Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 5/22 p. 12-14
  • Talaga Bang Mapanganib ang Pakikipag-date sa Internet?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga Bang Mapanganib ang Pakikipag-date sa Internet?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Lobong Nakadamit-Tupa
  • Ang mga Panganib ng Panlilinlang at Paglilihim
  • Piliin ang Pakikipag-ugnayan Nang Personal sa Halip na sa Internet
  • Ang Internet—Bakit Dapat Mag-ingat?
    Gumising!—1997
  • Matalinong Paggamit ng Internet
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Mga Bata at Internet—Ang Magagawa ng mga Magulang
    Gumising!—2008
  • Ang Internet—Kung Paano Makaiiwas sa mga Panganib
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 5/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Talaga Bang Mapanganib ang Pakikipag-date sa Internet?

“Sa Internet, maaaring hindi mo kilala kung sino talaga ang kausap mo.”​—Dan, 17.a

“Makapagsisinungaling ang mga tao sa Internet. Napakadaling magkunwari.”​—George, 26.

ANG pakikipag-date sa Internet ay patuloy na nagiging popular sa buong daigdig. Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo ng seryeng ito, mabilis na nabubuo ang romantikong mga relasyon sa Internet, pero madalas na naglalaho ito kapag namulat na ang mga tao sa katotohanan.b Gayunpaman, mayroon pang mas matinding dahilan na dapat ikabahala kaysa sa pagkadismaya lamang. Ang pakikipag-date sa ganitong paraan ay maaaring maghantad sa iyo sa malubhang panganib​—sa pisikal, emosyonal, o sa espirituwal na paraan.

Paanong ang isang bagay na waring di-nakapipinsala at ligtas​—ang computer sa mismong bahay ninyo​—ay aktuwal na naghahantad sa iyo sa panganib? Ang ilan sa mga panganib ay nauugnay sa isang mahalagang simulain sa Bibliya. Sumulat si apostol Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Hindi naman nito ibig sabihin na hindi pagiging matapat ang paggamit ng Internet o na ang paggamit ng Internet ay mag-uudyok sa iyo na maging di-tapat. Subalit dapat nating aminin na ang ibang mga tao ay madalas na hindi tapat at gaya ng inilalarawan ng mga sinipi sa pasimula ng artikulong ito, waring mas madaling maging di-tapat at na mas mahirap makita ito kapag ginagamit ang Internet. At pagdating sa romantikong mga relasyon, ang pagiging di-tapat ay naghaharap ng napakalalaking panganib.

Halimbawa, pansinin ang paglalarawan ng talatang ito ng Bibliya hinggil sa pagiging di-matapat: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.” (Awit 26:4) Ano ang ibig sabihin ng “mga mapagpakunwari”? Sa ilang salin ng Bibliya, mababasa ang “mga mapagpaimbabaw” sa talatang ito. Gaya ng binabanggit ng isang reperensiyang akda, maikakapit din ang pananalitang ito sa “mga taong nagtatago ng kanilang mga layunin o pakana mula sa iba, o mga nagkukubli ng kanilang tunay na pagkatao at mga intensiyon.” Paano isinasagawa ang gayong pagiging di-matapat sa Internet? At anu-anong mga panganib ang napapaharap sa mga naghahanap ng pag-ibig?

Mga Lobong Nakadamit-Tupa

Nabahala ang isang amang nagngangalang Michael nang malaman niya sa isang seminar na napakarami palang mga bata ang sumusuway sa mga tuntunin ng mga magulang laban sa pagtingin sa mapanganib na mga Web site. “Ang higit na ikinabahala ko,” ang sabi niya, “ay ang nakagigimbal na katotohanan na maaaring gamitin ng mga pedophile ang Internet upang akitin ang mga menor-de-edad na gumawa ng kasuklam-suklam na seksuwal na mga gawain.” Kapag ginamit ng mga kabataan ang Internet upang makipagkilala sa mga tao, maaaring mapaharap sila sa mas matinding panganib kaysa sa inaakala nila.

