Cherry Blossom—Maseselang Talulot na Kaytagal Nang Hinahangaan
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Hapon
MULA pa noong sinaunang panahon, pinupuri na ng mga Hapones ang kagandahan ng sakura—ang namumulaklak na cherry ng Hapon. Gayon na lamang ang paghanga sa maseselang talulot nito anupat higit na napatanyag ang cherry blossom kaysa sa lahat ng iba pang bulaklak at nagkaroon ito ng pantanging dako sa kasaysayan at kultura ng Hapon. Sa katunayan, sa ilang konteksto, ang salitang “bulaklak” sa wikang Hapones ay naging singkahulugan na ng sakura. Mahigit nang sanlibong taóng hinahangaan ng mga Hapones ang mga cherry blossom.
Makikita sa mga isla ng Hapon ang napakarami at pagkagagandang puno ng cherry. Hindi ka na kailangang maglakbay pa nang napakalayo para lamang makita ang isa sa humigit-kumulang 300 uri na tumutubo rito. Ang bawat bulaklak nito ay karaniwan nang may limang talulot na may gatla sa mga gilid, bagaman mas maraming talulot ang ilang uri nito. Ang isang kumpol nito ay binubuo ng ilang bulaklak. Ang mga talulot ay halos kulay puti o kaya’y kulay-rosas at krimson pa nga, kasali na rin ang iba’t ibang kombinasyon ng mga kulay na ito. Ang hugis at kulay ng mga bulaklak na ito ay matagal nang iniuugnay bilang mga sagisag ng kadalisayan at pagiging simple.
Talagang nakatatawag-pansin ang tanawin ng isang puno ng cherry na punung-puno ng bulaklak. Kapag natamaan ng bahagyang sikat ng araw na tumatagos sa nakaharang na mga ulap, ang maseselang talulot nito ay nagniningning na malarosas na puting liwanag. Lalo nang kahanga-hangang pagmasdan ang buong kakahuyan ng mga puno ng cherry.
Isang Kahanga-hangang Tanawin
Mula pa noong sinaunang panahon, bantog na ang Kabundukan ng Yoshino dahil sa puting mga cherry blossom nito. May apat na malalaking seksiyon ng kakahuyan ang lugar na ito na may mahigit sa 100,000 puno ng cherry. Ang isang seksiyon nito ay tinatawag na Hitome Senbon, na nangangahulugang ‘sanlibong puno ng cherry sa isang sulyap.’ Sa literal, ang puting mga bulaklak na naaabot ng iyong tanaw ang nagpapaningning sa nakapalibot na mga burol, anupat waring natatakpan ng niyebe ang mga ito. Hindi nga kataka-taka kung gayon na mahigit pa sa 350,000 tao ang dumaragsa roon taun-taon upang makita ang kagila-gilalas na tanawing ito!
Napakagaganda ng nagiging resulta depende sa pagkakatanim ng mga puno ng cherry. Halimbawa, animo’y tunél ang mga hanay ng puno ng cherry kapag nagsasalikop ang mga sanga nito sa itaas. Gunigunihin ang kumpul-kumpol na mga cherry blossom sa itaas na nagsisilbing kulandong na malarosas na puti samantalang ang daanan naman sa silong nito ay nalalatagan ng mga talulot.
Gayunman, ang maseselang bulaklak ay hindi nagtatagal—hanggang dalawa o tatlong araw lamang ang mga ito. Maaaring mas maikli pa nga, depende sa klima.
Hanami—Piknik sa Ilalim ng mga Puno ng Cherry
Ang unang yugto ng pamumukadkad ng maseselang bulaklak ay nagsisimula sa timog ng kapuluan ng Hapon, sa Okinawa, tuwing Enero at tuluy-tuloy pahilaga sa Hokkaido hanggang sa pagtatapos ng Mayo. Ang yugtong ito ng pamumukadkad ay kilala rin bilang ang pagbugso ng cherry blossom. Regular na iniuulat sa telebisyon, radyo, pahayagan, at maging sa Internet ang kaganapang ito. Ang balita na namumulaklak na ang mga puno ng cherry sa Hapon ay nagiging sanhi ng pagdagsa ng milyun-milyong tao sa mga lugar na doo’y makikita ang mga ito.
Ang kaugaliang hanami, o “panonood sa bulaklak,” ay ginagawa na noon pa mang sinaunang panahon. At ang bulaklak na tinutukoy rito ay palaging ang cherry blossom. Kahit noong panahon ng Heian (794-1185), nagdaraos na ng mga piging ang mga maharlika bilang paghanga sa sakura. Noong 1598, isang lider ng militar na nagngangalang Hideyoshi Toyotomi ang nagdaos ng piging para pagmasdan ang cherry blossom sa templo ng Daigoji sa Kyoto. Ang lahat ng makapangyarihang may-ari ng lupain pati na ang kilaláng mga panauhin ay nagtipon sa ilalim ng namumulaklak na mga puno at bumigkas ng mga tula na pumupuri sa mga bulaklak. Ginayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng mga kasuutang nagtatampok ng eleganteng mga disenyo ng sakura.
