Pagmamasid sa Daigdig
Sunscreen ng Hipopotamus
“Pinoprotektahan ng mga hipopotamus ang kanilang balat na walang balahibo sa pamamagitan ng paglalabas ng sunscreen na katulad ng komersiyal na mga produktong ginagamit ng tao,” ang ulat ng The Independent ng London. Nang suriin ang likidong inilalabas ng isang hayop sa isang zoo sa Tokyo, natuklasan ng mga siyentipiko sa Kyoto, Hapon, kung paano nito napoprotektahan ang balat ng hipopotamus mula sa pinsala ng nakapapasong sikat ng araw at dumi. Ang malagkit at walang-kulay na likido ay pumupula, at pagkatapos ay nagkukulay-kape at nagiging parang plastik. Habang nagkukulay-kape, nagiging maasido ito, anupat nagsisilbing matapang na antiseptiko. Parang sunscreen din ang kulay-kape at manipis na suson na ito sapagkat sinasagap nito ang liwanag na ultraviolet, gaya ng ginagawa ng komersiyal na mga sunscreen. Gayunman, naghinuha ang pahayagan na malabong ipagbili ng mga kompanya ng kosmetik ang sunscreen ng hipopotamus sa malapit na hinaharap, unang-una dahil sa napakakaunti na ng mga hipopotamus sa daigdig, at ikalawa, dahil sa napakabaho ng likidong ito.
Panlaban sa Depresyon ng mga May-edad Na ang Weight Lifting
Ipinakikita ng isang pag-aaral na “maaaring mabawasan nang 50 porsiyento ang depresyon ng mga may-edad na sa pamamagitan ng weight lifting,” ang ulat ng pahayagang Australian. Kaya may magkatulad na epekto ang weight lifting at ang mga gamot na panlaban sa depresyon ng mga may-edad na, ayon sa geriatrician na si Dr. Nalin Singh ng Royal Prince Alfred Hospital sa Sydney. Sa pag-aaral sa 60 lalaki at babae na nasa katamtamang edad na 72, naranasan kahit ng mga gumawa ng simpleng ehersisyo lamang na “nabawasan nang 30 porsiyento ang [kanilang] depresyon, kagaya ng mga hindi nag-weight lifting subalit ginamot sa karaniwang paraan,” ang sabi ng The Australian. Hindi lamang panlaban sa depresyon ang weight lifting, kundi pinatitibay rin nito ang “rumurupok nang mga buto at kalamnan, anupat tumutulong sa mga may-edad na maiwasan ang pagkatumba. Nakatutulong ito sa pagkontrol ng artritis, diyabetis, at alta-presyon,” ang sabi ng pahayagan. Iminumungkahi ni Singh na “irekomenda [ang weight lifting] bilang pangunahing paraan ng paggamot sa depresyon, lalo na sa mga may-edad na.”
Nagtuturo ng Mapanakit na Ugali ang TV
“Ang panonood ng mga telenobela ay nagtuturo sa mga bata ng iba’t ibang masasamang asal, kasali na ang paninira nang talikuran, pagtsitsismis, . . . , pagsira sa ugnayan ng ibang mga tao at berbal na pananakot,” ayon sa pag-aaral na iniulat ng pahayagang The Times ng London. Natuklasan sa pag-aaral, na iniharap sa British Psychological Society, ang “isang kapansin-pansing kaugnayan” ng panonood ng gayong di-tuwirang pananakit sa TV at ng masasamang asal ng mga tin-edyer, ang sabi ng pahayagan. Ang pinakamalalang mga telenobela ay may katamtamang 14 na eksena ng paninira nang talikuran sa loob ng isang oras. Nababahala ang propesorang si Sarah Coyne ng University of Central Lancashire sa Inglatera, dahil nagkakaroon ng masasamang huwaran ang mga kabataan kapag “palagian at walang-tigil” na pinalilitaw na makatuwiran, kaakit-akit, o nagbubunga ng mabuti ang di-tuwirang pananakit.
Pangmatagalang mga Epekto ng mga Pagkaing Mababa sa Carbohydrate
Bagaman maaaring pumayat ang mga nagdidiyeta dahil sa mga pagkaing mababa sa carbohydrate, halos walang nalalaman hinggil sa pangmatagalang mga epekto ng gayong mga pagkain. Nababahala ang mga mananaliksik dahil ang mga pagkain na masyadong mayaman sa protina ay maaaring magdulot ng mga sakit sa atay at bato, osteoporosis, at iba pang malulubhang sakit. “Ang karamihan sa masasarap na pagkaing mababa sa carbohydrate—gaya ng filet mignon na may sarsang béarnaise—ay maraming saturated fat na bumabara sa mga arterya . . . , isa sa pangunahing mga sanhi ng sakit sa puso at istrok,” ang sabi ng magasing Time. Sa kabaligtaran, sinabi ni Dr. David Katz ng Yale University School of Public Health: “Ang mga pagkaing mayaman sa fiber at complex carbohydrate, na masusumpungan sa mga prutas, gulay, balatong at mga binutil, ay iniuugnay ng maraming mga pag-aaral sa mas mahabang buhay, pangmatagalang pagkontrol sa timbang, mas mababang tsansa na magkaroon ng kanser, mas mababang tsansa na magkasakit sa puso, mas mababang tsansa na magkaroon ng diyabetis, mas mababang tsansa na magkaroon ng sakit sa tiyan at bituka at pagbuti ng kalusugan.”
