Bakit Nang-uumit sa Tindahan ang mga Tao?
“Hindi ko ito itinuturing na pagnanakaw, itinuturing ko itong isang lubhang kinakailangang pagbabahagi ng kabuhayan.”—ISANG PARI NG CHURCH OF ENGLAND.
KUNG totoo man ang mga alamat, nabigyang-katuwiran ni Robin Hood ang pagnanakaw. Ayon sa alamat ng mga taga-Inglatera, nagnanakaw siya sa mayayaman upang makapagbigay sa mahihirap. Naniniwala rin ang klerigo na sinipi sa itaas na ang karukhaan ay isang makatuwirang dahilan upang magnakaw. Ganito ang sabi niya hinggil sa mga mang-uumit: “Malaki ang simpatiya ko sa kanila, sa katunayan, sa palagay ko’y ganap silang maipagmamatuwid.” Iminumungkahi niyang buksan ng malalaking tindahan ang kanilang pintuan para sa mahihirap sa loob ng isang araw sa isang taon at pahintulutan silang kunin nang walang bayad ang anumang nasa istante.
Gayunman, hindi karukhaan ang dahilan ng pagnanakaw ng maraming mang-uumit. Sa Hapon, inaresto ng pulisya ang dalawa sa kanilang kapuwa pulis dahil sa pang-uumit. Sa Estados Unidos, isang board member ng di-pinagkakakitaang kooperatiba sa pagkain ang nahuling nagnanakaw sa tindahan ng kooperatiba. Ang mga tin-edyer na may pera naman ay kadalasang nagnanakaw ng mga bagay na hindi nila kailangan. Ano ang nag-uudyok sa mga taong ito na mang-umit?
‘Ang Sarap ng Pakiramdam’
Pananabik. Takot. Kakayahan. Gaya ng dalawang tin-edyer na binanggit sa naunang artikulo, ang ilan na nang-uumit ay nalilipos ng gayong mga pakiramdam, at ang pagnanais na maranasan ang silakbo ng gayong damdamin ang nag-uudyok sa kanila na paulit-ulit na magnakaw. Pagkatapos magnakaw sa kauna-unahang pagkakataon, ganito ang sinabi ng isang babae hinggil sa naramdaman niya: “Tuwang-tuwa ako. Nakalusot ako at nakakakilig ito!” Pagkatapos magnakaw nang ilang panahon, ganito ang sinabi niya nang dakong huli: “Nahihiya ako sa aking sarili—pero tuwang-tuwa rin ako. Buháy na buháy ang pakiramdam ko. Masiglang-masigla ako kapag nakapagnakaw ako nang hindi nahuhuli.”
Sinabi ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Hector na sa loob ng maraming buwan pagkatapos siyang huminto sa pang-uumit, nakaramdam siya ng pagnanasang magnakaw muli.a “Hindi ito maalis-alis sa aking isip gaya ng pagkasugapa. Kapag nasa mall ako at nakakakita ng isang radyo na nakadispley sa tindahan, naiisip ko, ‘Napakadaling kunin nito. Makukuha ko ito nang hindi nahuhuli.’ ”
Ang ilan na nang-uumit para lamang sa katuwaan ay hindi naman interesado sa mga ninanakaw nila. Ganito ang sinabi ng isang pahayagan sa India: “Sinasabi ng mga sikologo na ang pananabik na gumawa ng bawal ang nag-uudyok sa mga taong ito. . . . Isinasauli pa nga ng iba ang ninakaw nilang mga paninda.”
Iba Pang mga Dahilan
Sampu-sampung milyon katao ang dumaranas ng depresyon. Kung minsan, inilalabas ng mga dumaranas ng depresyon ang kanilang negatibong damdamin sa pamamagitan ng masasamang paggawi—gaya ng pang-uumit.
Matatag at mariwasa ang pamilya ng isang babaing 14 na taóng gulang. Sa kabila ng kaniyang mga kaalwanan, ang pagkadama ng kawalang-pag-asa ay “parang ulap” na bumabalot sa tin-edyer na ito. “Hindi maalis-alis ang damdaming ito,” ang sabi niya. Natuto siyang uminom ng alak at gumamit ng droga. Isang araw, nahuli siyang nang-uumit. Pagkatapos, dalawang beses siyang nagtangkang magpatiwakal.
Kung bigla-bigla na lamang nang-umit ang isang mabait na kabataan, maaaring isaalang-alang ng mga magulang ang posibilidad na may emosyonal na problema ang kanilang anak. Ganito ang sinabi ni Dr. Richard MacKenzie, na nagpakadalubhasa sa kalusugan ng mga tin-edyer: “Naniniwala ako na anumang paggawing hindi likas sa inyong anak ay dapat ipagpalagay na sanhi ng depresyon maliban na lamang kung mapatunayang may ibang dahilan.”
Ang ilang kabataan ay nang-uumit dahil sa panggigipit ng mga kasamahan—baka kailangan niyang gawin ang gayong pagnanakaw upang tanggapin siya sa isang barkadahan. Ang iba naman ay maaaring nang-uumit upang maibsan ang pagkabagot. Nabubuhay sa pagnanakaw ang propesyonal na mga mang-uumit. Anuman ang dahilan, milyun-milyong dolyar ang halaga ng mga panindang inuumit ng mga magnanakaw sa mga tindahan araw-araw. Kailangang may magbayad nito.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito.
[Kahon sa pahina 5]
KLEPTOMANIA
“Tin-edyer pa lamang ako,” ang sabi ni Maria, “may problema na ako sa pang-uumit. Tumindi nang tumindi ang pagnanasang ito hanggang sa umabot na ng $500 ang aking ninanakaw sa isang araw.
“Ayaw ko talagang magnakaw, ngunit pinangingibabawan ako ng pagnanasang ito. Gustung-gusto ko nang magbago.” Yamang napakahirap kontrolin ng kaniyang pagnanasang magnakaw, iniisip ni Maria na ang problema niya ay kleptomania.
Ang salitang kleptomania ay nangangahulugang “paulit-ulit at di-mapigil na pagnanasang magnakaw lalo na kung hindi naman kabuhayan ang dahilan nito.” Yamang hindi ito simpleng pagkagumon lamang, lumilitaw na sanhi ito ng malalim na emosyonal na mga problema.
May ilan na basta na lamang tinatawag na kleptomaniac yaong mga nakagawian na ang pagnanakaw, subalit naniniwala ang mga doktor na bihira lamang ang tunay na kleptomaniac. Ayon sa American Psychiatric Association, wala pang 5 porsiyento ng mga mang-uumit ang may gayong karamdaman. Kaya mag-isip-isip muna bago iugnay sa kleptomania ang pang-uumit. Maaaring may iba pang dahilan kung bakit nagnanakaw ang isang tao.
[Larawan sa pahina 5]
Sinisikap unawain ng mapagmalasakit na mga magulang kung bakit nang-uumit ang isang anak