Noong panahon ng Edo (1603-1867), tinularan ng pangkaraniwang mga tao ang anyong ito ng paglilibang—pagpipiknik sa ilalim ng namumulaklak na mga puno ng cherry. Sila ay nagkakainan, nag-iinuman, nag-aawitan, at nagsasayawan kasama ng kani-kanilang pamilya at mga kaibigan habang humahanga sa mga bulaklak. Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang popular na kaugaliang hanami, anupat pulu-pulutong ang nagdaragsaan sa kani-kanilang paboritong pasyalan upang pagmasdan ang tanawin ng napakaraming talulot.
Paulit-ulit na Tema
Naging mahalagang bahagi na ng kasaysayan at kultura ng mga Hapones ang paulit-ulit na tema hinggil sa sakura. Kitang-kita ang ganitong mga tema sa literatura, tula, teatro, at musika. Sa nakalipas na mga siglo, iginuhit ng mga pintor ang karilagan ng mga cherry blossom sa mga kagamitang luwad pati na sa mga naititiklop na mga pantabing.
Ginamit din ng mga samurai ang sakura. Yamang lubos silang deboto sa kanilang mga panginoon, inaasahan na iaalay nila ang kanilang buhay kapag hinihingi ng pagkakataon. Ang mga cherry blossom ay itinuring ng mga samurai na sagisag ng kaiklian ng buhay. Hinggil dito, nagkomento ang Kodansha Encyclopedia of Japan: “Yamang napakaikli lamang ng panahon ng pamumukadkad ng mga bulaklak ng cherry at pagkatapos ay nalalagas na, ang mga ito ay naging angkop na sagisag din ng uri ng kariktan na hinahangaan ng mga Hapones, isang di-nagtatagal na kagandahan.”
Hinahangaan pa rin ng buong bansa ang sakura hanggang sa ngayon. Ang magagandang kimono ay malimit na may disenyo ng mga cherry blossom. Makikita rin ang disenyo ng sakura sa mga kagamitan sa bahay, mga bandana, at mga damit. Gayon na lamang ang pagkawili sa bulaklak na ito anupat may-pagmamalaki pa ngang ipinapangalan ng mga magulang ang Sakura sa kanilang mga sanggol na babae, bilang parangal sa cherry blossom.
Marupok man ang anyo, may sapat namang kakayahang bumighani sa kultura ng isang bansa ang cherry blossom, isang pambihirang halimbawa ng maselang kagandahan na masusumpungan sa mga obra maestra ng ating Maylalang.
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
Namumulaklak na mga Puno ng Cherry
Ang mainam na kahoy ng puno ng cherry ay magagamit sa paggawa ng mga bagay na inukit, muwebles, at sa pag-iimprenta mula sa inukit na mga bloke. Ngunit hindi ang mga mapaggagamitang ito ang dahilan kung bakit naging tanyag ang puno ng cherry sa Hapon. Ni hindi rin naman ang bunga nito. Di-tulad ng kauri nito sa ibang bahagi ng daigdig, itinatanim sa Hapon ang mga puno ng cherry pangunahin nang dahil sa mga bulaklak nito, na kinawiwilihan ng napakaraming tao.
Madaling patubuin ang mga binhi ng namumulaklak na puno ng cherry. Kaya naman itinatanim ang mga puno ng cherry sa tabi ng pampang ng mga ilog at sa pangunahing mga lansangan gayundin sa napakaraming parke at hardin sa buong bansa.
[Kahon sa pahina 15]
Bagyo ng Cherry Blossom
Nalilikha ang isang natatanging ilusyon ng pag-ulan ng kulay-rosas na niyebe kapag nalalagas ang laksa-laksang talulot ng puno ng cherry. Sa isang iglap at sa di-inaasahan, nalalagas ang mga talulot mula sa mga sanga at marahang nalalaglag sa lupa. Ang malakas na bugso ng hangin ay nakalalagas ng napakaraming bulaklak—na kumakalat kung saan-saan. Tinatawag ng mga Hapones ang penomenong ito na sakura fubuki, o bagyo ng cherry blossom. Ang lupa ay biglang malalatagan ng tila napakagandang alpombrang kulay-rosas. Iilang tanawin lamang sa kalikasan ang makapapantay sa katiwasayang likha ng marupok at lagás na mga talulot na ito.
[Larawan sa pahina 16, 17]
“Hanami”—pagpipiknik sa ilalim ng namumulaklak na mga puno ng “cherry”
[Larawan sa pahina 17]
‘Cherry tunnel’