Pag-iipon ng Tubig-Ulan—Noon at Ngayon
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA
SA LOOB ng maraming milenyo, iyon at iyon ding tubig ang nireresiklo, anupat sinusunod ang likas na sistema ng ebaporasyon mula sa lupa at dagat, pamumuo ng ulap, at presipitasyon. Ang matipid na sistemang ito ay naglalaan ng sapat na tubig para sa lahat ng nasa lupa. Kung gayon, bakit may napakalaking problema sa tubig na sumasalot sa sangkatauhan? Anu-ano ang posibleng mga solusyon? Bilang sagot, tingnan natin ang situwasyon ng tubig sa India.
Sa mahigit na isang bilyong populasyon nito, nakita ng India na nanganganib masaid ang mga pinagkukunan nito ng tubig. Saan ba nanggagaling ang tubig ng India? Sa malayong hilaga, ang mga ilog tuwing tagsibol ay tinutustusan ng natutunaw na mga niyebe at glacier sa Kabundukan ng Himalaya. Ngunit umaasa ang kalakhang bahagi ng subkontinente ng India sa taunang ulan na dala ng habagat upang mabasa ang tuyong lupain nito, mapuno ang mga balon at lawa, at tumaas ang tubig sa malalaking ilog na sala-salabat sa bansa. Sa India, mahirap hulaan kung kailan bubuhos ang ulan na dala ng habagat at inilalarawan ito bilang “isa sa pinakanakalilitong penomeno,” na, “sa kabila ng lahat ng pagsulong sa makabagong teknolohiya, mula sa mga satelayt hanggang sa malalakas na supercomputer . . . , ay talagang napakahirap pa ring hulaan.”
Ang karaniwang tag-ulan na dala ng habagat ay tumatagal nang tatlo hanggang apat na buwan, ngunit sa halip na bumuhos nang panay-panay sa buong yugtong ito, kadalasan nang pabugsu-bugso lamang ang buhos ng malalakas na pag-ulan. Bunga nito, napupuno ang mga dam at kinakailangang pakawalan ang tubig. Umaapaw tuloy ang tubig sa mga pampang ng mga ilog, anupat binabaha ang mga bukirin at tahanan. Dahil sa malawakang pagkalbo sa kagubatan bunga ng makabagong industriyalisasyon at urbanisasyon, kadalasan ay wala nang sapat na mga ugat ng punungkahoy na sisipsip sa kapaki-pakinabang na ulan at unti-unting babasa sa lupa. Kaya inaanod ng malalakas na agos ang pang-ibabaw na lupa, anupat naaagnas ang lupain. Natitipon ang banlik sa malalaki at maliliit na lawa, anupat pinabababaw ang mga ito, at dahil dito ay kaunti na lamang ang naiimbak na tubig. Ang totoo, malaking bahagi ng kapaki-pakinabang na tubig-ulan ang nasasayang.
Pagkatapos nito, lilipas na ang tag-ulan na dala ng habagat. Sa natitirang bahagi ng taon, araw-araw nang sisikat ang araw, at mararanasan ang mga buwan ng matitinding tag-init! Mabilis na matutuyo ang lupain, at ang mga bukirin ay magiging tigang at magbibitak-bitak. Ang rumaragasang tubig sa mga ilog ay unti-unting matutuyo sa malawak at mabuhanging mga sahig ng ilog. Maglalaho ang mga talon. Palalim nang palalim ang paghukay sa mga balon upang makakuha ng tubig sa ilalim ng lupa, at ang kapantayan ng tubig nito ay mas bumababa. Kapag kakaunti ang ulan, nagkakaroon ng tagtuyot, walang gaanong ani, namamatay ang mga baka, at lumilipat sa mga lunsod ang mga taganayon, anupat nakadaragdag pa sa mga problema sa tubig sa lunsod.
Ngunit hindi dating ganito ang situwasyon. Noong sinaunang panahon, natutuhan ng mga tao sa buong India na mas mabuting huwag lamang umasa sa mga ilog at lawa, na matutuyo kapag lumipas na ang mga pag-ulan na dala ng habagat. Napasulong nila ang sining ng pagsasahod ng tubig-ulan, anupat ginagamit ito sa dagliang mga pangangailangan, at iniimbak ito para magamit kapag huminto na ang tag-ulan. Ito ang pag-iipon ng tubig-ulan.
