Pagmamasid sa Daigdig
Mga Suplementong Bitamina at ang Kanser
Ipinahihiwatig ng isang pagrerepaso sa 14 na pag-aaral sa 170,000 katao na ang mga suplementong bitamina ay hindi nakapagbibigay ng proteksiyon laban sa kanser sa lalamunan, sikmura, atay, bituka, at lapay. Ayon sa magasin sa medisina na Deutsches Ärzteblatt, ang antioxidant na mga suplementong beta carotene at mga bitamina A, C, at E ay hindi lamang walang kapaki-pakinabang na epekto kundi maaari pa ngang bahagyang makaragdag sa panganib na magkaroon ng kanser. Ganito ang paliwanag ni Dr. Richard Sullivan ng Cancer Research UK: “Walang mabilisan at madaling mga paraan upang maiwasan ang kanser sa kolon. Kung umiinom ka ng mga bitamina upang protektahan ang iyong sarili laban sa sakit, inaaksaya mo lamang ang iyong pera.” Sinabi pa niya: “Ang pinakamainam na paraan upang mabawasan ang panganib ay kumain ng nakapagpapalusog na pagkain at huwag manigarilyo.”
Nababahala Ka ba sa mga Mikrobyo?
“Ang imposibleng pangarap na magkaroon ng isang tahanang walang mikrobyo ay hindi lamang kakatwa, kundi wala ring saysay,” ang sabi ng isang artikulo sa The New York Times. “Malibang nakatira kasama mo sa isang bahay ang isa na napakatanda na, napakabata (wala pang 6 na buwan) o isa na may sakit, ang ilang daang baktirya sa ibabaw ng mesa, hawakan ng pinto o kutsara ay hindi banta” sa iyong kalusugan. Totoo, ang madaling mapanis na pagkaing iniwan sa ibabaw ng mesa sa loob ng ilang oras ay maaaring magkaroon ng baktirya at maging sanhi ng pagkalason sa pagkain. Upang hindi ito mangyari, ilagay sa repridyeretor ang pagkaing madaling mapanis. Kung tungkol naman sa pag-iingat ng iyong sarili mula sa baktirya, hindi kailangang gumamit ng mga produktong panlaban sa baktirya. “Maghugas lamang ng iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig nang ilang beses sa isang araw, at wala nang iba,” ang sabi ng pahayagan.
Nawawalan ng Tiwala
“Ang karamihan sa mga Kastila ay may kaunti o walang pagtitiwala sa karamihan ng mga institusyong umuugit sa kanilang buhay,” ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Ayon sa Center for Sociological Research, mahigit lamang sa kalahati ng 2,500 katao na tinanong ang nagsabing hindi sila nagtitiwala sa gobyerno, 56.2 porsiyento ang hindi nagtitiwala sa mga bangko, at 57.7 porsiyento ang walang tiwala sa mga unyon ng manggagawa. Sa isang lupaing halos 75 porsiyento ng populasyon ay nag-aangking Katoliko, sinabi ng mahigit sa 61 porsiyento na sila ay may “kaunti o walang tiwala sa Simbahang Katoliko.” Sa pagkokomento rito, ganito ang sinabi ng isang editoryal sa pahayagang Diario 16: “Maliwanag na itinuturing ng karamihan sa mga Kastila na sila ay Katoliko, subalit hindi isinasagawa ng karamihan ang relihiyong ito ni tinatanggap man ang mga paniniwala nito.”
Nakapagpapatalas ng Memorya ang Pagbabasa
Paano mo mapasusulong ang iyong memorya? “Huwag kang umasa ng himala,” ang sabi ng Folha Online ng Brazil. “Ang susi ay pagtrabahuhin mo ang iyong utak.” Ang isa sa pinakamainam na mga paraan upang pasiglahin ang iyong utak ay ang pagbabasa. Paano nagkagayon? Ganito ang sabi ng neurologong si Ivan Izquierdo: “Sa sandaling mabasa ng isang tao ang salitang ‘punungkahoy,’ napakabilis na nagdaraan sa isipan niya ang lahat ng mga punungkahoy na nalalaman niya sa kaniyang buong buhay.” Ayon kay Izquierdo, “ang lahat ng ito ay nangyayari nang hindi mo namamalayan.” Naniniwala siya na dahil sa ganitong uri ng gawain ng isipan, ang ating utak ay hindi gaanong maaapektuhan ng sakit na gaya ng Alzheimer’s disease. Ganito ang sinabi ng neurologong si Wagner Gattaz, ng Research Center for Memory Disorders, sa São Paulo, Brazil: “Miyentras ginagamit natin ang ating memorya, lalo itong naiingatan.”
