Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 7/22 p. 10-11
  • Malapit Na—Wakas ng Lahat ng Kasakunaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na—Wakas ng Lahat ng Kasakunaan
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Babalang Tanda sa Ating Panahon
  • Paninirahan sa Anino ng Natutulog na Higante
    Gumising!—2007
  • Pakikinggan Mo ba ang Babala ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pakikinggan Mo Ba ang Babala ng Napipintong Malaking Kapahamakan?
    Gumising!—1987
  • Malapit Na Ba ang Katapusan ng Mundo?
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 7/22 p. 10-11

Malapit Na​—Wakas ng Lahat ng Kasakunaan

“Mga anak at mga apo. Makinig kayo! . . . Sasabog ang bulkang ito sa malao’t madali. Subalit bago ito maganap ay dadagundong at huhugong at lilindol. Magbubuga ito ng usok at apoy at kidlat, hahampas at uugong at huhuni ang hangin. Tumakas kayo hangga’t magagawa ninyo . . . Kung mamaliitin ninyo ito, kung mas mahalaga pa sa inyo ang mga ari-arian at kasangkapan kaysa sa buhay, parurusahan nito ang inyong pagwawalang-bahala at kasakiman. Huwag ninyong intindihin ang inyong apuyan at tahanan, kundi tumakas nang walang pag-aatubili.”

ANG babalang iyan, mula sa aklat na Earth Shock, ni Andrew Robinson, ay iniukit sa isang lapida sa Portici​—isang bayan sa paanan ng Bundok Vesuvius sa Italya​—pagkatapos sumabog ang bulkan noong 1631. Mahigit 4,000 katao ang namatay sa pagsabog na iyon. “Sa di-inaasahan,” ang sabi ni Robinson, “ang pagsabog na iyon noong 1631 . . . ang dahilan kung kaya naging kilalá ang Vesuvius.” Paano nagkagayon? Ang pagtatayong muli sa Portici ay humantong sa pagkakatuklas sa Herculaneum at Pompeii. Nawasak at natabunan ang dalawang lunsod na ito nang sumabog ang Vesuvius noong 79 C.E.

Si Pliny na Nakababata, isang Romanong nakaligtas sa kasakunaang iyon at naging gobernador nang maglaon, ay sumulat hinggil sa di-pangkaraniwan at nagbababalang mga pagyanig. Siya, ang kaniyang ina, at ang iba pa ay tumugon sa babalang iyon at nakaligtas.

Isang Babalang Tanda sa Ating Panahon

Sa ngayon, papalapit tayo nang papalapit sa wakas ng mga sistema ng ekonomiya, lipunan, at pulitika ng sanlibutan. Paano natin ito nalalaman? Sapagkat inihula ni Jesu-Kristo ang sunud-sunod na pangyayari sa daigdig na magbibigay ng tandang nagpapahiwatig na malapit na ang araw ng pagtutuos ng Diyos. Gaya ng bulkan na umuugong, umuusok, at naglalabas ng baga, kalakip sa tandang iyon na binubuo ng maraming bahagi ang malalaking digmaan, lindol, taggutom, at mga salot​—na pawang sumasalanta sa daigdig sa antas na wala pang katulad mula noong taóng 1914.​—Mateo 24:3-8; Lucas 21:10, 11; Apocalipsis 6:1-8.

Subalit kasama rin sa babalang tanda ni Jesus ang mensahe ng pag-asa. “Ang mabuting balitang ito ng kaharian,” ang sabi niya, “ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Pansinin na tinawag ni Jesus ang mensahe ng Kaharian bilang “mabuting balita.” Talagang mabuting balita ito sapagkat babaligtarin ng Kaharian ng Diyos, isang makalangit na pamahalaan na pinamumunuan ni Kristo Jesus, ang lahat ng pinsalang ginawa ng tao. Bukod diyan, pahihintuin nito ang likas na mga kasakunaan.​—Lucas 4:43; Apocalipsis 21:3, 4.

Sa katunayan, noong narito siya sa lupa bilang tao, ipinakita ni Jesus na kontrolado niya ang lagay ng panahon nang patahimikin niya ang isang nakamamatay na bagyo. Dahil sa panggigilalas, ganito ang sinabi ng kaniyang nahintakutang mga alagad: “Sino nga bang talaga ito, sapagkat inuutusan niya maging ang mga hangin at ang tubig, at ang mga ito ay sumusunod sa kaniya?” (Lucas 8:22-25) Sa ngayon, si Jesus ay hindi na isang tao lamang, kundi isang makapangyarihang espiritu. Kaya madali lamang niyang makokontrol ang likas na mga elemento upang hindi makapinsala sa kaniyang mga nasasakupan!​—Awit 2:6-9; Apocalipsis 11:15.

Maaaring sabihin ng ilan na ilusyon lamang ang lahat ng ito. Subalit tandaan na ang mga hula sa Bibliya​—di-gaya ng mga pangako at prediksiyon ng tao​—ay natupad na lahat, kasali na ang mga hula na nakikita nating natutupad mula noong 1914. (Isaias 46:10; 55:10, 11) Oo, tiyak na ang mapayapang kinabukasan ng lupa. Makatitiyak din tayo sa ating kinabukasan kung isasapuso natin ang Salita ng Diyos at bibigyang-pansin ang maibiging babala nito hinggil sa napakahalagang mga pangyayaring malapit nang maganap.​—Mateo 24:42, 44; Juan 17:3.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

ANO ANG PAG-ASA PARA SA ATING NAMATAY NANG MGA MAHAL SA BUHAY?

KAPAG namatay ang isa nating mahal sa buhay, maaaring madaig tayo ng pagdadalamhati. Sinasabi sa atin ng Bibliya na lumuha si Jesus nang mamatay ang kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro. Gayunman, makalipas lamang ang ilang minuto, nagsagawa si Jesus ng isang kagila-gilalas na himala​—binuhay niyang muli si Lazaro! (Juan 11:32-44) Sa paggawa nito, binigyan niya ang buong sangkatauhan ng matibay na saligan upang manampalataya sa kamangha-manghang pangakong binitiwan niya noong maagang bahagi ng kaniyang ministeryo nang sabihin niya: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Ang mahalagang pag-asa sa pagkabuhay-muli sa paraisong lupa ay umaliw nawa sa lahat ng namatayan ng mga mahal sa buhay.​—Gawa 24:15.

[Mga larawan sa pahina 10]

Nagbibigay-pansin ka ba sa babala na ang kasalukuyang daigdig ay nasa mga huling araw na nito?

[Picture Credit Line sa pahina 10]

USGS, David A. Johnston, Cascades Volcano Observatory

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share