Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/8 p. 23-25
  • Magpasibol ng Iyong Sariling Toge

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magpasibol ng Iyong Sariling Toge
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paghahanda
  • Pagpapatubo ng Iyong Sariling Sibol
  • Kung Paano Ihanda ang mga Toge
  • Mga Imbakan ng Binhi—Isang Pakikipagpunyagi sa Panahon
    Gumising!—2002
  • Dapat Diligin ang mga Binhi Upang Lumago
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
  • Paghahasik ng mga Binhi ng Katotohanan ng Kaharian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Lentehas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/8 p. 23-25

Magpasibol ng Iyong Sariling Toge

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAWAII

KUNG minsan ba’y nahihirapan kang maghanap sa inyong palengke ng mga gulay na sariwa, malutong, at masustansiya? Buweno, huwag nang maghanap pa! Sa kaunting panahon at pagod, makapagpapasibol ka ng mga gulay sa inyo mismong tahanan o apartment. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapasibol ng mga toge!

Ang mga toge ay napakadaling alagaan anupat magagawa ito ng isang bata. Nangangailangan ang mga ito ng maliit lamang na lugar, hindi kailangang bungkalin, hindi kailangang alisan ng damo, at hindi kailangan ng kung anu-anong kemikal. Higit sa lahat, makakain mo ang iyong pinasibol sa loob ng apat o limang araw lamang pagkatapos na ito’y tumubo! Subalit ang mga pakinabang ay higit pa kaysa kadalian nitong pasibulin.

Una sa lahat, ang mga toge ay masustansiya​—marahil mas masustansiya pa kaysa karaniwang balatong o mga binhi. Ganito ang sabi ng The Beansprout Book, ni Gay Courter: “Kapag nagsimulang sumibol ang mga binhi, ang mga bitaminang taglay nito ay nagsisimula ring dumami. Ang unang supang ng mga balatong (sa bawat 100 gramo [mga 4 na onsa] ng binhi) ay nagtataglay ng 108 miligramo lamang ng bitamina C ayon sa isang pagsusuri na isinagawa ng University of Pennsylvania. Subalit pagkaraan ng 72 oras ang taglay na bitamina C ay tumataas ng 706 na miligramo!”

Ang mga toge ay matipid din naman. Sa katunayan, marahil ay taglay mo na ang lahat ng kagamitang kakailanganin mo.

Ang Paghahanda

Una, kailangan mo ng isang lalagyan. Ang isang malaking babasagin o plastik na garapon, isang palayok, isang babasagin o seramik na mangkok, o isang malukong na lalagyan ay makasasapat na. Maaari pa ngang gumamit ng isang malanday na lalagyan, na ikinakalat ang isang suson ng mga binhi sa pagitan ng dalawang suson ng basang katsa o paper towel upang maiwasan ang matuyuan. Anumang lalagyan ang iyong pinili, tiyakin na ito’y malaki-laki upang mapasibol ang binhi at magkaroon pa rin ng lugar upang mapasok ng hangin ang mga ito. Natuklasan ko na mas mabuting lalagyan ang isang babasaging garapon para sa maliliit na binhing gaya ng alfalfa. Ang mas malalaking binhi, gaya ng munggo, ay mas madaling sumibol sa malukong na lalagyan o palayok. Ito’y naglalaan ng karagdagang lugar na kailangan ng mga ito at iniingatan ang mga binhi mula sa pagkabulok o pangangasim.

Kakailanganin mo rin ang isang takip para sa iyong lalagyan. Ang isang plastik na iskrin, isang piraso ng katsa, o maging isang lumang nylon stocking ay sapat na. Ang kailangan lamang ay isang matibay na lastiko o panali na ilalagay sa pinakabibig ng lalagyan. Mangyari pa, habang nangangailangang hugasan ang mga binhi nang di-kukulangin sa dalawang beses sa isang araw, kakailanganin mo rin ang tubig at marahil isang salaan upang alisan ng tubig ang lalagyan.

Sa kahuli-hulihan, kakailanganin mo ang mga binhi. Halos ang anumang makakaing binhi ay maaaring pasibulin. (Subalit, ako’y nag-iingat upang maiwasan ang mga binhi na nilagyan ng mga kemikal.) Ang pinakamabuting mga binhi para subukin ng isang nagpapasimula ay ang munggo o binhi ng alfalfa. Napakadaling pasibulin ng mga ito at napakasarap! Ngayon, hayaan mong sabihin ko sa iyo kung paano ito gagawin.

