Mga Panggigipit na Napapaharap sa mga Kabataan sa Ngayon
ANG pagiging tin-edyer—kahit na sa pinakamabubuting kalagayan—ay maaaring maging isang maligalig na panahon. Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, ang mga kabataan ay binabagabag ng bagong mga damdamin at emosyon. Araw-araw silang napapaharap sa mga panggigipit ng kanilang mga guro at iba pang kabataan. Nakahantad sila sa walang-tigil na impluwensiya ng TV, mga pelikula, industriya ng musika, at Internet. Kaya naman inilalarawan ng isang ulat ng United Nations ang pagiging tin-edyer bilang “isang yugto ng pagbabago na karaniwan nang maigting at nakababalisa.”
Nakalulungkot, ang mga kabataan ay kadalasan nang may napakakaunting karanasan upang matagumpay na maharap ang mga kaigtingan at kabalisahan. (Kawikaan 1:4) Madali silang mahuhulog sa nakapipinsalang mga paggawi kung hindi sila wastong mapapatnubayan. Halimbawa, ganito ang sinabi ng isang ulat ng UN: “Ipinakikita ng pananaliksik na kadalasang nagsisimula ang pag-abuso sa droga sa panahon ng pagiging tin-edyer o sa maagang bahagi ng pagkaadulto.” Ganito rin ang masasabi hinggil sa iba pang masasamang gawain, gaya ng karahasan at kawalan ng delikadesa sa sekso.
Kadalasang napatutunayan na isang masaklap na pagkakamali para sa mga magulang na ipalagay na nangyayari lamang ang gayong mga bagay sa “mahihirap” o sa ilang etnikong grupo. Ang mga problemang ito ay dinaranas ng mga kabataan anuman ang kanilang lahi, kalagayan sa buhay, at katayuan sa lipunan. “Kung inaakala mo na ang tinutukoy lamang na ‘delingkuwenteng kabataan’ ay isang 17-taóng-gulang na lalaki na kabilang sa isang grupong minorya at nakatira sa sentro ng lunsod, at na ang ina nito ay nagdarahop at sinusustentuhan lamang ng pamahalaan, hindi mo alam ang pinakabagong mga pangyayari,” ang sulat ng awtor na si Scott Walter. “Ang batang maituturing ngayon na sakit ng ulo ay maaaring puti, naninirahan sa isang medyo nakaririwasa o sa mas marangyang tahanan, wala pang (batang-bata kaysa) 16 na taóng gulang, at isang lalaki o babae.”
Gayunman, bakit napakaraming kabataan ang nanganganib? Hindi ba napaharap din naman sa mga hamon at tukso ang mga kabataan ng nakalipas na mga henerasyon? Oo, subalit nabubuhay tayo sa isang panahon na inilalarawan sa Bibliya bilang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga kabataan ay apektado ng mga kalagayan at panggigipit na ngayon lamang nararanasan sa partikular na panahong ito ng kasaysayan. Suriin natin ang ilan sa mga ito.
Mga Pagbabago sa Pamilya
Halimbawa, isaalang-alang ang nagbabagong kalagayan ng pamilya. “Nararanasan ng mahigit sangkatlo ng mga bata sa Amerika ang paghihiwalay ng kanilang mga magulang bago pa sila tumuntong sa edad na 18,” ang ulat ng Journal of Instructional Psychology. Ganito ring mga estadistika ang maaaring banggitin mula sa iba pang mga lupain sa Kanluran. Kapag naghiwalay ang kanilang mga magulang, madalas na kailangang batahin ng mga kabataan ang nakapipighating mga emosyon. “Sa pangkalahatan,” ang sabi ng Journal, “ang mga batang may mga magulang na kadidiborsiyo pa lamang ay mas nahihirapang mag-aral at makipag-ugnayan sa iba sa paaralan kaysa sa mga batang galing sa matatatag na pamilya o sa mga pamilyang may matagal nang nagsosolong mga magulang o may mga amain o madrasta . . . Bukod diyan, ang paghihiwalay ng mga magulang ay kadalasang nakaaapekto sa emosyonal na katatagan at paggalang sa sarili ng isang bata.”
Nagbago rin ang kalagayan ng pamilya dahil mas maraming kababaihan ang pumapasok sa sekular na trabaho. Sinasabi sa isang inilathalang pag-aaral hinggil sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga kabataan sa Hapon na ang mga magulang na parehong nagtatrabaho ay mas nahihirapang mag-asikaso ng kanilang mga anak kaysa sa mga pamilyang ang isang magulang ay naiiwan sa tahanan.
Totoo naman na kailangan ng maraming pamilya ang kita ng dalawang tao para lamang masapatan ang mga pangangailangan sa buhay. Mailalaan din sa mga bata ang mas maalwang istilo ng pamumuhay kung dalawang tao ang kumikita. Pero may negatibong epekto naman ito: Milyun-milyong batang nag-aaral ang umuuwi sa kanilang bahay na walang katau-tao. Kapag dumating na ang mga magulang, madalas ay pagód na sila at maraming iniintinding problema sa trabaho. Ang resulta? Maraming tin-edyer ang hindi na gaanong naaasikaso ng kanilang mga magulang. “Hindi kami gumugugol ng panahon nang sama-sama bilang pamilya,” ang hinagpis ng isang kabataan.
