Balikan ang mga Interesado—Kailan?
1. Ano ang kailangan sa paggawa ng mga alagad?
1 Mahalaga sa paggawa ng mga alagad ang pagbalik-muli sa sinumang nagpakita ng interes na matuto tungkol sa Kaharian ni Jehova. (Mat. 28:19, 20) Ang pinakamainam na panahon para bumalik ay karaniwan nang nakadepende sa iskedyul natin at ng taong interesado. Pero bakit dapat tayong bumalik agad?
2, 3. Bakit dapat tayong bumalik agad?
2 Bakit Dapat Bumalik Agad? Ang pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” ay malapit nang matapos. Malapit na rin ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. (Mat. 24:14; 1 Ped. 4:7) Kaya hangga’t mayroon pang “isang araw ng kaligtasan” para sa mga taong interesado, dapat nating ‘ipangaral ang salita nang apurahan,’ at kabilang dito ang pagbalik agad para linangin ang interes ng mga tao.—2 Cor. 6:1, 2; 2 Tim. 4:2.
3 Nag-aabang si Satanas para kunin ang anumang binhi ng Kaharian na naihasik natin sa puso ng interesado. (Mar. 4:14, 15) Madalas na tinutuya ng mga kapamilya, katrabaho, at iba pa ang mga nagpakita ng interes. Kung babalikan natin sila agad, maaagapan natin ang kanilang interes at hindi magkakaroon ng pagkakataon ang iba na alisin ito.
4. Sa unang pagdalaw, ano ang dapat nating gawin para makabalik muli?
4 Mag-set ng Araw at Oras: Bago umalis, makabubuting mag-set ng araw at oras kung kailan ka babalik. Mag-iwan ng tanong na sasagutin mo sa susunod na pagdalaw. Mahalaga na mag-ingat ka ng rekord. Kung ayos sa iskedyul mo, maaari mong itanong kung puwede kang bumalik kinabukasan o sa lalong madaling panahon. Kung Sabado o Linggo mo siya nakausap at nagtatrabaho siya nang buong linggo, baka pumayag siya na sa ganoong araw ka rin bumalik. Kapag nangako ka, siguraduhin mong babalik ka.—Mat. 5:37.
5. Bakit ang pagbalik agad ay mahalaga sa pagtupad sa atas na gumawa ng mga alagad?
5 Mas maganda kung binabalikan natin agad ang mga interesado. Kaya makipag-set ng araw at oras at tiyakin mong babalik ka, dahil “ang panahong natitira ay maikli na.” (1 Cor. 7:29) Miyentras binabalikan natin agad ang mga interesado, mas magiging mabunga ang ating pagsisikap.