Pagpapatubo ng Iyong Sariling Sibol

UNANG ARAW: Una, hugasang mabuti ang mga binhi. Pagkatapos, lagyan ng tubig ang iyong lalagyan hanggang sa matakpan ang mga binhi o balatong nang halos limang centimetro. Ibabad ang mga binhi nang di-kukulangin sa walo o sampung oras. Maaari mong ibabad ang mga binhi bago matulog sa gabi. Pagkalipas ng walo o sampung oras, uumbok ang mga binhi at ang balat ay bubuka nang bahagya. Handa nang pasibulin ang mga ito.

IKALAWANG ARAW: Sa umaga, hawakang mabuti ang takip at alisin ang tubig sa lalagyan. (Yamang ang tubig ay nagtataglay ng mga bitamina, karaniwang ipinandidilig ko ito sa aking mga halaman.) Ngayon, palitan ng tubig ang lalagyan. Alugin ito nang ilang ulit, at itiwarik ito, anupat hinahayaang maalis ang sobrang tubig. Paulit-ulit na lagyan ng tubig ang lalagyan, na hinuhugasan at inaalisan ng tubig ang mga binhi ng tatlong ulit sa kabuuan. Kung nailipat mo na ang ibinabad na mga binhi sa isang malanday na lalagyan, dahan-dahang ibuhos ang tubig sa katsa, at alisan ito ng tubig sa pamamagitan ng pagtagilid sa lalagyan. Pagkatapos, ulitin muli ang paghuhugas upang mahugasang mabuti ang mga binhi nang dalawang ulit sa isang araw.

IKATLONG ARAW: Sa ngayon, dapat ay nakikita mo nang sumisibol ang iyong mga binhi. Patuloy na hugasan ang mga ito nang dalawang ulit sa isang araw.

IKAAPAT NA ARAW: Makakain mo na ang iyong mga toge! Maaari mo pang palaki-lakihin ang iyong toge ng munggo nang hindi pumapait ang lasa ng mga ito. Basta tiyakin mo lamang na hugasan ang mga toge nang dalawang ulit araw-araw. Maaari mo ring paarawan ang iyong mga toge sa loob ng isang oras at pagkatapos ay ilagay ang mga ito sa repridyereytor. Ang mumunting dahon ay magkakaroon ng magandang luntiang kulay​—nakatatakam!

Dahil sa nagtagumpay ka, baka ibig mo ngayong subukin na mag-eksperimento sa iba pang uri ng butil at mga binhi. Ang bawat isa ay may kaunting pagkakaiba sa lasa at sa panahon ng pagpapasibol. Halimbawa, maaari mong subuking magpasibol ng may balat na mga binhi ng sunflower. Ang mga toge na ito ay pinakamabuting kainin sa loob ng dalawang araw, kapag ang mga ito’y kalahating pulgada lamang ang haba. Kapag ang mga ito’y mas lumaki pa kaysa riyan, papait na ang lasa nito.

Kung Paano Ihanda ang mga Toge

Ang karamihan ng mga toge ay makakain ng hilaw sa mga ensalada, sandwits, o anumang pagkain na nilalagyan ng mga balatong at mga binhi. Subalit, ang toge ay maaaring pasingawan sa loob ng 10 hanggang 15 minuto bago kainin. O maaari mong sandaling igisa ito sa kaunting mantika, bawang, at asin. Magiging napakasarap na pagkain nito! Ang toge ng trigo at ng rye ay napakatamis at mabuting idagdag sa mga tinapay at muffin.

Sa gayon ang pagpapasibol ay isang libangang nakapagpapalusog at matipid. Talagang masusumpungan mo na kasiya-siya at isang kapaki-pakinabang ang paggawa ng gayon. Tutal, marami ang nagtatagumpay at napakasarap ng resulta!

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Mga Disenyo sa Istensil sa Hapon

[Larawan sa pahina 24]

UNANG ARAW: Tipunin ang mga binhi at ibabad sa tubig sa loob ng walo hanggang sampung oras

[Larawan sa mga pahina 24, 25]

IKALAWA AT IKATLONG ARAW: Hugasang mabuti ang mga binhi nang dalawang ulit sa isang araw

[Larawan sa pahina 25]

IKAAPAT NA ARAW: Ang mga toge (makikita rito mula sa tabi, na nasa katsa) ay handa nang kainin!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share