Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 3/22 p. 16-19
  • Venice—Ang “Lunsod sa Dagat”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Venice—Ang “Lunsod sa Dagat”
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Di-kaayaayang Lugar
  • Ang Pasimula at Pag-unlad ng Isang Republika
  • “Senyora ng Mediteraneo”
  • Isang Napapanaginipang Lunsod
  • Nagpupunyagi Pa Rin
  • Pagdalaw sa Pulo ng Kristal
    Gumising!—2004
  • “Itim na Swan” sa mga Kanal ng Venice
    Gumising!—2007
  • Ang Naglahong Kaluwalhatian ng Imperyong Byzantine
    Gumising!—2001
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 3/22 p. 16-19

Venice​—Ang “Lunsod sa Dagat”

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Italya

“May maluwalhating Lunsod sa Dagat. Ang Dagat ay nasa malalapad at makikitid na lansangan, umaalon at umaagos; at ang maalat na damong-dagat ay kumakapit sa marmol ng kaniyang mga palasyo.”​—Samuel Rogers, makatang Ingles, 1822.

ANG “maluwalhating Lunsod” na iyon ay ang Venice. Ang Venice ay kabisera noon ng isang dakilang republika, at maipagmamalaki nito ang kaniyang mahabang panahong pamumuno sa isang malaking imperyo sa lupa at dagat. Paano at bakit itinayo ang lunsod na ito “sa dagat”? Saan nakasalig ang kaluwalhatian nito? Paano bumagsak ang imperyo nito, at ano na ang natitira sa karingalan ng Venice sa ngayon?

Isang Di-kaayaayang Lugar

Ang Venice, na masusumpungan sa gitna ng isang dagat-dagatan sa dulo ng hilagang-kanluran ng Dagat Adriatico, ay binubuo ng 118 isla. Ang mga ilog na umaagos patungo sa kalapit na dagat ay nagdadala ng napakaraming banlik sa mabababaw na tubig sa baybayin. Dahil sa pagtaas, pagkati, at pag-agos ng tubig dito, nabuo ang mga tagaytay ng buhangin na kumulong sa isang kalmadong dagat-dagatan na mga 51 kilometro ang haba at hanggang 14 na kilometro ang lawak. Ang tatlong makikitid na lagusan ng tubig na papunta sa dagat ay dinaraanan ng mga alon na may taas na isang metro at dito rin bumabagtas ang mga bangka. “Sa loob ng maraming siglo,” ang sabi ng isang reperensiya, “ang dagat-dagatan ay naging istasyon ng isang abalang ruta ng mga bangkang pangnegosyo na naglalayag patungo sa Adriatico o pababa mula sa mga ilog o ruta ng mga naglalakbay sa sentral o hilagang Europa.”

Ayon sa mga iskolar, nabuo ang mismong lunsod noong mga ikalima hanggang ikapitong siglo C.E., nang ang mga pangkat ng mga barbaro mula sa hilaga ay sunud-sunod na dumaluhong sa pinakakontinente, anupat sinunog at sinamsaman ang mga komunidad nito. Tumakas ang mga tao mula sa mga mandarambong, anupat marami ang nanganlong sa mahirap puntahan pero mas ligtas na mga isla ng dagat-dagatan.

Ipinahihiwatig ng sinaunang mga dokumento na ang pundasyon ng unang mga gusali rito ay binubuo ng mga pingga na ibinaon sa putik at pinagsala-salahan ng payat na mga sanga o tambo. Paglipas ng panahon, ang mga taga-Venice ay nagtayo ng mga bahay na gawa sa bato na ang pundasyon ay binubuo ng libu-libong posteng kahoy. Samantala, ang mga isla ng dagat-dagatan sa Rialto, na naging sentro ng lunsod sa kalaunan, ay madalas na binabaha at walang sapat na katatagan at laki upang matirhan ng dumaragsang mga mamamayan. Ang mga isla ay dapat alisan ng tubig at palakihin sa pamamagitan ng sinaunang mga sistema ng pagpapanauli sa lupa (land reclamation). Kaya ang mga naninirahan ay naghukay ng mga lagusang-kanal para sa kanilang mga bangka at pinatibay ang mga isla para magkaroon ng mas maiinam na lugar sa pagtatayo. Ang mga kanal ay naging mga lansangan nila at ang mga tulay ay ginawa upang mabilis na makatawid ang mga tao sa mga isla.