Sa katunayan, may mga balita hinggil sa mga adultong nambibiktima sa seksuwal na paraan at nagkukunwaring mga kabataan habang ginagalugad nila ang Internet upang makahanap ng mabibiktimang kabataan. Ayon sa isang pagsusuri, “isa sa bawat limang bata na gumagamit ng Internet ang hinihilingang makibahagi sa seksuwal na mga gawain.” Sinabi rin ng isang pahayagan na 1 sa 33 bata na nasa pagitan ng edad 10 at 17 ay “patuloy na nililigalig” sa mga pag-uusap sa computer.

Nagulat ang ilang kabataan nang matuklasan nilang ang “kabataang” nakikipagligawan sa kanila sa Internet ay isa palang adultong bilanggo. Walang kamalay-malay ang ibang mga kabataan na sila pala ay nakikipag-ugnayan na sa mga nambibiktima sa seksuwal na paraan. “Inihahanda” ng napakasasamang taong ito ang kanilang bibiktimahin, anupat kinukuha ang tiwala ng biktima sa pamamagitan ng palakaibigang pakikipag-usap sa Internet. Subalit sa kalaunan, nanaisin nilang makipagkita sa biktima upang maisagawa ang kanilang imoral na mga hangarin. Ang masaklap dito, ang mga kabataan ay nabubugbog, nahahalay, at napapatay pa nga bunga nito.

Tunay nga, ‘nagkukunwari’ ang napakasasamang tao upang makahanap ng mabibiktima sa Internet. Maaaring maalaala mo sa gayong mga nambibiktima ang ilustrasyon ni Jesus hinggil sa huwad na mga propeta na “lumalapit sa [iyo] na nakadamit-tupa” ngunit ang totoo, sila ay “mga dayukdok na lobo.” (Mateo 7:15) Dahil hindi nagpapakilala ang mga nag-uusap sa Internet, halos imposibleng makita ang panlilinlang. “Kapag nakikipag-usap ka sa isang tao nang harapan,” ang sabi ni George, na sinipi kanina, “may matutuklasan ka sa ekspresyon ng kaniyang mukha at tono ng kaniyang boses. Pero hindi mo ito magagawa sa Internet. Madaling lokohin ang isa.”

Tunay na matalino ang payo ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Sabihin pa, hindi naman lahat ng makikilala mo sa Internet ay isang taong mapanganib at nambibiktima. Subalit may iba pang mga paraan na ginagamit ang mga tao upang ‘magkunwari.’

Ang mga Panganib ng Panlilinlang at Paglilihim

Hindi kataka-taka, isang pangkaraniwang gawain sa mga naghahanap ng pag-ibig sa Internet ang pagpapalabis o pag-iimbento ng magagandang katangian at pagpapagaan o pagkukubli ng maseselang kapintasan. Karagdagan pa, sinipi ng The Washington Post ang isang awtor na nagsabi: “Maaaring maging masama ang pakikipag-date sa Internet dahil maaaring malinlang ang mga tao.” Idinagdag pa nito: “Madalas na nagkukunwari ang mga tao hinggil sa kanilang kasarian. . . . Ang mga kinikita, . . . lahi, kriminal na rekord, rekord sa kalusugan sa isip at pagkakaroon ng asawa ay kadalasang inililihim nang matagal sa [kanilang] mga pakikipag-ugnayan.” Bilang babala sa iba, iniulat ng maraming tao ang hinggil sa napakasaklap nilang mga karanasan nang malinlang sila ng kanilang mga naging ka-date sa Internet.

Magsisinungaling kaya ang mga tao hinggil sa mahahalagang bagay gaya ng kanilang kalagayan sa espirituwal? Nakalulungkot, ang sagot ay oo​—anupat inaangkin ng ilan na sila ay tunay na mga Kristiyano ngunit ang totoo ay hindi. Bakit sila gumagamit ng panlilinlang? Muli, ang isang salik ay madali itong gawin sa Internet. Inamin ng isang kabataang lalaki mula sa Ireland na nagngangalang Sean: “Napakadaling magkunwari kapag nagta-type ka sa computer.”

