Isang Virus na Dapat Ikabahala ng mga Kababaihan
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon makalipas ang isa’t kalahating taon ng pag-aasawa, nagpatingin si Cristinaa sa isang gynecologist, kasali na ang pagpapa-Pap smear. May nakita ang gynecologist na ikinabahala niya at iminungkahi niya kay Cristina na magpa-colposcopy. May nakitang lesion ang doktor sa kuwelyo ng matris at nagsagawa ng biopsy, pagkuha ng sampol mula sa apektadong tisyu upang suriin.
“Pagkalipas ng dalawang linggo,” ang sabi ni Cristina, “kaming mag-asawa ay ipinatawag ng doktor para sabihin ang resulta. Sinabi niya sa amin na ang lesion ay galing sa impeksiyong human papillomavirus at na ito’y malala na. Ipinaliwanag niya na posibleng maging kanser sa kuwelyo ng matris (cervical cancer) ang impeksiyon at na kailangan itong gamutin agad.
“Nang marinig ko ang resulta ng pagsusuri, napaiyak ako. Sobra ang pagkabigla naming mag-asawa. Itinakdang gawin ang isang maliit na operasyon nang sumunod na araw. Lungkot na lungkot at alalang-alala ako nang hapong iyon. Ang tanong ko sa aking sarili, ‘Bakit ako? ’ ”
Matapos mabasa na ang virus ay naililipat sa pagtatalik, hindi maubos-maisip ni Cristina kung bakit siya nagkaroon nito. May paggalang silang mag-asawa sa mataas na pamantayang moral ng Bibliya.
Karaniwang Impeksiyon
Ang totoo, milyun-milyong kababaihan sa daigdig ang nagkakaroon ng human papillomavirus (HPV)—itinuturing na pinakakaraniwang sakit sa buong daigdig na naililipat sa pagtatalik. Ayon sa World Health Organization (WHO), sa impeksiyong ito pangunahing nagsisimula ang kanser sa kuwelyo ng matris.b
Taun-taon, daan-daang libong kaso ng HPV ang nasusuri sa daigdig, at libu-libong kababaihan ang namamatay dahil sa kanser sa kuwelyo ng matris na sanhi ng impeksiyon. Samakatuwid, ang HPV ay isang pangunahing sanhi ng kamatayang dulot ng kanser sa mga kababaihan sa papaunlad na mga bansa. Sa buong daigdig, ang kanser sa kuwelyo ng matris ang pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa matris. Hindi nga kataka-takang tawagin ng WHO ang HPV na “pangglobong problemang pangkalusugan ng publiko”! Ano pa ang dapat nating malaman tungkol sa virus na ito?
Ang human papillomavirus ang pinanggagalingan ng mga wart kapuwa sa mga lalaki at mga babae, pati na ng mga genital wart, na tinatawag na condyloma acuminata. Karaniwan nang benign, o hindi nagiging kanser ang mga ito. Bagaman may mahigit na isandaang uri ng HPV, ilan lamang dito ang nagiging kanser. Yaon lamang nagtatagal na impeksiyon ng ilang uri ng HPV ang nagiging kanser sa kuwelyo ng matris. Samantala, ang karamihan sa mga impeksiyon ng HPV ay kusang nawawala, dahil nadaraig ito ng sistema ng imyunidad ng katawan.
Mga Dahilan ng Panganib
Pangunahin nang nanganganib ang mga kababaihan na maagang nagiging aktibo sa sekso, na nakikipagtalik sa iba’t ibang lalaki, o nakikipagtalik sa lalaking nanggaling na sa iba’t ibang babae. Madalas na yaong lalaking hindi kinakikitaan ng sintomas ang naglilipat ng HPV sa kaniyang kapareha.
Gayunpaman, may mga babaing nagkakaroon din ng ganitong impeksiyon kahit na malinis naman sa moral ang kanilang buhay o hindi man lamang nakaranas makipagtalik kailanman. Halimbawa, ipinakikita ng kamakailang pag-aaral na naililipat pala ang virus sa panahon ng panganganak mula sa ina tungo sa anak o na maaaring nagkakaroon nito ang isang tao mula sa ibang pinagmulan bukod sa ina. Ang sakit ay maaaring lumitaw kahit pagkalipas ng maraming taon matapos mahawa ang isang tao.
Kung Paano Malalamang May Impeksiyon
Kung isa kang babae, marahil ay itatanong mo sa iyong sarili, ‘Paano ko kaya malalaman kung may HPV ako?’ Mahalagang tanong ito dahil karaniwan nang walang sintomas ang sakit na ito. Kung gayon, gaya ng kaso ni Cristina na binanggit sa pasimula, ang pangunahing hakbang ay ang pagpapa-cytological exam sa kuwelyo ng matris, na tinatawag na Pap smear, o Papanicolaou smear.c
Para masuri, gumagamit ang doktor ng pangkayod o brush para kumuha ng kapirasong sampol ng mga selula ng kuwelyo ng matris at ipinadadala ang mga selulang ito sa laboratoryo. Makikita sa pagsusuri kung ang mga selula ay may impeksiyon, pamamaga, o abnormalidad. Iniulat na dahil sa Pap smear, nabawasan ang namamatay sa kanser sa kuwelyo ng matris at ang bilang ng nagkakaroon nito.
Ang sabi ng WHO: “Ang maagang pagkatuklas sa mga lesion na pinagmumulan ng kanser sa pamamagitan ng cytological screening ay malaon na at, malamang, magtatagal pa bilang pangunahing paraan ng pangglobong pagkontrol sa sakit na ito.” Kung hindi masisiyahan sa resulta, gagawin ang colposcopy gamit ang isang aparato na may lente upang maobserbahan ang apektadong bahagi. Sa tulong nito, matitiyak kung mayroon ngang lesion. Kung mayroon, iba-biopsy ito at sisimulan na ang gamutan.
