Malinis na Tahanan—Ang Papel na Ginagampanan Nating Lahat
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico
NAPAKASARAP manirahan sa malinis at di-kontaminadong kapaligiran! Gayunman, dahil sa dumaraming basura sa mga lunsod, mas mahirap na ngayong panatilihing malinis at maayos ang ating kapaligiran.
Sinisikap ng lokal na mga pamahalaan na panatilihing malinis ang mga kalye sa pamamagitan ng mga sistema ng pangongolekta ng basura, ngunit sa kabila nito, tambak pa rin ang basura sa ilang lugar, anupat pangit itong tingnan at isang banta sa kalusugan ng publiko. Ang nakatambak na basura ay maaaring maging sanhi ng pagdami ng mga daga, ipis, at iba pang mga peste na nagdudulot ng sakit. May magagawa ka pa ba para malunasan ang situwasyon? Oo, panatilihing malinis at masinop ang iyong tahanan at kapaligiran.
Ang Wastong Mentalidad
Inaakala ng ilang tao na kaakibat na ng karukhaan ang maruruming pamayanan o tahanan. Gayunman, hindi ito laging totoo. Sabihin pa, mas mahirap nga talagang panatilihing malinis ang ating kapaligiran kung kulang tayo sa pananalapi. Ngunit gaya ng sinasabi ng isang kawikaang Kastila, “hindi magkalaban ang karukhaan at kalinisan.” Sa kabilang panig naman, ang pagkakaroon ng sapat na pananalapi ng isa ay hindi garantiya na mapananatili niyang malinis ang kaniyang kapaligiran.
Ang kalinisan sa loob at labas ng tahanan ay nakasalalay sa mentalidad na nagpapakilos sa atin. Sa katunayan, nakasalalay nang malaki sa mentalidad ng buong pamilya ang pananatiling malinis ng tahanan. Dahil dito, makabubuting suriin kung ano ang magagawa nating lahat para mapanatiling malinis ang ating mga tahanan, pati na ang pamayanan na pinamumuhayan natin.
Isang Programa sa Paglilinis
Parang walang katapusan ang gawaing-bahay ng isang ina. Bukod sa paghahanda ng pagkain at paghahanda sa mga bata sa pagpasok sa paaralan, kailangan din siyang magpagal para mapanatiling malinis ang tahanan at ang kapaligiran nito. Napansin mo bang madalas na ang ina pa ang pumupulot ng maruruming damit o personal na mga bagay na iniiwan ng kaniyang mga anak sa kanilang mga silid? Ang isang espesipikong programa sa paglilinis na nagsasangkot sa buong pamilya ay makatutulong upang mapagaan ang trabaho ng ina.
Ipinapasiya ng ilang asawang babae na may mga bagay na kailangang asikasuhin at linisin araw-araw, samantalang ang ibang bahagi naman ng bahay ay maaaring linisin nang minsan sa isang linggo, at ang iba pa ay minsan naman sa isang buwan. Sa katunayan, may ilang bagay na maaaring linisin nang minsan sa isang taon. Halimbawa, sa mga Tahanang Bethel, sa mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa bawat bansa, nililinis nang husto ang mga lagayan ng damit nang minsan isang taon. Pagkakataon iyon na idispatsa ang mga bagay na hindi na ginagamit at ayusin ang mga damit sa lagayan. Mayroon ding regular na iskedyul sa paglilinis ng mga dingding.
May mga dako sa tahanan kung saan napakahalaga ng kalinisan para sa mabuting kalusugan, tulad ng banyo at palikuran. Bagaman dapat itong linisin sandali sa araw-araw, ang mas puspusang paglilinis, marahil ay minsan sa isang linggo, ay tutulong upang hindi maipon ang mga baktirya. Inaakala ng ilan na hindi maiiwasang manggitata ang inodoro at na imposibleng mapaputi ito. Gayunman, makasusumpong ka ng mga tahanan na may mga palikuran na nananatiling napakalinis at makintab. Kailangan lamang dito ang palagiang paglilinis at paggamit ng tamang mga produktong panlinis.
Kailangan din ang maingat na paglilinis sa kusina. Bagaman araw-araw mong hinuhugasan ang mga pinggan at nililinis ang kalan at ang mga patungan, paminsan-minsan—marahil kahit minsan man lamang sa isang buwan—kailangan mong linisin nang husto ang likod ng mga kagamitan at ang ilalim ng lababo. Ang madalas na paglilinis sa paminggalan ay tutulong upang hindi manirahan doon ang mga ipis at iba pang nakapipinsalang mga insekto.
