Talaga Bang Kailangan Mo ang Internet?
DAPAT ka bang gumamit ng Internet? Mangyari pa, ito’y isang personal na bagay, isa na dapat mong maingat na timbangin. Anu-anong salik ang makaiimpluwensiya sa iyong pasiya?
Pangangailangan—Nakalkula Mo na ba ang Halaga?
Karamihan ng paglago kamakailan ng Internet ay dahil sa malakas na dating nito sa pamilihan sa daigdig ng negosyo. Maliwanag, ang kanilang motibo ay gumawa ng isang pangangailangan. Minsang malinang ang ipinalalagay na pangangailangan, ang ilang organisasyon ay saka humihiling ng pagiging miyembro o taunang bayad sa suskrisyon para sa impormasyon o serbisyo na una mong nakuha nang walang bayad. Ang bayad na ito ay karagdagan sa iyong buwanang bayad sa paggamit ng Internet. Ang ilang on-line na mga pahayagan ay karaniwang halimbawa ng gawaing ito.
Nakalkula mo na ba ang gastos sa kagamitan at software laban sa iyong aktuwal na pangangailangan? (Ihambing ang Lucas 14:28.) Nagagamit ba ng mga aklatang bayan o paaralan ang Internet? Ang paggamit sa mga pinagkukunang ito ng impormasyon sa simula ay maaaring makatulong sa iyo na tantiyahin ang iyong pangangailangan nang hindi gumagawa ng malaking panimulang pamumuhunan sa isang personal na computer at nauugnay na mga kagamitan. Maaaring magamit ang angkop na pampublikong pinagkukunan ng impormasyon ng Internet, kung kinakailangan, hanggang sa matiyak kung talagang kailangan ang gayong mga pinagkukunan ng impormasyon. Tandaan, ang Internet ay umiral mga dalawang dekada na bago pa malaman ito ng publiko sa pangkalahatan, ano pa kaya ang madama ang pangangailangan nito!
Seguridad—Naiingatan ba ang Iyong Pribadong Buhay?
Ang isa pang mahalagang pagkabahala ay ang pagiging kompidensiyal nito. Halimbawa, ang iyong mensahe sa E-mail ay dapat na makita lamang ng inaasahan mong tatanggap nito. Subalit, habang naglalakbay ang sulat, maaaring harangin o subaybayan ng isang matalino at marahil walang konsiyensiyang tao o grupo ang iyong sulat. Upang maingatan ang mga mensahe, ang ilang tao ay gumagamit ng E-mail software na mga produkto upang guluhin ang kompidensiyal na nilalaman ng kanilang sulat bago ihulog ito sa koreo. Sa kabilang panig naman, ang tumatanggap nito ay baka mangailangan ng katulad na software para mabasa ang mensahe.
Kamakailan, karamihan ng talakayan ay nakatuon sa pagpapalitan ng credit-card at iba pang kompidensiyal na impormasyon para sa komersiyal na gamit sa Internet. Bagaman maraming pagbabago ang inaasahan upang paghusayin ang seguridad, ganito ang sabi ng kilalang computer security analyst na si Dorothy Denning: “Hindi posible ang lubusang ligtas na mga sistema, subalit ang panganib ay maaaring mabawasan nang husto, marahil sa isang antas na kasukat sa kahalagahan ng impormasyong nakaimbak sa mga sistema at sa banta kapuwa ng mga walang karanasan at mga nakaaalam ng impormasyon.” Ang lubos na seguridad ay hindi magagawa sa anumang sistema ng computer, ito man ay nakaugnay o hindi sa Internet.
Mayroon Ka Bang Panahon Dito?
Ang isa pang mahalagang isyu ay ang iyong panahon. Gaano katagal upang maikabit at matutuhan ang mga kagamitan upang magamit ang Internet? Isa pa, binanggit ng isang may karanasang instruktor sa Internet na ang pagbabasa-basa sa Internet ay “maaaring maging isa sa pinakanakagugumon at umuubos-panahong gawain para sa isang bagong gumagamit ng Internet.” Bakit gayon?
Napakaraming kawili-wiling paksa at di-mabilang na bagong mga bagay na tutuklasin. Sa katunayan, ang Internet ay isang napakalaking kalipunan ng mga aklatan na may kaakit-akit na mga dokumento. Ang pagtingin at pagbasa sa ilan lamang nito ay maaaring umubos ng iyong mga oras sa gabi nang hindi ka nakadarama ng antok. (Tingnan ang kahon na “Gaano Kahalaga ang Iyong Panahon?” sa pahina 13.) Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng gumagamit ng Web ay walang pagpipigil sa sarili. Subalit, makabubuting takdaan ang panahon at impormasyon na titingnan at babasahin sa Web—lalo na para sa mga kabataan. Gayundin ang ginagawa ng maraming pamilya may kinalaman sa telebisyon.a Pananatilihin nito ang panahong inilaan para sa pamilya at sa espirituwal na mga gawain.—Deuteronomio 6:6, 7; Mateo 5:3.
Napag-iiwanan Ka Ba?
Sa wakas, ang teknolohiya ng Internet ay lubusang gagamitin sa nagpapaunlad na mga bansa sa daigdig. Subalit, gunitain ang mga taong nabanggit sa pasimula ng unang artikulo. Karamihan ng impormasyong nakuha nila ay maaari sanang nakuha sa pamamagitan ng paggamit ng mga aklatan, telepono, koreo, o mga pahayagan. Mangyari pa, ang ilan sa mga pamamaraang ito ay maaaring magsangkot ng higit na panahon at gastusin. Gayunman, para sa karamihan ng mga tao sa buong lupa, ang tradisyonal na mga pamamaraang ito ay malamang na magpatuloy sa loob ng ilang panahon upang maging ang pangunahing paraan ng komunikasyon.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Ihihinto ang Sobrang Panonood ng TV?” sa Pebrero 22, 1985, na labas ng Awake!
[Larawan sa pahina 9]
Ang pagbabasa-basa sa Net ay maaaring maging isang silo kung walang pagpipigil sa sarili