Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 4/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakasumpong ng mga White Crocodile
  • Tabako, Karalitaan, at Karamdaman
  • Natatandaan ng mga Tupa ang mga Mukha
  • Ang Greenhouse Pollution sa Australia
  • Mga Awit ng Nightingale Laban sa Ingay ng Trapiko
  • Krimen sa mga Paaralan sa Poland
  • Labis na Pagkabahala sa Hitsura ng Katawan
  • Ano ba ang “Greenhouse Effect”?
    Gumising!—1989
  • Nakalilitong Lagay ng Panahon
    Gumising!—1998
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 4/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nakasumpong ng mga White Crocodile

“Ang mga opisyal ng kagubatan sa Bhitarkanika National Park sa Orissa ay nakasumpong ng 15 di-pangkaraniwang white crocodile . . . noong taunang sensus sa mga buwaya,” ang sabi ng pahayagang The Hindu ng India. Bihirang-bihira na ngayon ang mga white crocodile at “hindi na makikita sa iba pang lugar sa daigdig.” Dahil sa walang-tigil na ilegal na pangangaso, mauubos na sana noong dekada ng 1970 ang mga saltwater crocodile sa lugar na iyon, subalit sa tulong ng mga programa ng United Nations, nagtatag ang pamahalaan ng estado ng isang proyekto ng pag-aalaga ng mga buwaya sa loob ng parke. Dahil sa dami ng mga bakawan, malinis na tubig, maraming suplay na pagkain, at di-gaanong pakikialam ng tao, ang programa ng pag-aalaga ay naging matagumpay. Ayon sa The Hindu, nasa parke ngayon ang mga 1,500 buwaya na may pangkaraniwang kulay at ang di-pangkaraniwang mga white crocodile.

Tabako, Karalitaan, at Karamdaman

“Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na halos 84 na porsiyento ng mga naninigarilyo ang nakatira sa mahihirap na bansa, kung saan ang tabako at karalitaan ay paulit-ulit na nagiging problema,” ang sabi ng pahayagang Diario Medico ng Espanya. Bukod diyan, sa bawat bansa “yaong pinakamadalas manigarilyo at dumaranas ng pinakamaraming problema may kaugnayan sa paninigarilyo ay kabilang sa pinakadukhang sektor ng populasyon.” Bagaman nabawasan na ang paninigarilyo sa mauunlad na bansa, ito’y naging “pang-apat na pangunahing dahilan [pa rin] ng pagkakasakit” sa buong daigdig, ang sabi ng pahayagan. Sa Espanya, kung saan ang taunang bilang ng namamatay dahil sa tabako ay umabot na sa 60,000, ang paninigarilyo ay naging “pangunahing dahilan ng karamdaman, pagkainutil, at kamatayan na puwede naman sanang maiwasan.”

Natatandaan ng mga Tupa ang mga Mukha

“Natuklasan namin na ang mga tupa pala ay nakakakilala ng mga mukha ng di-kukulangin sa 50 ibang tupa at 10 tao,” isinulat ng neurobiyologong si Keith Kendrick sa New Scientist. Natuklasan ni Kendrick at ng kaniyang grupo na matapos makita ng mga tupa ang 60 mukha sa loob ng ilang linggo, natatandaan ng mga ito ang lahat ng mukhang iyon “sa loob ng di-kukulangin sa dalawang taon.” Hindi lamang natatandaan ng mga tupa ang mga mukha kundi, gaya ng mga tao, ang mga ito’y “nakakakilala [rin] ng damdamin mula sa ibinabadya ng mukha.” Iniulat ng babasahin na ang mga tupa ay “nakakakilala ng iba’t ibang ekspresyon ng mga tao, at nakapapansin ng mga pagbabago sa mukha ng nababahalang mga tupa. Mas gusto rin nila ang nakangiting mukha ng mga tao kaysa sa mga nakasimangot.” Natuklasan ng mga mananaliksik na “ang mukha ng mga taong nag-aalaga sa mga tupa ay inuuri ng mga ito bilang kilalang-kilalang miyembro ng kawan.” Ang sabi ni Kendrick: “Ang mga palakaibigang tao ay tinatanggap bilang mga tupang pandangal, wika nga. Nagpapahiwatig ito na nakadarama ng pagmamahal ang mga tupa sa kanilang mga pastol.”