Ang Pasimula at Pag-unlad ng Isang Republika

Nang bumagsak ang Imperyo ng Roma sa Kanluran, ang mga isla ng dagat-dagatan ay napasailalim sa impluwensiya ng Imperyo ng Byzantium, na ang kabisera ay ang Constantinople, na ngayo’y Istanbul. Subalit nagrebelde ang mga komunidad sa dagat-dagatan at iginiit ang kanilang kasarinlan. Bunga nito, ang Venice ay napunta sa isang situwasyong inilarawan bilang ang kakatwang “kalagayan ng [isang] maliit at nagsasariling . . . lupain na pinamumunuan ng isang duke, na masusumpungan sa nabubukod na teritoryong nasa pagitan ng dalawang dakilang imperyo,” ang mga Franco at ang mga Bizantino. Dahil sa natatanging situwasyong ito, sumulong at umunlad ang lunsod bilang isang malaking “tagapamagitan sa pangangalakal.”

Nang sumunod na mga siglo, nakipagbaka mismo ang Venice sa ilang hukbo sa Mediteraneo, kasama na rito ang mga Saraceno, taga-Normandy, at Bizantino. Sa dakong huli, lumitaw na mas makapangyarihan ang Venice kaysa sa mga hukbong ito ngunit naganap lamang ito pagkatapos nitong akayin ang ikaapat na krusada, noong 1204, upang wasakin ang pinakamakapangyarihang karibal ng Venice, ang Constantinople. Nakapagtatag ang Venice ng maraming dako ng kalakalan​—sa Dagat na Itim at sa Aegean gayundin sa Gresya, Constantinople, Sirya, Palestina, Ciprus, at Creta. Sinamantala nito ngayon ang pagbagsak ng Imperyo ng Byzantium upang gawing kolonya ang ilan sa mga ito.

“Senyora ng Mediteraneo”

Noong ika-12 siglo pa lamang, ang pagkalalakíng pagawaan ng barko ng Venice ay gumagawa na ng mga barkong kumpleto sa gamit sa loob lamang ng ilang oras. Ang lokal na industriya ay gumagawa ng salamin at mamahaling tela​—puntas, brokado, damask, at pelus. Mula sa Kanluran, ang mga negosyanteng taga-Venice at taga-ibang bansa ay nagdala ng mga armas, kabayo, amber, balahibo ng hayop, kahoy, lana, pulot, pagkit, at mga alipin. Sa kabilang dako naman, ang mga inaangkat mula sa Levant ng mga Muslim ay ginto, pilak, seda, espesya, bulak, tina, garing, pabango, at marami pang ibang paninda. Tiniyak ng mga opisyal ng lunsod na napapatawan ng buwis ang lahat ng panindang pumapasok at lumalabas sa mga pamilihan ng lunsod.

Palibhasa’y napaganda ng kilaláng mga arkitekto at dalubsining​—gaya nina Palladio, Titian, at Tintoretto​—ang Venice ay inilarawan bilang la serenissima, “ang pinakamapayapa” o “pinakamaganda.” Kaya naman, ang lunsod ay angkop na tawaging “senyora ng Mediteraneo, . . . ang pinakamayaman at pinakamaunlad na sentro ng negosyo sa sibilisadong daigdig.” Nanatili itong gayon sa loob ng maraming siglo, at noon lamang ika-16 na siglo nagsimulang maglaho ang kapangyarihan nito, nang malipat sa Atlantiko at sa Bagong Daigdig ang pangunahing mga ruta ng pangangalakal.

Ang mga kolonya ng Venice, na nagkalat sa buong Mediteraneo, ay hindi kailanman nagkaisa pagdating sa heograpiya, pamahalaan, o sa paggawa ng mga proyekto. Kaya hindi maiiwasan na mawala ang mga kolonya. Isa-isang kinuha ng katabing mga estado ang mga ari-arian ng Venice hanggang sa dakong huli, nilupig ni Napoléon I ang lunsod ng dagat-dagatan noong 1797 at ipinasa ang pamamahala nito sa Austria. Noong 1866, naging bahagi ng Italya ang Venice.

