Ang Internet—Bakit Dapat Mag-ingat?
ANG Internet ay tiyak na may potensiyal para sa pang-edukasyong gamit at sa araw-araw na komunikasyon. Subalit, kung aalisin ang tila pang-akit ng modernong teknolohiya nito, ang Internet ay lipos ng dati nang mga problema na malaon nang sumalot sa telebisyon, telepono, pahayagan, at mga aklatan. Kaya nga, ang angkop na tanong ay, Angkop ba ang nilalaman ng Internet para sa akin at sa aking pamilya?
Sinabi ng maraming ulat na madaling makuha ang pornograpikong mga bagay sa Internet. Kaya, ipinahihiwatig ba nito na ang Internet ay isa lamang lusak na puno ng lisyang mga paggawi sa sekso? Tinututulan ito ng ilan sa pagsasabing ito’y isang kalabisan. Nangangatuwiran sila na ang isa ay kailangang may kabatiran at sadyang magpapakapagod upang hanapin ang masamang materyal.
Totoo na kailangang sadyaing hanapin ang masamang materyal, ngunit tumututol ang iba anupat sinasabing ito’y mas madaling makita sa Internet kaysa sa ibang dako. Sa pamamagitan ng ilang tipa lamang, masusumpungan ng isang gumagamit ng Internet ang erotikong materyal, gaya ng malalaswang seksuwal na mga litrato pati na ang mga audio at video clip.
Kasalukuyang mainit na pinagtatalunang paksa ang tungkol sa kung gaano karaming pornograpikang materyales ang madaling makuha sa Internet. Inaakala ng ilan na maaaring pinalaki ng husto ang ulat tungkol sa lumalaganap na problema. Subalit, kung nalaman mong wala namang 100 makamandag na ahas sa inyong bakuran kundi iilan lamang, hindi ka ba gaanong mababahala sa kaligtasan ng iyong pamilya? Makabubuting mag-ingat yaong mga gumagamit ng Internet.
Mag-ingat sa mga Nambibiktima ng mga Bata!
Ipinakita ng ilang balita kamakailan na sumali ang ilang pedopilya sa on-line interactive chat upang makipag-usap sa mga kabataan. Nagkukunwang mga bata, may katusuhang kinuha ng mga adultong ito ang mga pangalan at mga direksiyon mula sa walang kamuwang-muwang na mga kabataan.
Pinatunayan ng National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC) ang ilan sa mga gawaing ito. Halimbawa, noong 1996, nasumpungan ng pulisya ang dalawang batang babae mula sa South Carolina, E.U.A., mga edad 13 at 15, na isang linggo nang nawawala. Sila’y nagpunta sa ibang estado na kasama ng isang 18-anyos na lalaking nakilala nila sa Internet. Isang 35-anyos na lalaki ang nasasakdal sa salang pang-aakit sa isang 14-anyos na batang lalaki na gumawa ng bawal na pakikipagtalik kapag ang kaniyang mga magulang ay wala sa bahay. Ang dalawang kaso ay nagsimula sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang chat room ng Internet. Noong 1995, nakilala ng isang 15-anyos na batang lalaki ang isa pang adulto sa Internet at lakas-loob na nagpunta ito sa kaniyang paaralan upang makipagkita sa kaniya. Isa pang adulto ang umamin na nakipagtalik sa isang 14-anyos na batang babae. Ginamit ng batang babae ang computer ng kaniyang tatay upang makipag-usap sa mga tin-edyer sa pamamagitan ng on-line bulletin board. Nakilala rin niya ang adultong ito sa Internet. Lahat ng mga kabataang ito sa wakas ay nahikayat na isiwalat ang kanilang tunay na pangalan.
Pangangailangan Para sa Patnubay ng Magulang
Bagaman ang mga kasong gaya ng nabanggit ay hindi madalas mangyari, gayunman dapat maingat na suriin ng mga magulang ang bagay na ito. Anong mapagkukunan ng mga impormasyon ang makukuha ng mga magulang upang maingatan ang kanilang mga anak na maging mga puntirya ng krimen at pagsasamantala?
Ang mga kompanya ay nag-aalok ng mga kagamitan na mula sa mga sistemang nag-uuri na katulad ng pag-uuri sa mga pelikula, hanggang sa word-detection software na humaharang sa hindi kanais-nais na nilalaman, hanggang sa mga sistemang humihiling ng pagpapatunay na dapat na nasa hustong gulang ang gumagamit nito. Hinaharang pa nga ng ilang sistema ang materyal bago pa man ito makarating sa computer ng pamilya. Gayunman, karamihan ng mga sistemang ito ay masalimuot at maaaring hadlangan sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Tandaan, ang orihinal na disenyo ng Internet ay gawin itong hindi masisingitan ng iba, kaya mahirap ang pagsensura.