Ang Pangangailangang Mag-ipon ng Tubig-Ulan sa Ngayon
Maaaring ipalagay ng isa na yamang may makabagong teknolohiya at may itinayong malalaking dam, prinsa, at mga padaluyan para sa irigasyon—na pawang nagkalat sa India—hindi na gaanong pagtutuunan ng pansin, kung sakali man, ang sinaunang mga sistema ng pag-iipon ng tubig-ulan. Sa katunayan, ang karamihan sa mga pamamaraang ito ay hindi na ginagamit yamang makakakuha na ng tubig ang mga tao mula sa gripo sa kanilang mga tahanan o nayon. Ngunit may dahilan para mabahala. Nabigong sapatan ng malalaking proyekto sa pangangasiwa sa tubig sa nakalipas na 50 taon ang mga pangangailangan ng lumalaking populasyon at ang mabilis na pagbabago mula sa halos agrikulturang lipunan tungo sa industriyalisadong lipunan. Hindi sapat ang naimbak na tubig para tugunan ang pangangailangan ng bansa.
Nakikita ngayon ng mga dalubhasa sa kapaligiran at ng nagmamalasakit na mga awtoridad ang pangangailangang himukin ang bawat indibiduwal na makibahagi sa pagtitipid ng tubig. Pinasisigla ang pag-iipon ng tubig-ulan sa mga tahanan, pabrika, paaralan, at saanmang lugar na praktikal ang pag-iimbak ng tubig sa maliit na antas. Aba, sapilitan pa ngang hiniling ng maraming lunsod at estado na magkaroon ng mga pasilidad sa pag-iipon ng tubig-ulan ang bagong mga gusali!
Milyun-milyong litro ng tubig-ulan ang bumabagsak sa mga lugar na doo’y hindi ito iniimbak kundi pinababayaan lamang na sumingaw o humugos tungo sa dagat. Subalit sa pag-iipon ng tubig-ulan—na salig sa ideya na sahurin ang tubig sa binabagsakan nito—ang tubig ay iniipon ng mga indibiduwal. At di-tulad ng tubig mula sa mga dam at padaluyan, na kailangang bayaran at sa gayo’y malaking pasanin sa mga dukha, libre ang tubig na ito!
Pangunguna
Kaya naman maraming mapagmalasakit na tao sa India ang nakikibahagi sa pagtitipid ng tubig. Ang ilan ay kinilala pa nga sa buong daigdig at ginantimpalaan, gaya ng ginawa kay Rajendra Singh, na tumanggap ng bantog na Magsaysay Award para sa pagpapaunlad ng pamayanan noong 2001. Sa pamamagitan ng isang pribadong organisasyon na itinatag niya, naisalba ni Singh ang halos matutuyo nang Ilog Aravari sa estado ng Rajasthan, isang napapanahong tulong sa isang estado na may 8 porsiyento ng populasyon ng bansa ngunit 1 porsiyento lamang ng pinagkukunan ng tubig nito. Sa loob ng mahigit na 15 taon, ang grupo ni Singh ay nagtanim ng mga punungkahoy at nagtayo ng 3,500 tangke—tradisyonal na johads para sa pag-iipon ng tubig—na nagdulot ng kasaganaan sa lokal na mga taganayon. Nag-iipon din ng tubig ang iba, na bagaman hindi napapansin ng karamihan, naroroon pa rin ang kanilang kasiyahan sa pagkaalam na nakatutulong sila.
Nakikita ng mga industriyalista ang kapakinabangan ng pag-iipon ng tubig-ulan bilang pandagdag sa mga suplay ng tubig sa lunsod. Sa isang pabrika sa labas ng Bangalore, sa timugang India, itinayo ang isang simple at di-magastos na sistema ng pag-iipon ng tubig-ulan na galing sa mga bubong. Ang tubig-ulan, na dating bumubuhos sa mga haywey at nasasayang lamang, ay pinadadaloy tungo sa isang tangke na kasya ang 42,000 litro. Sa panahon ng tag-ulang dala ng habagat, 6,000 litro ng naipong tubig ang sinasalà araw-araw para ipanlinis ng mga sisidlan ng pagkain at ng kantina ng pabrika. Ang tubig na ginagamit sa ganitong mga gawain ay hindi na nanggagaling sa suplay ng lunsod.
‘Gapatak lamang iyon sa timba,’ baka sabihin mo. Ngunit ipagpalagay nang may account ka sa bangko na nadaragdagan ng salapi taun-taon. Kailangan kang kumuha ng salapi sa account mo para sa iyong mga pangangailangan sa araw-araw, ngunit unti-unti, mas marami ka pang nakukuha kaysa sa naidaragdag dito. Balang-araw, magkakautang ka pa sa bangko. Subalit kung magkatrabaho ka sa loob ng ilang buwan sa isang taon, anupat mas malaki ang suweldo mo kaysa sa mga gastusin para sa iyong araw-araw na mga pangangailangan, posibleng madagdagan muli ang iyong account. Ikapit mo ngayon ang simulaing ito sa pagtitipid ng tubig. Kung pararamihin mo nang milyun-milyong ulit ang kaunting naiipon mo, ano ang resulta nito? Darami ang mapagkukunan ng tubig, tataas ang kapantayan ng tubig sa ilalim ng lupa, mapupuno ang mga imbakan ng tubig, at may magagamit kang suplay ng tubig sakaling huminto na ang “suweldo” mo na kumakatawan sa naiipong tubig-ulan. Tandaan, limitado lamang ang makukuhang tubig; hindi ka makauutang ng tubig kung wala na talagang mapagkukunan nito.