Ang Greenhouse Pollution sa Australia

“Ang mga Australiano ang may pinakamataas na greenhouse emission bawat tao sa lahat ng industriyalisadong bansa,” ang sabi ng The Australia Institute. Nagbuga ang Australia ng aberids na 27.2 toneladang carbon dioxide at iba pang mga greenhouse gas bawat tao noong 2001. Sinasabi sa ulat ng Australia Institute na ang mataas na bilang na ito ay dahil sa pagdepende ng Australia sa elektrisidad mula sa uling at sa mga transportasyong de-motor gayundin sa paggawa nito ng aluminyo. Ang sumunod na pinakamalakas magbuga ng greenhouse gas bawat tao ay ang Canada (22 tonelada) at ang Estados Unidos (21.4 tonelada). Ang napaulat na may pinakamababang bilang noong 2001 ay ang Latvia, na may 0.95 tonelada ng greenhouse gas bawat tao. Sa kabila ng maliit na populasyon ng Australia, ang kabuuang greenhouse emission nito ay “lumampas pa sa pangunahing mga ekonomiya sa Europa na gaya ng Pransiya at Italya (na bawat isa’y tatlong ulit ng populasyon ng Australia),” ang sabi sa ulat.

Mga Awit ng Nightingale Laban sa Ingay ng Trapiko

“Kapag tumitindi ang ingay, lumalakas ang pag-awit ng mga ibong nightingale,” ang sabi ng pahayagang Berliner Zeitung ng Alemanya. Natuklasan ng pag-aaral na isinagawa ni Henrik Brumm ng Institute of Biology sa Free University ng Berlin na ang lakas ng pag-awit, na ginagawa upang makapagtatag ng teritoryo ng ibon at makaakit ng mga babaing ibon, ay nagkakaroon ng 14 na decibel na pagbabago depende sa lakas ng ingay sa paligid. “Waring hindi naman ito gaanong mataas,” ang sabi ni Brumm, “pero katumbas ito ng limang ulit na pagtaas sa presyon ng tunog, na nangangahulugang ang presyon sa baga ng ibon ay dapat na mas mataas nang limang ulit.” Sa mas tahimik na mga lugar, ang pag-awit ng ibon ay nasa 75 decibel. Subalit sa mga lugar na masyadong maingay ang trapiko, ang mga ibon ay umaawit sa lakas na 89 na decibel. “Ang partikular na ikinagulat ng mananaliksik,” ang sabi ng pahayagan, “ay ang bagay na waring napapakibagayan naman ng mga ibon ang paiba-ibang kalagayan sa bawat araw. Kung dulong sanlinggo, na walang gaanong trapik, mas mahinang umawit ang mga ibon kaysa kung simpleng mga araw.”

Krimen sa mga Paaralan sa Poland

“Dalawampung libong nakawan ang naganap sa mga paaralan [sa Poland]” noong 2003, ang ulat ng babasahing Zwierciadło ng Poland. Idinagdag pa nito na “inaayawan ng 80 porsiyento ng mag-aaral [na Polako] ang kanilang paaralan dahil nalulungkot sila at nahihirapang makisama sa mga guro at sa ibang mga estudyante.” Bakit kaya napakaraming problema rito? “Ang mga paaralan ay hindi ligtas sa impluwensiya ng mga tagalabas. Ang mga ito’y larawan ng nangyayari sa lipunan,” ang sabi ng mental-health worker na si Wojciech Eichel-berger. “Lumilikha kami ng katanggap-tanggap na mga pamantayan at simulaing panlipunan na humuhubog sa paaralan.” Inirerekomenda ni Eichelberger na upang mahadlangan ang problema, ang mga magulang ay dapat mag-ukol ng panahon sa kanilang mga anak, anupat itinuturo sa mga bata na mahalaga sila sa kanila.

Labis na Pagkabahala sa Hitsura ng Katawan

“Pabata nang pabatang mga kabataan​—lalo na sa mga babae​—​ang labis na nababahala sa kanilang pigura, at maaari itong magbunga ng malubhang problema sa kalusugan,” ang sabi ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Tinanong ang mga batang babae na edad 10 hanggang 14 tungkol sa paraan ng kanilang pagkain, at mahigit 2,200 ang tumugon. Ganito ang ulat ng Globe: “Wala pang 7 porsiyento sa mga batang babae ang sobra sa timbang, subalit mahigit 31 porsiyento ang nagsabing sila’y ‘sobrang taba’ at 29 na porsiyento naman ang nagsabing sila’y kasalukuyang nagdidiyeta.” Bakit kaya gustong pumayat ng malulusog na batang babae? Ayon sa pahayagan, ibinubunton ang sisi sa mga ginagaya nilang mga adulto na nagdidiyeta mismo at humahamak sa mga taong matataba. “Malaki rin ang ginagampanang papel ng media sa pag-impluwensiya sa paggawi ng mga tin-edyer, dahil sa patuloy nilang paglikha ng pagkapapayat na mga modelo,” ang sabi ng Globe. Ipinaliwanag ni Dr. Gail McVey, isang siyentipiko sa pananaliksik sa Toronto Hospital for Sick Children, na kailangang maunawaan ng mga bata, mga magulang, at gayundin ng mga guro na “ang karagdagang timbang ay normal lamang at kailangan para sa mga nagbibinata at nagdadalaga.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share