa katamtaman, mas mainit nang 2.28°C kaysa sa mga lugar na mga 10 km ang layo mula sa bawat sentro ng lunsod.” Sa pagitan ng hilagang Florida at timugang Canada, may di-kukulangin sa 70 lunsod na may sukat na tigsasampung kilometro kuwadrado. “Ipinahihiwatig ng impormasyong ito na ang mga lunsod na iyon ay lubhang nakaaapekto sa lokal na klima,” ang sabi ng Science News.
Pakikipagkaibigan ng mga Hayop
Matagal na itong haka-haka ng mga magsasaka at tagapag-alaga ng kawan, pero inaangkin ngayon ng isang makasiyensiyang pag-aaral na ginawa ng biyologong si Anja Wasilewski na ang mga hayop na may kuko ay nakalilinang ng malalapít na ugnayan sa iba pang mga hayop sa kanilang kawan o pangkat. Ayon kay Wasilewski, na nagmasid sa mga kabayo, asno, baka, at tupa, ipinakikita ng mga hayop ang kanilang pakikipagkaibigan sa pamamagitan ng madalas na paglapit sa isa’t isa, pagdaiti ng kanilang mga katawan habang nagpapahinga o nanginginain sila, pagbibigayan ng pagkain, at paglilinis ng balahibo o balat ng isa’t isa. Halimbawa, ikinikiskis ng mga tupa ang kanilang ulo sa isang kaibigan na inaway ng ibang hayop. Ang paggawing ito ay waring nakapagpapakalma at nakaaaliw sa mga tupa, ang ulat ng pahayagang Die Zeit ng Alemanya. Karaniwan nang iisa lamang ang kaibigan ng mga asno, pero mas nagtatagal ang kanilang pakikipagkaibigan. Subalit sa pagsisikap na maiwasang ituring na parang mga tao ang mga hayop, nag-iingat ang mga mananaliksik pagdating sa paghihinuha sa layunin at epekto ng gayong mga buklod.
Pagkalbo sa Kagubatan sa Latin Amerika
Sa loob lamang ng 13 taon, 50 milyong ektarya ng kagubatan sa Latin Amerika ang nasira, isang sukat na katumbas ng buong Sentral Amerika, ang sabi ng ulat na inilathala ng United Nations Environment Programme. Dalawampu’t tatlong milyong ektarya ang nasira sa Brazil, samantalang sa Mexico ay 6.3 milyong ektarya ng kagubatan ang nawala at 400,000 ektarya ng lupang nasasaka ang naagnas. Ang Haiti, El Salvador, at ang isla ng St. Lucia ay nawalan ng 46 hanggang 49 na porsiyento ng kanilang kagubatan sa loob ng panahon ding iyon. Ang mga estadistikang ito ay “nakapanghihilakbot,” ang sabi ng ¿Cómo Ves? isang makasiyensiyang magasin ng National Autonomous University of Mexico, at “lalo pa itong nakapanghihilakbot kung iisipin pa natin ang . . . daan-daang libong halaman at hayop na nawala sa ating lalong natutuyong planeta.”
Ehersisyo Para sa mga May CFS
Sa kabila ng malawakang pagsasaliksik, ang mga sanhi at posibleng lunas para sa chronic fatigue syndrome (CFS) ay patuloy na nakalilito sa siyensiya ng medisina. “Napakaliit ng kapakinabangang nakita sa maraming iba’t ibang gamot na antiviral, immunological, hormonal, antidepressant at sa iba pang pamamaraan ng paggamot na sinuri,” ang sabi ng isang ulat na inilathala sa The Medical Journal of Australia (MJA). Subalit ang mga programang may kalakip na pisikal na ehersisyo, gaya ng paglalakad, pagbibisikleta, o paglangoy, ay nasumpungang nagdudulot ng mas magagandang resulta kaysa sa ibang mga terapi. Iniiwasan ng ilang may CFS ang pag-eehersisyo dahil pinalalala ng labis na paggawa nito ang kanilang mga sintomas. Gayunman, mahalaga na maging balanse. Ang ilang indibiduwal na maingat na nag-eehersisyo at nananatili sa limitasyong sanhi ng kanilang sintomas ay nakararanas ng ‘kapansin-pansing pagsulong’ sa mga pagsubok na sumusukat ng tindi ng depresyon, sa pagkadama ng kumpiyansa sa sarili, sa kapasidad sa paggawa, at sa presyon ng dugo, ang ulat ng MJA. “Ang progresibong pag-eehersisyo ay dapat maging saligan sa paggamot sa mga pasyenteng may CFS,” ang naging konklusyon ng ulat.
