Pagmamasid sa Daigdig
Maling Paniniwala Tungkol sa Paglago ng Buhok
“Ang paggupit o pag-ahit sa iyong buhok ay hindi nakaaapekto sa bilis ng paglago, dulas o kapal nito,” ang sabi ng artikulong pangkalusugan sa The New York Times. Maraming taon nang umiiral ang maling paniniwalang mas mabilis lalago at mas kakapal ang buhok kapag ginupit o inahit ito. Gayunman, ipinakikita ng paulit-ulit na mga pag-aaral mula noong dekada ng 1920 na “ang haba, dulas at gaspang ng iyong buhok ay itinatakda ng henetika at mga antas ng hormon, at hindi ng dalas ng iyong pag-ahit,” ang sabi ng artikulo. Bakit umiiral pa rin ang maling paniniwalang ito? Marahil sapagkat maraming tao ang nag-aahit na mula pa sa pagkabata, sa panahong hindi pa sumasapit sa pinakamabilis na antas ng paglago ang buhok at hindi pa gaanong matingkad ang kulay nito. Isa pa, “mas matingkad ang kulay at mas matigas ang buhok sa puno nito, kaya kapag ginupit ang dulo ng buhok ay nagmumukha itong mas magaspang,” ang sabi ng Times. “Ang paglago ng magaspang na buhok pagkatapos mag-ahit ay maaaring mas kapansin-pansin din kaysa sa paglago ng gayundin karaming buhok na dati nang mahaba.”
Mag-ingat sa Maiingay na Laruan
“Nakapipinsala sa pandinig ng mga bata ang maiingay na laruan,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star. Pagkatapos suriin ang “40 laruan para sa mga bata na wala pang tatlong taóng gulang,” natuklasan ng isang pangkat ng mga eksperto sa pandinig sa Canada na “gayon na lamang kaingay ang di-kukulangin sa 25 laruan anupat sapat para mapinsala nito ang mga tainga ng bata,” ang sabi ng pahayagan. Isang laruang cell phone ang naitalang may pinakamataas na antas ng tunog na 115 decibel. Ayon sa dalubhasa sa pandinig na si Richard Larocque, ang ganitong antas ng tunog ay “mas mababa kaysa sa eroplanong jet ngunit mas maingay kaysa sa karamihan ng mga disco.” Ang kasalukuyang pamantayan na pinahihintulutan ng Health Canada ay 100 decibel. Iminumungkahi ng pag-aaral na “ang pamantayang 87 decibel para sa pagkahantad nang 30 minuto ay mas makapagbibigay ng proteksiyon sa pandinig,” ang sabi ng artikulo.
Pagharap sa Hamon ng mga Miting
Napapansin ng maraming kompanya ang pangangailangan na panatilihing maikli ang mga miting sa negosyo at ikansela pa nga ang di-kinakailangang mga miting, ang ulat ng The New York Times. Kaya upang maiwasan ang pag-aaksaya ng panahon sa mga miting, ang ilang ehekutibo ay gumagamit ng desperadong mga pamamaraang gaya ng mga stopwatch, pito, at di-komportableng mga upuan, gayundin ng pagpapatayo sa mga dumadalo sa miting sa halip na paupuin sila. Lumilitaw na hindi lamang ang mga ehekutibo ang may ganitong pananaw. Sa isang surbey sa mahigit na 600 manggagawa, “ang pagkatagal-tagal na mga miting” ang nauna sa talaan ng mga umaaksaya ng panahon. Iminumungkahi ni Patti Hathaway, awtor ng aklat na nagpapayo hinggil sa pagharap sa mga situwasyon sa trabaho, na tingnan muna ng mga ehekutibo ang mga pag-uusapan upang makapagpasiya kung kailangan talaga ang miting. Kung ang layunin lamang ng miting ay ipaalam ang impormasyon, pag-isipan kung ang impormasyon ay maaari na lamang ipadala sa e-mail.
Punlaan sa Ilalim ng Lupa
“Ang isang maumidong minahan ay tamang-tamang kapaligiran sa pagpapasibol ng puno. Una, may di-nagbabagong umido ito at init na geothermal na 25C sa loob ng buong taon,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star. Mula 1986, tahimik na nagpapatakbo ng isang punlaan sa ilalim ng lupa ang Inco Limited, isang kompanya ng minahan at metal. Sa lalim na 1,400 metro ng minahan nitong Creighton, na malapit na Sudbury, Canada, ang punlaan ay nagpapasibol ng 50,000 punla sa bawat kapanahunan. Ang mga tangkeng imbakan na may orasan ang dumidilig sa maliliit na puno ng 2,000 litro ng pataba at tubig bawat araw. Upang tularan ang epekto ng araw, tatlumpung tig-1,000 watt ng bombilya ang “nakabukas nang 24 na oras bawat araw sa unang linggo, at pagkatapos 18 oras na nakabukas at 6 na oras na nakapatay sa loob ng tatlong linggo at pagkatapos ay 12 oras na nakabukas at nakapatay—tulad sa labas—sa natitira pang panahon,” ang sabi ng pahayagan. Ang kapanahunan ng pagpapasibol ay nagsisimula sa dulo ng Enero, at pagsapit ng dulo ng Mayo ang mga punla na red pine at jack pine ay maaari nang itanim sa palibot ng lupang pag-aari ng kompanya ng minahan. Ang ilang maliliit pang puno ay iniaabuloy rin sa mga grupong pangkomunidad.
