Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 3/22 p. 5-10
  • Mga Bundok Nanganganib

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Bundok Nanganganib
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ba ang Higit Pang Pagkilos?
  • Mga Bundok—Kung Bakit Natin Kailangan ang mga Ito
    Gumising!—2005
  • Bundok
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mga Bundok—Sino ang Magliligtas sa mga Ito?
    Gumising!—2005
  • Kabundukan—Mga Obramaestra ng Paglalang
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 3/22 p. 5-10

Mga Bundok Nanganganib

“Ang lahat ay makikinabang kung titiyakin na patuloy na mailalaan ng bulubunduking mga rehiyon sa daigdig ang kanilang mga yaman para sa maraming henerasyon na darating.”​—KOFI ANNAN, KALIHIM-PANLAHAT NG UNITED NATIONS.

MAIISIP mo ang karingalan, katatagan, at lakas kapag binulay-bulay mo ang hinggil sa mga bundok. Ano ang maaaring magsapanganib sa mga higanteng ito ng kalikasan? Para sa ilan, maaaring mahirap paniwalaan na nanganganib ang mga bundok sa lupa. Subalit ang totoo, talagang nanganganib ang mga ito. Binanggit ng mga conservationist (mga tagapangalaga ng kalikasan) ang ilang espesipikong problema na sumisira sa ekosistema ng mga bundok. Pawang mabibigat na problema ang mga ito, at lumalala pa. Isaalang-alang ang mga problemang nagsasapanganib sa mga bundok.

◼ MGA PROYEKTO SA PAGPAPAUNLAD. Mga 25 porsiyento ng bulubunduking mga rehiyon sa daigdig ang nanganganib dahil sa konstruksiyon ng mga lansangan, minahan, malalaking tubong padaluyan, dam, at iba pang mga proyekto sa pagpapaunlad na isinaplano para sa susunod na 30 taon. Ang konstruksiyon ng mga lansangan ay maaaring maging sanhi ng pagkatibag ng matatarik na dalisdis, at ang mga lansangan ang dinaraanan ng mga nagtotroso, na maaaring magdulot ng mas malaking pinsala. Ang mga operasyon sa minahan ay kumukuha ng humigit-kumulang sampung libong milyong tonelada ng inambato (ore) taun-taon, anupat ang kalakhang bahagi nito ay mula sa mga bundok, at nagdudulot ito ng mas marami pang basura.a

◼ PAG-INIT NG GLOBO. “Ang siyam na pinakamaiinit na taóng naitala ay naganap simula noong 1990,” ang sabi ng Worldwatch Institute. At lalo nang apektado ang mga tahanan sa bundok. Natutunaw na ang mga glacier, at umuunti na ang niyebe sa taluktok ng mga bundok​—isang proseso na makaaapekto sa mga reserbang tubig at magiging sanhi ng malulubhang pagguho ng lupa, ayon sa ilang siyentipiko. Maraming lawa ng glacier sa Himalaya ang nanganganib ngayong umapaw sa kanilang likas na mga hangganan at magdulot ng kapaha-pahamak na mga pagbaha, isang pangyayari na paulit-ulit nang naganap sa nakalipas na ilang dekada.

◼ PANTAWID-BUHAY NA PAGSASAKA. Dahil sa paglaki ng populasyon, napipilitan ang mga tao na sakahin ang di-mabungang mga lugar. Ayon sa isang pag-aaral, halos kalahati ng bulubunduking mga rehiyon sa Aprika ang sinasaka na ngayon o ginagawa nang pastulan​—10 porsiyento para sa mga pananim at 34 na porsiyento para panginainan ng mga hayop. Kadalasan, tabla-tabla lamang ang kita sa ganitong pagsasaka, yamang ang bulubunduking mga lupaing ito ay hindi nababagay tamnan ng mga pananim.b At ang labis na panginginain ng mga baka ay madaling nakasisira sa mahihinang pananim. Ipinakikita ng kamakailang pag-aaral na 3 porsiyento lamang ng lahat ng bulubunduking lupain ang nababagay sa pagsasaka na hindi nakasisira sa ekolohiya.

◼ DIGMAAN. Maraming kapaligiran sa bundok ang nawasak dahil sa biglang pagdami ng mga gera sibil. Ginagamit ng mga rebelde ang mga kanlungan sa bundok bilang himpilan ng kanilang mga operasyon. Tinataya ng isang ulat ng United Nations na 67 porsiyento ng bulubunduking mga rehiyon ng Aprika ang naapektuhan ng “marahas na labanan ng mga tao.” Bukod diyan, ang ilang bulubunduking lupain ay naging mga sentro ng paggawa ng ilegal na droga, na kalimitang nauuwi sa armadong mga labanan at pagkasira ng kapaligiran.

Kailangan ba ang Higit Pang Pagkilos?