Mga Panda at ang Kanilang Kawayan
“Ang giant panda, na sagisag ng Tsina at ng konserbasyon sa buhay-iláng, ay hindi lubhang nanganganib na gaya ng inaakala noon,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. Isang apat-na-taóng pag-aaral na isinagawa ng Worldwide Fund for Nature at ng pamahalaan ng Tsina ang nag-ulat na mayroon palang mahigit 1,590 panda sa ilang sa halip na 1,000 hanggang 1,100 lamang, na siyang pagtaya noon. Nakuha ang mas tumpak na bilang sa pamamagitan ng mas makabagong teknolohiya, lakip na ang Global Positioning System (GPS), upang maitakda ang mga lugar na susuriin. Bagaman ang mga resulta ay itinuturing na mabuting balita para sa mga conservationist, nagbabala ang World Conservation Monitoring Centre, sa Cambridge, Inglatera, na lubhang nanganganib ang kawayan, ang pangunahing pagkain ng giant panda, dahil sa pagkalbo sa kagubatan. Partikular nang nanganganib ang mga kawayan sa mabilis na pagkalbo sa kagubatan dahil “sabay-sabay na namumulaklak ang bawat uri minsan lamang sa bawat 20 hanggang 100 taon at pagkatapos ay namamatay na,” ang ulat ng The Guardian ng London.
Pag-iingat sa Pantaboy sa Lamok
Ipinahihiwatig ng dalawang pagsusuri na ang mga katol—isa sa pinakamalaganap na pantaboy sa lamok na ginagamit sa Asia—ay maaaring nakapipinsala, lalo na sa mga bata, ang ulat ng magasing Down to Earth ng India. Una, sinasabi ng mga siyentipiko sa University of California, E.U.A., na ang mga gumagamit ng katol ay nahahantad sa malalakas na substansiyang nagdudulot ng kanser sa baga mula sa usok nito. Maraming pamilya sa papaunlad na mga bansa ang gumagamit ng katol sa loob ng kanilang maliliit na bahay. “Karagdagan pa, pinananatiling nakasara ang mga bintana kapag oras ng pagtulog,” ang sabi ng mga awtor ng pagsusuri. Nasumpungan ng ikalawang pagsusuri na ginawa ng mga siyentipiko mula sa Malaysia at Estados Unidos na ang isang katol na nagbabaga sa loob ng walong oras ay “naglalabas ng maliliit na sangkap na inilalabas ng 75 hanggang 137 sigarilyo.” Bilang alternatibo, inirerekomenda ng mga eksperto ang mga produktong mula sa halaman, kagaya ng mga produktong gawa sa punong neem. “Hindi lamang mahusay at mabuti sa kalusugan ang mga ito, kundi magaan pa sa bulsa,” ang sabi ng ulat.
Pagbaba ng Pamantayan sa mga Movie Rating
“Ang mga pelikula ngayon sa pangkalahatan ay naglalaman ng mas maraming karahasan, sekso, at malalaswang salita kaysa sa mga pelikula na may gayunding rating noong nakalipas na dekada.” Iyan ang naging konklusyon ng mga mananaliksik sa Harvard School of Public Health, sa Estados Unidos, pagkatapos nilang pag-aralan ang mga movie rating, isang sistemang pangkaraniwan sa ilang lupain. Sinuri ng pag-aaral ang kaugnayan ng rating at ng nilalaman ng mga pelikulang inilabas mula noong 1992 hanggang 2003. Ipinahihiwatig ng mga resulta na ang mga movie rating salig sa edad ay lalong nagiging maluwag. Naghinuha ang mga mananaliksik na “dapat kilalanin ng mga magulang ang kanilang pananagutang pumíli ng naaangkop na pelikulang panonoorin nila kasama ng kanilang mga anak at yaong para sa kanilang mga anak, at makipag-usap sa mga bata hinggil sa nilalaman ng mga pelikula upang maiwasan ang anumang potensiyal na masasamang epekto at maidiin ang mabubuting epekto ng mga ito.”