Ang Permanenteng Solusyon
Saganang naglalaan ang ating planeta para sa mga nakatira rito. Subalit sa nakalipas na mga siglo, naging kapaha-pahamak ang kalagayan ng pamumuhay ng milyun-milyong nakatira sa lupa dahil sa kasakiman at kakitiran ng isip ng mga tao. Sa kabila ng mga pagsisikap ng taimtim na mga indibiduwal, maliwanag na hindi kaya ng mga tao na lubusang pawiin ang mga problema sa kapaligiran ng lupa. Mabuti na lamang, nangako ang Maylalang ng lupa na ‘ipapahamak niya yaong mga nagpapahamak sa lupa’ at isasauli ang pagkatimbang ng siklo ng tubig, anupat “sa ilang ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan.” Oo, “ang lupang tigang sa init ay magiging gaya ng matambong lawa, at ang lupang uháw ay magiging gaya ng mga bukal ng tubig.” Tunay ngang nakagiginhawa ang maiipong tubig-ulan sa panahong iyon!—Apocalipsis 11:18; Isaias 35:6, 7.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]
Muling Paggamit ng Sinaunang mga Pamamaraan ng Pag-iipon ng Tubig-Ulan
TUBIG-ULAN MULA SA BUBONG: Simple at di-magastos. Pinadadaloy ang tubig sa bahagyang nakahilig na mga bubong tungo sa mga alulod, pababa sa mga tubo tungo sa pantanging inihandang mga dram. Ang tubig ay sinasalà at nililinis sa pamamagitan ng lambat na alambre na may buhangin, graba, at uling. Pinadadaloy ito tungo sa mga imbakan sa ilalim ng lupa o sa mga tangke sa ibabaw ng lupa. Tinatakpang mabuti ang mga tangke upang hindi ito pasukin ng hangin, sikat ng araw, at organikong mga bagay; nilalagyan ito ng tawas upang hindi ito gaanong lumabo; at pinapatay naman ang mga baktirya sa pamamagitan ng bleaching powder. Magagamit ang tubig na ito sa paghahalaman, paglilinis ng inidoro, at paglalaba. Maaari itong inumin kung higit pang dadalisayin. Ang sobrang tubig ay maaaring ipunin sa mga balon o padaluyin sa ilalim ng lupa upang makaragdag sa nakaimbak na tubig doon. Ito ang pinakapopular na pamamaraan sa lunsod.
MGA NAULA: Itinayong mga batong pader na iniharang sa mga batis upang prinsahan ang tubig. Ang malilim na mga punungkahoy na itinanim sa mga pampang nito ang nakababawas sa pagsingaw ng tubig, at ang mga halamang-gamot na inihahagis sa maliliit na imbakan ng tubig ang dumadalisay rito.
MGA TANGKE PARA SA PAGPAPATAGAS, MGA RAPAT: Maliliit na tangkeng itinayo sa buhanginan o batuhan bilang ipunan ng tubig-ulan. Ginagamit ang ilan sa tubig na ito, ngunit ang natitira ay pinatatagas tungo sa mga imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa, na dumaragdag sa tubig ng mga balon.
MGA BHANDARA: Mga tangke sa ilalim ng lupa na itinayo upang harangin ang tubig mula sa mga bukal, anupat pinadadaloy ito sa mga imbakang tangke para magamit sa lunsod.
MGA QANAT: Patayong mga lagusan sa maburol na mga lugar na sasahod sa tubig-ulan. Iniipon ang tubig sa mga daluyan sa ilalim ng lupa, at pinaaagos ang mga ito sa pamamagitan ng grabidad tungo sa malalayong imbakang balon.
DUGTUNG-DUGTONG NA MGA TANGKE: Mga tangke na umaapaw sa sunud-sunod na mas mabababang tangke upang sahurin ang tubig-ulan na pinadadaloy sa mga alulod.
[Credit Line]
Courtesy: S. Vishwanath, Rainwater Club, Bangalore, India
[Picture Credit Line sa pahina 19]
UN/DPI Photo by Evan Schneider
[Picture Credit Line sa pahina 20]
UN/DPI Photo by Evan Schneider