Naniniwala ang maraming komentarista na may masamang epekto sa mga kabataan ang kalakarang ito. “Sa palagay ko, dahil sa nagbagong mga paraan ng pagpapalaki sa anak sa nakalipas na tatlumpung taon, dumarami ang mga batang napapalayo sa kanilang pamilya, ayaw makipag-usap, mahina ang ulo, at hindi masupil,” ang sabi ni Dr. Robert Shaw. “Ang mga magulang ay nagiging alipin ng isang lipunang labis na nagdiriin sa materyal na mga bagay at tagumpay at inuudyukan sila nito na magtrabaho nang maraming oras at gumastos nang malaki anupat wala na silang panahon para gawin ang mga bagay na kinakailangan upang mapalapít sa kanilang mga anak.”
Narito pa ang isang banta sa kapakanan ng mga tin-edyer: Ang mga anak ng mga magulang na parehong nagtatrabaho ay kadalasan nang hindi napapatnubayan sa loob ng maraming oras. Mas malamang na mapahamak ang mga kabataang hindi gaanong nasusubaybayan ng kanilang mga magulang.
Nagbabagong mga Pananaw sa Disiplina
May epekto rin sa mga kabataan sa ngayon ang nagbabagong mga pananaw sa pagdidisiplina ng mga magulang. Gaya ng prangkahang sinabi ni Dr. Ron Taffel, “isinusuko [ng maraming magulang] ang kanilang awtoridad.” Kapag nangyari ito, lálaki ang mga kabataan na may kakaunti, kung mayroon man, na mga tuntunin o panuntunang gagabay sa kanilang paggawi.
Sa ilang kalagayan, ang pangmalas ng mga magulang sa disiplina ay waring naiimpluwensiyahan ng kanilang di-kaayaayang mga karanasan nang sila’y mga bata pa. Gusto nilang maging kaibigan sila ng kanilang mga anak—hindi mga tagadisiplina. “Naging napakakunsintidor ko,” ang pag-amin ng isang ina. “Napakaistrikto ng mga magulang ko; ayaw kong maging gayon sa aking anak. Nagkamali ako.”
Gaano kalala ang kapabayaan ng ilang magulang sa pagdidisiplina? Ganito ang ulat ng USA Today: “Ipinakikita ng isang bagong surbey sa halos 600 tin-edyer na ginagamot dahil sa pagkasugapa sa droga sa New York, Texas, Florida at California na 20% ang gumagamit ng droga . . . kasama ng kanilang mga magulang, at mga 5% ng mga tin-edyer ang aktuwal na pinagamit ng droga—kadalasan ay marihuwana—ng kanilang ina o ama.” Ano ang mag-uudyok sa isang magulang na gawin ang gayon kairesponsableng bagay? Ganito ang inamin ng isang ina: “Sinabi ko sa kaniya na mas gugustuhin ko pang gawin niya ito sa bahay kung saan masusubaybayan ko siyang mabuti.” Lumilitaw na inaakala ng iba na ang magkasamang paggamit ng droga ay isang paraan upang “mapalapít” sila sa kanilang mga anak.
Masamang Impluwensiya ng Media
Nariyan din ang napakalakas na impluwensiya ng media. Ayon sa mananaliksik na si Marita Moll, isiniwalat ng isang surbey na sa katamtaman, gumugugol ang mga kabataan sa Estados Unidos ng apat na oras at 48 minuto bawat araw sa panonood ng TV o paggamit ng computer.
Talaga bang nakasasamâ ito? Iniulat ng artikulong inilathala sa magasing Science na “anim na pangunahing samahan ng mga propesyonal sa Estados Unidos,” kasali na ang American Medical Association, ang nagkakaisang sumang-ayon na may kinalaman ang karahasan sa media sa “agresibong paggawi ng ilang bata.” “Sa kabila ng nagkakaisang pagsang-ayon ng mga eksperto,” ang sabi ng magasing Science, “waring hindi nauunawaan ng pangkaraniwang mga tao ang mensahe mula sa popular na pinagmumulan ng impormasyon na ang karahasan sa media ay isa sa mga salik sa pagkakaroon ng mas marahas na lipunan.”
