Ang Mirasol—Maganda Na, Kapaki-pakinabang Pa
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Switzerland
KARANIWAN nang sumasaya tayo kapag maaliwalas at maaraw. Kaya hindi kataka-taka na nasisiyahan din ang mga tao sa palibot ng daigdig sa bulaklak na sumusunod sa araw—ang mirasol! Ang masaya at tila nakangiting mukha ng mirasol (sunflower) sa hardin ay nakapagpapasigla. Lalo na ang isang malawak na bukiring punung-puno ng kanilang matingkad na dilaw na mga bulaklak!
Subalit alam mo ba kung paano naging napakapopular ng kaiga-igayang halaman na ito? Talaga bang humaharap ito sa araw? At talaga nga bang kapaki-pakinabang ito?
Paglalakbay sa Palibot ng Daigdig
Ang orihinal na tahanan ng mirasol ay mula sa Sentral Amerika hanggang sa lugar na ngayo’y timugang Canada. Ang mga Indian ang nagtatanim doon ng mirasol. Matapos dalhin ng mga manggagalugad na Kastila ang halaman patawid sa Atlantiko noong 1510 C.E., mabilis itong lumaganap sa buong kanlurang Europa. Noong una, ang mirasol ay itinuturing na palamuti lamang sa botanikal at pribadong mga hardin. Subalit pagsapit ng mga kalagitnaan ng ika-18 siglo, ang mga buto nito ay itinuring na masarap na pagkain. Ginamit din ng mga tao noong panahong iyon ang mga dahon at bulaklak nito sa paggawa ng mga tsa na panlaban sa lagnat.
Noong 1716, isang taga-Inglatera ang nakakuha ng lisensiya upang magproseso ng langis mula sa mirasol para magamit sa industriya ng paghahabi at pagkukulti. Gayunman, halos hindi kilala ang langis ng mirasol sa iba pang bahagi ng Europa hanggang noong ika-19 na siglo. Totoo, nag-uwi ng mga buto ng mirasol ang Ruso na si Czar Peter the Great mula sa Netherlands patungo sa Russia noong 1698. Gayunman, ang komersiyal na produksiyon ng mirasol sa Russia ay nagsimula lamang noong mga taon ng 1830. Makalipas ang ilang taon, nagpoproseso na ng libu-libong tonelada ng langis ng mirasol ang rehiyon ng Voronezh sa Russia. Di-nagtagal, itinatanim na rin ang mirasol sa kalapit na Bulgaria, Hungary, Romania, Ukraine, at sa dating Yugoslavia.
Kabalintunaan naman, sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang nandarayuhang mga Ruso pa ang muling nagpakilala ng mirasol sa Hilagang Amerika. Huminto sa pagtatanim ng mirasol ang sinaunang mga nakikipamayan sa kontinente, di-gaya ng mga Indian. Sa ngayon, nagkalat ang malalawak na bukirin ng mirasol sa lupain ng mga bansa sa palibot ng globo.
Sumusunod Ito sa Araw
Talaga bang humaharap sa araw ang mirasol? Oo! Kapuwa ang mga dahon at bulaklak nito ay heliotropic, samakatuwid nga, sumusunod sa liwanag ng araw. Ang halaman ay nag-iimbak ng auxin, isang hormon sa halaman na kumokontrol sa paglaki nito. Dahil mas maraming auxin ang nasa panig ng halaman na hindi nasisikatan ng araw, tumutubo ang katawan nito patungo sa direksiyon ng liwanag. Gayunman, kapag namukadkad na nang husto ang mga bulaklak, hindi na heliotropic ang mga ito kundi karaniwang nakaharap na lamang sa silangan.
Ang pangalan ng mirasol sa wikang Latin, na Helianthus annuus, ay hinango mula sa mga salitang Griego na nangangahulugang “araw” at “bulaklak” at sa salitang Latin na nangangahulugang “taunan.” Ang bulaklak ay karaniwan nang tumataas nang mga dalawang metro, subalit ang ilang higanteng ispesimen ay tumataas nang mahigit sa dalawang beses nito. Ang matibay nitong katawan at ang magaspang at berdeng mga dahon ay nakokoronahan ng malaki at bilog na bulaklak na may matitingkad na dilaw na mga talulot. Nakapalibot ito sa kulay-kapeng pinakagitna na binubuo ng mas maliliit at tulad-tubong mga bulaklak. Kapag nagsagawa na ng polinisasyon ang mga insekto, ang mas maliliit na bulaklak na ito ay nagiging mga buto ng mirasol na maaari nang kainin. Maaaring magkaiba-iba ang diyametro ng pinakagitna ng mirasol mula 5 hanggang 50 sentimetro at maaaring magluwal ng 100 hanggang 8,000 buto.
Napakaraming uri ng Helianthus, at nakagagawa pa rin ng bagong mga uri buhat sa dalawang magkaibang klase ng mirasol. Karaniwan na, dalawang uri lamang ang itinatanim para sa agrikultura. Ang isa ay ang Helianthus annuus, na pangunahin nang itinatanim para sa produksiyon ng langis ng mirasol. Ang isa naman, ang Helianthus tuberosus, ay itinatanim dahil sa lamang-ugat nito na tila patatas. Ginagamit ang mga ito bilang pagkain ng mga alagang hayop at sa produksiyon ng asukal at alkohol.
Pakinabang sa Ekonomiya
Ang karamihan ng mga mirasol sa ngayon ay itinatanim dahil sa buto ng mga ito, na napagkukunan ng ekselenteng langis. Ginagamit ang langis ng mirasol sa pagluluto, sa sarsa ng ensalada, at sa margarina. Napakasustansiya ng mga butong ito, anupat may 18 hanggang 22 porsiyentong protina at iba pang nutriyente.
Gustung-gusto ng maraming tao bilang kukutin ang mga buto ng mirasol na tinusta nang bahagya at nilagyan ng kaunting asin. Ang harinang gawa sa mga buto ng mirasol ay inihahalo sa paggawa ng tinapay. Karagdagan pa, ang langis ng mirasol ay isinasangkap sa shampoo, lip balm, losyon sa kamay at katawan, at mga produkto sa pangangalaga sa sanggol. Ginagamit pa nga ito sa paggawa ng langis para sa mga motor na pang-industriya. Ang mga buto ng mirasol ay ginagamit ding patuka sa mga ibon at pagkain ng maliliit na hayop.
Ang bukid ng mirasol ay paraiso ng mga pukyutan—ang isang ektarya ng mirasol ay mapagkukunan ng 25 hanggang 50 kilo ng pulot-pukyutan. Pagkatapos ng anihan ng mirasol, ang naiwang mga tangkay ay 43 hanggang 48 porsiyentong cellulose, na magagamit sa paggawa ng papel at iba pang mga produkto. Ang natirang mga bahagi ng mirasol ay maaaring gawing kumpay para sa mga alagang hayop o abono.
Walang alinlangan, ang mirasol ay talagang mahalagang kaloob para sa sangkatauhan. Ang kagandahan nito ay nagbigay-buhay sa masining na mga gawang-kamay, gaya ng ipinintang larawan na “Sunflowers” ni Vincent van Gogh. Saanman nakatanim ang mirasol, waring pinasisikat nito ang araw sa ating tahanan at hardin. Ang masayahing mukha ng mirasol at ang maraming gamit nito ay maaaring maalaala natin kapag ating binabasa ang mga salita ng salmista: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin . . . Ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.”—Awit 40:5.