Pininturahang mga Eskultura
Ayon sa magasing Spektrum der Wissenschaft ng Alemanya, “nag-aatubili pa rin ang mga arkeologo at mga istoryador ng sining na baguhin ang kanilang paniniwala na hindi raw pininturahan ang tanyag na mga estatuwa at eskulturang gawa sa marmol noong sinaunang panahon,” gaya ng sinaunang mga estatuwa sa Gresya. “Ang totoo—pininturahan ang mga ito ng matitingkad na kulay.” Sa kabila ng makasaysayang mga pagtukoy sa pininturahang mga estatuwa at pagkatuklas sa mga bakas ng kulay sa mga eskultura, hindi ito gaanong binigyang-pansin ng mga iskolar. Gayunman, dahil sa isang kamakailang pag-aaral na kilala bilang color-weathering relief, lumabas ang di-tuwirang patunay na pininturahan nga ang mga estatuwa. Hindi pare-pareho ang bilis ng pagkupas ng kulay ng pintura, kaya nahahantad sa lagay ng panahon ang ilang panlabas na bahagi ng estatuwa bago mahantad ang iba pang bahagi. Ang hindi pantay-pantay na pagkahantad ay nag-iiwan ng iba’t ibang bakas ng pagkupas, na nagpapakitang pininturahan ng iba’t ibang kulay ang estatuwa. Lumilitaw na “itinuturing lamang ng mga Griego at Romano na tapos na ang [sining ng eskultura] kapag napinturahan na ito,” ang pagtatapos ng ulat.
Mga Hunyangong Mabilis ang Dila
Paano nailalabas ng isang hunyango ang kaniyang dila nang gayon na lamang kabilis upang mahuli nito ang kaniyang sinisila? “Ang lihim ay isang pantulak na mekanismo na nag-iimbak ng enerhiya na gaya ng goma ng tirador bago ito pahilagpusin,” ang ulat ng magasing New Scientist. Alam ng mga siyentipiko na ang dila ng mga hunyango ay may mga himaymay na napalilibutan ng isang “accelerator muscle.” Ngayon, sa tulong ng slow-motion na rekording sa video, natuklasan ng mga mananaliksik na Olandes na sa loob lamang ng 200 millisecond bago nito pahilagpusin ang kaniyang dila, “ginagamit ng hunyango ang accelerator muscle upang ipunin ang lakas sa mga himaymay na nasa dila nito, anupat iniuurong ang mga ito na gaya ng pag-a-adjust sa haba ng teleskopyo. Kapag umatake ang isang hunyango, ang naipong lakas ay mailalabas sa loob lamang ng 20 millisecond, anupat kagyat na nailalabas ang dila” upang hulihin ang sinisila nito.
Di-sumasampalatayang mga Britano
Sa isang surbey na isinagawa sa 10,000 katao sa sampung bansa, natuklasan na ang Britanya ay kabilang sa mga bansa na “may pinakamaraming di-makadiyos . . . , at may pinakamababang bilang ng nagtataguyod ng relihiyosong mga paniniwala at gawain,” ang sabi ng The Times ng London. Bagaman 46 na porsiyento ng mga Britano ang nagsabing mula’t sapol ay naniniwala na sila sa Diyos, dalawang bansa lamang, ang Russia at Republika ng Timog Korea, ang may mas kakaunting mananampalataya. Mahigit 90 porsiyento ng mga mamamayan ng Nigeria, Indonesia, at Lebanon ang naniniwala na ang kanilang diyos ang tanging tunay na Diyos, subalit 3 lamang sa 10 katao sa Britanya ang nakadarama nang gayon. Sa karamihan ng mga bansa, mahigit 80 porsiyento ang nagsabi na nagiging mas mabuti ang isang tao dahil sa paniniwala sa Diyos, subalit 56 na porsiyento lamang ng mga Britano ang sumang-ayon. Bagaman 85 porsiyento sa Estados Unidos, 99 na porsiyento sa Indonesia, at 83 porsiyento sa Mexico ang naniniwala na nilalang ng Diyos ang uniberso, 52 porsiyento lamang sa Britanya ang naniniwala. Nang itanong kung magiging mas mapayapa kaya ang daigdig kung walang relihiyon, sumang-ayon ang 6 na porsiyento sa Estados Unidos, 9 na porsiyento sa India, at 11 porsiyento sa Israel, subalit sa Britanya, ang bilang ay 29 na porsiyento!