Sa isang panayam sa Gumising!, isang sarhento ng pulisya na nangangasiwa sa pangkat na nag-iimbestiga sa pagsasamantala sa bata sa California ay nagpayo: “Walang hahalili sa patnubay ng magulang. Ako mismo ay may 12-anyos na anak. Pinapayagan naming mag-asawa na gamitin niya ang Internet, subalit ginagawa namin itong sama-sama bilang isang pamilya at itinatakda namin ang mga pag-iingat sa haba ng panahong ginugugol namin.” Ang amang ito ay lalo nang maingat sa mga chat room, at mahigpit niyang ipinagbabawal ang paggamit nito. Sabi pa niya: “Ang personal na computer ay wala sa silid ng aking anak na lalaki kundi nasa isang bukas na lugar sa bahay.”
Ang mga magulang ay kailangang magkaroon ng masidhing interes sa pagpapasiya kung anong gamit ng Internet, kung mayroon man, ang ipinahihintulot nila sa kanilang mga anak. Anong praktikal at makatuwirang mga pag-iingat ang dapat isaalang-alang?
Ang kawaning manunulat na si David Plotnikoff ng San Jose Mercury News ay nagbibigay ng ilang nakatutulong na mga tip sa mga magulang na nagpasiyang gumamit ng Internet sa tahanan.
• Magiging kapaki-pakinabang ang karanasan ng iyong anak sa paggamit ng Internet kapag gumagawa silang kasama mo, yamang natututuhan nila ang kahalagahan ng iyong pagpapasiya at patnubay. Kung wala ang pagsubaybay ninyo, babala niya, “lahat ng impormasyon sa Net ay parang tubig na walang baso.” Ang mga alituntuning ipinatutupad mo ay “karugtong ng mga bagay na ginagamitan ng sentido-komon na itinuro mo sa iyong mga anak sa lahat ng panahon.” Isang halimbawa ay ang iyong mga alituntunin tungkol sa pakikipag-usap sa mga estranghero.
• Ang Internet ay isang pampublikong dako at hindi dapat gamitin bilang isang serbisyo para sa pag-aalaga ng bata. “Sa paano man, hindi mo iiwan ang iyong 10-anyos na anak na mag-isa sa isang malaking lunsod at sabihin sa kaniya na magsaya siya sa loob ng ilang oras, di ba?”
• Matutong kilalanin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga lugar sa Internet para sa paglalaro o pakikipag-usap at mga dako para sa pagpapatulong para sa takdang-aralin.
Ang pampleta ng NCMEC na Child Safety on the Information Highway ay nagbibigay ng ilang alituntunin sa mga kabataan:
• Huwag sabihin ang personal na impormasyon na gaya ng iyong direksiyon, ng iyong numero ng telepono sa bahay, o ng pangalan at kinaroroonan ng iyong paaralan. Huwag magpadala ng mga litrato nang walang pahintulot ang iyong mga magulang.
• Ipaalam agad sa iyong mga magulang kung ikaw ay tumanggap ng impormasyon na nakaaasiwa sa iyo. Huwag na huwag tumugon sa mga mensahe na hindi mabuti o agresibo. Sabihin mo agad sa iyong mga magulang upang matawagan nila ang on-line service.
• Makipagtulungan sa iyong mga magulang sa pagtatakda ng mga tuntunin para sa paggamit ng Internet, pati na ang oras sa araw at haba ng panahon sa paggamit at sa angkop na mga lugar na mabubuksan sa Internet; sumunod sa kanilang mga pasiya.
Isaisip na ang mga pag-iingat ay kapaki-pakinabang din para sa mga nasa hustong gulang. Ang ilang adulto ay nasilo na sa hindi kanais-nais na mga ugnayan at malulubhang problema dahil sa kanilang kawalang-ingat. Ang hiwaga ng mga chat room—walang katitigan at ang hindi nakikilalang mga alyas—ay nakabawas sa pagpipigil ng ilan at lumikha ng huwad na diwa ng katiwasayan. Mga adulto, mag-ingat!
Pagpapanatili ng Timbang na Pangmalas
Ang ilan sa materyal at marami sa mga serbisyong masusumpungan sa Internet ay nakapagtuturo at maaaring magsilbi sa isang kapaki-pakinabang na layunin. Parami nang paraming korporasyon ang nag-iimbak ng mga internal na mga dokumento sa kanilang internal na mga network, o mga intranet. Ang lumilitaw na komunikasyon sa pamamagitan ng Internet kung saan maaaring magkomperensiya samantalang nagkakakitaan at nagkakarinigan ang isa’t isa ay may potensiyal upang permanenteng baguhin ang ating mga nakaugaliang paglalakbay at mga miting sa negosyo. Ginagamit ng mga kompanya ang Internet upang ipamahagi ang kanilang software sa computer, sa gayo’y nakababawas ito sa gastos. Maraming serbisyo na kasalukuyang gumagamit ng mga tauhan upang pangasiwaan ang mga transaksiyon sa negosyo, gaya ng mga kompanya sa paglalakbay at aksiyonista, ay malamang na maapektuhan yamang nagagawa ng mga gumagamit ng Internet ang ilan o ang lahat ng kanila mismong mga naisasaayos. Oo, ang epekto ng Internet ay naging napakalaki, at malamang na ito’y magpatuloy bilang isang mahalagang paraan upang magbahagi ng impormasyon, magnegosyo, at makipagtalastasan.
