Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/22 p. 9-10
  • Kung Paano Makahihinto sa Pang-uumit sa Tindahan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Makahihinto sa Pang-uumit sa Tindahan
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pantulong Upang Iwasto ang Pag-iisip
  • Magwawakas Na Rin ang Pang-uumit
  • Pang-uumit sa Tindahan—Pinagbabayaran Nino?
    Gumising!—2005
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Bakit Nang-uumit sa Tindahan ang mga Tao?
    Gumising!—2005
  • Pagnanakaw—Bakit Hindi Dapat?
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/22 p. 9-10

Kung Paano Makahihinto sa Pang-uumit sa Tindahan

“Hindi lamang ikaw ang may problema kung paano mababawasan ang pagnanakaw, problema ito ng buong komunidad; makikinabang ang lahat kapag napatigil ang pagnanakaw.”​—“EVERY RETAILER’S GUIDE TO LOSS PREVENTION.”

ANG pang-uumit, gaya rin ng iba pang masasamang gawain, ay nakaiimpluwensiya sa pag-iisip ng isang tao, anupat inuudyukan siyang ipagmatuwid ang kaniyang sarili. Kaya, kung paanong binubunot ng isang hardinero ang ugat ng mga panirang-damo, kailangan ding bunutin ng mga taong nais tumigil sa pang-uumit ang masamang kaisipan. ‘Baguhin ang inyong pag-iisip,’ ang paalaala ng Bibliya sa Roma 12:2. At sa 1 Pedro 1:14, ipinapayo nito: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay.” Ang sumusunod na limang punto ay makatutulong sa isang mang-uumit na baguhin ang kaniyang pananaw hinggil sa pagnanakaw.

Mga Pantulong Upang Iwasto ang Pag-iisip

◼ Una, ang pang-uumit ay labag sa batas. Ang pagnanakaw ay maaaring pangkaraniwan na sa kanilang lugar, at maaaring nalulusutan naman niya ito; subalit lumalabag pa rin sa batas ang isang mang-uumit sa tindahan.​—Roma 13:1.

Ano ang nangyayari kapag marami ang lumalabag sa batas, o kautusan? Ayon sa Bibliya, “ang kautusan ay nagiging manhid.” (Habakuk 1:3, 4) Sa ibang pananalita, nawawalan ng halaga ang mga limitasyong itinatakda ng batas, na nagbubunga naman ng pagkasira ng kaayusang pampamayanan. Sa tuwing mang-uumit ang isang tao, pinahihina niya ang pundasyon ng isang lipunang masunurin sa batas. Kapag nangyari iyon, apektado ang lahat.

◼ Ikalawa, ang pang-uumit sa tindahan ay sumisira ng pagtitiwala. Ang gayong pandaraya ay unti-unting sumisira sa ugnayan ng mga tao, anupat nahihirapan silang umunawa at makitungo sa isa’t isa nang walang pagtatangi.​—Kawikaan 16:28.

“Ang pinakamalaking pagkakamali ko ay ang labis na pagtitiwala.” Ganiyan ang sinabi ng isang may-ari ng tindahan ng damit matapos siyang mabangkarote dahil sa mga magnanakaw. Nagtiwala siya noon na hindi siya nanakawan ng kaniyang mga kostumer at empleado. Nadarama niya ngayon na nagkamali siya ng pinagtiwalaan.

Maaaring magsinungaling ang isang tao sa iba at sa gayo’y bumaba ang tingin sa kaniya ng isang iyon. Subalit dahil sa mga mang-uumit ay napagdududahan tuloy ang lahat ng pumapasok sa tindahan na kasunod nila. Dahil sa kanila, napaghihinalaan na ring magnanakaw pati ang matatapat na tao. May karapatan ba ang sinuman na gawin iyon?

◼ Ikatlo, maaaring humantong sa mas malulubhang krimen ang pang-uumit sa tindahan. Sa kalaunan, mas mapanganib na mga bagay na ang gagawin ng mga mang-uumit.​—2 Timoteo 3:13.

