Kapeng Kona—Napakasarap
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Hawaii
MAY pagkakataon ang mga dumadalaw sa distrito ng Kona sa Big Island ng Hawaii na matikman ang ilan sa pinakamasasarap na kape sa buong daigdig—ang kapeng Kona, na para sa marami ay napakasarap!
Sa rehiyon ng mauka (bundok), na may makikitid at paliku-likong daan, ekta-ektaryang taniman ng kape ang tumatakip sa mga dalisdis ng bundok. Kaygandang pagmasdan ang matitingkad at makikintab na dahon, at sa ilang panahon ng taon ay humahalimuyak ang maningning, maririkit, at mapuputing bulaklak nito. Sa dakong huli, ang mga bulaklak ay nagiging maliliit na bunga ng kape.
Magkakatabi ang malalaki at maliliit na taniman ng kape na pag-aari ng pami-pamilya—mahigit na 600 nito—at ang ilan ay minana ng mga anak mula sa mga magulang sa loob ng mga salinlahi! Napakalawak ng taniman ng kape sa Big Island, humigit-kumulang 1.5 kilometro ang lapad at mga 50 kilometro ang haba. Nasa dalisdis ito ng dalawang matatagal nang bulkan, ang Hualalai at Mauna Loa. Pinakamaganda ang tubo ng kape sa taas na nasa pagitan ng 150 at 750 metro.
Pawang itinatampok ng kilaláng mga lugar ng bakasyunan, supermarket, maliliit na tindahan sa lalawigan, at mga restawran sa tabi ng daan sa Hawaii ang masarap na pinakuluang kape mula sa mainam na kapeng ito. Gustung-gusto ito ng makaranasang umiinom ng kape dahil sa masarap na amoy nito at sa matapang subalit suwabeng lasa nito. Subalit paano nagsimula ang pagtatanim ng kape sa dating kahariang ito, at paano ito naging isang multimilyong industriya?
Si Francisco de Paula Marín, isang manggagamot at katulong ni Haring Kamehameha I, ang madalas na kinikilala bilang siyang unang nag-angkat at nagtanim ng kape sa isla ng Oahu noong 1813. Pagkatapos, noong mga 1828, ang mga pasanga ng kape sa Oahu ay dinala sa distrito ng Kona sa Big Island. Ang mga pasangang ito ay kauri ng kapeng nakikilala bilang arabica, isang uring inaani pa rin sa Kona. Noong dekada ng 1830, ang kape sa Kona ay malawakang itinatanim at komersiyal na ikinakalakal.
Kung Bakit Saganang Tumutubo ang Kape sa Distrito ng Kona
Bagaman inuuri ayon sa botanika bilang isang palumpong, ang halamang kape (1) ay maaaring tumaas nang hanggang sampung metro. Sa gayon, itinuturing ito ng marami bilang isang punungkahoy. Kung heograpiya ang pag-uusapan, ang mga kalagayan sa distrito ng Kona ay tamang-tama para sa pagtatanim ng kape. Dahil ito sa hanging amihan na umiihip mula sa silangang bahagi ng isla. Paghampas sa silangang dalisdis ng Mauna Loa, na mahigit 4,000 metro ang taas, ang hangin ay nagiging banayad na simoy. Banayad lamang ang ihip ng hangin sa bundok ng Kona anupat hindi nasisira ang maseselang bulaklak ng kape.
Sagana sa sikat ng araw ang mga dalisdis ng Kona, at madalas na may ulap sa hapon na nagsisilbing lilim at proteksiyon mula sa matinding sikat ng araw. Nakatutulong pa ang mga ulap na ito sa pamamagitan ng sapat na ambon sa hapon upang saganang diligin ang mga tanim na kape. Yamang banayad ang temperatura sa buong taon, walang panganib na magkaroon ng hamog na nagyeyelo.
Pag-aani at Pagpoproseso ng Bunga
Gaano ba katagal mula sa pagtatanim hanggang sa puwede nang anihin ang kape sa komersiyal na paraan? Karaniwan nang dapat lumipas ang di-kukulangin sa tatlong taon bago mamunga nang sapat ang puno ng kape. Maraming ulit na namumulaklak ang kape sa isang taon. Kaya taun-taon, ang isang karaniwang magsasaka ng kape ay manu-manong nag-aani nang hanggang walong beses!
Ang bungang matingkad na pula at may lamukot ay karaniwan nang may dalawang buto ng kape. Yamang ang mga buto ay natatakpan ng isang manipis na balat na tinatawag na parchment, dapat iproseso ang mga bunga upang maalis ang lamukot at ang parchment (2). Sinusundan ito ng pagbababad (3) at pagpapatuyo (4), at lubhang nababawasan ang dami ng pangwakas na produkto dahil sa pagpoproseso. Depende sa kalidad ng kape, maaaring isang sako lamang ng sinangag na kape ang magawa buhat sa walong sakong bunga ng kape.