Gaya ng karamihan ng mga kagamitan, ang Internet ay may kapaki-pakinabang na mga gamit. Subalit, maaari rin itong gamitin nang hindi tama. Maaaring piliin ng ilan na tuklasin pa ang kapaki-pakinabang na mga aspekto ng Internet, samantalang ang iba naman ay hindi. Ang isang Kristiyano ay hindi binibigyang-kapangyarihan na hatulan ang pasiya ng iba may kinalaman sa personal na mga bagay.—Roma 14:4.
Ang paggamit ng Internet ay maihahalintulad sa paglalakbay sa isang bagong bansa, na doo’y maraming bagong bagay na makikita at maririnig. Kinakailangan sa paglalakbay na ikaw ay magpakita ng mabuting ugali at mag-ingat. Gayundin ang hinihiling sa iyo kung ikaw ay magpasiyang gumamit ng Internet—ang information superhighway.
[Blurb sa pahina 12]
“Ang personal na computer ay wala sa silid ng aking anak na lalaki kundi nasa isang bukas na dako ng bahay”
[Blurb sa pahina 13]
Ang Internet ay isang pampublikong dako at hindi dapat gamitin bilang isang serbisyo para sa pag-aalaga ng bata
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Ang Pangangailangan Para sa Paggalang at Pag-iingat
Paggalang
Pag-aralan ang mga tuntunin sa paggalang at protokol. Karamihan ng mga Internet service provider ay naglalathala ng mga alituntuning mapanuring mabuti at kanais-nais para sa paggawi. Pahahalagahan ng ibang gumagamit ang iyong kabatiran at pagsunod sa mga alituntuning ito at mabuting ugali.
Pag-iingat
Ang ilang grupong talakayan ay nagtatalo tungkol sa relihiyoso o kontrobersiyal na mga bagay. Mag-ingat sa paglalagay ng mga komento sa gayong mga talakayan; malamang na ang iyong E-mail address at pangalan ay mabobrodkast sa lahat na kabilang sa grupo. Ito ay kadalasang nagbubunga ng umuubos-panahon at hindi kanais-nais na mga sulat. Oo, may ilang newsgroup na hindi dapat basahin, lalo pa ang makipag-ugnayan dito.
Kumusta naman ang tungkol sa paglikha ng isang grupong talakayan, o newsgroup, para sa kapuwa mga Kristiyano? Ito ay maaaring lumikha ng higit na mga problema at mga panganib kaysa inaasahan. Halimbawa, ang mga indibiduwal na may ibang motibo ay nalamang maling ipinakikilala ang kanilang sarili sa Internet. Sa kasalukuyan, hindi nagagawang tiyakin ng Internet ang totoong pagkakakilanlan ng mga taong gumagamit nito. Bukod pa riyan, ang mga grupong iyon ay maihahambing sa ilang paraan sa isang malaki, nagaganap na sosyal na pagtitipon, na nag-aaksaya sa panahon at kakayahan ng maypabisita nito upang maglaan ng kinakailangan at responsableng pangangasiwa.—Ihambing ang Kawikaan 27:12.
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Gaano Kahalaga ang Inyong Panahon?
Sa ika-20 siglong ito, ang buhay ay patuloy na nagiging masalimuot. Ang mga imbensiyon na pinakinabangan ng ilang tao ay malimit na sumasayang sa oras ng marami. Isa pa, ang imoral at marahas na mga programa sa TV, ang pornograpikong mga aklat, masasamang recording ng musika, at ang katulad ng mga ito ay mga halimbawa ng mga teknolohiya na ginamit sa maling paraan. Hindi lamang ito umuubos ng mahalagang panahon kundi pumipinsala rin sa espirituwalidad ng mga tao.
Mangyari pa, ang unang priyoridad ng isang Kristiyano ay espirituwal na mga bagay, gaya ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw at pagiging may kabatiran sa mahahalagang katotohanan ng Kasulatan na tinatalakay sa mga magasing Bantayan at Gumising! at iba pang publikasyon ng Watch Tower Society. Ang walang-hanggang mga pakinabang ay darating, hindi mula sa pagbabasa-basa sa Internet, kundi mula sa paggamit ng iyong panahon sa pagkuha ng kaalaman ng tanging tunay na Diyos at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at may kataimtiman itong ikapit.—Juan 17:3; tingnan din ang Efeso 5:15-17.