Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 4/8 p. 26-27
  • Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Pag-aasawa ng Magkasekso?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Pag-aasawa ng Magkasekso?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ating Maylalang ang Nagtatakda ng Pamantayan
  • Ang Pananagutan Mo sa Diyos
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aasawa ng Magkasekso?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Puwede Bang Ipagmatuwid ang Homoseksuwalidad?
    Gumising!—2012
  • Mali Ba ang Homoseksuwalidad?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 4/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Pag-aasawa ng Magkasekso?

HABANG nagaganap ang seremonya sa simbahan, magkahawak-kamay ang dalawang lalaki sa harap ng kilaláng obispong Episkopal. Sila ay gumawa ng “tipan . . . sa harap ng Diyos at ng simbahan.” Nakasuot ng magarbong kulay-ginto at puting abito, binasbasan ng obispo sa harap ng publiko ang kanilang pagsasama. Nagyakapan at naghalikan ang dalawa at tumayo ang mga manonood at masigabong nagpalakpakan. Ayon sa obispong ito, ang gayong homoseksuwal na mga relasyon “ay banal at karapat-dapat basbasan, . . .  karapat-dapat tawagin kung ano ang mga ito: banal.”

Gayunman, nagpahayag ng matinding pagtutol ang ibang mga lider ng relihiyon sa pag-aasawa ng magkasekso. “Talagang nababagabag kami sa pasiyang ito [ng obispo],” ang sabi ni Cynthia Brust, tagapagsalita ng American Anglican Council, isang grupo ng konserbatibong mga Episkopalyano. “Ang pagbabasbas sa pag-aasawa ng magkasekso ay salungat sa maliwanag na turo ng Bibliya sa pag-aasawa at seksuwalidad,” ang sabi niya, at idinagdag pa niya na “ang seksuwalidad . . . ay para lamang sa pagitan ng lalaki at babae.”

Hindi lamang sa relihiyon may matinding kontrobersiya sa isyung ito. Sa iba’t ibang bansa, nagngangalit ang mainit na pulitikal na mga debate, yamang napakalaki ng magiging epekto nito sa lipunan, pulitika, at kabuhayan may kinalaman sa mga pensiyon, benepisyo ng seguro sa kalusugan, at mga buwis.

Ang mga isyu may kinalaman sa mga karapatang sibil at legal na pagkilala ay kadalasang napakasalimuot at humahati sa opinyon ng publiko. Maingat na pinananatili ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang neutralidad sa pamamagitan ng pag-iwas sa pulitikal na mga debate. (Juan 17:16)a Magkagayunman, ang ilang gumagalang sa Bibliya ay nalilito sa paksang pag-aasawa ng magkasekso at homoseksuwalidad. Ano ang pananaw mo sa pag-aasawa ng magkasekso? Ano ba ang pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa? Ano ang epekto ng iyong saloobin sa kaugnayan mo sa Diyos?

Ang Ating Maylalang ang Nagtatakda ng Pamantayan

Nagtatag ang ating Maylalang ng mga tuntunin hinggil sa pag-aasawa matagal na bago pa man pangasiwaan ng mga pamahalaan ang institusyong ito. Ang unang aklat ng Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Ang salitang Hebreo para sa “asawa,” ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Biblical Words, “ay tumutukoy sa isang babae.” Pinagtibay ni Jesus na yaong pinagtuwang sa pag-aasawa ay dapat na “lalaki at babae.”​—Mateo 19:4.

Samakatuwid, nilayon ng Diyos na ang pag-aasawa ay maging isang permanente at matalik na buklod sa pagitan ng lalaki at babae. Ang mga lalaki at babae ay dinisenyong maging kapupunan ng isa’t isa upang matugunan nila ang emosyonal, espirituwal, at seksuwal na pangangailangan at pagnanasa ng isa’t isa.

