Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Pagdalaw-muli
1 Bilang mga ministro ng mabuting balita, tayo ay pinag-utusan na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Kung gayon, ang mga pagdalaw-muli ay isang mahalagang bahagi ng ating paggawa ng mga alagad. Kapag gumagawa ng mga pagdalaw-muli, tayo ay dumadalaw sa mga tao na nagpakita ng interes sa pabalita ng Kaharian. Sila ay nangangailangan ng karagdagang espirituwal na pagkain at maging gising sa kanilang espirituwal na pangangailangan. (1 Ped. 2:2; Mat. 5:3) Ang mga pagdalaw-muli ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na mapunan ang pangangailangang ito habang tinutulungan natin ang mga tao na magtamo ng karunungan mula sa Salita ng Diyos.
2 Magplano nang patiuna. Maglaan ng panahon para sa mga pagdalaw-muli. Marami ang nagsaayos na gumawa ng mga pagdalaw-muli pagkatapos ng kanilang gawain sa bahay-bahay. Karagdagan pa, ang iba pang kaayusan ay maaaring gawin bawa’t linggo para sa gawaing ito. Nasumpungan ng iba na sa pamamagitan ng pagbabalik sa dakong takip-silim, malamang na matagpuan nila ang mga tao sa tahanan at mahusay ang kalagayan ng kaisipan nila, na handang makinig. Sa pamamagitan ng pagsisikap ninyo, ang pagkakataong makapagsimula ng pag-aaral sa Bibliya ay lumalaki.
3 Yamang tayo ay dumadalaw sa mga nagpakita ng kaunting interes, mayroon na tayong saligan para pasimulan ang usapan. Ang pag-iingat ng tumpak na rekord ng inyong napag-usapan sa unang pagdalaw ay mahalaga. Mas madali na muling buhayin ang kanilang interes sa pamamagitan ng pagtukoy sa nakaraan ninyong pag-uusap at mula doo‘y magpatuloy kayo. Pansinin ang kanilang sasabihin na magbibigay sa inyo ng himaton hinggil sa gusto nila at tunguhin sa buhay. Pagkatapos, sa tulong ng aklat na Reasoning maghanda ng karagdagang impormasyon. Ibangon ninyo ang mga puntong ito sa susunod ninyong pagdalaw at ibahagi sa kanila ang inyong inihanda. Ito’y magpapakita sa maybahay na kayo’y talagang interesado sa kanila.
4 Ang ilan ay nagkaroon ng suliranin sa muling paghanap sa taong interesado sa kanilang tahanan. Isang kapatid na babae ang nag-iwan ng magasin sa isang lalake subali’t sa sumunod na dalawang taon ay hindi niya nasumpungan ito sa tahanan. Nang masumpungan niya ito sa wakas, ito ay nagsabi sa kaniya na nasiyahan siya sa magasin at nagnanais siyang patuloy na tumanggap nito. Subali’t napakahirap pa rin siyang masumpungan dahilan sa eskedyul ng kaniyang trabaho. Sa dakong huli, matapos gumawa ng maraming pagsisikap upang makita siya, muli siyang nasumpungan ng kapatid na babae sa bahay na handang makipag-usap. Siya’y binati nito sa pamamagitan ng pagtatanong: “Ano ang dapat kong gawin upang maging isang Saksi?” Siya’y nag-aral at ngayon ay naglilingkod na bilang isang matanda. Pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng kapatid na babaeng ito. (Ecles. 11:1) Gayundin ang gagawin niya sa atin. Maaaring tamasahin natin ang gayunding mga pagpapala.
5 Ang mga tagapangasiwa sa paglilingkod ay makapagbibigay ng tulong sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli. Kapag dumadalaw sa mga grupo ng pag-aaral sa aklat, sila ay makapagbibigay ng pahayag hinggil sa kahalagahan ng mga pagdalaw-muli. Maaari nilang itanghal kung paano pasisimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya. Kapag nasa paglilingkod sa larangan, personal niyang matutulungan ang mga mamamahayag na gumawa ng mga pagdalaw-muli at magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
6 Oo, kung tayo’y lubos na naghahanda at regular na gumagawa ng mabisang mga pagdalaw-muli, aanihin natin ang bunga na magdudulot ng mayamang pagpapala kapuwa para sa atin ‘at doon sa mga makikinig sa atin.’—1 Tim. 4:16.