Magwawakas Na Rin ang Pang-uumit

◼ Ikaapat, at ang pinakamahalaga, ang isang mang-uumit ay sumasalungat sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sinasabi sa kaniyang Salita na “huwag nang magnakaw pa” ang mga magnanakaw, at nagbababala ito na hahatulan yaong mga sumasalansang sa Kaniya. (Efeso 4:28; Awit 37:9, 17, 20) Subalit pinatatawad ni Jehova ang mga magnanakaw na nagbabago. Makasusumpong sila ng kapayapaan sa Diyos.​—Kawikaan 1:33.

◼ Ikalima, ang pang-uumit, gaya ng lahat ng iba pang krimen, ay magiging bahagi na lamang ng nakalipas. Kapag lubusan nang pinamahalaan ng Kaharian ng Diyos ang lupa gaya ng ipinangako sa Bibliya, pakikitunguhan ng mga tao ang isa’t isa nang may integridad at pagkamatapat. Nangangahulugan ito ng kaginhawahan mula sa nakapipinsalang mga epekto ng pang-uumit.​—Kawikaan 2:21, 22; Mikas 4:4.

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

DI-MAGASTOS NA MGA PAMAMARAAN UPANG HINDI MANAKAWAN

Maaaring hindi kaya ng ilang maliliit na negosyo na bumili ng mamahaling mga sistemang panseguridad. Pero hindi ito nangangahulugang wala na silang kalaban-laban sa mga mang-uumit. Kadalasan nang mapoproteksiyunan ng mga negosyante ang kanilang mga paninda sa pamamagitan ng ilang simpleng pamamaraan.

Sa publikasyong isinulat ng mga detektib na sina Michael Brough at Derek Brown, idiniin nila na kailangang obserbahan ang mga kostumer: “Manmanan ang bawat isa. . . . Ikaw at ang iyong mga empleado ang siyang pangunahing depensa.” Iminumungkahi nila na lapitan sa ganitong paraan ang isang pinaghihinalaang nang-uumit: “Nakita mo na ba ang hinahanap mo? Pakiiwan na lang ‘yan sa cash register, at ako na ang magpapasok ng halaga niyan.” “Gusto mo bang ako na ang magbalot niyan?” “Kasya ba sa iyo ang sweter na iyan?” “Gusto mo bang ikuha kita ng basket?” Ganito ang sabi ng mga detektib: “Ipinababatid nito sa totoong mga kostumer, pati na sa mga magnanakaw, na napapansin mo sila at na interesado ka sa kanila.”

May kinalaman sa pagiging maayos, ganito ang sinasabi nila: “Panatilihing punô ng istak at masinop ang mga displey ng paninda. Magiging pamilyar ka sa mga paninda kung lagi mong bibigyang-pansin ang mga nakadispley, at miyentras mas masinop ang pagkakadispley, mas madaling mapapansin kung may nagalaw o nawala rito.”​—Every Retailer’s Guide to Loss Prevention.

Ganito ang iminumungkahi ng imbestigador na si Russell Bintliff: “Mas madaling mapansin ng mga empleado ang ginagawa ng mga kostumer kung walang nakahambalang sa mga pasilyo at kung punô ang mga istante. Sa paglalakad sa pasilyo kung saan napansin ang isang kahina-hinalang tao, malalaman ng empleado kung ano ang nawawala at sa gayon, habang nagkukunwaring sinusuri ang istak, makikita niya kung ano ang nasa shopping cart o basket ng mamimili. . . . Alisto sa mga nangyayari ang mga mang-uumit; hindi man lamang mapapansin ng tapat na mga kostumer na pinagmamasdan sila ng empleado [ng tindahan].” Hinggil naman sa pagkakaayos ng pasilyo, ganito ang sabi niya: “Ang pagkakaayos ng pasilyo ay dapat magpahintulot sa mga empleado at [sa may-ari ng tindahan] na mapagmasdang mabuti ang mga kostumer.”​—Crimeproofing Your Business​—301 Low-Cost, No-Cost Ways to Protect Your Office, Store, or Business.

[Larawan sa pahina 9]

Ang pagkamatapat ay nagtataguyod ng pagtitiwala at palakaibigang mga ugnayan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share