Talagang isang sining ang pagsasangag (5) ng mga buto ng kape, anupat kailangan hindi lamang ang mahusay na kagamitan kundi ang kasanayan din naman ng nagsasangag. Kung gaano katagal isinasangag ang kape ay depende sa iba’t ibang salik, gaya ng halumigmig, timbang, uri, kalidad ng mga buto, ninanais na kaitiman ng mga buto, at lagay ng panahon.
Marami sa mga taniman at gilingan ng kape sa Big Island ay gumagamit ng makabagong pamamaraan sa pamilihan. Inaanyayahan nila ang publiko na lumibot sa taniman, masdan ang pagpoproseso, at tikman ang kapeng Kona. Marami pa ring makukulay na karatula sa daan at magaganda subalit lumang mga gilingan ng kape, kasama ng kaakit-akit at sinaunang mga restawran at otel mula noong unang panahon. Mangyari pa, ang lahat ay nagsisilbi ng kapeng Kona!
Dating ginagamit ang maaamong buriko upang dalhin ang mga sako ng kape. Hinalinhan ng mga dyip na pangmilitar ang mga ito, na nang maglaon ay hindi na rin ginagamit. Subalit umiiral pa rin ang mga natitira sa dalawang ito—ang mga buriko na namumuhay sa iláng at protektado ng batas, at naroroon pa rin ang ilang dyip, na kinakalawang sa bakuran ng mga nagtatanim ng kape.
Pagpapaunlad sa Ikinakalakal na Masarap na Kape
Sa loob ng maraming taon, ang kapeng Kona ay malawakang ginagamit upang ihalo sa mas nakabababang uri ng kape, at ikinakalakal ito sa gayong paraan. Subalit, nagkaroon ng malaking pagbabago noong kalagitnaan ng dekada ng 1950. Napakamahal ng presyo ng kape sa daigdig, at ang mga ani sa bawat ektarya ng kapeng Kona ay napakataas. Sa mga pulong sa University of Hawaii Extension Service, pinasigla ang mga magsasaka na magtanim ng marami pang kape, at nagpalitan ng kaalaman tungkol sa pagtatanim ng kape ang mga magsasaka, tagaproseso, mananaliksik, at mga propesor sa unibersidad.
Kasiya-siya ang mga resulta. Mula noong 1970, ang kapeng Kona ay unti-unting nagbago mula sa paggamit dito bilang pangunahing panghalo sa mas mababang uri ng mga kape tungo sa pagiging espesyal at masarap na kape na ipinagbibili hindi lamang sa Estados Unidos kundi sa buong daigdig. Tumaas nang tumaas ang presyo nito. Nakatulong din ang internasyonal na mga kasunduan sa paninda, sa pamamagitan ng pagpapanatiling matatag ng presyo ng mga kape at paghadlang sa labis na pagbabagu-bago ng presyo. Nakatulong ang proteksiyon ng karapatang-etiketa na “Kona Coffee” sa pagbebenta ng produkto, at ngayon maraming nagtatanim ng kape ang kumikita nang malaki sa pagbebenta ng kanilang kape sa pamamagitan ng Internet.
Kapistahan ng Kapeng Kona
Taun-taon ngayon, inaanyayahan ng Kona Coffee Cultural Festival ang lahat na sumali sa magarbong kapistahan ng kape. May mga paligsahan sa mga resipi na gamit ang kapeng Kona, torneo sa golf, at marami pang ibang palaro. Ang kilaláng bahagi ng kapistahan ay ang kompetisyon sa pinakamasarap na kape, kung saan tinitikman at hinahatulan ng mga eksperto ang pinakuluang kape. Matindi ang kompetisyon, sapagkat ang pinakahahangad na mga gantimpala ay maaaring magbunga ng napakalaking benta para sa mga magwawagi.
Narito ang mga mungkahi mula sa kapistahan para sa paggawa ng “isang masarap na tasa ng kapeng Kona”: “Ang pinakamagaling na paraan ng paghahanda ng kape ay isang automatic drip system na may panalang papel. Gumamit ng sariwa at malamig na tubig. Maglagay ng isang kutsarang Kapeng Kona sa bawat 178 mililitro ng tubig. Para sa masarap na lasa, panatilihing mainit ang inihandang kape at inumin sa loob ng isang oras.”
Gusto mo ba itong matikman? Kung gayon, iinumin mo ang ipinalalagay ng marami na pinakamasarap na kape sa buong daigdig—ang kapeng Kona—talagang napakasarap!
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Kona
[Credit Line]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 25]
Distrito ng Kona
[Larawan sa pahina 25]
Mga bulaklak ng halamang kape
[Larawan sa pahina 26]
Bunga
[Larawan sa pahina 26]
Buto
[Larawan sa pahina 26]
Kapeng nabalatan na
[Larawan sa pahina 26]
Sinangag