Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Pagsubaybay Kaagad sa Interes
1 May apurahang pangangailangan upang masumpungan ang mga nalalabi sa “nagbubuntong hininga at nagsisidaing” sa kabulukan ng Sangkakristiyanuhan. (Ezek. 9:4) Tunay na “ang buong sanlibutan ay nakahilig sa kapangyarihan ng balakyot na isa,” anupa’t ang mga tao saan mang dako ay nangangailangan sa Kaharian. (1 Juan 5:19) Matutulungan natin sila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mabisang mga pagdalaw-muli. Ang pagsubaybay kaagad sa interes ay maaaring magligtas ng buhay.
DUMALAW KAAGAD
2 Kapag kayo ay gumagawa ng pagdalaw-muli karakaraka pagkatapos ng unang pagdalaw, malamang na matandaan ng maybahay ang paksa na inyong tinalakay. Nagiging madali para maipagpatuloy ang pag-uusap at mapasulong nang higit pa ang interes. Maaaring mapalaki ninyo ang kanilang interes bago pa makapagpasok ang iba ng negatibong kaisipan sa kanila.
3 Habang naglilingkod sa larangan nang araw ng Lunes, isang kapatid na babae ang nakapagpatotoo sa isang kabataang ina na nasisiraan ng loob. Siya’y muling dumalaw noong Huwebes at napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi ng babae na hindi kailan man nasagot nang napakaliwanag kagaya nito ang kaniyang mga katanungan sa Bibliya. Isa pang pagdalaw ang ginawa noong Biyernes upang itawag ng pansin ang paksa sa pag-aaral ng Bantayan sa Linggo. Dumalo ang babaing iyon noong Linggo at nagpatuloy na gumawa ng espirituwal na pagsulong. Kung tayo ay maghihintay nang lubhang matagal bago dumalaw-muli sa mga taong interesado, ang panimulang interes nito ay daling mawawala at mahirap na buhaying muli.
4 Sa unang pagdalaw, maaaring gumawa ng isang tiyak na kaayusan ukol sa pagdalaw-muli. Maaaring magawa ito sa pamamagitan ng pagbabangon ng katanungan na aakay sa kaniyang mag-isip at pagkatapos ay mangakong babalik-muli upang sagutin iyon. Pagkatapos ay gumawa ng kaayusan sa tiyak na oras sa susunod na linggo, o maging sa susunod na araw hangga’t maaari.
SUBAYBAYAN ANG LAHAT NG INTERES
5 Karagdagan pa doon sa mga tumanggap ng literatura, ang iba pa ay maaaring maging interesado sa mabuting balita at magnais na makipag-usap sa mga paksa ng Bibliya. Kung mahalata ninyong may interes, may mailagay mang literatura o wala, gawin ang pagsisikap na balikan at linangin ang interes. Hinahanap natin ang mga tao na interesado sa mabuting balita.
6 Isang espesyal payunir sa Korea ang nakasumpong ng isang babae na laging tumatanggi sa magasin. Subali’t nang maramdaman niyang interesado ang babae, itinabi niya ang mga magasin at tinalakay ang ilang parapo sa isa sa mga bukleta. Pagkatapos ng tatlong araw siya ay nagbalik para sa ikalawang pag-uusap. Di natagalan at ang babae ay nagkaroon ng isang pag-aaral sa Bibliya nang dalawang beses sa isang linggo. Sa loob ng apat na buwan siya ay nagpasimulang mangaral na sa iba sa kabila ng pagsalansang ng pamilya.
7 Kung talagang nais ninyong pasiglahin ang interes at makapagsimula ng mga pag-aaral, napakahalaga na kaagad ninyong subaybayan ang lahat ng interes. Ang pagsasagawa nito ay magdudulot ng maraming pagpapala mula sa kamay ni Jehova.