Ang mga Pagdalaw-Muli ay Umaakay sa mga Pag-aaral sa Bibliya
1. Bakit napakahalaga ng gawaing pagdalaw-muli?
1 Inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na hindi lamang mangaral kundi ‘gumawa rin ng mga alagad anupat tinuturuan sila.’ (Mat. 28:19, 20) Ang isang mangangaral ay naghahayag, subalit higit pa ang ginagawa ng isang guro. Siya ay nagtuturo, nagpapaliwanag, at nagbibigay ng patotoo. Ang isang paraan na tinuturuan natin ang iba ay sa pamamagitan ng mga pagdalaw-muli sa mga interesado taglay ang layuning makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kanila.
2. Sino ang dapat nating dalawing muli?
2 Sino ang dapat nating dalawing muli? Tiyaking mabalikan natin ang lahat ng tumanggap ng ating literatura o maging yaong mga nagpakita ng kaunting interes sa mabuting balita. Kung makasumpong ka ng interes kapag nagpapatotoo sa publiko, sikaping makuha ang adres o numero ng telepono ng indibiduwal upang malinang ang interes. Maging positibo sa pagbubukas ng mga pag-aaral sa Bibliya. Patuloy na hanapin ang mga tatanggap ng pag-aaral sa Bibliya, at malamang na masumpungan mo sila.—Mat. 10:11.
3, 4. Ano ang nasasangkot sa mabisang mga pagdalaw-muli?
3 Magpakita ng Personal na Interes: Ang paghahanda para sa mabisang pagdalaw-muli ay nagsisimula sa unang pagdalaw. Binibigyan ng pansin ng matagumpay na mga ebanghelisador kung saan interesado ang may-bahay, at ginagamit nila iyon na saligan para sa higit pang pag-uusap. Nasumpungan ng iba na kapaki-pakinabang ang magbangon ng isang tanong sa pagtatapos ng pagdalaw para pukawin ang pananabik ng may-bahay sa susunod na pagdalaw. Ang ating taimtim na interes sa mga tao ay magpapakilos sa atin na patuloy na isipin ang kanilang kapakanan kahit na umalis na tayo sa kanilang bahay, at inuudyukan tayo nito na bumalik agad. Kung posible, sikaping dumalaw-muli habang mainit pa ang kanilang interes—marahil kahit makalipas ang isa o dalawang araw.
4 Kapag dumadalaw-muli, sikaping ibatay ang pag-uusap sa nakaraan ninyong talakayan. Gawing tunguhin na ibahagi ang kahit man lamang isang nakapagpapatibay na maka-Kasulatang punto sa bawat pagkakataon, at maging handang makinig. Kilalaning mabuti ang may-bahay. Pagkatapos, sa susunod na mga pagdalaw, ibahagi ang Salita ng Diyos na tuwirang may kinalaman sa kaniyang mga ikinababahala.
5. Anong simpleng pamamaraan ang magagamit sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya?
5 Maging Palaisip sa Pagbubukas ng Pag-aaral sa Bibliya: Gawin ang mga pagdalaw-muli na may layuning makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Paano ito magagawa? Banggitin na ibig mong ibahagi ang isang kawili-wiling punto, at iharap ang parapo sa aklat na Kaalaman o brosyur na Hinihiling na iniisip mong makaaakit sa tao. Basahin ang parapo, isaalang-alang ang tanong, at ipakipag-usap ang isa o dalawang siniping kasulatan. Magagawa ito sa mismong pintuan sa loob ng lima o sampung minuto. Magtapos sa pamamagitan ng pagbabangon ng kasunod na tanong at paggawa ng mga kaayusan upang maipagpatuloy ang pag-uusap sa susunod na pagkakataon.
6. Paano natin maipakikita na nauunawaan natin ang kahalagahan ng mga pagdalaw-muli?
6 Ang paglinang sa lahat ng interes na masusumpungan natin ay isang mahalagang salik sa ating ministeryo. Kung gayon, maglaan ng panahon sa inyong lingguhang iskedyul para sa mga pagdalaw-muli. Ang paggawa nang gayon ay makadaragdag sa pagiging mabisa ng inyong ministeryo at magdudulot ng tunay na kagalakan.