Isang Napapanaginipang Lunsod

Para sa marami, ang pamamasyal sa Venice ay parang pagbalik sa panahong mga dalawa o tatlong daang taon na ang lumipas. Kakaiba ang kapaligiran nito.

Ang isang katangian nito ay ang pagiging tahimik. Kadalasan, magkahiwalay ang nilalakarang makikitid na pasilyo at ang trapiko sa mga kanal, maliban sa mga daanang nasa tabi ng mga kanal o sa pangkaraniwang mga arkong tulay na gawa sa bato na nagsisilbing tawiran. Ang tanging mga sasakyang de-motor ay mga bangka, yamang ang mga kalsada ay “nalalatagan” ng tubig. Napakayaman ng lunsod sa magagandang tanawin. Nakaaantig sa mga dalubsining ang St. Mark’s Square kasama ang basilika, kampanaryo, at ang kahanga-hangang harapan nito na malapit sa tubig, kung saan kumikislap ang araw sa luntiang dagat-dagatan.

Ang abalang mga kainan sa labas sa pangunahing liwasan ay nakaaakit ng kapuwa mga turista at residente. Sa lugar na ito, maaari kang masiyahan sa isang inumin o kumain ng gelato habang nakikinig sa musika ng maliit na grupo ng klasikal na mga orkestra. Habang nakaupo ka at pinanonood ang mga dumaraan at humahanga sa mahuhusay na arkitektura sa palibot mo, anupat wala kang nakikitang anumang kotse, iisipin mo na parang nagbalik ka talaga sa nakalipas na panahon.

Para naman sa mga naghahanap ng mga yaman sa sining, ang lunsod ay may pantanging atraksiyon. Makikita sa maraming palasyo, museo, at simbahan ng lunsod ang mga ipinintang larawan ng maraming tanyag na pintor. Pero ang ilang bisita ay kontento na sa paglalakad sa makikitid na pasilyo at panonood sa kakaibang mga tanawin sa paligid nila. Maraming tindahan ang nag-aalok sa mga turista ng mga panindang nagpatanyag sa lunsod​—mga puntas at burda mula sa dagat-dagatang isla ng Burano at magagandang kristal at babasaging kagamitan mula sa Murano. Ang sandaling pagsakay sa isang vaporetto, o bangkang de-motor, na isa nang pambihirang karanasan, ay maghahatid sa iyo sa isa sa mga islang ito, kung saan makikita mo kung paano ginagawa ang kanilang mga produkto.

Ang malalaking palasyo na may matutulis at makikitid na arko ay nagpapatotoo sa impluwensiya ng Silangan noong sinauna. Ang sikát na Tulay ng Rialto sa ibabaw ng Grand Canal​—ang pangunahing lansangan ng lunsod​—at ang elegante at kulay itim na gondola na tahimik na bumabagtas sa ilalim ng tulay na ito ay nakaaakit sa pansin ng mga panauhin.

Nagpupunyagi Pa Rin

Dalawang siglo matapos bumagsak ang “pinakamagandang Republika,” patuloy pa ring nagpupunyagi ang Venice pero sa ibang uri ng pakikipagbaka. Ang bilang ng mga residente sa makasaysayang sentro na ito ay bumaba mula sa 175,000 noong 1951 tungo sa 64,000 na lamang noong 2003 dahil sa pagtaas ng presyo ng mga ari-arian, kawalan ng trabaho, at iilang modernong pasilidad. Ang masasalimuot na problemang panlipunan at pangkabuhayan ay kailangang lutasin, gaya ng kung paano​—at kung dapat bang isauli ang nasisirang lunsod.