Nararanasan na ang mga epekto ng pagsira ng tao sa mga bundok. Ang mga pagbaha, pagguho ng lupa, at kakulangan ng tubig ay ilan lamang sa mga tanda na may mga problema. Napapansin na ito ng mga pamahalaan. Muli nang tinatamnan ang mga kagubatan, at ipinagbabawal na ang pagtotroso sa ilang lugar. Itinatag ang pambansang mga parke upang ingatan ang lubhang kagila-gilalas na tanawin at ang mga tahanan ng lubhang nanganganib na buhay-iláng.

Gayunman, kahit ang kapaligiran ng protektadong mga lugar ay nanganganib. (Tingnan ang kahong “Ilang Santuwaryo ng Kalikasan.”) Ang bumibilis na pagkaubos ng mga uri ng halaman at hayop ay isang tanda na hindi nagtatagumpay ang mga pakikipagpunyagi upang proteksiyunan ang tulad-santuwaryong mga bundok. Alam ng mga eksperto kung ano ang problema, ngunit hindi pa nakagagawa ng malawakang pagkilos upang maingatan ang di-pa-nasisirang kagubatan. “Ako ay napatitibay-loob dahil sa ating kaalaman sa siyensiya,” ang sabi ng tanyag na biyologong si E. O. Wilson, “at nasisiraan ng loob dahil sa pagkawasak ng pangunahing mga tahanan ng sari-saring buhay.”

Talaga bang lubhang nakababahala ang pagkawala ng sari-saring buhay? Ayon sa maraming biyologo, nakikinabang nang malaki ang sangkatauhan kapag naiingatan ang pagkasari-sari ng buhay sa lupa. Bilang halimbawa, tinutukoy nila ang sitsirika mula sa bulubunduking mga lupain sa Madagascar, isang lugar na may saganang pagkasari-sari ng buhay. Ang halamang ito ay pinagkukunan ng mahalagang gamot na panlaban sa lukemya. Karagdagan pa, sa loob ng maraming dekada, ang punungkahoy na cinchona na katutubo sa Kabundukan ng Andes ay matagal nang pinagkukunan ng kinina at iba pang gamot na panlunas sa malarya. Marami pang ibang halaman na tumutubo sa bulubunduking mga rehiyon ang nakatutulong sa pagliligtas ng milyun-milyong buhay. Totoo, ang ilan sa mga halamang ito sa bundok ay naitatanim din naman sa kapatagan. Gayunman, nakababahala pa rin na dahil sa malawakang pagsira sa mga pananim sa bundok, baka di-sinasadyang maiwala ng tao ang di-pa-natutuklasang mga likas na yaman na maaaring magamit bilang gamot at pampalusog.

Mahahadlangan pa kaya ang kasalukuyang mapangwasak na mga gawain? Malulunasan pa kaya ang nalikhang pinsala? Magiging mga santuwaryo pa rin kaya ng kagandahan at pagkasari-sari ng buhay ang mga bundok?

[Mga talababa]

a Sa katamtaman, ang paggawa ng isa lamang singsing na ginto ay lumilikha ng tatlong tonelada ng basura.

b Sa kabilang panig, sa nakalipas na maraming siglo, natutuhang sakahin ng mga katutubong tagabundok ang bulubunduking mga lugar nang hindi nasisira ang kapaligiran.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

Mga Hayop sa Matataas na Dako

Ang mountain lion, na kilala rin bilang puma, ay pangunahin nang matatagpuan sa mga bundok, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito​—pangunahin na sa Rockies at sa Andes. Tulad ng maraming malalaking maninila, unti-unti itong namuhay sa mas liblib na mga lugar dahil sa mga banta ng tao.

Ang red panda ay nabubuhay lamang sa kabundukan ng Himalaya (maging sa mas mabababang dalisdis ng Bundok Everest). Subalit sa kabila ng liblib na tahanan nito, nakikipagpunyaging mabuhay ang red panda dahil sa pagsira sa mga kawayanan na pinanginginainan nito.

[Credit Line]

Cortesía del Zoo de la Casa de Campo, Madrid

Ang brown bear ay dating pagala-gala sa kalakhang bahagi ng Europa, Asia, at Hilagang Amerika. Matatagpuan na lamang ito ngayon sa ilang nabubukod na bulubunduking lugar sa Europa, bagaman mas karaniwan itong makikita sa Canadian Rockies, Alaska, at Siberia. Ang bilang nito sa Estados Unidos ay bumaba nang 99 na porsiyento nitong nakalipas na siglo.

Ang golden eagle ay itinuturing na hari ng papawirin sa kabundukan sa kalakhang bahagi ng Hilagang Hemisperyo. Nakalulungkot, ang bilang nito sa Europa ay bumaba tungo sa wala pang 5,000 pares dahil itinuring ito noon bilang ‘isang kinapopootang ibon.’