Binabale-wala ng maraming tao ang panlilinlang na ito, anupat nangangatuwiran na likas lamang ang magsinungaling nang bahagya kapag nakikipagligawan. Subalit tandaan na kinapopootan ng Diyos ang pagsisinungaling. (Kawikaan 6:16-19) At may mabuti itong dahilan. Ang kalakhang bahagi ng kirot at kahapisan sa daigdig na ito ay nagmumula sa pagsisinungaling. (Juan 8:44) Ang pagiging di-tapat ang pinakamasamang saligan sa anumang relasyon, lalo na sa isang relasyong nilalayong humantong sa isang panghabang-buhay na buklod. Ang masama pa rito, ang pagiging di-tapat ay mapanganib sa espirituwal; sinisira ng isang sinungaling ang kaniyang kaugnayan sa Diyos na Jehova.

Nakalulungkot, nahuhulog ang ilang kabataan sa isa pang uri ng pagsisinungaling. Nagtataguyod sila ng mga relasyong gamit ang Internet at inililihim ito sa kanilang mga magulang. Halimbawa, gulát na gulát ang mga magulang ng isang lalaking tin-edyer nang isang araw, isang kabataang babaing hindi nila kapananampalataya ang biglang dumating sa kanilang tahanan pagkatapos maglakbay nang 1,500 kilometro. Anim na buwan na palang nakikipag-date sa Internet ang kanilang anak sa babaing ito, subalit wala silang kaalam-alam hinggil sa babae hanggang sa sandaling iyon!

“Paano nangyari ito?” ang tanong ng mga magulang. Inisip nila, ‘Imposibleng mahulog ang loob ng aming anak sa isa na hindi pa niya nakikita nang personal.’ Ang totoo, nililinlang sila ng kanilang anak​—sa katunayan ay nagkunwari ito. Hindi ka ba sasang-ayon na ang gayong mga panlilinlang ay hindi magandang pundasyon para sa pagliligawan?

Piliin ang Pakikipag-ugnayan Nang Personal sa Halip na sa Internet

Maaaring magharap ng iba pang mga panganib ang pakikipag-date sa Internet. Sa ilang kaso, maaaring maging mas totoo na sa iyo ang kaibigan mo sa Internet kaysa sa mga taong nakikita mo araw-araw. Nagiging pangalawahin na lamang ang pamilya, mga kaibigan, at mga pananagutan. Isang kabataang babae na nagngangalang Monika, sa Austria, ang nagsabi: “Sinimulan kong pabayaan ang mahahalagang kaugnayan dahil gumugugol ako ng napakaraming panahon sa computer sa mga taong nakikilala ko sa Internet.” Nabagabag siya dahil dito at nagpasiya siyang ihinto ang paggamit ng Internet sa ganitong paraan.

Siyempre pa, marami naman ang gumagamit ng Internet sa timbang na paraan. Ang pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng E-mail ay maaaring isang malaking tulong upang makipag-ugnayan sa mga kaibigan at mga mahal sa buhay. Subalit tiyak na sasang-ayon ka na wala pa ring katulad ang personal na pakikipag-ugnayan. Kung ikaw ay “lampas na sa kasibulan ng kabataan”​—ang panahon kung saan napakalakas ng seksuwal na mga hangarin​—at gusto mo nang mag-asawa, napapaharap ka sa isa sa pinakamahalagang pasiya na gagawin mo sa iyong buong buhay. (1 Corinto 7:36) Kung gayon, pag-isipan mong mabuti ang iyong pasiya.

Nagpapayo ang Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Sa halip na paniwalaan ang lahat ng isinulat sa iyo ng isa na hindi mo pa nakikita, pag-isipang mabuti ang iyong mga hakbang. Di-hamak na mas matalino na makipagkilala at makipagkaibigan nang personal. Tingnan mo kung talagang magkatuwang kayo, lalo na pagdating sa inyong espirituwal na mga tunguhin at pamantayan. Tunay na ang gayong pagliligawan ay maaaring umakay sa isang maligayang pag-aasawa.

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat Ko Bang Subukan ang Pakikipag-date sa Internet?” sa Abril 22, 2005, na isyu ng Gumising!

[Mga larawan sa pahina 12]

Talaga bang kilala mo kung sino ang nagta-“type” ng mga mensahe sa Internet?

[Larawan sa pahina 14]

Pagdating sa pagliligawan, walang kapalit ang pakikipag-ugnayan nang personal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share