Kuning halimbawa ang mga music video. Kadalasang nagugulat ang mga magulang kapag napanood nila kung gaano kadetalyado at kalaswa ang ilan sa mga video na ito. Talaga bang nakaaapekto ang mga ito sa paggawi ng ilang tin-edyer? Ayon sa isinagawang pag-aaral sa 500 estudyante sa kolehiyo, ang “mararahas na liriko ng musika ay nagpapasidhi sa agresibong mga kaisipan at damdamin.” Ayon sa isa pang pag-aaral kamakailan, “ang mga tin-edyer na gumugugol ng mas maraming oras sa panonood ng mga video ng musikang ‘gangsta’ rap . . . na nagtatampok ng sekso at karahasan ay mas malamang na gumawa ng mga gawaing ito sa tunay na buhay.” Isinisiwalat ng pag-aaral na ito sa mahigit na 500 batang babae na ang mga nahuhumaling sa panonood ng mga video na gangsta ay mas malamang na manuntok ng kanilang guro, maaresto, at magkaroon ng maraming katalik.
Mga Tin-edyer at mga Computer
Nitong nakaraang mga taon, gumanap din ng malaking papel ang computer sa paghubog sa kaisipan ng mga kabataan. “Nitong nakalipas na mga dekada, kapansin-pansin ang pagdami ng mga may sariling computer sa tahanan,” ang sabi ng babasahing Pediatrics. “Sa buong bansa [sa Estados Unidos], dalawang-katlo ng mga sambahayan na may batang nasa edad na para mag-aral (6-17 taóng gulang) ang may computer . . . Ang porsiyento ng mga bata sa Estados Unidos na edad 3 hanggang 17 at nakatira sa sambahayan na may computer ay tumaas mula 55% noong 1998 tungo sa 65% noong 2000.” Dumami rin sa iba pang lupain ang gumagamit ng computer.
Gayunman, ang isang kabataan na walang sariling computer ay maaari pa ring makagamit nito. Kaya inaangkin ng isang mananaliksik na “mga 90% ng mga kabataang nasa edad 5 hanggang 17 ang gumagamit ng computer, at 59% sa kanila ang gumagamit ng Internet.” Kaya gayon na lamang karaming impormasyon ang makukuha ngayon ng mga kabataan—maganda sana ito kung gagamitin ang computer sa responsableng paraan at may sapat na patnubay ng mga adulto. Subalit nakalulungkot, pinahihintulutan ng maraming magulang na magpakalabis sa paggamit ng computer ang kanilang mga anak.
Bilang katibayan nito, isinulat ng mananaliksik na si Moll sa Phi Delta Kappan na ayon sa isang surbey hinggil sa paggamit ng Internet noong 2001, “inakala ng 71 porsiyento ng mga magulang na ‘marami o may sapat’ silang nalalaman kung paano ginagamit ng kanilang anak ang Internet. Gayunman, nang iharap sa mga anak ang gayunding tanong, 70% ang nagsabi na ‘napakakaunti o walang’ nalalaman ang kanilang mga magulang hinggil sa mga ginagawa nila sa Internet.” Ayon sa surbey na ito, “30% ng mga 9 hanggang 10 taóng gulang ang nagsabi na pumasok sila sa mga pribadong chat room o yaong pang-adulto lamang. Lumalala pa ang problema, yamang 58% ng mga 11- hanggang 12-taóng-gulang, 70% ng mga 13- hanggang 14-na-taóng gulang, at 72% ng mga 15- hanggang 17-taóng-gulang ang nagsabing ginagawa nila ito. . . . Sa isang surbey sa Britanya hinggil sa paggamit ng Internet sa bahay, inamin ng isa sa bawat pitong magulang na wala silang ideya kung ano ang pinanonood ng kanilang mga anak sa Internet.”
Maaaring mahantad sa pornograpya ang mga kabataan dahil sa paggamit ng Internet nang walang patnubay. Gayunman, hindi lamang ito ang panganib. Ganito ang hinagpis ni Taffel, na sinipi kanina: “Nakikipagkaibigan ang ating mga anak sa paaralan at sa cyberspace—at, dahil dito, gumugugol sila ng panahon kasama ng mga batang kadalasan ay hindi natin kilala.”
Maliwanag, nahahantad ang mga kabataan sa ngayon sa mga panggigipit at problema na hindi naranasan ng nakalipas na mga henerasyon. Hindi nga nakapagtataka na nakababahala ang ikinikilos ng maraming kabataan! May magagawa ba upang matulungan ang mga kabataan sa ngayon?
[Blurb sa pahina 6]
“Sa palagay ko, dahil sa nagbagong mga paraan ng pagpapalaki sa anak sa nakalipas na tatlumpung taon, dumarami ang mga batang napapalayo sa kanilang pamilya, ayaw makipag-usap, mahina ang ulo, at hindi masupil.”— DR. ROBERT SHAW
[Larawan sa pahina 6, 7]
Nagbago ang mga kalagayan sa pamilya dahil mas maraming kababaihan ang pumapasok sa sekular na trabaho
[Larawan sa pahina 7]
Madaling mapahamak ang mga kabataang hindi nasusubaybayan
[Larawan sa pahina 8]
Iniuugnay ng mga mananaliksik ang mararahas na “music video” sa marahas na paggawi
[Larawan sa pahina 9]
Alam mo ba kung ano ang pinanonood ng iyong anak sa Internet?