“Sa tatlong mahahalagang bagay nakadepende ang mismong pag-iral” ng giant panda, ang sabi ng naturalistang Tsino na si Tang Xiyang. Ang mga ito ay ang “matataas na bundok at malalalim na libis, makakapal na kawayanan, at maalong mga batis.” Ayon sa isang pagtaya, wala pang 1,600 panda ang nabubuhay sa iláng.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]

Ilang Santuwaryo ng Kalikasan

Ang Yosemite National Park (California, E.U.A.) ay itinatag noong 1890, dahil sa matiyagang pagpapagal ng naturalistang si John Muir. Ang kahanga-hangang tanawin nito ay umaakit ng apat na milyong turista taun-taon. Gayunman, sinisikap ng mga tagapamahala ng parke na maging timbang sa pagsasanggalang sa kagubatang ito at sa paglalaan ng mga pasilidad para sa mga mahilig sa kalikasan.

Iniingatan ng Podocarpus National Park (Ecuador) ang isang rehiyon ng maulap na kagubatan sa Andes na tahanan ng napakaraming iba’t ibang hayop at halaman​—mahigit na 600 iba’t ibang ibon at mga 4,000 uri ng halaman. Natuklasan sa lugar na ito ang kinina, isang gamot na nagligtas sa buhay ng napakaraming tao. Tulad ng maraming parke, problema nito ang di-makontrol na pagtotroso at pangangaso.

Ang Bundok Kilimanjaro (Tanzania) ang isa sa pinakamalaking bulkan sa daigdig at ang pinakamataas na bundok sa Aprika. Nanginginain ang mga elepante sa mas mabababang dalisdis nito, samantalang matatagpuan naman sa mas matataas na bahagi nito ang natatanging mga halaman, tulad ng giant lobelia at giant groundsel. Ang pangunahing mga banta rito ay ang ilegal na pangangaso, pagkalbo sa kagubatan, at panginginain ng mga alagang baka.

Ipinagsasanggalang ng Teide National Park (Canary Islands) ang natatanging mga halaman na nagbibigay-buhay sa tiwangwang na tanawing likha ng bulkan. Karaniwan nang maselan ang mga ekosistema ng bulubundukin at mabulkan na mga isla, anupat madaling naaapektuhan ng paglitaw ng di-katutubong mga uri.

Iniingatan ng Pyrenees National Park at Ordesa National Park (Pransiya at Espanya) ang mariringal na bulubunduking tanawin lakip na ang mga halaman at hayop nito. Tulad ng iba pang kabundukan sa Europa, problema ng Pyrenees ang pagdami ng mga dalisdis na ginagamit sa pag-i-ski at ng iba pang serbisyong panturista. Ang pagtalikod sa tradisyonal na pagsasaka ay may masamang epekto rin sa kapaligiran.

Ang Sǒraksan National Park ang pinakapopular na parke sa Republika ng Korea. Ang kagila-gilalas na granitong mga taluktok at magubat na mga dalisdis nito ay lalo nang gumaganda tuwing taglagas. Ngunit dahil sa popularidad nito, nagiging kasing-abala ng mga bangketa sa lunsod ang mga daanan nito kapag dulong-sanlinggo.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Mga Halaman sa Bundok

Tower of jewels. Sa loob ng ilang linggo tuwing tagsibol, tumataas nang kasintaas ng tao ang kahanga-hangang bulaklak na ito. Matatagpuan lamang ito sa taas na mga 1,800 metro sa mga taluktok ng dalawang bulkan sa Canary Islands. Maraming uri nito sa bundok ang matatagpuan lamang sa gayong klase ng lugar.

Tumutubo ang mga carline thistle sa Alps at sa Pyrenees. Ang matitingkad na kulay ng mga ito ay nagpapaningning sa matataas na kaparangan tuwing papatapos na ang tag-araw, at naglalaan ng saganang pagkain sa mga insekto ang mga bulaklak nito.

English iris. Ang haluang uri ng kaakit-akit na ligáw na bulaklak na ito ay itinatanim sa mga hardin. Maraming bulaklak na panghardin ang nagmula sa bulubunduking lugar.

Ang mountain houseleek ay isa sa maraming halaman sa bundok na kumakapit sa mga bitak ng mga bato. Isa itong uri na katutubo sa kabundukan ng timugang Europa, at tinatawag din itong live-forever dahil sa tatag at tibay nito.

Mga bromeliad. Maraming uri ng bromeliad at orkid ang nabubuhay sa maulap na kagubatan sa Tropiko. Tumutubo sila sa taas na hanggang 4,500 metro.

Tumutubo ang Algerian iris sa kabundukan ng Er Rif at Atlas sa hilagang Aprika, isang lugar na itinalaga bilang hot spot para sa mga halaman sa Mediteraneo.

[Larawan sa pahina 6]

Minahan ng tanso at ginto malapit sa Kabundukan ng Maoke, Indonesia

[Credit Line]

© Rob Huibers/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 8]

Sitsirika

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share