Pagtutulungan ng Pamilya
Ang ilang magulang ay gumagawa ng mga tuntunin para sa kanilang mga anak at sinasanay sila na ayusin ang kanilang kama, ilagay sa tamang dako ang kanilang maruruming damit, at iayos ang kanilang personal na mga gamit bago sila lumabas sa kanilang silid sa umaga para pumasok sa paaralan. Ang isang kapaki-pakinabang na tuntunin para sa lahat ay, “May lugar para sa lahat ng bagay at lahat ng bagay sa tamang lugar.”
Gayundin, ang ilang miyembro ng pamilya ay maaaring magkaroon ng partikular na trabaho o isang bahagi ng bahay na lilinisin. Halimbawa, pinanatili ba ng ama na maayos at lubos na malinis ang garahe, kahit na minsan lamang sa isang taon? Matutulungan kaya siya ng isa sa kaniyang mga anak? Sino ang inatasang magtanggal ng mga damong ligáw sa harap ng bakuran o gumupit sa damuhan? Gaano ito kadalas dapat gawin upang maging kagalang-galang ang hitsura ng labas ng bahay? Mayroon bang atik ang bahay o bodega na kailangang suriin upang maalis ang di-kinakailangang kalat at mapanatili itong masinop? Kung oo, sino ang gagawa nito? Iniaatas ng ilang magulang ang gayong mga trabaho sa mga anak, anupat naghahali-halili sila sa paggawa nito.
Kung gayon, gumawa ng mahusay na programa ng pagmamantini sa inyong tahanan. Ikaw man ang mismong naglilinis o katulong mo ang iyong pamilya o kaya ay kailangan kang umupa ng tutulong sa iyo, mahalagang magkaroon ng espesipikong programa. Isang ina na napananatiling napakaayos ng kaniyang tahanan ang nagsabi sa amin kung paano nagtutulungan ang buong pamilya upang mapanatili itong malinis: “Pinaghati-hatian namin ng aking tatlong anak na babae ang gawaing-bahay. Si Norma Adriana ang tagalinis ng salas, dalawang silid-tulugan, patyo, at ng harapan ng bahay. Si Ana Joaquina naman ang tagaasikaso ng kusina. Ako ang tagalaba ng mga damit at tagaasikaso ng iba pang mga bagay, samantalang si María del Carmen naman ang tagahugas ng mga pinggan.”
Kaayaayang Hitsura ng Labas ng Bahay
Kumusta naman ang labas ng bahay? Nakatira ka man sa isang mansiyon o sa napakasimpleng tahanan, kailangan ang programa ng paglilinis at pagmamantini sa labas ng bahay. Halimbawa, maaaring masira ang isang bisagra ng tarangkahan sa bakod ng bahay. Alam mo kung gaano kapangit tingnan ang tarangkahan kung hahayaan itong sira hanggang sa malaglag na. Gayundin kapangit tingnan kung hahayaang nakatambak ang basura sa pasukan ng bahay o sa katabing bangketa. Isa pa, kung minsan ay hinahayaan ang mga lata, kasangkapan, at iba pang bagay na nakatambak na lamang sa labas ng bahay, at maaari itong panirahan ng mga peste.
Ipinasiya ng ilang pamilya na minsan sa isang araw o linggu-linggo, kung kinakailangan, wawalisan at lilinisan nila ang mga lugar sa paligid ng kanilang bahay, lakip na ang bangketa at maging ang kalye sa harapan ng kanilang bahay. Totoo na sa ilang lugar, napakahusay ng sistema ng pamahalaan sa pagpapanatiling malinis ng mga pamayanan, ngunit may mga lugar naman na walang programa ang lokal na pamahalaan. Walang alinlangan, mas gaganda at di-pagmumulan ng sakit ang kapaligirang pinamumuhayan natin kung gagawin nating lahat ang ating bahagi upang mapanatili itong malinis.
Ang ilang pamilya ay hindi lamang gumagawa ng programa na nagsasangkot ng mga gawaing nabanggit kanina kundi isinusulat pa ang mga ito sa papel at ipinapaskil sa dako na maaari itong mabasa at masunod ng pamilya. Maaari itong magkaroon ng napakabubuting resulta. Siyempre pa, hindi namin inilakip ang lahat ng dapat mong malaman tungkol sa paglilinis. Halimbawa, kailangan kang magpasiya kung aling mga produktong panlinis ang pinakaangkop sa inyong pamayanan at aling mga kasangkapan ang magagamit mo ayon sa iyong kakayahan sa pananalapi.