Ang kilalang ulat sa Bibliya hinggil sa Sodoma at Gomorra ay nagsisiwalat sa damdamin ng Diyos hinggil sa homoseksuwalidad. Sinabi ng Diyos: “Ang sigaw ng pagdaing tungkol sa Sodoma at Gomorra, oo, iyon ay malakas, at ang kanilang kasalanan, oo, iyon ay napakabigat.” (Genesis 18:20) Makikita kung gaano kalala ang kanilang moral na kabuktutan noong panahong iyon nang dumalaw ang dalawang bisita sa matuwid na lalaking si Lot. “Ang mga lalaki ng Sodoma . . . ay pumalibot sa bahay, mula sa batang lalaki hanggang sa matandang lalaki, ang buong bayan bilang isang pangkat ng mang-uumog. At patuloy silang tumatawag kay Lot at nagsasabi sa kaniya: ‘Nasaan ang mga lalaki na dumating sa iyo ngayong gabi? Ilabas mo sila sa amin upang kami ay makipagtalik sa kanila.’ ” (Genesis 19:4, 5) Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga lalaki ng Sodoma ay masasama at talamak na mga makasalanan laban kay Jehova.”​—Genesis 13:13.

Ang mga lalaki ay “nagningas nang matindi sa kanilang masamang pita sa isa’t isa, mga lalaki sa mga kapuwa lalaki.” (Roma 1:27) Sila ay “sumunod sa laman sa di-likas na paggamit.” (Judas 7) Sa mga bansa kung saan laganap ang mga kampanya para sa karapatan ng mga homoseksuwal, baka tumutol ang ilan sa paggamit ng salitang “di-likas” para ilarawan ang homoseksuwal na paggawi. Pero hindi ba ang Diyos ang siyang pangwakas na tagahatol kung ano ang di-likas? Iniutos niya sa kaniyang sinaunang bayan: “Huwag kang sisiping sa lalaki na katulad ng pagsiping mo sa babae. Iyon ay karima-rimarim na bagay.”​—Levitico 18:22.

Ang Pananagutan Mo sa Diyos

Maliwanag ang sinasabi ng Bibliya: Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ni kinukunsinti man niya ang homoseksuwal na mga kaugalian. Hindi rin siya nalulugod sa mga taong ‘sumasang-ayon sa mga nagsasagawa ng mga iyon.’ (Roma 1:32) At ang homoseksuwalidad ay hindi magiging kagalang-galang sa pamamagitan ng “pagpapakasal.” Dahil sa utos ng Diyos na “maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat,” hindi niya tinatanggap ang pag-aasawa ng magkasekso, na itinuturing niyang karima-rimarim.​—Hebreo 13:4.

Gayunman, sa tulong ng Diyos, maaaring matuto ang sinuman na “umiwas . . . sa pakikiapid,” lakip na ang mga gawang homoseksuwal, at ‘supilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan.’ (1 Tesalonica 4:3, 4) Totoo namang hindi ito laging madali. Sinabi ni Nathan,b na dating nagtaguyod ng homoseksuwal na istilo ng pamumuhay: “Akala ko’y hindi ko ito maihihinto.” Subalit nagbago siya sa tulong ng “espiritu ng ating Diyos.” (1 Corinto 6:11) Gaya ng natuklasan ni Nathan, walang suliraning hindi kayang lutasin ni Jehova, na siyang makapaglalaan ng kinakailangang lakas at tulong upang maabot ang Kaniyang mga pamantayan at matanggap ang Kaniyang mga pagpapala.​—Awit 46:1.

[Mga talababa]

a Kahit na salungat sa kanilang budhing sinanay sa Bibliya ang mga batas ng lupain, hindi sumasali ang mga Saksi ni Jehova sa mga protesta o anumang anyo ng pulitikal na mga kampanya upang baguhin ang gayong mga batas.

b Hindi niya tunay na pangalan.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Photo by Chris Hondros/Getty Images

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share