Noong dekada ng 1920, isang bagong lugar na pang-industriya ang itinatag sa pinakakontinente ng Venice sa pag-asang iaangat nito ang lokal na kabuhayan, at hinukay ang isang malalim na lagusang-kanal patawid sa dagat-dagatan upang makarating ang mga oil tanker sa mga refinery. Ang mga industriya ay nakapaglaan naman ng mga trabaho, pero sinisi rin ito dahil sa idinudulot nitong polusyon at mapangwasak na pagtaas ng tubig na tinatawag na acqua alta, na siyang sanhi ng dumadalas na pagbaha sa kalakhang bahagi ng makasaysayang sentrong ito.

Matagal nang alam na mahalaga sa buhay ng lunsod ang maselan at likas na prosesong resulta ng kapaligiran ng dagat-dagatan at ng galaw ng mga tubig nito. Mula pa noong 1324, gumawa na ng malalaking proyekto ang mga taga-Venice upang ilihis ang mga ilog na nagdadala ng banlik na nakasasakal sa dagat-dagatan. Noong ika-18 siglo, nagtayo sila ng malalaking pader upang mahadlangan ang mapangwasak na paghampas ng mga alon ng Adriatico sa dagat-dagatan.

Waring mas malubha ang kalagayan ngayon kaysa noon. Bagaman inaasahang lubusan nang napigilan ang paglubog ng mga isla dahil nabawasan na ang naimbak na tubig sa ilalim ng lupa na siyang ginagamit sa industriya, ang tubig ng dagat sa buong daigdig ay patuloy namang tumataas. Bukod dito, ang lugar ng dagat-dagatan ay nabawasan dulot ng pagpapanauli sa lupa, at ang pagiging balanse ng lupa at tubig ay nagambala. Matagal nang banta ang mataas na tubig pero hindi gaya ng banta sa ngayon. Sa pasimula ng ika-20 siglo, ang St. Mark’s Square ay binabaha nang mga lima hanggang pitong beses sa isang taon. Makalipas ang isang siglo, binabaha na ito nang 80 beses sa loob ng isang taon lamang.

Ang pambihirang pamana ng kasaysayan at sining ng Venice pati na ang mga problemang kinakaharap nito ay ikinababahala na ng buong daigdig. Inaprobahan na ang pantanging mga batas sa layuning ipagsanggalang ang lunsod mula sa mataas na tubig at igalang ang kapaligiran nito, nang hindi sinisira ang pagtakbo ng daungan nito o ang araw-araw na pamumuhay ng populasyon nito. Hindi pa rin nalalaman kung ano ang pinakamagaling na paraan upang magawa ito.

Ginagawa ang mga paraan upang maitaas ang mga pampang ng kanal, matiyak na hindi tatagos ang tubig mula sa ilalim ng sementadong mga lugar, at maiwasan ang pagbalik ng tubig kapag may acqua alta. Ang pinakakontrobersiyal na proyekto ay ang isinaplanong pagtatayo ng naigagalaw na sistema ng mga halang sa mga pasukan ng dagat-dagatan, na maitataas kapag tumaas ang tubig.

Ang pag-abot sa tunguhing mapanatili ang lunsod ay malaking hamon. Ang “maluwalhating Lunsod sa Dagat” ay nagpapatotoo sa isang kawili-wiling nakalipas, ngunit gaya ng sinabi ng iba’t ibang manunulat, nanganganib itong maging “isang museo ng mga tagalabas kapalit ng sakripisyo o pagpapaalis pa nga sa lokal na mga residente.” Matagal nang nakikipagpunyagi ang Venice sa likas na kapaligiran nito na mahirap pakitunguhan, ngunit sa ngayon, “bale-wala ang pisikal na pagsasanggalang maliban na lamang kung ang pagsasanggalang na ito ay ilalaan sa isang lunsod na ang lipunan at kabuhayan ay muling napasigla, isa na tinitirhan, buháy, at aktibo.”

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Venice

[Larawan sa pahina 16]

Ang Tulay ng Rialto sa ibabaw ng Grand Canal

[Larawan sa pahina 16, 17]

San Giorgio Maggiore

[Larawan sa pahina 17]

Santa Maria della Salute

[Larawan sa pahina 18]

Mga restawran sa Grand Canal

[Larawan sa pahina 19]

Baha sa St. Mark’s Square

[Credit Line]

Lepetit Christophe/GAMMA

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.; larawan sa likuran: © Medioimages

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share