Dapat Diligin ang mga Binhi Upang Lumago
1. Ano ang dapat diligin upang lumago?
1 Ang mga binhing itinanim sa hardin ay dapat diligin upang lumago. Totoo rin ito sa mga binhi ng katotohanan na itinanim sa puso ng mga tao sa ating teritoryo. (1 Cor. 3:6) Dapat tayong dumalaw-muli at diligin ang makasagisag na mga binhi gamit ang Salita ng Diyos kung nais natin itong mag-ugat at lumago.
2. Paano tayo makapaglalatag ng pundasyon para sa susunod na pagdalaw?
2 Magbangon ng Tanong: Kapag naghahanda ng iyong presentasyon, bakit hindi rin maghanda ng nakapupukaw-interes na tanong na sasagutin mo sa pagdalaw-muli? Itanong ito sa pagtatapos ng unang pakikipag-usap, at gumawa ng tiyak na kaayusan para bumalik. Nakatulong sa marami na pumili nito mula sa aklat na Itinuturo ng Bibliya na magbibigay sa kanila ng pagkakataon na maitanghal ang isang pag-aaral sa Bibliya.
3. Anong impormasyon ang maaaring irekord tungkol sa nagpakita ng interes?
3 Gumawa ng Rekord: Pag-alis mo, matapos ang inyong unang pag-uusap, maglaan ng panahon para gumawa ng rekord. Isulat ang kaniyang pangalan at adres. Makabubuting itala rin ang petsa at oras na nakausap mo siya, ano ang napag-usapan ninyo, at anong literatura ang naipasakamay mo, kung mayroon man. Binanggit ba niya kung ano ang kaniyang relihiyon? May pamilya ba siya? Binanggit ba niya ang kaniyang mga interes at ikinababahala? Tutulong ang mga impormasyong ito para maibagay mo ang iyong sasabihin sa susunod mong pagdalaw. Isulat din kung kailan ka babalik at anong tanong ang sasagutin mo.
4. Pagdating sa pagsubaybay sa interes na ipinakita, bakit dapat tayong magmatiyaga?
4 Magmatiyaga: Hindi hihinto si Satanas sa pagsisikap niyang ‘kunin ang salitang’ naitanim sa puso ng tao. (Mar. 4:14, 15) Kaya huwag sumuko kapag nahihirapan kang masumpungang muli sa bahay ang taong interesado. Maaari ka bang magpadala ng sulat o mag-iwan ng maikling sulat sa pinto? Isang payunir ang nakapagpasimula ng pag-aaral sa isang babae sa may pintuan ngunit hindi na niya muling nasumpungan sa bahay, kaya sinulatan niya ito. Nang masumpungan siya sa wakas ng sister, gayon na lamang ang pasasalamat ng babae sa personal na interes na ipinakita sa kaniya. Habang dinidilig natin ang mga binhi ng katotohanan, magkakaroon tayo ng kagalakang makita ang mga ito na sumibol, lumago sa pagkamaygulang, at “nagbubunga ng tatlumpung ulit at animnapu at isang daan.”—Mar. 4:20.