Dumaraming mga Text Message
“Sa buong daigdig, mahigit sa 360 bilyong text message ang ipinadadala taun-taon,” ang ulat ng International Herald Tribune. “Katumbas iyan ng humigit-kumulang isang bilyong [text message] araw-araw.” Lalo pang nagiging kapaki-pakinabang ang short message service o SMS. Parami nang paraming kompanya ang nagpapadala ng mga text message sa mga cell phone ng potensiyal na mga kliyente upang ibenta ang kanilang mga produkto. Halimbawa, maaari na ngayong tumanggap ang mga sumususkribe rito ng mga panalangin ng papa sa kanilang mga cell phone. Ang mga pulis sa Netherlands ay nagpapadala ng mga SMS sa ninakaw na mga cell phone upang babalaan ang mga taong posibleng bumili nito na ito ay nakaw na cell phone. At sa ilang bansa kung saan ipinahihintulot ng relihiyosong batas ang diborsiyo, maaaring diborsiyuhin ng lalaki ang kaniyang asawa pagkatapos ipahayag nang tatlong beses na “Dinidiborsiyo kita” sa pamamagitan ng SMS.
Paggamit ng Internet sa Netherlands
“Isa sa bawat 5 bata na nasa pagitan ng edad 11 at 12 ang niligalig ng seksuwal na mga komento ng isang taong di-kilala samantalang nakikipag-chat sa Internet,” ang sabi ng isang pagsusuri na iniulat sa pahayagang Algemeen Dagblad ng Netherlands. Ayon sa mga talatanungan na ipinamahagi sa 660 magulang at 220 bata na nasa pagitan ng edad 8 at 12, mahigit sa kalahati ng mga bata na gumagamit ng Internet ay nagkaroon ng paminsan-minsang “di-kaayaayang karanasan” dahil sa “nakayayamot na mga sulat (spam [di-hinihiling na mga anunsiyo sa E-mail])” o ng pornograpikong mga larawan o iba pang di-angkop na impormasyon. Inireport ito ng karamihan ng mga bata sa kani-kanilang magulang. Binanggit pa ng pagsusuri na 8 sa 10 magulang ang nag-aalala hinggil sa mga panganib na maaaring mapaharap sa kanilang anak sa paggamit ng Internet, na halos kalahati ng mga magulang ang nagsabing gusto nilang bigyan ng mahigpit na pangangasiwa ang kanilang mga anak sa paggamit ng Internet, na 60 porsiyento sa mga magulang ang naglagay ng kanilang computer sa sala upang masubaybayan ang kanilang mga anak, at na halos isang oras sa isang araw ang katamtamang paggamit ng mga bata sa paglalaro ng mga laro sa Internet, pagpapadala ng e-mail, at pakikipag-chat.
Ang Payo na Mas Gusto Nila
“Natuklasan sa isang surbey na mas gusto ng halos dalawang-katlo ng mga direktor ng kilaláng mga kompanya ang payo ng kanilang mga asawa kaysa sa payo ng iba pang board member o ng kanilang katrabaho kapag napapaharap sa mabibigat na problema sa trabaho,” ang isiniwalat ng The Times ng London. Sinabi ni Bob Arnold, may-ari ng consulting firm na tumustos sa pananaliksik, na ang hinahanap ng mga lider ng negosyo sa kanilang tagapayo ay, hindi ang kahusayan, kundi ang pagtitiwala. Ganito ang paliwanag niya: “Sabihin pa, ang pagiging independiyente, pagkamakatuwiran at karanasan ang mga katangiang hinahanap sa mga tagapayo ng mga board member,” subalit yamang ang pagtitiwala ang pinakaimportante, mas tinatanggap nila ang payo ng kanilang mga asawang babae.
Nakikini-kinita ang Paglaho ng mga Tseke
“Sa susunod na salinlahi, malamang na maging bihira na ang mga tseke,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Lubhang nabawasan ang pagbabayad sa pamamagitan ng tseke mula nang dumating ang “mas mura at mas mabilis na mga alternatibo sa pagbabayad na gaya ng mga credit card, debit card, at pagbabangko sa pamamagitan ng Internet.” Ang iba pang dahilan ay ang pagbabayad sa pamamagitan ng tuwirang pagdedeposito sa account ng pinagkakautangan at awtomatik na pagbabayad ng utang, kung saan pinahihintulutan ng mga kostumer ang mga pinagkakautangan na kunin ang mga pondo sa kanilang salapi sa bangko upang bayaran ang lumilitaw na mga bayarin. Sinasabi ng industriya ng pagbabangko na proteksiyon laban sa pagnanakaw ng pagkakakilanlan ang pag-aalis ng mga tsekeng papel. Gayunman, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang kostumer at mga eksperto hinggil sa pandaraya na ang paggamit ng mga tseke sa pamamagitan ng Internet ay maaaring humantong sa higit na panghihimasok sa personal na buhay at mapandayang mga pakana.