Sa ngayon, mayroon nang moderno at mas tumpak na pagsusuri sa laboratoryo na nagsasabi kung mayroon ngang ganitong sakit ang isa.
Paggamot at Pag-iwas
May ilang panggagamot na nakasusugpo sa impeksiyon ng HPV. May mga pamahid na ginagamit ang mga espesyalista. Ang ilan sa mga ito ay pumapatay sa mga selulang may virus, at ang iba naman ay nagpapalakas sa sistema ng imyunidad. May mga paraan naman na inaalis ang bahaging apektado o may impeksiyon sa pamamagitan ng electrosurgery, laser surgery, o cryosurgery. Subalit, sa halip na magpagamot, mas makabubuti kung maiiwasan ang impeksiyon. Paano kaya ito magagawa?
Mahigit dalawang taon lamang ang nakalilipas, isang simposyum ang ginanap sa Mexico City na may paksang “Kanser at HPV sa Kuwelyo ng Matris sa Bagong Milenyo.” Ipinayo ni Dr. V. Cecil Wright, ang panauhing lektiyurer na taga-Canada at eksperto sa HPV: “Huwag makipagtalik hangga’t hindi kasal.” Sinabi rin ni Dr. Alex Ferenczy, propesor sa pathology sa McGill University sa Montreal, Canada: “Para maiwasan ang kanser sa kuwelyo ng matris . . . , dapat na isa lamang ang asawa.”
Kaya mas malamang na hindi magkaroon ng impeksiyon ng HPV na pinagmumulan ng kanser yaong mga taong namumuhay ayon sa moral na mga simulain sa Bibliya. Dahil ang Bibliya ay humahatol sa pakikipagtalik sa hindi mo asawa, humihimok na maging tapat ang mag-asawa sa isa’t isa, at nagpapayo sa mga Kristiyano na mag-asawa lamang sa isa na sumusunod din sa mga simulaing ito.—1 Corinto 7:39; Hebreo 13:4.
Gayunman, mahalaga rin ang pagkakaroon ng kabatiran, yamang madali namang maiwasan ang HPV. Bukod diyan, sakali mang lumitaw at lumubha ang impeksiyon, matagumpay pa rin itong nagagamot. Sa katunayan, ang WHO ay sumasang-ayon: “Kapag natuklasan agad ang kanser sa kuwelyo ng matris bago pa man lumitaw ang mga sintomas, magagamot pa ito.”
Bukod sa edukasyon sa moralidad, mahalagang malaman ng mga kababaihan ang tungkol sa sakit na ito at maunawaan ang kahalagahan ng regular na pagpapa-Pap smear.d Kapag may nakitang problema, ang isang babae ay kailangang magpagamot. Hinggil sa pagkakaroon ng tamang saloobin sa gayong pagpapagamot, ganito ang sabi ni Dr. Montserrat Flores, espesyalista sa colposcopy: “Kung alam ng isang babae ang laki ng kaniyang problema, maiiwasan niyang magpakalabis sa dalawang magkasalungat na desisyon: ang isa, pagwawalang-bahala sa sakit at hindi pagpapagamot na maaaring mauwi sa kanser, at ang isa naman, mabiktima ng sobrang takot sa kanser at magpaopera agad nang hindi naman kinakailangan.”
Patuloy ang siyensiya sa paghanap ng mas mabibisa at abot-kayang paraan ng pagtuklas sa HPV. Karagdagan pa, kasalukuyan nang gumagawa ng mga bakuna upang maiwasan ang impeksiyon at magamot ito.
Bagaman mabuti naman ang resulta ng huling pagsusuri kay Cristina, nagpapa-colposcopy pa rin siya tuwing anim na buwan. Matapos maunawaan nang husto ang kaniyang karamdaman, nasabi niya: “Kahit na may HPV tayo, malaki pa rin ang magagawa natin para manatiling malusog.”
[Mga talababa]
a Binago ang pangalan.
b Ang kuwelyo ng matris ay ang nasa ibaba at makitid na bahagi sa pagitan ng vagina at ng matris, o bahay-bata, ng babae.
c Isinunod sa pangalan ng Griegong doktor na si George N. Papanicolaou, na nagdisenyo ng paraan ng paglalagay ng kulay sa bahid ng mga selula para maobserbahan ito.
d Ayon sa National Cancer Institute ng Estados Unidos, ang mga pagsusuring ito ay dapat pasimulan sa edad na 18 o sa pagsisimula ng seksuwal na gawain.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Hakbang na Matalinong Gawin ng mga Kababaihan
Ang mga babae ay dapat na regular na magpa-Pap smear, hindi sila dapat manigarilyo, at dapat silang kumain ng nakapagpapalusog na pagkain. Kabilang dito ang mga pagkaing sagana sa gulay, prutas, at cereal. Iminungkahi ng ilang pag-aaral na ang carotene, bitamina A, C, at E, at folic acid ay maaaring makabawas sa posibilidad na magkaroon ng kanser sa kuwelyo ng matris.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Nakamamatay na Virus
Ang human papillomavirus (HPV), itinuturing na pinakakaraniwang sakit sa buong daigdig na naililipat sa pagtatalik, ang pangunahing pinagmumulan ng kanser sa kuwelyo ng matris sa papaunlad na mga bansa. Sa buong daigdig, ang kanser sa kuwelyo ng matris naman ang pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa matris.
[Credit Line]
© Science VU/NCI/Visuals Unlimited
[Larawan sa pahina 23]
Si Dr. George Papanicolaou, na nagpasimula ng “Pap smear”