Ang maiikling mungkahing ito ay walang-pagsalang magpapaunawa sa buong pamilya na kailangang mantinihin ang inyong tahanan at ang inyong kapaligiran. Tandaan, ang pananatiling malinis ng isang tahanan at ng kapaligiran nito ay nakasalalay, hindi sa iyong kakayahan sa pananalapi, kundi sa iyong mentalidad.
[Kahon sa pahina 20, 21]
Isang Praktikal na Programa sa Paglilinis ng Bahay
Gamitin ang ekstrang espasyo upang idagdag ang iyong sariling mga punto sa talaan ng mga dapat gawin
Mahalagang paalaala: Ang paghahalo ng mga produktong panlinis ay maaaring maging lubhang mapanganib, lalo na ang paghahalo ng bleach at amonya
✔ Araw-araw
❏ Silid-Tulugan: Ayusin ang mga kama at ilagay sa tamang lugar ang mga bagay-bagay
❏ Kusina: Hugasan ang mga pinggan at lababo. Panatilihing walang kalat ang mga patungan at mesa. Walisan o lampasuhin ang sahig kung kinakailangan
❏ Banyo at palikuran: Hugasan ang lababo at inodoro. Ilagay sa tamang lugar ang mga bagay-bagay
❏ Salas at iba pang mga silid: Ilagay sa tamang lugar ang mga bagay-bagay. Linisin sandali ang mga muwebles. Walisan, lampasuhin, o i-vacuum ang sahig kung kinakailangan
❏ Buong bahay: Itapon nang wasto ang basura
✔ Lingguhan
❏ Silid-Tulugan: Palitan ang sapin ng kama. Walisan, lampasuhin, o i-vacuum ang sahig kung kinakailangan. Punasan ang alikabok sa muwebles
❏ Kusina: Linisin ang kalan, patungan ng mga kagamitan, at nakapirmeng mga kagamitan sa lababo. Lampasuhin ang sahig
❏ Banyo at palikuran: Hugasan ang mga dingding ng paliguan at ang lahat ng kagamitang nakakabit doon. Linisin ang palikuran, kabinet, at iba pa gamit ang pandisimpekta. Palitan ang mga tuwalya. Walisan o lampasuhin ang sahig
✔ Buwanan
❏ Banyo at palikuran: Hugasan nang husto ang lahat ng dingding
❏ Buong bahay: Linisin ang mga hamba ng mga pintuan. I-vacuum o linisin nang husto ang mga kutson
❏ Hardin, looban, garahe: Walisan at linisin kung kinakailangan. Iwasang magtambak ng basura o di-kinakailangang mga bagay
✔ Tuwing Ikaanim na Buwan
❏ Silid-Tulugan: Linisin ang mga kubrekama ayon sa mga tagubilin ng tagagawa
❏ Kusina: Alisin ang laman at linisin nang husto ang repridyeretor
❏ Banyo at palikuran: Alisin ang laman at linisin ang mga salansanan at drower. Itapon ang mga bagay na di-kinakailangan o wala nang bisa
❏ Buong bahay: Linisin ang mga ilaw, bentilador, at anumang ilaw. Linisin ang mga pintuan. Hugasan ang mga iskrin, bintana, at mga hamba ng bintana
✔ Taunan
❏ Silid-Tulugan: Alisin ang laman at linisin nang husto ang mga lagayan ng damit. Idispatsa ang di-kinakailangang mga bagay. Labhan ang mga kumot. I-vacuum o pagpagin nang husto ang mga kutson. Linisin ang mga unan ayon sa mga tagubilin ng tagagawa
❏ Kusina: Alisin ang laman at linisin nang husto ang mga salansanan, paminggalan, at mga drower. Itapon ang di-kinakailangang mga bagay. Iurong ang mga kagamitan para malinis mo ang pinagpapatungan nito o ang sahig sa ilalim nito
❏ Buong bahay: Hugasan ang lahat ng dingding. Linisin ang mga kutson at labhan ang mga kurtina ayon sa mga tagubilin ng tagagawa
❏ Garahe o mga bodega: Walisang mabuti. Ayusin o idispatsa ang di-kinakailangang mga bagay
[Mga larawan sa pahina 22]
“May lugar para sa lahat ng bagay at lahat ng bagay sa tamang lugar”
[Mga larawan sa pahina 22]
Makabubuting ipamigay na lamang ang mga bagay na hindi mo na ginagamit