Pinagagaan ng Paghahalaman ang mga Epekto ng Istrok
“Ang paghahalaman ang pinakanakapagpapasigla sa buhay ng mga tao pagkatapos maistrok,” ang ulat ng pahayagang Gießener Allgemeine ng Alemanya. Anim na buwan pagkalabas sa rehabilitasyon, ang 70 pasyente na naistrok ay tinanong kung anong mga gawain ang nakapagdulot sa kanila ng pagkakontento. Iminungkahi ang mga gawaing tulad ng gawaing-bahay, pamimili, pagluluto, pagbabasa, paglalakad, pagmamaneho, pagtatrabaho, at ilan pang libangan na may pakikisalamuha sa ibang tao. Subalit ang paghahalaman lamang ang tanging gawaing binanggit na nakapagdudulot ng higit na pagkakontento sa buhay. Ayon sa isang occupational therapist na si Brigitte Oberauer, ang paghahalaman ay “nakatutulong upang maging mas madali para sa mga pasyenteng naistrok na magtuon ng atensiyon sa ilang bagay at patuloy na magtutok ng pansin. Ginagawa nitong abala ang mga pandamdam at naghahatid ng mensahe na may sumisibol na bagong mga bagay at nagpapatuloy ang buhay. Mahalagang mensahe ito pagkatapos ng isang malubhang sakit.” Ang pagtatrabaho sa labas ay nakapag-aalis din ng pagkabagot sa pananatiling mag-isa sa loob ng bahay, nakapagpapalakas sa kakayahang kumilos, at nagsasanay sa panimbang ng isa.
Nagbabantang Krisis sa Pangangalaga sa mga May-edad Na
“Kung hindi mo itataas ang mga pamantayan ng pamumuhay ngayon at hindi ka magsasaayos ng isang uri ng seguridad para sa mga may-edad na, makikita mo sa 2030 o 2040 ang isang pagkalaki-laking krisis sa pagkakawanggawa,” ang babala ni Richard Jackson, direktor ng Global Aging Initiative sa Washington, D.C. Ayon sa internasyonal na edisyon ng The Miami Herald, nagkaroon ng “labis na pagdami ng mga may-edad na” sa buong daigdig dahil sa mas mahabang buhay at mas kaunting pag-aanak. Halimbawa, inaasahang darami ang mga may-edad na sa Mexico mula sa 5 porsiyento tungo sa 20 porsiyento pagsapit ng 2050. Gayon din ang bilis ng pagdami ng populasyon ng mga may-edad na sa maraming papaunlad na mga bansa, gaya ng Tsina, kung saan inaasahang magkakaroon ng 332 milyong may-edad na pagsapit ng kalagitnaan ng siglo. Ngayon ay “naghahabol na ng oras” para makapaglaan ng “pagkalaki-laking mga serbisyong panlipunan” na kinakailangan para sa mga may-edad na, ang sabi ng artikulo.
Pantahanang Lunas Para sa mga Bata?
Naging kaugalian na sa Brazil at sa iba pang mga bansa ang walang-patumanggang paggamit ng mga gamot para sa mga bata, ang ulat ng Folha Online. Maraming pamilya ang may nakahandang istak ng mga gamot sa kanilang tahanan. Subalit “salungat sa inaakala ng maraming tao, kahit ang mga gamot na nabibili nang walang reseta ay maaaring magdulot ng permanenteng pinsala sa kalusugan ng bata—kapag hindi ginamit nang tama o ginamit nang hindi naman kinakailangan.” At maraming sakit ng mga bata, gaya ng karaniwang ubo, ang gumagaling sa ganang sarili kahit hindi na uminom ng gamot. “May ugali tayong lunasan ang anumang suliranin sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot,” ang sabi ni Lúcia Ferro Bricks, isang pedyatrisyan sa Children’s Institute of the Clinics’ Hospital sa São Paulo. Inaabuso rin ang paggamit ng mga suplemento sa pagkain, gayong sa karamihan ng pagkakataon ay nakasasapat naman sa mga pangangailangan ng bata ang tamang pagkain. “Kapag nagpapareseta sa akin ng bitamina ang mga magulang, sinasabi ko sa kanila na kumuha ng maraming prutas at gawing masustansiyang inumin ang katas nito para sa bata,” ang sabi ni Bricks.